Ang Pagiging Palaisip sa Kaligtasan
Ang Pagiging Palaisip sa Kaligtasan
ANG paglipad nang 11 kilometro sa ibabaw ng lupa ay maaaring maging isang nakatatakot na karanasan para sa ilan. Waring nilalabag nito ang mga batas ng kalikasan. Habang lubhang sumusulong ang mga pamantayang pangkaligtasan at pagkamaaasahan ng paglalakbay sa himpapawid, nababawasan ang posibleng mga panganib ng mabilis na pagpasok sa atmospera ng isang eroplano. Subalit, paminsan-minsan ay ipinaaalaala sa atin ng malupit na mga katunayan na maaaring mangyari ang mga aksidente.
Pagdaig sa Takot
Sa kabila ng katunayang ito, mula pa noong unang panahon, ang tao ay nagpahayag na ng pagnanais na lumipad. Sanlibong taon bago si Kristo, sumulat si Haring David: “O kung may mga pakpak lamang sana ako na gaya ng kalapati! Lilipad ako.” (Awit 55:6) Gaya ng natalakay na, ginawa ng makabagong teknolohiya ang paglipad na isa sa pinakaligtas na mga paraan ng transportasyon. Hindi, hindi ito sakdal. Walang anumang bagay sa daigdig na ito ang ganap na ligtas o lubusang mahuhulaan.
Mahalagang tandaan ito kung nahihirapan tayong kumilos nang makatuwiran kapag iba ang may kontrol sa mga bagay-bagay. Maaaring
isipin ng ilang tao, ‘Mientras napangangasiwaan ko ang kalagayan dito, hindi gaanong nakatatakot ang situwasyon.’ Kung iyan ang kalagayan, mahihirapan ang gayong mga tao sa mga situwasyon kung saan wala silang gaano o wala silang pagkakataong mangasiwa. Inihaharap ng paglalakbay sa himpapawid ang gayong situwasyon.Sa kabila ng mga pagsisikap na pagbutihin ang kaligtasan sa paglipad, walang dako para maging kampante. Maaaring makipagtulungan ang lahat ng kasangkot sa paglalakbay sa himpapawid upang mabawasan ang potensiyal na mga panganib sa kaligtasan. Gayunman, nagbababala ang mga awtoridad hinggil sa nangyayaring mga banta. Ganito ang sabi ng isang matalinong kawikaan sa Bibliya: “Nakikita ng matalino ang panganib at nag-iingat.” (Kawikaan 22:3, New Living Translation) Matalinong kilalanin na may panganib na masasangkot sa halos anumang gawain. Kung mamalasin sa tunay na pangyayari, tandaan na ang pagsakay sa eroplano ay nangangailangan ng gayunding pag-iingat na gagawin mo upang pangalagaan ang iyong kaligtasan sa ibang situwasyon.
Malamang na mas napangangalagaan ng mga madalas sumakay sa eroplano ang kanilang sarili sa mahihirap na panahong ito. Ito’y dahil sa karaniwang mas pamilyar ang mga madalas maglakbay sa mga paliparan at sa eroplano kaysa sa ibang pasahero. Magagawa mong maging pamilyar at mahinahong gaya nila sa pamamagitan ng pagsunod sa simpleng mga hakbang na inilarawan sa kalakip na mga kahon.
Pagkilos Nang Walang Inaalala
Bagaman ang mga checkpoint sa seguridad ay nakatutulong at mahalaga, itinuturing ang mga ito ng ilang naglalakbay—lalo na yaong mga nagmamadali—na isang abala lamang. Palibhasa’y isinasaisip ang dagdag na seguridad sa karamihan ng paliparan, baka gugustuhin mong sundin ang sumusunod na mga mungkahi para sa mas mabilis na pagdaan sa mga checkpoint:
◼ Dumating nang maaga. Sa pamamagitan ng pagpaplanong magkaroon ng ekstrang panahon sa paliparan bago ang paglipad, hindi mo kailangang magmadali, makapagrerelaks ka, at maiiwasan mo ang kaigtingan na maaaring dumating dahil sa di-inaasahan o mahihirap na kalagayan.
◼ Kapag pumipili ng isang kompanya ng eroplano, humanap ng isa na karaniwang sinasakyan ng mga negosyante. Alam nila ang mga pasikut-sikot sa paglalakbay, kaunti lamang ang dala nilang bagahe, at nais nilang kumilos nang mabilis.
◼ Bago ka pumasok sa metal detector na lagusan, alisin ang mga bagay na inaakala mong magpapatunog sa alarma. Kasali rito ang mga susi, barya, alahas, at mga cell phone. Iabot ito sa isang attendant habang naghahanda kang pumasok sa lagusan.
◼ Ilagay ang mga bag at iba pang hinihilang maliliit na maleta sa conveyor belt nang pahiga hangga’t maaari; kung makita ng taong nasa likuran ng monitor ng X-ray ang magulong larawan, baka hilingin niya sa iyo na buksan at alisin ang laman ng bag mo o ilagay itong muli sa conveyor belt.
◼ Ipagbigay-alam sa attendant ang anumang di-pangkaraniwang bagay na inaasahan mong makatatawag-pansin, gaya ng antigong pilak na mandolin mula sa iyong lola. Dahil sa nasiyahan sa makatuwirang paliwanag para sa kakatwang hugis sa monitor, malamang na hindi na igiit ng attendant na suriin ito. Kung talagang gahol ka sa panahon, patiunang alisin ang bagay na ito mula sa maleta at hilingin na ito ay inspeksiyunin.
◼ Kapag tumunog ang alarma, makipagtulungan at agad na magpaliwanag. Kung nalalaman ng attendant na ang alarma ay dahil sa isang nabubukod na bagay at may kasamahan siya na may scanning wand, kakaway siya at papupuntahin ka sa kaniya.
◼ Ang isang tiyak na paraan upang hindi ka makasakay sa eroplano ay ang magbiro tungkol sa pagha-hijack o sa isang bomba. Bukod pa sa pagdaan sa mahigpit na pagsusuri ng mga opisyal ng seguridad sa paliparan, maaari kang makasuhan ng krimen.
Maging Ligtas Nawa ang Iyong Paglipad!
Puwede bang pumili ng isang ligtas na paglipad? Puwede. Anumang paglalakbay sa himpapawid ang piliin mo, malaki ang tsansa mong makalapag nang walang pinsala. Kung nagdududa ka, suriin mo ang rekord ng kaligtasan ng kompanya ng eroplano na balak mong sakyan. Isaisip na sa kabila ng mga aksidente sa himpapawid, ang pagsakay sa eroplano ang siya pa ring itinuturing na isa sa pinakaligtas na mga paraan ng paglalakbay.
Samantala, makaaasa tayo sa darating na panahon—sa ilalim ng pamamahala ng Diyos sa lupa—ng kaligtasan, katiwasayan, at pagtitiwala. Sa may-takot sa Diyos at mapayapang sambahayan, walang dako para sa sinuman na magsasapanganib sa buhay ng tao. Ang mga tao ay “magiging ligtas at tiwasay nang walang takot sa kasakunaan.”—Kawikaan 1:33, Holy Bible—Contemporary English Version. a
[Talababa]
a Para sa katulad na mga artikulo, tingnan ang “Ginagawang Mas Ligtas ang Paglalakbay sa Himpapawid,” Gumising!, Setyembre 22, 2000; “Gawing Ligtas ang Iyong Paglipad!” Gumising!, Setyembre 8, 2000; “Ano ang Kailangan Upang Mapanatiling Lumilipad ang mga Ito?” Gumising!, Setyembre 8, 1999; “Gaano Kaligtas ang mga Eroplano?” Gumising!, Marso 8, 1999; “Ang Takot sa Paglipad—Pinananatili Ka ba Nito sa Isang Lugar?” Gumising!, Setyembre 22, 1988.
[Kahon/Larawan sa pahina 10, 11]
ILANG TIP PARA SA KALIGTASAN
Sumakay sa eroplano na deretso ang biyahe. Ang karamihan sa mga aksidente ay nangyayari sa paglipad, pagtaas, pagbaba, o sa paglapag ng eroplano. Mababawasan ang pagkalantad sa pinakamapanganib na mga yugtong ito kung sasakay sa eroplano na deretso ang biyahe.
Piliin ang mas malaking eroplano. Ang eroplanong pampasahero na may mahigit sa 30 upuan ay karaniwang dinisenyo at garantisadong nakatutugon sa pamantayan ng mas mahigpit na mga regulasyon kaysa sa mas maliliit na eroplano. At kung mangyari ang isang malubhang aksidente, makapaglalaan ng mas mabuting pagkakataon ang mas malaking eroplano para sa kaligtasan ng pasahero.
Magbigay-pansin sa mga tagubilin bago ang paglipad. Bagaman ang impormasyon ay waring paulit-ulit, ang mga lokasyon ng pinakamalapit na mga emergency exit ay maaaring iba-iba depende sa eroplano at sa kinauupuan mo.
Huwag maglagay ng mabibigat na bagay sa lalagyan ng mga bagahe sa uluhan mo. Maaaring hindi kaya ng mga lalagyan ng mga bagahe sa uluhan mo ang masyadong mabibigat na bagay kapag maalog ang eroplano, kaya kung may dala kang isang bagay na mahihirapan kang buhatin at ilagay sa lalagyan ng mga bagahe sa uluhan mo, i-check in ito nang patiuna.
Panatilihing nakasuot ang iyong sinturong pangkaligtasan habang ikaw ay nakaupo. Ang pagpapanatiling nakasuot ang sinturong pangkaligtasan habang nakaupo ay naglalaan ng ekstrang proteksiyon na baka kailanganin mo sakaling maranasan ng eroplano ang di-inaasahang pag-alog.
Makinig sa mga tauhan ng eroplano. Ang pangunahing dahilan kung bakit nasa eroplano ang mga tauhan ng eroplano ay para sa kaligtasan, kaya kapag hiniling ng isa sa kanila na gawin mo ang isang bagay, gawin mo muna ito at saka ka na magtanong.
Huwag magdala ng anumang mapanganib na materyales. May mahabang listahan ng mga mapanganib na materyales na hindi maaaring dalhin, subalit sentido kumon ang magsasabi sa iyo na huwag magdala sa eroplano ng gasolina, nakaaagnas na mga materyales, nakalalasong gas, at iba pang nahahawig na mga bagay malibang ipinahihintulot ito ng kompanya ng eroplano at ipinadadala sa tamang sisidlan.
Huwag uminom nang labis. Mas malakas ang epekto sa iyo ng alak sa himpapawid kaysa sa kapantayan ng dagat gaano man karami ang inumin mo. Ang pagiging katamtaman ang matalinong gawin kapag sakay ng eroplano na nasa anumang altitud.
Manatiling alisto. Sakali mang magkaroon ng kagipitan, gaya ng biglaang paglikas bilang pag-iingat, dapat mong sundin ang mga tagubilin ng mga tauhan ng eroplano at karaka-rakang lumabas sa eroplano hangga’t maaari.
[Credit Line]
Pinagmulan: AirSafe.com
[Kahon/Larawan sa pahina 12]
PAGTULONG SA IYONG PAMILYA NA HUWAG MABAHALA
Kung ikaw ay naglalakbay, ganito mo matutulungan ang iyong pamilya upang huwag silang mabahala.
Kausapin ang iyong pamilya. Bago ka maglakbay, gumugol ng panahon na kasama ng iyong mga mahal sa buhay upang pag-usapan ang iyong kaligtasan gayundin ang sa kanila. Ipaliwanag ang bagong mga hakbang pangkaligtasan na naisagawa na at kung ano ang kahulugan nito para sa iyong kaligtasan samantalang naglalakbay.
Hayaang mong ipahayag nila ang kanilang mga ikinababahala. Hayaan mong sabihin ng iyong pamilya ang kanilang mga ikinababalisa. Mahal ka nila at nais lamang nila ang iyong kaligtasan. Makinig na mabuti nang hindi naman namimintas, na seryosong kinikilala ang lahat ng kanilang mga ipinangangamba at ikinababahala.
Magbigay ng matapat na katiyakan. Sabihin kung paanong sinisikap ng iba’t ibang ahensiya na hadlangan ang mga pagsalakay pa ng terorista. Kabilang sa mga pagsisikap na ito ang mas mahigpit na mga paraan sa seguridad sa mga paliparan gayundin sa loob ng mga eroplano. Napakaliit ng posibilidad na may masamang mangyari samantalang ikaw ay nasa eroplano.
Makipagtalastasan. Mangakong tatawag ka sa telepono pagdating mo sa iyong patutunguhan. Regular na tumawag sa bahay kapag ikaw ay malayo. Mahalaga rin na nalalaman ng pamilya mo kung paano ka matatawagan kung bumangon ang di-inaasahang mga pangyayari.
[Credit Line]
Kinuha mula sa United Behavioral Health Web site
[Mga larawan sa pahina 10]
Maging handang makipagtulungan sa mga “checkpoint” sa seguridad