Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Magpapasapit ng Namamalaging Kapayapaan?

Sino ang Magpapasapit ng Namamalaging Kapayapaan?

Sino ang Magpapasapit ng Namamalaging Kapayapaan?

BAKIT hindi sinasagot ng Diyos ang mga panalangin para sa kapayapaan na inusal ng mga lider ng iba’t ibang relihiyon sa daigdig? Ang Bibliya ay may kawili-wiling sagot. Hindi naman sa walang interes ang Diyos sa kapayapaan​—siya ang may higit na hangarin ukol sa kapayapaan kaysa sa mga klero na nananalangin hinggil sa bagay na iyan. Sa katunayan, gumawa na ang Diyos ng tiyak na mga kaayusan upang pasapitin ang pandaigdig na kapayapaan. Gumawa na siya ng siguradong mga hakbang ukol sa tunguhing iyan. Maliwanag niyang ipinabatid ang kaniyang mga intensiyon sa sangkatauhan. Gayunman, kalunus-lunos nga dahil sa labis na ipinagwawalang-bahala ng mga relihiyon sa daigdig ang sinabi ng Diyos.

Matagal nang ipinangako ng Diyos ang isang “binhi,” isang tagapamahala, na unti-unting inilalarawan ng Bibliya, anupat naglalaan ng higit at higit na impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan niya. (Genesis 3:15; 22:18; 49:10) Sumulat si propeta Isaias, na kilalá sa kaniyang pambihirang mga hula tungkol sa Mesiyas, na ang inihulang Lider na ito ay magiging “Prinsipe ng Kapayapaan” sa lupa at na sa ilalim ng kaniyang pamamahala, ‘hindi magkakaroon ng wakas ang kapayapaan.’ (Isaias 9:6, 7) Bilang isang makalangit na Tagapamahala, makikialam siya upang puksain ang kabalakyutan at upang gawing paraiso ang lupa, na wala nang kawalang-katarungan, sakit, karukhaan, o kamatayan. Ang kapayapaan at buhay na walang hanggan ay mananaig. (Awit 72:3, 7, 16; Isaias 33:24; 35:5, 6; Daniel 2:44; Apocalipsis 21:4) Kailan ito magaganap?

Malapit Na ang Pandaigdig na Kapayapaan

Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na bago ang wakas ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay at ang pasimula ng isang bagong lipunan ng mga tao ay magkakaroon muna ng kapansin-pansing hanay ng mga pangyayari na yayanig sa daigdig, na magaganap nang sabay-sabay sa loob ng iisang kapanahunan. (Mateo 24:3, 7-13) Marami sa mga pangyayaring ito​—mga digmaan, kakapusan sa pagkain, lindol, bilang pagbanggit sa ilan lamang​—ay bumangon paminsan-minsan sa bawat kapanahunan. Ngunit hindi kailanman sabay-sabay na puminsala ang mga ito sa pangglobong lawak na gaya sa ating kapanahunan. At ang epekto ng gayong mga kalamidad ay lalong higit na kapaha-pahamak kaysa noon dahil mas maraming tao sa lupa sa ngayon.

Ang isa pang pangyayari na inihula ng Bibliya ay ang kasalukuyang pagsira ng mga tao sa kapaligiran. (Apocalipsis 11:18) Karagdagan pa, bago ang inihulang wakas, isang pambuong-daigdig na gawaing pagbababala ang isasakatuparan, ang pangangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian.’ Isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang gawaing iyan sa buong daigdig.​—Mateo 24:14.

Ang katuparan ng mga hulang iyon ay nangangahulugan ng mabuting balita para sa tapat na sangkatauhan. Malapit na ang inihulang bagong sanlibutan ng ganap na kapayapaan! Iyan ang gagarantiya sa ganap at pangwakas na paglalaho ng poot at terorismo. Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”​—Isaias 11:9.

Mga Panalangin na Pinakikinggan ng Diyos

Ang pananalangin sa Diyos ay hindi naman isang walang-saysay na gawa o walang kabuluhang seremonya. Sa Bibliya, si Jehova ay tinatawag na “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Kaya sa anumang panahon ay nakikinig siya sa napakaraming panalangin na binibigkas ng taimtim na mga tao sa lupa. Gayunman, may mga kahilingan ba na kailangang maabot upang pakinggan ang mga panalangin? Ipinahihiwatig ng Bibliya na kailangang sundin ito ng tapat-pusong mga tao na natututo ng mga katotohanan sa Bibliya tungkol sa Diyos, anupat nagiging “mga tunay na mananamba,” na sumasamba sa kaniya “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23) Ang mga panalangin ng mga hindi gumagalang sa kaniyang mga kahilingan ay hindi pinakikinggan: “Siyang naglalayo ng kaniyang tainga sa pakikinig sa kautusan [ng Diyos]​—maging ang kaniyang panalangin ay karima-rimarim.”​—Kawikaan 28:9.

Kalunus-lunos, maraming relihiyosong lider sa ngayon ang hindi nagtuturo ni nananalangin hinggil sa layunin ng Diyos na magpasapit ng kapayapaan. Sa halip, ipinanalangin nila na malutas ng mga gobyerno ng tao ang gayong mga problema, samantalang maliwanag na sinasabi ng Salita ng Diyos na “hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”​—Jeremias 10:23.

Inihula na “sa huling bahagi ng mga araw,” sa ating kapanahunan, ang mga maibigin sa kapayapaan ay huhugos sa makasagisag na “bundok ng bahay ni Jehova”​—samakatuwid nga, sa tunay na pagsamba. Ang gayong mga tao ay gagawa ng malaking mga pagbabago sa kanilang buhay: “Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”​—Isaias 2:2-4.

Mayroon bang anumang grupo ng mga mananamba sa ngayon ang nagsisikap na sumunod sa mga salitang iyan? O binabanggit lamang ng lahat ng relihiyon ang tungkol sa kapayapaan samantalang itinataguyod ang digmaan? Sa susunod na makatagpo ka ng mga Saksi ni Jehova, inaanyayahan ka namin na ipakipag-usap sa kanila ang tungkol sa kapayapaan at alamin kung anong relihiyon ang nagtuturo sa mga tao na maging mapayapa sa lahat.