Isang Pambihirang Reunyon Makalipas ang 30 Taon
Isang Pambihirang Reunyon Makalipas ang 30 Taon
NOONG 1967 dalawang kabataang lalaki ang nagkita nang di-inaasahan. Sila ay inatasan na maging magkakuwarto sa Michigan Technical University sa Estados Unidos. Si Dennis Sheets, mula sa Lima, Ohio, ay 18 taóng gulang at nasa unang taon ng pag-aaral ng forestry. Ang 21 taóng gulang na si Mark Ruge ay nagmula sa Buffalo, New York. Siya ay nasa ikatlong taon ng pag-aaral ng inhinyeriya-sibil.
Nang panahong iyon, ang kanilang pagkakaibigan ay waring maikli at panandalian lamang. Wala sa dalawang kabataang ito ang nagpatuloy sa pag-aaral sa unibersidad; naghiwalay sila ng landas para itaguyod ang kani-kaniyang tunguhin. Mahigit na tatlong dekada ang lumipas. Pagkatapos, isang araw sa Dominican Republic, muling nagkita ang dalawang lalaki. May papel ang pagkakataon sa nakasosorpresang reunyon na ito. Ngunit may iba pang dahilan kaya nangyari ito. Ano iyon? Upang malaman ang sagot, sundan natin ang magkahiwalay na landas ng kanilang buhay.
Nagtungo sa Digmaan si Dennis
Umuwi si Dennis sa kanila matapos ang unang taon niya sa kolehiyo. Pagkatapos, noong Disyembre 1967, kinalap siya sa Hukbo ng Estados Unidos, at noong Hunyo 1968 ay ipinadala siya sa Vietnam. Doon ay nakita niya ang mga kakilabutan ng digmaan. Nang matapos ang kaniyang atas sa militar noong 1969, bumalik siya sa Estados Unidos at nang maglaon ay nakakuha siya ng trabaho sa isang malaking kompanya sa Ohio. Gayunman, hindi siya kontento.
“Ang pangarap ko noong bata pa ako ay lumipat sa Alaska at magkaroon ng homisted,” ang paliwanag ni Dennis. Kaya noong 1971, sinimulan niya at ng isang kaibigan sa haiskul na tuparin ang pangarap na iyon. Gayunman, sa halip na magkaroon ng homisted, pumasok siya sa iba’t ibang trabaho na mababa ang pasahod. Sa loob ng ilang panahon ay nanirahan pa nga siya sa isang tolda at nagtrabaho bilang tagapagbantay sa mga sunog sa kagubatan. Nagpahaba siya ng balbas at nagsimulang humitit ng marihuwana.
Noong 1972, nilisan ni Dennis ang Anchorage upang maranasan ang Mardi Gras (isang uri ng kapistahan) sa New Orleans, Louisiana. Pagkatapos niyan, nagtayo siya ng isang maliit na bahay sa kakahuyan ng Arkansas. Doon ay nagtrabaho siya sa paggawa ng balangkas ng mga bahay at bilang kantero. Noong Hunyo 1973, nakisakay si Dennis upang maglibot sa buong bansa para makita kung masusumpungan niya ang layunin ng buhay.
Sumali si Mark sa Kilusan Laban sa Digmaan
Nanatili si Mark sa unibersidad sa loob ng ilang semestre pag-alis ni Dennis ngunit naipasiya niyang ayaw niyang maging bahagi ng sistema na sumusuporta sa digmaan. Kaya umuwi siya sa Buffalo, kung saan nagtrabaho siya sa loob ng ilang panahon bilang kapatas sa isang planta ng bakal. Palibhasa’y nadidismaya pa rin dahil sa pakikidigma ng Estados Unidos, iniwan niya ang kaniyang trabaho, bumili ng motorsiklo, at naglakbay patungong San Francisco, California. Bagaman hindi nila natanto iyon noon, sina Dennis at Mark ay magkasabay na nasa San Francisco sa loob ng ilang panahon.
Gaya ni Dennis, si Mark ay nagpahaba ng balbas at buhok at nagsimulang gumamit ng marihuwana. Ngunit si Mark ay lubhang nasangkot sa kilusan laban sa digmaan, anupat nakikibahagi sa mga protesta at mga demonstrasyon. Pinaghahanap siya ng
FBI dahil sa pag-iwas na makalap sa hukbo, kaya sa loob ng ilang taon ay gumamit siya ng mga alyas upang huwag matunton. Itinaguyod niya ang hippie na istilo ng pamumuhay sa San Francisco. Doon, noong 1970, ay dumalaw sa kaniyang tahanan ang dalawang Saksi ni Jehova.Nagpaliwanag si Mark: “Marahil ay nadama nilang nagpakita ako ng kaunting interes, kaya bumalik sila. Wala ako sa bahay, ngunit nag-iwan sila ng isang berdeng Bibliya at tatlong aklat.” Gayunman, buhos na buhos si Mark sa pagiging aktibista sa pulitika at sa pagpapakasasa sa kaniyang sarili kaya wala siyang panahon para basahin ang mga iyon. Isa pa, puspusan siyang tinutugis ng FBI. Kaya sa paggamit ng isa pang alyas, lumipat siya sa Washington, D.C. Sinamahan siya roon ng kaniyang kasintahan, si Kathi Yaniskivis, na nakilala niya sa unibersidad.
Sa wakas, noong 1971, natagpuan ng FBI si Mark. Sinamahan siya ng dalawang agent ng FBI sa paglipad mula Washington, D.C., patungong New York at tiniyak na magpapatuloy siya hanggang sa Toronto, Canada. Maliwanag na hindi siya itinuturing ng FBI na isang banta sa kaayusang pambayan; nais lamang nilang umalis siya ng bansa. Nang sumunod na taon, nagpakasal sila ni Kathi, at lumipat sila sa Gabriola Island, British Columbia, Canada. Nais nilang takasan ang lipunan, gayunman nadama nilang may higit pang kahulugan ang buhay.
Naging mga Saksi Sila
Si Dennis, kung matatandaan mo, ay nakikisakay para maglakbay sa buong bansa upang hanapin ang layunin ng buhay. Sa kaniyang paglilibot ay nakarating siya sa Montana, kung saan nakahanap siya ng trabaho sa labas ng Chinook bilang katulong ng isang magsasaka kapag panahon ng pag-aani ng butil. Ang asawa ng magsasaka at ang anak nitong babae ay mga Saksi ni Jehova. Binigyan si Dennis ng Gumising! para basahin. Di-nagtagal, nakumbinsi siya na ang mga Saksi ay nagsasagawa ng tunay na relihiyon.
Dala-dala ang isang Bibliya, iniwan ni Dennis ang bukirin at lumipat sa Kalispell, Montana. Doon ay nadaluhan niya sa kauna-unahang pagkakataon ang pulong ng mga Saksi ni Jehova. Humiling siya ng isang pag-aaral sa Bibliya sa pulong na iyon. Di-nagtagal pagkatapos nito, ipinagupit niya ang kaniyang buhok at inahit ang kaniyang balbas. Noong Enero 1974 ay sumama siya sa gawaing pangangaral sa kauna-unahang pagkakataon, at nabautismuhan siya sa isang labangan sa Polson, Montana, noong Marso 3, 1974.
Samantala, sina Mark at Kathi, na naninirahan sa Gabriola Island, ay nagpasiya na yamang may panahon sila, susubukin nilang suriin ang Bibliya. Sinimulan nilang basahin ang King James Version ngunit nasumpungan nilang medyo mahirap maunawaan ang sinaunang Ingles. Pagkatapos ay naalaala ni Mark na nasa kaniya pa ang Bibliya at mga aklat na ibinigay sa kaniya ng mga Saksi ilang taon na ang nakalilipas. Binasa nila ang Bibliya lakip na ang mga aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan at Talaga nga Bang ang Bibliya ang Salita ng Diyos?, sina Mark at Kathi ay lubhang humanga sa kanilang natutuhan.
Ganito ang paliwanag ni Mark: “Lalo akong humanga sa bagay na binanggit ng aklat na Katotohanan ang isang grupo ng mga Kristiyano na hindi nakikipagdigma sa ilalim ng anumang mga kalagayan. Nadama ko na ang gayong mga tao ay nagsasagawa ng tunay na Kristiyanismo.” Di-nagtagal pagkatapos nito, bumalik sina Mark at Kathi sa Houghton, Michigan, upang dalawin ang pamilya ni Kathi—sa kabila ng panganib na maaresto. Doon, samantalang mukhang mga hippie pa rin, dumalo sila sa isang pulong ng mga Saksi. Tumanggap sila ng isang pag-aaral sa Bibliya at nag-aral noong buwan na sila ay nasa Michigan.
Pagbalik sa Gabriola Island, nakausap nila ang isang Saksi sa lansangan sa Nanaimo, British Columbia, at ipinaliwanag na nais nilang pagdausan sila ng pag-aaral sa Bibliya. Nang araw ding iyon, isang kotse na punô ng mga Saksi ang dumating sakay ng ferry upang makipag-ugnayan sa kanila, at isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Pagkatapos ng tatlong buwan, sina Mark at Kathi ay nagsimula sa gawaing pangangaral. Tatlong buwan pagkatapos niyaon, noong Marso 10, 1974, silang dalawa ay nabautismuhan. Iyon ay isang linggo pagkatapos mabautismuhan si Dennis!
Pumasok si Dennis sa Buong-Panahong Ministeryo
Si Dennis ay naging isang payunir, o buong-panahong ministro, noong Setyembre 1974. Ganito ang sabi niya: “Maligaya akong nagpapayunir, ngunit nais kong palawakin ang aking ministeryo; kaya noong Hulyo 1975, nag-aplay ako upang maglingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Nang Disyembre na iyon ay inanyayahan ako roon.”
Ang unang atas na ibinigay kay Dennis ay ang tumulong sa pagkukumberte sa dating Towers Hotel upang maging isang tirahan para sa mga kawani ng punong-tanggapan. Nagtrabaho siya roon nang ilang taon, na pinangangasiwaan ang mga manggagawa
sa baldosa. Pagkatapos, palibhasa’y nagnanais na mag-asawa, lumipat siya sa California. Noong 1984, habang naglilingkod bilang matanda sa kongregasyon ng Cathedral City, pinakasalan niya ang isang payunir na nagngangalang Kathy Enz.Determinado sina Dennis at Kathy na panatilihing simple ang kanilang buhay upang maitaguyod nila ang mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos. Kaya madalas na tanggihan ni Dennis ang mga pagkakataon upang kumita ng maraming salapi sa umuunlad na negosyo ng konstruksiyon sa timugang California. Noong 1988, sila ni Kathy ay nag-aplay upang tumulong sa internasyonal na gawaing pagtatayo ng mga Saksi ni Jehova. Noong Disyembre ng taóng iyon, tumanggap sila ng atas na magtrabaho sa proyekto ng pagtatayo ng sangay sa Buenos Aires, Argentina.
Noong 1989, sina Dennis at Kathy ay inanyayahang maglingkod sa gawaing pagtatayo ng mga Saksi ni Jehova sa isang mas permanenteng paraan. Sa pantanging anyong ito ng buong-panahong paglilingkod, dalawang beses silang naglingkod sa Suriname at Colombia. Nagtrabaho rin sila sa pagtatayo ng sangay sa Ecuador at Mexico, gayundin sa isang nakakatulad na proyekto sa Dominican Republic.
Pumasok si Mark sa Buong-Panahong Ministeryo
Noong 1976, si Mark, kasama ang libu-libong iba pang kabataang Amerikano na lumikas sa Canada upang matakasan ang pangangalap sa hukbo, ay binigyan ng amnestiya ng gobyerno ng Estados Unidos. Nais din niya at ng kaniyang kabiyak na si Kathi na panatilihing simple ang kanilang buhay upang magugol nila ang mas maraming panahon sa kanilang ministeryo. Kaya si Mark ay nagtrabaho ng part-time bilang isang agrimensor, at unti-unti nilang nabayaran ni Kathi ang kanilang nagkapatung-patong na mga bayarin bago ang kanilang bautismo.
Noong 1978, nang nagpaplano ang mga Saksi sa Canada na magtayo ng bagong mga gusali ng sangay malapit sa Toronto, Ontario, nasa kalagayan sina Mark at Kathi na mag-alok ng kanilang paglilingkod. Yamang may karanasan si Mark sa pagiging agrimensor, inanyayahan sila na makibahagi sa pagtatayo. Nagtrabaho sila sa proyekto sa Georgetown hanggang sa matapos iyon noong Hunyo 1981. Pagkatapos, bumalik sila sa British Columbia at sa loob ng sumunod na apat na taon ay tumulong sila sa pagtatayo ng Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova roon. Nang matapos iyon, inanyayahan silang magtrabaho sa pagpapalawak ng sangay sa Canada.
Noong 1986, pagkatapos ng ilang buwan sa Georgetown, sina Mark at Kathi ay inanyayahan na manatili bilang regular na mga miyembro ng mga kawani ng sangay sa Canada. Naglingkod sila bilang mga kawani mula noon at nagkaroon din sila ng maraming pagkakataon na makibahagi sa gawaing pagtatayo sa maraming iba pang bansa. Yamang may karanasan si Mark bilang agrimensor, sinimulan siyang gamitin upang mag-surbey sa mga gusali ng sangay at mga Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Timog at Sentral Amerika at sa mga isla sa Caribbean.
Sa loob ng maraming taon, sila ni Kathi ay naglingkod sa Venezuela, Nicaragua, Haiti, Guyana, Barbados, Bahamas, Dominica, Estados Unidos (Florida), at sa Dominican Republic. Ang pantanging anyong ito ng buong-panahong ministeryo ang naging dahilan upang muling magsalubong ang landas ng buhay nina Mark at Dennis.
Reunyon sa Dominican Republic
Kapuwa walang kamalay-malay, sina Mark at Dennis ay nagtatrabaho sa iisang proyekto sa Dominican Republic. Isang araw, hindi inaasahang nagkita silang dalawa sa mga pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Santo Domingo. Gaya ng maguguniguni mo, tuwang-tuwa silang magkitang muli. Kung sa bagay, kapuwa sila mas matanda na nang 33 taon at marami silang dapat pagkuwentuhan. Gayon na lamang kalaki ang kanilang
pagtataka habang napakarami nilang napagkukuwentuhan na gaya ng nabasa mo sa itaas. Ngunit ang labis na ikinamangha nila—gayundin ng lahat na pinagkuwentuhan nila ng kanilang mga karanasan—ay ang maraming pagkakatulad sa kanilang buhay.Kapuwa sila nagkaroon ng hippie na istilo ng pamumuhay at lumipat sa liblib na mga lugar upang matakasan ang materyalistiko at makabagong paraan ng buhay lakip na ang lahat ng kabalisahan nito. Pinakasalan ni Dennis ang isang babaing nagngangalang Kathy; pinakasalan naman ni Mark ang isang babaing nagngangalang Kathi. Ang dalawang lalaking ito ay tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya nang dumalo sila sa kanilang kauna-unahang pulong ng mga Saksi ni Jehova. Kapuwa sila nabautismuhan noong Marso 1974. Kapuwa sila naging mga miyembro ng mga pamilya sa sangay ng mga Saksi ni Jehova—si Dennis sa Estados Unidos at si Mark sa Canada. Kapuwa sila gumawa ng mga pagsisikap na mapanatilihing simple ang buhay upang maitaguyod nila ang espirituwal na mga tunguhin. (Mateo 6:22) Kapuwa sila naging abala sa internasyonal na pagtatayo at tumanggap ng mga atas sa napakaraming bansa. Bago ang kanilang di-inaasahang pagkikita sa Dominican Republic, kapuwa sila wala pang natagpuang sinumang dating kaibigan na tumanggap ng katotohanan sa Bibliya.
Naniniwala ba sina Mark at Dennis na ang kamangha-manghang mga pagkakataong ito ay dahil sa kapalaran? Hinding-hindi. Natatanto nila, gaya ng sinasabi ng Bibliya, na “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa [ating] lahat”—kung minsan sa lubhang kapana-panabik na mga paraan. (Eclesiastes 9:11) Gayunman, kinikilala rin nila na may iba pang bagay na naging dahilan ng kanilang reunyon: ang kanilang magkatulad na paghahanap ng layunin sa buhay at ang kanilang pag-ibig sa Diyos na Jehova.
Itinatampok din ng kasaysayan nina Dennis at Mark ang ilang bagay na karaniwan sa lahat ng tapat-pusong mga tao na natuto ng katotohanan sa Bibliya. Ganito ang komento ni Dennis: “Ang naging karanasan namin ni Mark ay nagpapakita na batid ni Jehova ang kalagayan sa buhay ng mga tao, at kapag ang kanilang puso ay naging wastong nakaayon, inilalapit niya sila sa kaniya.”—2 Cronica 16:9; Juan 6:44; Gawa 13:48.
Dagdag ni Mark: “Naturuan din kami ng aming karanasan na kapag iniayon ng isa ang kaniyang sarili sa mga pamantayan ni Jehova, inialay ang kaniyang buhay sa kaniya, at ipinagamit niya ang kaniyang sarili, maaaring gamitin ni Jehova ang kaniyang talino at mga kakayahan upang itaguyod ang tunay na pagsamba para sa kapakinabangan ng kaniyang bayan.”—Efeso 4:8.
Ipinakikita rin ng kanilang karanasan na pinagpapala ng Diyos na Jehova ang buong-pusong paglilingkod ng kaniyang bayan. Para kina Dennis at Mark, talagang pinagpala sila. Sinabi ni Dennis: “Isang pribilehiyo na maglingkod para sa kapakanan ng Kaharian sa pantanging buong-panahong paglilingkod. Pinahintulutan kami nito na tamasahin ang pagpapalitan ng pampatibay-loob habang gumagawang kasama ng mga kapatid na Kristiyano mula sa buong daigdig.”
Idinagdag pa ni Mark: “Talagang pinagpapala ni Jehova yaong mga inuuna ang Kaharian. Itinuturing ko na pantanging pagpapala na makapaglingkod bilang isang miyembro ng pamilya ng sangay sa Canada at makabahagi sa internasyonal na pagtatayo.”
Isa bang kakaibang reunyon? Oo, sapagkat gaya ng sabi ni Mark: “Ang tunay na dahilan kung bakit lubhang kapana-panabik ang pagkikita namin ay dahilan sa kapuwa namin nakilala, iniibig, at pinaglilingkuran ang natatanging Diyos, si Jehova.”
[Larawan sa pahina 21]
Si Dennis, 1966
[Larawan sa pahina 21]
Si Mark, 1964
[Larawan sa pahina 23]
Si Dennis sa South Dakota, 1974
[Larawan sa pahina 23]
Si Mark sa Ontario, 1971
[Larawan sa pahina 24]
Sina Dennis at Mark, kasama ang kani-kanilang asawa, di-nagtagal pagkatapos ng kanilang di-inaasahang pagkikita, 2001