Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Nagsosolong Magulang, Maraming Problema

Mga Nagsosolong Magulang, Maraming Problema

Mga Nagsosolong Magulang, Maraming Problema

“Naranasan ko ang maraming dalamhati. Ginugugol ko ang mga gabi sa banyo na umiiyak. Napakahirap nito.”​—JANET, NAGSOSOLONG INA NA MAY TATLONG ANAK.

MARAMING sanhi ang pagiging nagsosolong magulang. Nagkakaroon ng nagsosolong magulang ang ilang pamilya dahil sa digmaan, likas na kasakunaan, o sakit.

Ipinasiya naman ng mga magulang ng ilang bata na hindi sila magpakasal. Halimbawa, halos kalahati ng mga anak sa Sweden ay mga anak sa pagkadalaga. Lumilikha rin ng mga sambahayang may nagsosolong magulang ang diborsiyo. Ipinakikita ng pananaliksik na mahigit na 50 porsiyento ng mga batang Amerikano ang mamumuhay sa sambahayang may nagsosolong magulang sa loob ng ilang panahon sa kanilang pagkabata.

Pag-unawa sa mga Problema

May pantanging pasaning dapat dalhin ang mga inang kamakailan lamang nabalo. Dapat nilang balikatin ang pananagutan sa kanilang sambahayan samantalang nagdadalamhati pa sa pagkamatay ng kanilang kabiyak. Ang pakikibagay nila sa papel na ito ay maaaring tumagal nang mga buwan, mga taon pa nga, habang pinagsisikapan nilang mapagtagumpayan ang mga suliraning pangkabuhayan at ang pananagutan na aliwin ang kanilang mga anak. Maaaring mahirapang pasanin ng nabalong ina ang karagdagang mga pananagutang ito. Maaaring hindi mabigyan ng magulang ang anak ng sapat na pangangalaga at patnubay sa panahong kailangang-kailangan niya ang kalinga at kaaliwan.

Kadalasang napakabata at wala pang karanasan ang mga nagsosolong ina na hindi nagpakasal sa ama ng kanilang anak. Maaaring hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na makapagtapos sa kanilang pag-aaral. Dahil sa walang sapat na kasanayan sa trabaho, mas malamang na maging mahirap sila at pumasok sa mga trabahong may mababang sahod. Palibhasa’y walang tulong mula sa mga kamag-anak, gaya ng kanilang mga magulang, may dagdag na pananagutan pa sila na pangalagaan nang husto ang kanilang anak sa maghapon. Maaaring pagpunyagian din ng dalagang-ina ang mga problema sa emosyon, gaya ng pagkadama ng hiya at pangungulila. Maaari pa ngang ikatakot ng ilan na hindi na sila makasumpong pa ng isang angkop na mapapangasawa dahil sa pagkakaroon ng isang anak. Habang lumalaki ang mga anak sa gayong mga sambahayan, maaari ring mabalisa sila ng mga katanungang di-masagot hinggil sa kanilang pinagmulan at ng pangangailangang kilalanin sila ng magulang na hindi kapiling.

Sa katulad na paraan, nararanasan ng mga magulang na nagdidiborsiyo ang matinding kaigtingan. Maaaring madama ng ilang magulang ang matinding galit bunga ng diborsiyo. Maaari ring mapagkaitan ang ilang magulang ng kanilang kakayahang bigyang-pansin ang emosyonal na mga pangangailangan ng kanilang mga anak dahil sa pagkadama ng mababang pagpapahalaga sa sarili at matinding damdamin ng pagtatakwil. Maaaring mahirapan ang mga ina na kinakailangang magtrabaho sa kauna-unahang pagkakataon na harapin ang pananagutang pangasiwaan ang sambahayan. Baka madama nila na wala na silang panahon o lakas para sa pantanging mga pangangailangan ng mga bata, na ang mga bata mismo ay napapaharap sa malalaking pagbabago pagkatapos magdiborsiyo ang kanilang mga magulang.

Naiibang Problema ng mga Nagdiborsiyong Magulang

Natatalos ng mga nagsosolong magulang na iba-iba at pabagu-bago ang indibiduwal na mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Para sa mga nagdiborsiyo at nagsosolong magulang, maaaring pagmulan ng naiibang problema ang pagbibigay ng makatuwirang panahon para sa espirituwal na patnubay.

Halimbawa, maaaring hindi maibigay sa ilang nagdiborsiyong magulang na mga Saksi ni Jehova ang pangangalaga sa kanilang anak. Hiniling nilang makasama ang kanilang anak sa panahon ng pagdalo sa isang Kristiyanong pagpupulong upang maisama ito. Dahil sa kaayusang ito para sa mga pagdalaw, regular na makakasalamuha ang bata sa kongregasyong Kristiyano, na may malaking kapakinabangan sa mga anak ng nagdiborsiyong mga magulang.

Kailangang humanap ng mga paraan ang mga nagdiborsiyong magulang na mas kakaunti ang pagkakataon para regular na makasama ang kanilang mga anak upang tiyakin sa mga anak ang kanilang pag-ibig at pagmamahal. Upang maging matagumpay, kailangang may kabatiran ang isang magulang sa nagbabagong emosyonal na mga pangangailangan ng bata. Totoo ito lalo na kapag nagiging tin-edyer na ang bata at nagkakaroon na siya ng higit na interes sa sosyal na mga gawain at mga kaibigan.

Nauunawaan din ng matagumpay na magulang ang mga kakayahan, personalidad, at paraan ng pag-iisip ng bata. (Genesis 33:13) Nagtatamasa ang magulang at ang anak ng malapít, matalik, at magiliw na pakikipag-usap at pakikisama sa isa’t isa. Malaya silang nakapag-uusap. Ang bata ay may bahagi sa buhay ng magulang, at ang magulang ay may bahagi sa buhay ng bata.

Ang Pangangailangan Para sa Pagkamakatuwiran

Pagkatapos ng diborsiyo, nakikinabang ang mga anak mula sa regular na pakikisama sa ama at sa ina. Ipaghalimbawang magkaiba ang relihiyosong mga paniniwala ng mga magulang; ang isa ay isang Saksi ni Jehova at ang isa naman ay hindi. Nakatutulong ang regular at prangkang pakikipag-usap upang maiwasan ang di-kinakailangang alitan. “Makilala nawa kayo sa pagiging makatuwiran,” ang sulat ni apostol Pablo. (Filipos 4:5, Phillips) Dapat turuan ang mga anak na igalang ang karapatan ng kapuwa magulang na isagawa ang kanilang relihiyon.

Maaaring igiit ng magulang na di-Saksi na padaluhin ang bata sa mga relihiyosong serbisyo sa kaniyang simbahan. Ano ang magagawa ng isang magulang na Saksi ni Jehova? Maaari rin niyang ibahagi sa bata ang kaniyang relihiyosong mga paniniwala. Sa paglipas ng panahon, makapagpapasiya na ang bata sa kaniyang sarili may kinalaman sa relihiyon, gaya ng ginawa ng kabataang si Timoteo, na ang ina at lola ay malamang na nagturo sa kaniya ng mga simulain sa Bibliya. (2 Timoteo 3:14, 15) Kung ang bata ay asiwang dumalo sa mga serbisyo sa ibang relihiyon, marahil maaari niyang isaalang-alang ang tauhan sa Bibliya na si Naaman, na pagkatapos maging isang tunay na mananamba ay patuloy na nagsagawa ng kaniyang mga tungkulin sa pamamagitan ng pagsama sa hari na sumasamba sa bahay ni Rimon. Makaaaliw sa bata ang ulat na ito hinggil sa pag-ibig at pang-unawa ni Jehova sa kabila ng kaniyang pagkanaroroon sa relihiyosong mga seremonya na hindi niya nakasanayan.​—2 Hari 5:17-19.

Nahuhubog ng matagumpay na magulang ang pag-iisip ng anak o mga anak at nauunawaan ang kanilang damdamin. (Deuteronomio 6:7) Totoo, maaaring mahiya ang mga magulang na hindi kailanman nag-asawa dahil sa kanilang dating landasin ng buhay. Gayunman, dapat tandaan ng mga magulang na iyon, na ang mga anak ay may dalawang tunay na magulang. Gustong malaman ng mga anak ang tungkol sa kanilang ama at ina, at kailangan nilang madama na sila’y minamahal, hindi basta mga putok sa buho lamang. Sa pamamagitan ng magalang na pagsasalita tungkol sa magulang na hindi kapiling at sa pagsagot ayon sa nauunawaan, o kailangang malaman ng isa ayon sa edad ng bata, mabibigyan ng magulang ang bata ng maibiging katiyakan.

Dapat tandaan ng mga magulang na ang unang mga impresyon ng bata hinggil sa pag-ibig, awtoridad, at kapangyarihan ay naiimpluwensiyahan ng kaugnayan ng bata sa kaniyang magulang. Sa pamamagitan ng maibiging pagsasagawa ng awtoridad at kapangyarihan, malaki ang magagawa ng Kristiyanong magulang upang ihanda ang bata na magkaroon ng maibiging kaugnayan kay Jehova at magkaroon ng paggalang sa mga kaayusan sa kongregasyon.​—Genesis 18:19.

Mahalaga ang Pakikipagtulungan ng mga Anak

Kailangan ding maunawaan ng mga anak na nakatira sa mga pamilyang may nagsosolong magulang na mahalaga ang kanilang pakikipagtulungan para magtagumpay ang pamilya. (Efeso 6:1-3) Ipinakikita ng kanilang pagsunod sa awtoridad ng magulang na iniibig nila ang kanilang magulang at iginagalang ang karagdagang pagsisikap na ginagawa ng magulang upang maglaan ng isang ligtas at maligayang sambahayan. Yamang ang komunikasyon ay tulad ng lansangan na may dalawang daan, kailangang tandaan ng mga anak sa isang pamilyang may nagsosolong magulang na dapat silang kusang sumuporta sa mga pagsisikap ng magulang na mapanatili ang mainam na komunikasyon sa loob ng pamilya.​—Kawikaan 1:8; 4:1-4.

Ang gayong mga anak ay kadalasang hinihilingang pumasan ng mga pananagutan nang mas maaga kaysa roon sa mga namumuhay sa mga sambahayan na may dalawang magulang. Dahil sa maibigin at matiyagang pagtuturo, ang mga batang lalaki at babae ay magkakaroon ng pagtitiwala sa sarili at pagpapahalaga sa sarili habang nagiging bihasa sila sa mga kasanayang kailangan sa buhay sa murang edad. Ang ilang gawain sa bahay ay maaari ring ipagawa sa mga bata upang makatulong sa maayos na pangangasiwa sa sambahayan.

Hindi ito nangangahulugan na ang layunin ng nagsosolong magulang ay gawing maliliit at nasisiyahan-sa-sarili na mga adulto ang kaniyang mga anak na hindi na nangangailangan ng patnubay ng magulang. Talagang lubhang hindi matalinong iwan ang isang kabataan na nag-iisa o hindi nasusubaybayan.

Kadalasang may kamaliang naiimpluwensiyahan ang mga nagsosolong magulang na mag-isip na dapat silang maging mga kabarkada o mga kaibigan ng kanilang mga anak. Bagaman mahalaga ang malapít na kaugnayan, dapat isaisip ng mga nagsosolong magulang na ang mga bata ay nangangailangan ng isang magulang at na hindi pa naaabot ng bata ang pagkamaygulang sa emosyon para maging katapatang-loob o kapantay ng magulang. Kailangang kumilos ka na gaya ng isang magulang sa iyong mga anak.

Makatutulong sa pagtatayo ng isang matagumpay na pamilya ang nagtutulungang mga nagsosolong magulang at mga anak. Habang parami nang paraming mga anak ang pinalalaki sa mga sambahayang may nagsosolong magulang, dapat magkaroon ng kabatiran ang lahat hinggil sa partikular na mga problemang napapaharap sa mga nagsosolong magulang at sa kanilang mga anak at maging handang mag-alok ng maibiging pampatibay-loob at suporta.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Epekto sa mga Anak

Sa pangkalahatan, maaaring mas kakaunti ang panahon ng mga nagsosolong magulang para sa bawat indibiduwal na anak kaysa sa dalawang magulang. Kung minsan ang nagsosolong magulang ay kapisan ng kaniyang kinakasama na hindi niya asawa. Subalit, ang mga kaugnayan ng mga basta nagsasama nang hindi kasal ay mas mabuway kaysa sa mga nagpakasal. Ang mga anak na namumuhay sa gayong mga sambahayan ay mas malamang na lumaking may kasamang iba-ibang adulto sa kanilang buhay.

Ayon sa ilang pag-aaral, “sa katamtaman, mas malamang na makaranas ang mga anak mula sa mga pamilyang may nagsosolong magulang ng hindi gaanong matinong moral na pamumuhay kaysa sa mga anak mula sa mga pamilyang buo.” Gayunman, ipinakikita ng mas masusing pagsusuri hinggil sa gayong mga pag-aaral na ang kawalan ng kita ay maaaring maging “ang isang pinakamalaking salik na siyang dahilan ng mga pagkakaiba sa paggawi ng mga bata mula sa iba’t ibang uri ng kaayusang pampamilya.” Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na ang mga anak mula sa pamilyang may nagsosolong magulang ay nakatalaga nang masira ang buhay. Sa pamamagitan ng wastong patnubay at pagsasanay, mapagtatagumpayan nila ang di-kanais-nais na mga epekto.