Nabihag sa Ginintuang Luha
Nabihag sa Ginintuang Luha
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA DOMINICAN REPUBLIC
KUMAKARIPAS ng takbo ang isang langgam sa katawan ng punungkahoy, walang kamalay-malay sa naghihintay na panganib. Walang anu-ano, nadikit ang isang paa nito, pagkatapos ang isa naman, hanggang sa masilo ang langgam sa animo’y pulot-pukyutang resina ng punungkahoy. Isa pang ginintuang patak ng resina, at ang langgam ay nailibing na. Imposible nang makatakas pa. Sa dakong huli, ang madikit na kimpal na kinaroroonan ng langgam ay nahuhulog sa lupa. Tinatangay ng ulan patungo sa ilog ang nabihag na langgam, kung saan nabaon ito sa banlik. Pagkalipas ng libu-libong taon ang langgam ay matutuklasan, lubhang napreserba sa isang ginintuang luha. Ang resina ay tumigas at naging ambar (amber)—isa sa pinakamahalagang kayamanan ng tao.
Gaano karami ang nalalaman natin tungkol sa ambar? May maisisiwalat kaya sa atin ang ambar at insekto na nailibing dito tungkol sa sinaunang panahon? Taglay ba nito ang susi upang lalangin-muli ang malaon nang lipol na mga anyo ng buhay?
Ginto ng Hilaga
Sa loob ng libu-libong taon, napukaw ang interes ng tao sa mahiwagang mga pinagmulan ng ambar at sa madilaw at ginintuang kagandahan nito. Isa pa, ang ambar ay waring nagpapakita ng kagila-gilalas na kapangyarihan! Noong mga 600 B.C.E., napansin ng siyentipikong Griego na si Thales na kapag ikinuskos ang ambar sa isang tela, dumidikit dito ang mga balahibo o maliliit na piraso ng dayami. Ang “kagila-gilalas na kapangyarihan” na ito ay static electricity. Sa katunayan, sa ilang wika ang salita para sa “elektrisidad” ay hinango sa salitang Griego para sa ambar—ang elektron. Pagkalipas pa ng mahigit na dalawang libong taon saka natuklasan ng Ingles na manggagamot na si William Gilbert ang iba pang mga sangkap na makagagawa rin ng static electricity bukod pa sa ambar.
Sa pagitan ng 54 at 60 C.E., isinugo ng Romanong emperador na si Nero ang isang opisyal ng hukbo upang hanapin ang pinagmumulan ng mahalagang sangkap na ito. Sa paglalakbay pahilaga, natuklasan niya ito—ang Baybayin ng Baltic—at nagbalik
siya taglay ang daan-daang gramo ng ambar. Sa Roma, pinahahalagahan ang ambar dahil sa kagandahan nito at sa ipinalalagay na kakayahan nitong bigyan ng proteksiyon mula sa pinsala ang nagtataglay nito. Isa rin itong sangkap sa mga medisina at mga pamahid sa balat. Iniulat ng Romanong istoryador na si Pliny na gayon na lamang kapopular ang ambar anupat mas mahalaga pa ang isang inukit na piguring ambar kaysa sa isang malusog na alipin!Palibhasa’y tinatawag kung minsan na ginto ng hilaga, ginamit ng kauna-unahang mga sibilisasyon sa hilagang Europa ang ambar upang ipagpalit sa bakal, tanso, at iba pang paninda mula sa timog. Noong Edad Medya, ang kalakalan at paggawa ng ambar sa Europa ay mahigpit na kontrolado ng mga orden ng mga Kabalyerong Teutonico, na kababalik lamang mula sa mga Krusada. Ang walang pahintulot na pangongolekta ng ambar ay may parusang kamatayan.
Samantala, sa isla ng Quisqueya sa Caribbean, ang Dominican Republic at Haiti ngayon, natuklasan din ng mga Indian na Taino ang ambar. Nang unang dumalaw si Columbus sa Quisqueya noong 1492, niregaluhan niya ang isang kabataang pinuno ng isla ng isang tuhog ng makináng na mga abaloryong ambar. Sinasabing si Columbus ay nagulat nang tumanggap naman siya bilang kapalit ng isang pares ng sapatos na napapalamutian ng mga abaloryong ambar!
Ano ba ang Ambar?
Ang ambar mula sa Dominican Republic ay ang tumigas na resina ng isang nalipol nang uri ng tropikal na punungkahoy na malapad ang dahon. Tumutubo pa rin ang ilang kahawig na uri, kilala sa lugar na ito bilang algarroba, sa lugar ng Caribbean, gayundin sa Sentral at Timog Amerika. Gayunman, ang uri na halos kahawig ng sinaunang “punong ambar” sa Dominican Republic ay masusumpungan na lamang sa Silangang Aprika. Ang ambar sa rehiyon ng Baltic sa Europa ay galing sa isang puno ng pino.
Paano nabubuo ang ambar? Una, ang balat ng punungkahoy ay medyo nabuksan—nabali ang isang sanga, nasugatan ang katawan ng puno, o ang puno ay sinalakay ng mga uwang na bumubutas ng puno. Pagkatapos, lumalabas ang malagkit na resina sa ibabaw upang takpan ang sugat. Ang mga insekto o iba pang maliliit na kinapal na kawawang nadikit sa resina ay lubusang nalulubog dito sa dakong huli. Di-gaya ng dagta ng puno, na binubuo ng tubig at mga nutriyente, ang resina ay binubuo ng mga sangkap ng mga agwaras, alkohol, at ester. Ang mga kemikal na ito ay nagsisilbing mga elementong nagpapatuyo at mga antibiyotiko. Kanilang ineembalsamo ang anumang nasilo na mga insekto o mga halaman. Sa ilalim ng angkop na mga kalagayan sa kapaligiran, ang resina ay unti-unting tumitigas hanggang sa maging ambar, anupat napipreserba ang laman nito sa loob ng libu-libong taon. Kaya, ang ambar ay resinang naging bato (fossilized) mula sa sinaunang mga punungkahoy.
Paghahanap sa Nawawalang Kayamanan
Bagaman ang ambar ay masusumpungan sa buong daigdig, mga 20 lugar lamang ang may sapat na ambar na kapaki-pakinabang minahin. Sa kasalukuyan, minimina ang karamihan ng ambar sa Silangang Europa sa rehiyon ng Baltic, sa Dominican Republic, at sa ilang bahagi ng Mexico.
Mahirap na trabaho ang pagmimina ng ambar. Naniniwala ang maraming siyentipiko na upang maging ambar ang resina, kailangan itong mabaon
sa ilalim ng lupa, karaniwan nang sa basang luwad o mabuhanging burak. Maraming minahan sa Dominican Republic ang nasa mataas at mabatong lupa na natatakpan ng mayabong at subtropical na kagubatan. Mararating lamang ang mga ito sa pamamagitan ng paglakad o pagsakay sa buriko, sa pagbagtas sa matatarik na landas sa bundok.Ang ilang minahan ay malalawak at malalalim na hukay. Subalit ang iba naman ay makikitid na tunel na hanggang 200 metro ang haba. Dahil maaaring masira ng mga makina at pampasabog ang ambar, dapat na maingat na tapyasin nang manu-mano ng mga minero ang matigas na batubuhangin at matigas na luwad, na ginagamit ang mga pait, piko, at pala. Kadalasang isang kandila lamang ang tumatanglaw sa minero.
Marupok na Bato na Naging Pinakintab na Hiyas
Pagkatapos maalis ang ambar mula sa nakapaligid na bato, pinaaarawan ito ng minero, hinuhugasan ito, at tinatapyas ang matigas na bato sa isang panig nito. Pagkatapos ay binabasâ niya ang nakalantad na bahagi nito sa langis para posibleng masilip ang ambar. Humahanap siya ng mga bagay na nakulong dito—mga vertebrata, insekto, o iba pang organikong materyal na naging bato na nasa loob ng ambar. Maaaring makakita ng isang insekto sa 1 sa 100 piraso ng ambar mula sa Dominican Republic. Kung ihahambing dito, makikita lamang ang insekto sa 1 sa 1,000 piraso ng ambar mula sa rehiyon ng Baltic. Sa isang antas, ito’y dahilan sa karaniwang malabo ang ambar na mula sa rehiyon ng Baltic, samantalang malinaw naman ang mahigit na 90 porsiyento ng ambar mula sa Dominican Republic.
Maingat na inuuri ang ambar ayon sa laki, hugis, kulay, at laman. Maliit ang karamihan sa libu-libong piraso ng ambar na nahuhukay bawat linggo. Subalit hindi lahat ay maliit. Ang isang piraso ng ambar na mula sa Dominican Republic ay tumitimbang nang mga walong kilo! Lahat ng maliliit na piraso na walang nasilong bagay sa loob ay ginagamit sa alahas, samantalang ang pinakamahahalagang piraso ay inirereserba para sa mga pribadong kolektor o mga museo.
Karaniwan nang kulay dilaw at ginintuan ang ambar. Nakahuhukay buwan-buwan ng mangilan-ngilang piraso ng asul na ambar sa Dominican Republic. Mas bihira namang masumpungan ang berdeng ambar. Inaakalang ang pagkakasari-sari ng kulay na ito ay dahil sa pagkakaiba-iba ng kemikal na sangkap ng resina at ng mga mineral sa nakapaligid na lupa.
Mga Larawan sa Isipan ng Isang Sinaunang Kagubatan
Dahil sa pambihirang mga katangian nito, mas nauna pang umiral ang ambar at ang “mga bilanggo” nito kaysa sa pinagmulan nitong mayabong na tropikal na ekosistema. Ang organikong materyal sa karamihan ng mga fossil ay naging bato na—napalitan na ng mga mineral ang dating kayarian nito. Sa kabilang panig naman, ang ambar mismo ay organiko, gaya ng anumang mga hayop o halaman na nasa loob nito. Kung malinaw ito, mapag-aaralan at makukunan ng litrato sa tatlong dimensiyon ang sinaunang mga kayamanang ito nang hindi sinisira ang mga ito. Sa gayon, ang ambar ay tinawag na isang ginintuang mapagkukunan ng impormasyon hinggil sa nagdaang kahapon sapagkat hindi lamang ito naglalaman
ng isang rekord ng mga insekto at maliliit na vertebrata kundi ng mga halaman din naman at ng klima ng mga ekosistema na malaon nang naglaho.Anu-ano ang kalakip sa pinakamahalagang nasilong mga bagay? Depende ito sa pangmalas ng kolektor. Kabilang sa ilan sa pinakamahal na nasilong bagay ay yaong kilala ng mahihilig sa ambar bilang ang tatlong kayamanan—ang mga alakdan, butiki, at palaka. Dahil sa ang mga ito ay mas malalaki at mas malalakas kaysa sa maraming insekto, mas madali sanang makaalis ang karamihan sa mga ito mula sa silo ng resina. Yaong mga nasilo ay karaniwang napakaliit o marahil mahina na dahil sa sakit o napinsala ng mga maninila. Gaano kadalang ang gayong mga tuklas? Napakadalang! Tinataya ng isang kolektor na 30 hanggang 40 alakdan lamang, 10 hanggang 20 butiki, at 8 o 9 na palaka lamang ang kailanma’y natuklasan. Yaong mga natuklasan ay talagang mahalaga. Isang piraso ng ambar ang natuklasan mula sa Dominican Republic na naglalaman ng isang maliit na palaka noong 1997, at nagkahalaga ito ng mahigit na $50,000.
Para sa ilang siyentipiko, mas kawili-wili pa ang ibang uri ng mga bagay na nasilo sa loob ng ambar. Sapagkat ang mga insekto ay kadalasang mas mabilis na nasisilo, maraming piraso ng ambar ang naglalaman ng “mga sulyap” sa sinaunang kasaysayan. Mamamasdan ang mga pahiwatig sa paggawi ng insekto, gaya ng isang maninila at ang biktima nito. Napag-aaralan ng mga siyentipiko ang mga yugto ng paglaki ng insekto dahil sa ang ilang ispesimen ay naglalaman ng mga itlog, lumalabas na uod, mga bahay-uod ng gagamba na may mga binhi, o bagong pisang mga gagamba. Ang isang piraso ng ambar, na nasa museo sa Stuttgart, Alemanya, ay naglalaman ng isang sinaunang kolonya ng 2,000 langgam.
Sa katulad na paraan, kalakip sa makukuhang impormasyon ang tungkol sa halaman ng sinaunang kagubatan. Posibleng makilala ang maraming sinaunang mga halaman at punungkahoy sa mga bulaklak, kabuti, lumot, dahon, at mga binhi na napreserba sa loob ng ambar. Isa pa, halos natitiyak ng mga siyentipiko na mayroon ding mga puno ng igos, bagaman walang nasumpungang mga dahon o mga sanga nito. Bakit? Sapagkat natuklasan ang ilang uri ng putakti sa loob ng ambar—mga putakti na nalalamang tumitira lamang sa mga igos. Kaya, makatuwirang isipin na tumutubo rin ang mga punong igos sa kagubatan.
Muling Pagbuo sa Kahapon?
Mga ilang taon na ang nakalipas isang popular na pelikula ang ibinatay sa paniniwalang maaaring muling mabuo ang mga dinosauro mula sa DNA ng dugo ng dinosauro na nasumpungan sa mga lamok na nasa loob ng ambar. Maraming siyentipiko ang nagdududa sa posibilidad na mangyayari ito. Lahat ng nabubuhay na bagay ay may kani-kaniyang DNA, na naglalaman ng kodigong mga tagubilin na tumitiyak sa kanilang namamanang mga katangian. Subalit, bagaman nakuha muli ng mga eksperimento sa siyensiya ang maliliit na piraso ng DNA mula sa ilang insekto at halaman na nasumpungan sa loob ng ambar, hindi muling nabuo ng mga eksperimentong ito ang nalipol nang mga nilalang.
Hindi lamang nasira ang nakuhang DNA kundi ito rin ay di-kumpleto. Sa isang tantiya, ang nakuhang mga piraso ay marahil wala pang isang ikamilyong bahagi ng kabuuang impormasyon tungkol sa henetikong kodigo ng organismo. Ang lubusang muling pagbuo sa kodigong iyon ay inihambing sa muling pagbuo ng isang aklat na may libu-libong pahina mula sa isang magulo at di-kumpletong pangungusap. a
Sa paanuman, nagkaroon ng ibayong interes sa ambar dahil sa ideya ng pagkopya sa mga dinosauro, at mayroon na ngayong mga eksibisyon ng ambar sa mga museo sa buong daigdig. Sa Amber World Museum sa Santo Domingo, Dominican Republic, masisiyahan ang mga bisita sa mga displey kung saan maaaring magkaroon ng tanong-sagot na impormasyon na nasa mga computer at mapag-aaralan ang ambar sa pamamagitan ng pagsilip sa malalakas na mikroskopyo. Sa isang workshop sa museo, ginagawa ng bihasang mga artisano ang hindi pa naprosesong ambar na maging magandang alahas at mga hiyas na nagtatanghal ng mga fossil.
Nakabighani ang ambar sa sangkatauhan sa loob ng maraming dantaon. Sa ngayon, ang ambar ay pinahahalagahan dahil sa kulay dilaw at mahiwagang kagandahan nito. Nagbibigay rin ito sa atin ng mahalagang kaunawaan hinggil sa nagdaang kahapon.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa henetiko, tingnan ang Gumising! ng Marso 22, 1995, pahina 3-10.
[Mga larawan sa pahina 17]
Iba’t ibang mga insekto at mga palaka ang natuklasang nasa loob ng ambar
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang maliliit na piraso ng ambar ay nagiging pinakintab na mga hiyas
[Picture Credit Lines sa pahina 17]
Mga insekto sa loob ng ambar sa pahina 2, 16, at 17 at hiwa-hiwalay na alahas sa pahina 18: Cortesía Museo Mundo de Ambar, Santo Domingo RD-Foto Gianfranco Lanzetti; pahina 17 palaka: Cortesía Museo Mundo de Ambar, Santo Domingo RD e Nelson Fulgencio-Foto Gianfranco Lanzetti