Isang Pambihirang Pagkakataon na Makakita ng Isang Palihim na Mangangaso
Isang Pambihirang Pagkakataon na Makakita ng Isang Palihim na Mangangaso
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA
“MASDAN mo! Hayun sa parang,” ang bulong ko taglay ang pananabik. Kaming mag-asawa ay namamangka sa malaking Ilog Nechako sa sentral ng British Columbia, na nagtatamasa ng kasiyahan sa mga tanawin at sa mga tunog ng likas na kagandahan ng ilang. Walang anu-ano, isang nilikha ang biglang lumitaw upang dakmain ang walang-kaalam-alam na kuneho. Kaytulin namang nakapagtago ng bibiktimahin. Sa pagkaalam na kami ay naroroon, saglit na napako sa kinatatayuan ang maninila. Masama ang titig sa amin at ito ay umungol na para bang nagsasabi, ‘Kayo ang may kasalanan sa pagkawala ng aking almusal.’ Pagkatapos ay tahimik na nawala sa madilim na kakapalan ng mga palumpong. “Ano iyon?” ang tanong ng asawa ko. “Isang musang,” ang tugon ko. Sa oras ding iyon ay isa na namang nakapangingilabot na ungol ang umalingawngaw sa maaliwalas na hangin sa umaga, na sa pagkakataong ito ay mas mahaba at mas malakas.
Isang Pambihirang Tanawin
Tunay na ito’y isang pambihirang pagkakataon. Ang musang ay dating gumagala-gala sa mga kagubatan at mga kabundukan ng buong Hilagang Hemispero, subalit sa ngayon ito ay masusumpungan na lamang sa liblib na mga rehiyon sa daigdig. Ang mga paglitaw nito ay nakita sa malalayong bulubunduking lugar ng Eurasia at hanggang sa timog ng kabundukan ng Espanya. Gayunpaman, ang karamihan nito ay masusumpungan sa Siberia at sa makakapal at walang patlang na mga kagubatan ng hilagang Canada at Alaska. Isang reperensiyang aklat hinggil sa mababangis na pusa ang nagsasabi: “Ang musang ay nangangailangan ng dalawang uri ng pinamamahayang kagubatan upang mabuhay nang maalwan: makakapal na kimpal-kimpal na bukó at mayayabong na kagubatan para silungan at lugar na anakan, at malalago, makakatas na parang at murang mga kahoy kung saan maaari silang manghuli ng mga kuneho.”
Ang ilang husto sa gulang na musang ay humigit-kumulang sa anim na ulit ang laki kaysa sa isang malaking pusa sa bahay at may taas na humigit-kumulang hanggang sa hita ng isang tao na husto sa gulang. Ang isang lalaking musang sa Hilagang
Amerika ay maaaring tumimbang sa pagitan ng 10 at 15 kilo, at ang isang babae ay sa pagitan ng 5 at 10 kilo. Halos kalahati ang laki nila sa kanilang mga kauri sa Europa. Ang ilan sa mababangis na pusang ito ay maaaring lumaki hanggang 100 sentimetro ang haba.Kabilang sa namumukod na mga katangian nito ay ang prominenteng balahibo sa pisngi anupat kitang-kita ang pagkakaiba ng musang mula sa ibang uri ng mga pusa. Ang mukha nito, na mas malapad at mas maikli kaysa sa mukha ng karamihan ng pusa, ay nagbibigay sa kaniya ng mapandayang anyo na mahiyain at halos maamo. Sa taglamig ang musang sa Hilagang Amerika ay tinutubuan ng makakapal na balahibo na may humigit-kumulang sa sampung sentimetro ang haba, at ang kulay nito ay kadalasang murang abuhin na may matitingkad na abuhing marka sa pisngi nito. Ang musang na Eurasia ay maaaring magtaglay ng kulay na murang kayumanggi at may matitingkad na markang kayumanggi. Ang musang ay mayroon ding kakaibang buntot na maikli at makapal na may itim sa dulo nito, na halos sampung sentimetro ang haba. Mapapansin mo ang malalaking triyanggulong tainga na may mga tungkos na maitim na buhok sa dulo nito. Ang mga ito ay nagsisilbing antena, yamang tumutulong ang mga ito upang makilala ang mga tunog na ginagawa ng maliliit na biktima.
Pagkaeksakto at pangungubli ang nagpapangyari sa mangangasong ito, na karaniwan nang nag-iisa, na makahuli ng biktima nito. Dahil sa malalapad na paang pangniyebe nito na may naiuurong na mga
kuko, madali itong nakatatakbo sa makakapal na niyebe. Ang lubhang mahahaba, malalakas na paa nito sa likod ay nagpapangyari sa musang na biglang kumaripas ng takbo at tumalon nang dalawa hanggang tatlong metro sa isang lundag. Ito ay maaaring pumihit din habang nasa ere upang magbago ng direksiyon kapag may hinahabol ito. Gayunman, ang anumang paghabol ay kadalasang panandalian lamang. Ang musang ay aatras kapag hindi nito inabutan ang kaniyang bibiktimahin pagkatapos ng mga limang malalakas na paglundag. Sa katunayan, kadalasan itong humahabol sa tatlo hanggang sampung kuneho bago makahuli ng isa. Kaya kapag hindi nito nahuli ang biktima, ito’y nangangahulugan ng gutom. Kapag inabutan nito ang kaniyang biktima, gagamitin ng musang ang malakas at maikling panga nito—na may 28 ngipin, 4 nito ang mga pangil na parang mga sundang—upang tarakan ang leeg ng biktima nito.Ang pangangaso nito ay pangunahing ginagawa bago magbukang-liwayway at pagkaraan ng takipsilim. Gaya ng karamihan sa mga pusa, ang musang ay nakakakita sa madidilim na lugar. Sa katunayan, upang makakita sa gabi, nangangailangan lamang ito ng isang ikaanim na bahagi ng liwanag na kailangan ng mga tao. Ang mga mata ng pusa ay may pantanging lamad sa likod ng bawat retina, na nagsisilbing salamin, anupat ang liwanag ay tumatalbog pabalik sa retina upang maibigay ang pinakamalakas na sinag. Nagpapangyari ito na ang mga mata ay lumitaw na parang nagliliyab na kristal na holen sa dilim kapag ang mga ito ay tumitingin nang tuwiran sa iyo. Isang aklat hinggil sa mababangis na pusa sa daigdig ang nagsasabi: “Ang musang ay umaasa sa kanilang paningin upang makakita ng biktima mula sa malalayong distansiya. Diumano, kanilang nakikita ang isang daga mula sa layong 75 metro, at ang isang snowshoe rabbit (isang uri ng kuneho) sa layong 300 metro—mas malayo kaysa sa haba ng tatlong palaruan ng football.”
Ang paboritong pagkain ng musang sa Canada ay ang snowshoe hare, at ang musang ay pumapatay ng dalawa ng mga ito sa katamtaman bawat tatlong araw. Ang musang na kumakaing mabuti ay maaaring mabuhay nang hanggang 15 taon. Dahil sa pagiging isang oportunistang mangangaso, ito ay kumakain din ng mga daga, bubuwit sa bukid, grouse, pato, beaver, at mga squirrel. Pinatunayan ng mga ulat na ang ilang musang ay nakapatay pa nga ng usa, anupat nagkaroon ito ng reputasyon bilang mababangis at agresibong mangangaso.
Pag-unawa at Pagpapanatili sa Musang
Kapag ang isang babaing musang ay handa nang magpalahi, magbibigay ito ng hudyat sa pamamagitan ng paglalabas ng kaniyang kakaibang amoy at pagpapalahaw. Pagkatapos makipagtalik, ito ay magluluwal ng mga apat na kuting at, kung minsan, hanggang pito kapag sagana ang suplay ng pagkain. Kapansin-pansin, kapag ang pagkain ay kakaunti, ang mga kuting ay maliliit.
Palibhasa’y likas na mailap, ang musang ay umiiwas sa mga lugar na ginagalawan ng mga tao. Ang mga pagsisikap na pangalagaan ang mga ito ay nakatulong upang dumami ang mga ito sa maraming lugar ng British Columbia. Gayundin, ang makabagong mga pamamaraan ng mapamiling pagtotroso ay makatutulong dito dahil sa ang maliliit na puwang na naiwan sa kagubatan ay lumilikha ng isang parang kung saan maaaring manginain ang mga kuneho. Habang dumarami ang populasyon ng mga kuneho, dumarami rin ang populasyon ng mga musang.
Ang kapana-panabik na nilalang na ito ay isang mahalagang bahagi ng isang masalimuot na ekosistema. Kagaya ng iba pang maninila, ito ay umaasa sa biktima nito. Gaya ng sumaryo ng isang aklat ng kalikasan, ‘umaasa rin ito sa damo at sa mga siit na kinakain ng biktima nito. Gayundin, ito ay umaasa sa mga organismo sa lupa ng kagubatan na siyang nagpapakain sa mga halaman na nagpapakain naman sa biktima nito.’ Tunay nga, ang pagkamasalimuot ng kalikasan ay nagtuturo sa atin sa kahalagahan ng pamumuhay na kasuwato ng ating kapaligiran at sa pagpapanatili rito para sa mga nilalang na gaya ng musang.