Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Balolo—“Caviar ng Pasipiko”

Balolo—“Caviar ng Pasipiko”

Balolo​—“Caviar ng Pasipiko”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FIJI

GUSTO mo ba ng pagkaing-dagat? Kung gayon, sumama ka sa amin sa isang nayon sa isa sa mga bungad na pulo ng tropikal na Fiji, kung saan tayo magsasaya sa isang kakaibang piging. Habang napapakinggan natin ang banayad na hampas ng alon sa mga katig, napansin natin ang isang pugon sa ilalim ng lupa, na tinatawag na lovo, na hinukay malapit sa pampang. Nagsiga ng apoy upang painitin ang natatanging piniling mga bato, kung saan lulutuin ang pangunahing putahe.

Subalit sino ang magdadala ng pangunahing putahe? Wala! Sa halip, basta hihintayin natin ang pangunahing putahe na lumapit sa atin. Kung nagsususpetsa kang may kakaiba hinggil sa pagkaing ito, tama ka. Ang ating pinakahihintay na piging ay isang pinggan ng kumikislut-kislot at masarap na mga uod! Ang mamula-mulang kayumanggi (lalaki) at mangasul-ngasul na berde (babae) na mga uod-dagat na ito ay tinawag na caviar ng Pasipiko. Dito sa Fiji Islands, ang pambihira at paboritong pagkaing ito ay tinatawag na balolo. a

Minsan o makalawa sa isang taon, sa loob ng isa hanggang tatlong gabi kapag paliit ang buwan, lumilitaw ang napakaraming balolo sa ibabaw ng dagat. b Ang inaasahang panahon ng pangingitlog na ito ay hindi lubusang maunawaan, subalit naniniwala ang mga siyentipiko na maaaring may kaugnayan ito sa pag-init ng temperatura ng dagat, pagbabago sa hugis ng buwan at sa pagtaas at pagkati ng tubig sa dagat, o sa haba ng liwanag ng araw. Kabilang sa mga pamamaraan ng paghula sa panahon ng pangingitlog nito ang pagmamasid sa lagay ng panahon, ang pamumulaklak ng ilang halaman, at ang iba’t ibang kalagayan sa dagat. Kamakailan, ibinatay ng mga biyologo sa dagat ang paglitaw ng balolo sa mga pagbabago ng hugis ng buwan at sa siklong Metonic. c

Bumalik tayo sa nayon, ang himig ng awitan na sinasaliwan ng mga ukelele at gitara ay napatigil nang ipahayag na naglitawan na ang mga uod. Tayo na at samahan natin ang mga lalaki, babae, at mga bata na patungo sa bahura. Ang ilan ay nakasuot ng matingkad ang kulay na isulu (isang tapis na isinusuot ng mga lalaki at babae) at isang magandang salusalu (isang mabangong kuwintas na bulaklak). Ang mga taong ito ay di-karaniwang bihis na bihis, gayong sila ay lulusong at maglalakad-lakad lamang naman sa karagatan.

Pinili ng ilan na makibahagi sa kaganapang ito na nasa bangka lamang, ngunit tayo naman ay nagpasiyang sumama sa grupo na maglalakad-lakad mula sa pampang. Di-nagtagal ay gabaywang na natin ang lalim ng mainit na tropikal na tubig. Walang anu-ano, kitang-kita natin sa ating palibot na pumapaibabaw na sa tubig ang libu-libong uod!

Hindi tayo ngayon magkamayaw sa katuwaan sa tinatawag na “isa sa pinakakakatwang pangyayari sa likas na kasaysayan ng Timog Pasipiko.” Lahat ng maiisip na paraan ay ginamit upang hulihin ang kumikislot na mga nilalang habang naglilitawan ang mga ito sa tubig​—mga timba, lambat sa kamay, kulambo, basket ng hinabing dahon ng niyog, at kahit mga kamay lamang. Napansin ng isang bisita ang isang lalaking taga-Fiji na may buhaghag at kulot na buhok na inilulublob ang kaniyang ulo sa tumpok ng kumikislut-kislot na mga uod at iwinawagwag sa isang bangka ang mga uod na nagkasala-salabid sa kaniyang buhok! Agad na tinitikman ito ng ilang sabik na nanghuhuli, at makikita mo silang mabilis na ngumunguya habang patuloy nilang tinitipon ang mga ito.

Waring kung gaano kabilis nagsimula ito, gayundin kabilis natapos ang kamangha-manghang pangyayaring ito​—hanggang sa susunod na taon muli. Nagpasiya tayong tanggihan ang pagkakataong kumain ng hilaw na mga uod, subalit sinamahan naman natin ang ating mga kaibigan sa pampang para tikman sa kauna-unahang pagkakataon ang “caviar ng Pasipiko” paglabas nito mula sa pugon sa ilalim ng lupa. Mayaman sa mga bitamina at mineral, ang balolo ay maaaring ilaga, ihurno, o iprito. Kapag naluto na, hindi ito nasisira sa loob ng isang linggo o higit pa. Gayunman, inaamin natin na ang lasang isda nito ay hindi magugustuhan ng lahat.

Dumating na ang oras para maghiwa-hiwalay tayo, at pinasasalamatan natin ang mga punong-abala sa nayon dahil sa kanilang mainit na pagpapatuloy sa isla. Habang binubulay-bulay natin ang paglitaw ng mga uod na balolo, ang inaasahang panahon ng pagdating nito, at ang pagkaumaasa sa isa’t isa ng lahat ng nabubuhay na bagay sa bahura, namangha tayo sa Maylalang ng gayong iba’t ibang siklo ng buhay.​—Apocalipsis 4:11.

Kung nagbabalak kang bumisita sa Fiji Islands, baka naisin mong tikman ang putahe ng masarap na mga polychaete na uod na ito. Sa kabilang dako naman, baka gugustuhin mo na lamang na magbaon! Alinman ang piliin mo, makatitiyak ka na kapag panahon ng balolo, hihintayin ng mga tagaisla ang paglitaw nitong kawili-wiling “caviar ng Pasipiko.”

[Mga talababa]

a Ginagamit ng ibang wika, kasali na ang Ingles, ang palolo na wikang Samoan.

b Nangyayari rin ito sa ibang lugar sa katimugan at kanluraning mga rehiyon sa Pasipiko, kasama na ang Cook Islands, Samoa, ang Solomon Islands, Tonga, at Vanuatu. Karagdagan pa, ang maramihang paglutang ng katulad na mga uod na polychaete ay napaulat sa ibang bahagi ng daigdig, kalakip na sa Kapuluan ng Malay, Gulpo ng Mexico, Caribbean, at sa Hapon.

c Ang isang siklong Metonic ay isang yugto ng 19 na taon.

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

Talaga Bang mga Uod ang Kinakain Nila?

Baka magulat at maginhawahan kang malaman na ang di-karaniwang panghuhuling ito ay hindi talaga panghuhuli sa tunay na diwa nito. Tingnan natin kung bakit.

Ang bahaging buntot ng mga uod na balolo ay lubhang nagbabago at mabilis na nagiging mga sangkap sa pagpaparami na tinatawag na mga epitoke. Nagtataglay ito ng mga selula sa sekso na tinatawag na mga gamete. Ang bahaging buntot, na may mga mata at mga kamay na parang sagwan, ay humihiwalay sa uod at lumilitaw sa ibabaw ng dagat. Kung hindi nga lamang dinaklot ng isang gutóm na tao o ng isang maninila sa dagat, sumasabog ang natutunaw na mga supot, anupat naglalabas ito ng mga itlog at binhi na para bang sinadya ang “tsansa” na magtagpo. Ang katakut-takot na dami nito ay tumitiyak na magkakaroon ng sapat na pertilisasyon, sa kabila ng bagay na marami sa mga ito ay kinakain ng tao at mga hayop. Yaong mga nakaligtas na lumalangoy na mga uod ay nakasusumpong ng isang angkop na grupo ng mga korales, kung saan naninirahan ang mga ito upang pasimulan ang kanilang siklo ng buhay.

Kaya, kapag kumakain tayo ng balolo, kinakain lamang natin ang buntot na bahagi ng mga uod na nabubuhay pa rin sa bahura.

[Picture Credit Lines sa pahina 10]

Itaas: Sekove Bigitibau; kaliwa, gitna, at pahina 11: Paul Geraghty