Mga Aksidente sa Sasakyan—Ligtas Ka Ba?
Mga Aksidente sa Sasakyan—Ligtas Ka Ba?
“Mayroon akong mabuting rekord sa pagmamaneho, kaya hindi ako nag-aalala sa pagkakaroon ng aksidente sa sasakyan.” “Ang mga aksidente ay nagaganap lamang sa mga kabataan at walang-ingat na mga tsuper.” Iniisip ng marami na hindi sila maaaksidente kailanman sa sasakyan. Gayon ba ang iyong nadarama? Kung tungkol sa mga aksidente sa sasakyan, ligtas ka ba rito?
IPINAKIKITA ng estadistika na kapag ikaw ay naninirahan sa isang maunlad na bansa, malamang na mapinsala ka sa isang aksidente sa sasakyan kahit minsan man lamang sa buong buhay mo. Para sa marami, ang gayong aksidente ay nakamamatay. Sa buong daigdig, mahigit na ngayon sa kalahating milyon ang namamatay sa aksidente sa sasakyan taun-taon. Marahil ay inakala ng marami sa mga namatay noong nakaraang taon na hindi iyon mangyayari kailanman sa kanila. Ano ang maaari mong gawin upang mabawasan ang tsansa na ikaw ay mapahamak? Ang pinakasusi ay ang pag-iwas. Isaalang-alang kung paano mo maiiwasan ang mga aksidenteng dulot ng pag-aantok at ng mga epekto ng pagtanda.
Ang Inaantok na Tsuper
Ang ilang eksperto ay nagsasabi na ang isang inaantok na tsuper ay maaaring maging mapanganib na gaya ng isang lasing na tsuper. Ipinakikita ng mga ulat na ang pag-aantok ang nagiging sanhi ng dumaraming aksidente. Sinabi kamakailan ng Fleet Maintenance & Safety Report na sa loob ng isang taon, 1 sa bawat 12 motorista sa Norway ang iniulat na nakatulog habang nagmamaneho. Ayon sa The Star ng Johannesburg, Timog Aprika, ang pagkapagod ng tsuper ang nagiging dahilan ng sangkatlo sa lahat ng banggaan ng mga sasakyan sa bansang iyon. Isinisiwalat ng mga ulat sa ibang bansa na ang pagkapagod ay nakaaapekto sa mga tsuper sa lahat ng dako. Bakit napakarami ang inaantok na mga tsuper?
Ang abalang istilo ng pamumuhay sa ngayon ang isang sanhi ng problema. Ang magasing Newsweek ay nag-ulat kamakailan na maaaring “kulang ng isang oras at kalahati ang tulog [ng mga Amerikano] bawat gabi kaysa sa dati [nilang] ginagawa noong nagsisimula pa lamang ang ika-20 siglo—at ang problema ay malamang na lumubha pa.” Bakit? Sinipi ng magasin ang eksperto hinggil sa pagtulog na si Terry Young na nagsasabi: “Itinuturing ng mga tao ang pagtulog bilang isang bagay na maaari nilang ipagkait sa sarili. Minamalas na isang tanda ng pagpapagal at pagiging progresibo ang pagtulog nang kakaunti.”
Sinasabing nangangailangan ang isang karaniwang tao ng anim at kalahati hanggang siyam na oras ng pagtulog bawat gabi. Kapag ipinagkait ito, ang mga tao ay nagkakaroon ng “sleep debt” (kakulangan ng tulog). Isang ulat na ipinamahagi ng AAA Foundation for Traffic Safety ang nagsasabi: “Kahit na ang 30 o 40 minutong kakulangan sa kinakailangang pagtulog bawat gabi sa isang normal na sanlinggo ng paggawa ay maaaring magdulot ng 3 hanggang 4 na oras na kakulangan ng tulog sa dulong sanlinggo, sapat upang lumaki ang antas ng pag-aantok sa araw.”
Kung minsan, maaaring hindi ka magkaroon ng isang mabuting pamamahinga sa gabi. Ang insomniya, pag-aalaga sa isang batang may sakit, o iba pang mga salik na hindi mo kontrolado ay makababawas ng iyong tulog. Kinabukasan ay maaari kang antukin habang nagmamaneho. Ano ang dapat mong gawin kung mangyari ito?
Ang karaniwang mga remedyo tulad ng pag-inom ng caffeine, pagbubukas ng bintana, pagngata ng chewing gum, o pagkain ng maanghang ay maaaring hindi magpanatili
sa iyo na gising. Wala sa tinatawag na mga remedyong ito ang maaaring lumutas sa talagang problema. Ang kailangan mo ay tulog. Kaya bakit hindi subukin ang saglit na pag-idlip? Iminungkahi ng The New York Times: “Ang nakapagpapalakas na pag-idlip na ito sa araw ng pagtatrabaho ay hindi dapat humigit sa 30 minuto; kapag lumampas dito, lumalalim ang pagtulog ng katawan anupat nagiging mahirap na itong gisingin.” Ang pag-idlip ay maaaring umantala sa pagdating mo sa iyong patutunguhan, subalit maaari itong magpahaba ng iyong buhay.Ang paraan ng iyong pamumuhay ay maaaring maging dahilan upang madali kang maging isang antuking tsuper. Masyado ka bang nagbababad sa Internet, o napupuyat ka ba sa gabi sa panonood ng telebisyon? Dumadalo ka ba sa mga sosyal na pagtitipon na tumatagal hanggang sa madaling araw? Huwag hayaang ang gayong gawain ay makabawas ng iyong tulog. Minsan ay idiniin ng matalinong haring si Solomon ang kahalagahan ng kahit na “sandakot na kapahingahan.”—Eclesiastes 4:6.
Makaranasan Subalit Mas Matanda
Ang mas matatandang tsuper ay kadalasang siyang pinakamakaranasan sa daan. Bukod dito, hindi sila nagbabakasakali at alam nila ang kanilang mga limitasyon. Gayunman, ang mas matatandang tsuper ay hindi ligtas sa panganib na dulot ng banggaan ng mga sasakyan. Sa katunayan, maaaring lalo silang madaling maaksidente habang sila’y tumatanda. Ang magasin sa Estados Unidos na Car & Travel ay nag-ulat: “Ang mga tao na mahigit sa 70 anyos ang bumubuo ng 9 na porsiyento ng populasyon, subalit 13 porsiyento sa mga ito ang namamatay sa trapiko.” Nakalulungkot, dumarami ang banggaan na kinasasangkutan ng mas matatandang tsuper.
Isaalang-alang ang obserbasyon ni Myrtle, na 80 anyos na. a Siya ay nagsimulang magmaneho mahigit nang 60 taon ang nakalilipas at hindi siya nakaranas kailanman ng aksidente sa sasakyan. Subalit, kagaya ng maraming iba pa, nadarama na niya ang mga epekto ng pagtanda—mga epekto na malamang na maging dahilan upang maaksidente siya. Kamakailan ay sinabi niya sa Gumising!: “Habang tumatanda ka, lahat ng bagay sa buhay [kasali na ang pagmamaneho] ay nagiging isang hamon.”
Ano ang ginawa niya upang mabawasan ang panganib na maaksidente sa sasakyan? “Sa nakaraang mga taon ay gumawa ako ng mga pagbabago upang bumagay sa aking edad,” ang sabi ni Myrtle. Halimbawa, binawasan niya ang oras na ginugugol niya sa pagmamaneho, lalo na sa gabi. Ang kaunting pagbabagong ito ay nakatutulong sa kaniya upang patuloy siyang makapagmaneho.
Mahirap mang aminin, ang pagtanda ay may epekto sa kaninuman. (Eclesiastes 12:1-7) Bumabangon ang iba’t ibang suliranin sa kalusugan, tayo ay medyo bumabagal sa pagtugon, at humihina ang ating paningin—pawang nakaaapekto ang mga ito sa ligtas na pagmamaneho. Gayunman, ang pagtanda sa ganang sarili ay hindi nag-aalis sa kuwalipikasyon ng isang tsuper. Ang mahalaga ay kung gaano kahusay ang pagmamaneho ng tsuper. Ang pagkilala sa mga pagbabago sa ating pisikal na mga kakayahan at paggawa ng angkop na mga pagbabago sa ating rutin ay maaaring magpasulong ng ating kakayahan sa pagmamaneho.
Maaaring hindi mo ito mapansin, subalit nagbabago ang iyong paningin. Habang tumatanda ka, ang lawak ng iyong nakikita ay kumikipot at ang iyong retina ay nangangailangan ng higit na liwanag. Ang isang buklet na pinamagatang The Older and Wiser Driver ay nagsasabi: “Tatlong beses ang tindi ng liwanag na kailangan ng isang tsuper na 60 anyos upang makakita na gaya ng isang tin-edyer, at mangangailangan ng tagal na mahigit sa dalawang ulit upang mabagayan ng kaniyang paningin ang pagbabago mula sa liwanag tungo sa dilim.” Ang mga pagbabagong ito sa ating mga mata ay maaaring magpahirap sa pagmamaneho kung gabi.
Si Henry ay 72 na at may rekord ng ligtas na pagmamaneho sa mahigit na 50 taon. Habang lumilipas ang mga taon, napansin niyang ang pagkasilaw sa gabi ay nagpapahirap sa pagmamaneho. Pagkatapos magpasuri sa mata, nalaman niyang
kailangan niya ang bagong salamin na dinisenyo upang mabawasan ang pagkasilaw sa gabi. “Ang pagmamaneho sa gabi ay hindi na mahirap,” ang sabi ni Henry. Para sa kaniya ang maliit na pagbabagong ito ay malaki ang naitulong sa kaniyang pagmamaneho. Para sa iba, gaya ni Myrtle, maaaring ang lunas ay huwag nang magmaneho pa sa gabi.Ang pagtanda ay nakaaapekto rin sa bilis ng reaksiyon ng isang tao. Ang mas matatandang isipan ay maaaring mas matalino at higit na makatuwiran kaysa sa mga kabataan. Gayunman, habang tumatanda ang isang tao, lalo siyang nangangailangan ng mas mahabang panahon upang maproseso ang impormasyon at kumilos alinsunod doon. Lalo nitong pinahihirap ang pagmamaneho, palibhasa’y laging nagbabago ang trapiko at mga kalagayan sa daan. Ang mga pagbabagong ito ay dapat na dagling isaalang-alang upang maisagawa kaagad ang angkop na pagkilos.
Ang magasing Car & Travel ay nag-uulat na “ang pinakakaraniwang sanhi ng nakamamatay na banggaan na kinasangkutan ng matatandang tsuper ay dahil sa hindi napansin ng mas matatandang tsuper ang mga hudyat ng kasangkapan sa pagkontrol ng trapiko.” Bakit? Idinagdag pa ng ulat na iyon: “Ang suliranin ay . . . waring may kinalaman sa mga kalagayan kung saan kailangan munang pag-isipang mabuti ng matatandang tsuper ang iba’t ibang impormasyon sa kaliwa at sa kanan bago tumawid sa krosing.”
Paano mo mababagayan ang bumabagal na reaksiyon? Mag-ingat kapag lumalapit sa krosing. Ugaliin na tingnang mabuti ang trapiko bago ka umabante. Mag-ingat ka lalo na kapag lumiliko. Ang pagliko sa mga krosing ay makamamatay, lalo na kung tumatawid ka sa mga linya ng paparating na sasakyan.
Sa Estados Unidos, ang 40 porsiyento ng nakamamatay na mga aksidente sa krosing para sa mga tsuper na mahigit sa 75 anyos ay may kinalaman sa mga pagliko sa kaliwa. Iminumungkahi ng AAA Foundation for Traffic Safety sa mga tsuper sa bansang iyon na: “Kung minsan ay maaari kang lumiko nang tatlong beses sa kanan upang maiwasan ang pagliko sa kaliwa.” Maaari mong ikapit ang simulaing iyan sa mga kalagayan sa lugar na iyong tinitirhan. Sa pamamagitan ng kaunting pagpaplano nang patiuna, maaari mong maiwasan ang mapanganib at mahirap na mga krosing.
Isang Pasiyang Dapat Isaalang-alang
Ano ang makatutulong sa iyo upang masuri ang iyong mga kakayahan sa pagmamaneho? Marahil ay maaari mong hilingin sa isang iginagalang na kaibigan o miyembro ng pamilya na sumakay na kasama mo at suriin ang iyong mga kakayahan. Pagkatapos, makinig nang mabuti sa anumang obserbasyon nila. Maaari ka ring magpasiyang kumuha ng kurso sa ligtas na pagmamaneho. Maraming samahan sa pagmamaneho ang nag-aalok ng mga kurso na dinisenyo lalo na para sa matatanda nang tsuper. Kapag muntik ka nang madisgrasya nang dalawang ulit o higit pa, ito ay maaaring isang tanda na ang iyong mga kakayahan sa pagmamaneho ay hindi na kasinghusay noon.
Sa totoo lamang, baka mas makabubuti sa iyo na huminto ka na sa pagmamaneho. Maaaring ito’y isang desisyong mahirap tanggapin. Nalalaman ni Myrtle, na binanggit kanina, na darating ang araw na kakailanganin na niyang huminto sa pagmamaneho. Habang lumalapit ang araw na iyon, mas malimit na siyang sumasakay kasama ng iba. Ano ang nadarama niya kapag iba na ang nagmamaneho? “Kasiya-siya ang sumakay na walang kaigtingan sa pagmamaneho,” ang sabi niya.
Pagkatapos ng maingat na pagsasaalang-alang, maaaring gayundin ang madama mo. Ang pamimili, pag-aasikaso ng mga bagay-bagay, at pagpunta sa mga tipanan at sa mga pulong ay maaaring maging higit na kasiya-siya kasama ng isang kaibigan. Marahil ay maipagmamaneho ka ng isang kaibigan na ginagamit ang iyong sariling sasakyan. Ang paglalakbay sa gayong paraan ay maaaring maging higit na ligtas at higit na kasiya-siya kaysa sa paglalakbay nang nag-iisa. Ang pagsakay sa pampublikong transportasyon, kung mayroon, ay isa pang praktikal na alternatibo. Tandaan na ang halaga mo ay hindi depende sa iyong kakayahang magmaneho. Ang iyong maiinam na katangian ang siyang tunay na mahalaga sa iyong pamilya at sa iyong mga kaibigan—at sa Diyos.—Kawikaan 12:2; Roma 14:18.
Ikaw man ay nakatatanda o nakababata, isang makaranasan o baguhang tsuper, hindi ka ligtas sa mga panganib na dulot ng mga aksidente sa sasakyan. Kilalanin ang maselan na pananagutang kaakibat ng pagmamaneho. Mag-ingat upang mabawasan ang mga tsansa na masangkot ka sa isang banggaan. Sa paggawa nito, maipagsasanggalang mo ang iyong sarili at ang iba sa marami pang mga paglalakbay sa hinaharap.
[Talababa]
a Ang mga pangalan sa artikulong ito ay pinalitan.
[Larawan sa pahina 12]
Tiyaking ang iyong katawan ay “nakargahan” ng isang mahimbing na pagtulog sa gabi
[Larawan sa pahina 13]
Ang pag-idlip ay magdudulot ng kaunting pagkaantala, subalit ito ay maaaring magligtas ng mga buhay
[Larawan sa pahina 13]
Ang mas matatandang tsuper ay higit na makaranasan subalit napapaharap sa pantanging mga hamon
[Larawan sa pahina 14]
May mga bentaha ang paglalakbay nang may kasama