Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat ba Akong Magparetoke?
“Bago operahin ang ilong ko, katakut-takot na panunukso ang inabot ko. Hindi ko naman gusto ang pagkaganda-gandang ilong, basta iyong isang ilong na babagay sa akin. Tuwang-tuwa ako sa resulta, at iyon pa rin ang gagawin ko kung kailangan.”—Eleni. a
“Bakit ako magpapadala sa itinakdang pamantayan para sa magandang hitsura? Kapag nabago na ng operasyon ang mga bahagi ng katawan ko, pakiramdam ko’y isa na akong palsipikadong pera. Hindi tunay.”—Mathias.
“Dapat magpasiya ang bawat isa sa kaniyang sarili. Napakahirap para sa iba na humusga.”—Manuela.
“KUNG may sinumang gaganda pa kaysa sa akin, tiyak na siya ay naka-make-up.” Sa Alemanya, matagal nang naging pandepensa ang katawa-tawang kasabihang iyan ng mga taong nag-aalala na may maipipintas sa kanilang hitsura. Subalit sa ilang lupain sa ngayon, baka dapat na maging ganito na ngayon ang kasabihan: “Kung may sinumang gaganda pa kaysa sa akin, tiyak na siya ay nagparetoke.” Talaga ngang nagiging pangkaraniwan na lamang ang pagpaparetoke (cosmetic surgery).
b Marahil ang ilan sa iyong mga kaibigan, kaeskuwela, o kamag-anak ay nakapagparetoke na.
“Ang pagpaparetoke ay hindi na ngayon para sa mayayaman lamang,” ang ulat ng pahayagan sa Switzerland na Neue Zürcher Zeitung, na ang sabi pa: “Dalawang kausuhan ang lumitaw: Parami nang paraming lalaki ang kumokonsulta sa mga siruhanong nagreretoke . . . , at pabata nang pabata ang mga babaing kliyente.” Ayon sa isang surbey sa Alemanya, halos 20 porsiyento ng mga sinurbey sa pagitan ng edad na 14 at 29 ang alinman sa nagparetoke na, nagplanong magparetoke, o sa paanuman ay nag-isip tungkol dito.Kumusta ka naman? Sumagi man lamang ba sa iyong isipan ang pagpapaganda ng iyong hitsura sa pamamagitan ng operasyon? Sa palagay mo ba ay nakausli ang iyong mga tainga, na napakalaki o napakaliit ng iyong dibdib, na ang iyong tiyan o mga hita ay mauumbok, o pangit ang iyong ilong? Kung gayon, hindi lamang ikaw ang taong pinahihirapan ng gayong damdamin. Isang grupo ng mga kabataang babae sa haiskul ang sumulat ng isang artikulo sa isang pahayagan sa Alemanya na ganito ang isinasaad: “Wala kang makikitang kabataang babae na kasing-edad namin na hindi nakaranas ng pagiging di-kontento sa kaniyang sariling katawan.” Ang pagnanais na maging kaakit-akit at kinahuhumalingan ng iba ay normal lamang. Pero ang pagpaparetoke nga ba ang sagot?
Isang Solusyon sa Iyong mga Problema?
Isipin mo ang iyong kakilalang mga kabataan. Magugulat ka ba na malaman na marami sa kanila—marahil maging ang ilan na maganda naman sa tingin mo—ay hindi nasisiyahan sa kanilang hitsura? Subalit iyan mismo ang nangyayari. Ang tanong ay, Sa palagay mo ba ay dapat na magparetoke silang lahat? O sa palagay mo ba ay mas mabuti kung matututuhan nilang maging mas maligaya sa kaayaayang pitak ng kanilang hitsura? Hindi kaya kapit din sa iyo mismong kalagayan ang simulaing iyan?
Gaya ng ipinakikita ng komento ni Eleni, sa ilang kalagayan ay maaaring mapigilan ng pagpaparetoke ang panlilibak at panliligalig. Sa kabilang banda, ang pagpaparetoke ay hindi lunas sa lahat. Tiyak na hindi ito ang panghalili sa mabuting istilo ng pamumuhay, na malaki ang nagagawa sa hitsura ng isang tao. At bagaman maaaring baguhin ng isang siruhano ang iyong hitsura, hindi niya mababago ang personalidad mo, ni maaari man niyang alisin ang iyong kabalisahan o dagdagan ang iyong paggalang sa sarili.
Tandaan din na hindi kayang tuparin ng ilang klinika o mga doktor ang kanilang sinasabi. Sa diwa, baka waring ipinangangako nila sa iyo ang kaligayahan. Subalit ang totoo, maaaring mas interesado sila sa iyong salapi kaysa sa kaligayahan mo. Nakalulungkot, may ilang walang prinsipyong mga siruhano na nagsasagawa ng operasyong hindi naman kailangan, malabong magtagumpay, o mapanganib—hangga’t binabayaran sila.
Mayroon ding pangmatagalang bagay na dapat pag-isipan. Halimbawa, ang hitsura na napakapangit sa tingin mo noong ikaw ay 16 anyos ay baka ibang-iba na noong ikaw ay 21 anyos. Sinabi ng siruhanong nagreretoke na si Dr. Urs Bösch: “Bilang pangkalahatang alituntunin, ang pagreretoke ay hindi dapat gawin sa mga tin-edyer. Ang hugis ng katawan ng tin-edyer at ang kabatiran niya sa kaniya mismong katawan ay nagbabago sa edad na ito.” Isa pa, mas malamang na kailanganin ng mga kabataan ang kasunod na mga operasyon. At habang lumalaki ang iyong katawan, maaari ring lumaki ang mga pilat.
Timbangin ang mga Bagay-bagay
Pinapayuhan tayo ng Bibliya na tuusin ang gastusin bago natin pasimulan ang isang mahalagang proyekto. (Lucas 14:28) Para sa karamihan ng mga kabataan, hindi makatuwiran ang magparetoke dahil sa gastusing nasasangkot. At hindi pa kasama sa gastusing iyan ang kasunod na mga pagpapatingin sa doktor—o bahagya pang pagreretoke na maaaring kailanganin.
Maraming tao ang hindi lamang siningil sa gastusin sa operasyon kundi siningil din sa kanilang kalusugan. Ayon sa American Society for Aesthetic Plastic Surgery, kasali sa panganib sa kalusugan ang pansamantalang pamamaga, permanenteng mga pilat, pagkawala ng pakiramdam at
kakayahang magpasuso, at maging ang labis na pagkaubos ng dugo. Halimbawa, nabingit sa kamatayan si Anna habang nagpapa-liposuction. Ganito ang reklamo niya: “May napakapapangit akong pilat ngayon at may uka sa aking tiyan.” May kinalaman sa pagpapa-liposuction, isang pahayagan sa Alemanya ang nagsabi: “Dumarami ang mga ulat ng malulubhang komplikasyon at ng kamatayan pa nga.” Huwag kalimutan: “Ang pagpaparetoke ay isang operasyon pa rin, at talagang mapanganib ito,” gaya ng sabi ng maliit na pahayagang pangkalusugan na Apotheken Umschau. Sa gayon, maingat na timbangin muna ang mga panganib bago mo tanggapin ang anumang pagpapaopera—lalo na yaong wala namang kinalaman sa kalusugan.Maaari mo ring itanong sa iyong sarili: ‘Anong impresyon ang ibinibigay ko sa iba? Na ang pangunahin sa buhay ko ay ang hitsura? Paano makaiimpluwensiya ang pasiya ko sa aking mga kaedad o nakababatang kapatid?’ c
Ang Iyong mga Motibo
Mahalaga ring pag-isipang mabuti ang iyong mga motibo. At hindi madaling maunawaan nang malinaw ang mga ito. Halimbawa, baka ibig mong itanong sa iyong sarili: ‘Gusto ko bang mapahinto ang patuloy na panunukso sa aking nakahihiyang hitsura? O nadadala lamang ako ng aking kayabangan? Ang pagnanais ko ba na baguhin ang aking hitsura ay impluwensiya ng aking mga kaedad, nang-aakit na mga anunsiyo, o isang artista? Sinisikap ko bang abutin ang labis na pamantayan sa kagandahan na palaging iniaanunsiyo ng media sa ngayon?’
Ipinalalagay naman ng iba na ang pagpapaganda ay makadaragdag sa tsansa nilang makahanap ng mapapangasawa o ng isang magandang trabaho. Pero sa totoo lang, ang bawat may-asawa ba na kilala mo ay kaakit-akit ang hitsura? Kumusta naman ang hitsura ng lahat ng nagtatrabaho? Hindi, hindi lubusang nakadepende sa personal na hitsura ang gayong mga nakakamtan sa buhay. Isa pa, ang isang potensiyal na mapapangasawa ba o isang amo na labis na nagpapahalaga sa iyong hitsura kaysa sa panloob na mga katangian mo ay talagang sulit sa gastos at sa panganib ng operasyon?
Habang maingat na sinusuri mo ang iyong mga motibo, ipakipag-usap sa iyong mga magulang o sa isang may-gulang na kaibigan ang iyong damdamin. Kung sa palagay mo ay talagang problema ang isang bahagi ng iyong katawan, hilingin mo ang kanilang totoong opinyon. Huwag kang basta magtiwala sa salamin. May kinalaman sa paraan ng pagtingin natin sa ating sariling mga pisikal na kapintasan, ganito ang sabi ni Nana: “Masyado mo itong dinidibdib kaysa sa tingin ng iba dahil sa iba lamang ang iyong pangmalas.” Ipinaliwanag ng mga mananaliksik sa Landau University, sa Alemanya, na karamihan sa kaso ng pagpaparetoke ay pinag-iisipan, “hindi dahil sa talagang pangit ang isang bahagi ng katawan, kundi dahil sa waring pangit ito sa tingin ng taong iyon.”
Huwag kang magpasiya nang padalus-dalos, kundi maingat na timbangin ang mga bagay-bagay. Ituring mo na ang anumang pagpapaopera ay isang bagay na hindi na maibabalik. Sa paanuman, malamang na pagtiisan mo na lamang ang mga resulta nito sa mahaba-habang panahon.
Ang Pinakamahalagang Kagandahan Mo
Ang kaligayahan ay hindi nagmumula sa iyong hitsura. Bagaman maaaring pasulungin o hadlangan ng hitsura ang paggalang sa sarili, ang talagang mahalaga ay ang iyong personalidad at saloobin. Pagkatapos niyang mabingit sa kamatayan, ganito ang konklusyon ni Anna: “Natutuhan ko na ang kagandahan ay walang kinalaman sa iyong panlabas na hitsura.”
Bagaman tinutukoy sa kaayaayang paraan ang pisikal na kagandahan, ipinakikita ng Bibliya na pangalawahin lamang ang kahalagahan nito kung ihahambing sa espirituwal na kagandahan: “Ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan; ngunit ang babaing may takot kay Jehova ang siyang nagkakamit ng papuri para sa kaniyang sarili.” (Kawikaan 31:30; 1 Samuel 16:7) Ang pagtataglay ng ganitong pangmalas ay makatutulong sa iyo na makasumpong ng kapayapaan sa sarili, kahit hindi mo nagugustuhan ang ilang bahagi ng iyong katawan.
Anuman ang iyong pasiya, tandaan mo na ang sakdal na hitsura at tunay na kaligayahan ay hindi makakamit sa ngayon. Ang lahat ay di-sakdal sa anumang paraan. (Roma 3:23) Hindi mo mababago iyan. Ang mababago mo ay ang iyong panloob na pagkatao—ang tinatawag ng Bibliya na “lihim na pagkatao ng puso.” (1 Pedro 3:3, 4) Pasulungin mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng paglinang ng mga katangiang maganda sa paningin ng Diyos. Wala itong panganib ni gastos, at walang kapantay ang mga gantimpala nito!
[Mga talababa]
a Pinalitan ang ilang pangalan.
b Ang cosmetic (o aesthetic) surgery ay isinasagawa sa walang diperensiyang mga bahagi ng katawan upang mapaganda ang hitsura nito. Ang reconstructive surgery ay nilayon upang maisauli sa dati ang mga bahagi ng katawan na pumangit dahil sa kapinsalaan, sakit, o kapansanan mula sa pagkasilang. Pareho itong mga uri ng plastic surgery.
c Tingnan din ang kabanatang “Gaano Kahalaga ang Hitsura?” sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 19]
Ang “pinoproblema” mo bang bahagi ng katawan ay talagang problema, o kailangan mo lamang baguhin ang pangmalas mo sa iyong sarili?