Nababahala Ka ba sa Iyong Buhok?
Nababahala Ka ba sa Iyong Buhok?
MAAARING isa ka sa marami na gumugugol ng panahon araw-araw sa harap ng salamin habang maingat na sinusuri ang kanilang buhok. Ang mga lalaki at babae ay parehong interesado sa kanilang buhok, at kung minsan ay maaari itong pagmulan ng pagkabahala.
Alamin ang Iyong Buhok
Alam mo ba kung gaano karaming buhok mayroon ang iyong anit? Sa katamtaman, mga 100,000. Ang isang hibla ng buhok ay patuloy na lumalago sa loob lamang ng dalawa hanggang anim na taon, hindi nang habang panahon. Pagkatapos ay nalalagas na ito, at pagkaraan ng isang yugto ng panahon ay tutubo ang isang bagong buhok sa butas ding iyon. Ang siklo ng buhay ng isang hibla ng buhok ay tinatawag na siklo ng buhok. (Tingnan ang kahon sa pahina 27.) Dahil sa siklong ito, kahit na ang isa ay walang problema sa buhok, mga 70 hanggang 100 hibla ng buhok ang normal na nalalagas araw-araw.
Ano ang sanhi ng sari-saring kulay ng buhok na ating nakikita? Ganito ang paliwanag ng The World Book Encyclopedia: “Ang kulay ng buhok ay pangunahin nang nakadepende sa dami at distribusyon ng kulay-kape’t itim na pigmento na tinatawag na melanin.” Ang melanin ay isang biyolohikal na pigmento na masusumpungan sa buhok, balat, at mga mata. Kapag mas marami ang pigmento, mas matingkad ang kulay ng buhok. Habang nababawasan ang dami ng melanin, nagbabago ang kulay ng buhok mula sa kulay-itim hanggang sa kulay-kape o kulay-kalawang o blond. Kung wala nang melanin ang buhok, ito’y magiging makintab na kulay puti.
Ang ikinababahala ng marami, bukod sa balakubak, ay ang pagkalagas ng buhok o pagkakaroon ng uban.
May Uban Ka Ba?
Ang uban ay kadalasang minamalas bilang palatandaan ng pagtanda. At ang puting buhok ay karaniwang minamalas bilang isang katangian ng mas nakatatandang tao. Totoo, dumarami ang puting buhok kasabay ng pagtanda. Gayunman, bukod sa pagtanda, ang ibang mga salik, tulad ng labis na pagdidiyeta, ay kilala ring sanhi ng pagkakaroon ng uban. Ang pagkakaroon ng uban ay nangyayari anuman ang kasarian o likas na kulay ng buhok ng mga indibiduwal, bagaman ito ay higit na mapapansin sa mga may mas maiitim na buhok.
Dahil sa mayroon silang uban, ang ilan ay maaaring malasin na mas matanda kaysa sa aktuwal na gulang nila at naaasiwa sila hinggil dito. Sa kabilang panig, may mga tao na, palibhasa’y walang uban, ay nababahala sa pagiging di-magkatugma ng kanilang hitsura at ng kanilang aktuwal na edad.
Ang pagkakaroon ng uban ay hindi nangangahulugan na namamatay ang buhok. Sa katunayan, ang lahat ng nakikitang bahagi ng buhok ay talagang patay na. Bawat hibla ng buhok ay umaabot hanggang sa loob ng anit. Ang pinakapuno nito ay tinatawag na bulb at ito lamang ang bahaging buháy. Ang bulb ang nagsisilbing pagawaan ng buhok. Kapag nabubuo ang buhok dahil sa mabilis na paghahati-hati ng mga selula sa bulb, sumisipsip ito ng melanin, na ginagawa ng mga pigment cell. Dahil diyan, kapag huminto sa paggawa ng melanin ang mga pigment cell, ang buhok ay magiging puti.
Wala pang nakaaalam kung bakit bigla na lamang humihinto sa paggawa ng melanin ang mga pigment cell. Kaya wala pang nasusumpungang tiyak na gamot upang mahadlangan ang pagkakaroon ng uban. Napag-alaman din na ang mga pigment cell na hindi na gumagana ay maaaring gumanang muli. Kapansin-pansin, ang Bibliya ay naglalaman ng maraming pananalita tungkol sa buhok, at ang isa sa mga ilustrasyon na ibinigay ni Jesus ay tumutukoy sa puting buhok. Sinabi niya: “Hindi mo magagawang puti o itim ang isang buhok.” (Mateo 5:36) Ipinahihiwatig ng mga salitang ito na matagal nang kinikilala na ang pagkakaroon ng uban ay hindi kayang hadlangan o gamutin ng tao.
Sinusubok ng ilan ang mas bagong paggamot, tulad ng pag-iiniksiyon ng melanin. Pinipili naman ng iba na tinaan ang kanilang buhok, at tiyak na hindi ito isang bagong kaugalian. Ang pagtitina ng buhok ay isinasagawa noon ng sinaunang mga Griego at mga Romano. Ginamit ng sinaunang mga Ehipsiyo ang dugo ng mga toro upang kulayan ang kanilang buhok. Iniulat na si Herodes na Dakila, na isang kapanahon ni Jesu-Kristo, ay nagtina ng kaniyang buhok na nagkakauban upang itago ang kaniyang edad.
Gayunman, ang palaging pagtitina ng buhok ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap, at para sa ilan ay maaari itong magdulot ng mga problema sa balat o mga alerdyi. Kahit na magpasiya kang tinaan ang iyong buhok na nagkakauban, maaaring dumating ang panahon na gusto mo nang huminto, at kung gayon ay walang alinlangan na kakailanganin mong harapin ang paglitaw ng bagong tubong mga buhok na magsisiwalat ng tunay na kulay nito. Ang kagandahan naman nito, maaaring magtinging elegante ang buhok na may uban at magdulot sa iyo ng dignidad na hindi mo pa kailanman tinaglay. Nagkokomento ang Bibliya: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.”—Kawikaan 16:31.
Pagnipis ng Buhok at Pagkakalbo
Ang iba pang karaniwang problema sa buhok ay ang pagnipis ng buhok at pagkakalbo. Matagal na ring umiiral ang mga problemang ito. Sa sinaunang Ehipto, kasali sa mga sangkap na panlunas sa pagkakalbo ang taba ng mga leon, behemot, buwaya, pusa, serpiyente, at mga gansa. Sa ngayon ay bumabaha sa pamilihan ang mga gamot sa buhok at sa anit na diumano’y epektibo, at pagkalaki-laking halaga ng salapi ang ginagastos sa mga ito taun-taon.
Nagaganap ang pagkakalbo kapag hindi na normal ang siklo ng buhok. Ang normal na siklo ng buhok ay maaaring magambala ng pisikal na abnormalidad, tulad ng malnutrisyon, matagal na pagkakaroon ng mataas na lagnat, o ng isang uri ng sakit sa balat. Maaari ring maapektuhan ng pagdadalang-tao at panganganak ang siklo ng buhok, anupat nalalagas ang maraming buhok sa anit bago pa makumpleto ang normal na siklo. Gayunman, kapag wala na ang mga sanhi, ang ganitong uri ng pagkalagas ng buhok ay humihinto at muli na namang nagiging normal ang siklo ng buhok.
Ang isa pang uri ng pagkalagas ng buhok ay tinatawag na alopecia. a Kadalasan, sa ganitong problema, nararanasan ang pagkalagas ng buhok sa iba’t ibang bahagi ng anit. Ipinahihiwatig ng pananaliksik sa medisina kamakailan na ang alopecia ay posibleng isang sakit sa sistema ng imyunidad.
Ang pinakakaraniwang pagnipis ng buhok ay tinatawag na male pattern baldness. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, nangyayari ito sa mga lalaki. Nagsisimula ito sa pagkakalbo ng noo o sa pagnipis ng tuktok ng ulo, at unti-unti itong lumalawak. Ang siklo ng buhok ay nagiging di-normal sa apektadong lugar at hihinto sa dakong huli. Ganito ang paliwanag ng The Encyclopædia Britannica: “Sa apektadong mga lugar ng anit ay pinapalitan ng manipis na buhok na tinatawag na vellus ang dating mahaba, matibay, at may kulay na dulo ng buhok.” Nangangahulugan ito na habang nagpapatuloy ang siklo ng buhok, lalong numinipis at di-tumatagal ang buhok at sa dakong huli ay wala nang tutubo. Ito ang resulta ng kombinasyon ng minanang mga katangian at ng mga hormon ng lalaki.
Maaaring mag-umpisa ang male pattern baldness na kasing-aga ng panahon ng pagtitin-edyer, subalit mas malamang na mangyari ito kapag ang isang lalaki ay malapit nang maging 40 o 50 ang edad. Bagaman maraming lalaki ang nakararanas ng ganitong uri ng pagkalagas ng buhok, ang dami ng nakararanas nito ay iba’t iba sa bawat lahi at indibiduwal. Nakalulungkot, hanggang sa ngayon ay wala pang natutuklasang tiyak na lunas para sa ganitong sakit. Ang ilan ay maaaring magpasiyang magsuot ng peluka o magpasailalim sa hair transplant. Para sa marami, maaaring makatulong ang pag-aalagang mabuti sa natitirang buhok upang mapabagal ang pagkalagas ng buhok.
Kapag sinasabing numinipis ang buhok ng isa ay hindi naman laging nangangahulugan na nalalagas na ang buhok. Sa halip, maaari itong mangahulugan na ang mga hibla ng buhok ay nagiging mas pino, o b Lalong numinipis ang buhok habang tumatanda ang isa. Ang kaunting micron na pagnipis ay maaaring hindi gaanong mapapansin. Subalit pakisuyong tandaan na may 100,000 hibla ng buhok. Kaya ang kaunting pagnipis ng bawat hibla ng buhok ay may malaking epekto sa pagbabago ng kabuuang kapal nito.
nagiging mas manipis, at sa gayon ay nawawala ang kapal ng buhok. Gaano ba kakapal ang isang hibla ng buhok? Ayon sa isang surbey, maaari itong magkaroon ng sukat na mula sa 50 micron sa ilang tao hanggang sa 100 micron naman sa iba.Pangangalaga sa Iyong Buhok
Tumutubo ang buhok nang mahigit na sampung milimetro bawat buwan, at ito ang isa sa pinakamabilis tumubong bahagi ng katawan. Kapag ang lahat ng tumubong buhok ay pinagsama-sama, aabot ito sa mahigit na 20 metro bawat araw!
Bagaman wala pang nasumpungang ganap na mga lunas sa pagkakaroon ng uban at pagkakalbo, malaki ang ating magagawa upang mapangalagaan ang buhok na taglay natin. Mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na nutrisyon at pagpapabuti sa sirkulasyon ng dugo sa anit. Ang labis na pagdidiyeta o di-timbang na pagkain ay makapagpapabilis sa pagkakaroon ng uban at pagnipis ng buhok. Iminumungkahi ng mga propesyonal na i-shampoo natin nang regular ang ating buhok at masahihin ang ating anit, na iniiwasang makalmot ito ng ating mga kuko. Pinasisigla nito ang wastong sirkulasyon ng dugo sa anit. Matapos i-shampoo ang iyong buhok, banlawan itong mabuti.
Huwag masyadong puwersahin ang pagba-brush sa iyong buhok. Kung mahaba ang iyong buhok, mas mabuting huwag munang mag-brush mula sa puno hanggang sa dulo. Sa halip, hawakan mo muna ang iyong buhok at gamitin ang brush upang alisin ang pagkakabuhul-buhol ng mga buhok sa dulo. Pagkatapos, mag-brush mula sa gitna pababa. Saka ngayon ilugay ang iyong buhok nang dahan-dahan at i-brush ito mula sa puno hanggang sa dulo.
Maaari ikabahala mo ang pagkasumpong ng mga uban o ang maraming nalagas na buhok. Gayunman, tandaan na ang iba ay karaniwan nang hindi gaanong nababahala tungkol sa iyong buhok na gaya mo. Nasa sa iyo kung gusto mong magtina o hindi, o gumamit ng peluka o hindi, o humanap ng ibang gamot. Anuman ang kulay ng iyong buhok at gaano man kakapal ang buhok mo, ang mahalaga ay panatilihin itong malinis at maayos.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Gumising! ng Abril 22, 1991, pahina 12.
b Ang isang micron ay isang libo ng isang milimetro.
[Kahon/Dayagram sa pahina 27]
ANG SIKLO NG BUHOK
May siklo ang paglago ng ating buhok. Mayroon itong yugto ng paglago, isang maikling yugto ng pagbabago, at isang yugto ng pamamahinga. Ganito ang paliwanag ng The World Book Encyclopedia: “Ang buhok ay tumitigil sa paglago tuwing yugto ng pamamahinga, kung kailan kilala ito bilang isang club hair. Ang club hair ay nananatili sa namamahingang follicle hanggang sa susunod na yugto ng paglago. Sa panahon ng yugtong ito ng paglago, ang club hair ay nalalagas habang lumalago ang isang bagong buhok at itinutulak ito palabas ng follicle.” Sa anumang panahon, samantalang nasa aktibong yugto ang 85 hanggang 90 porsiyento ng buhok, 10 hanggang 15 porsiyento ang nasa yugto ng pamamahinga at 1 porsiyento naman ang nasa yugto ng pagbabago.
[Dayagram]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Maagang pagtubo
Aktibong pagtubo
follicle
mga ugat na daluyan ng dugo
glandula ng langis
hibla ng buhok
Pagkalagas
Pamamahinga
Muling paglago
[Buong-pahinang larawan sa pahina 24]