Matuto Mula sa Unang-Siglong mga Kristiyano
Matuto Mula sa Unang-Siglong mga Kristiyano
“Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”—Colosas 2:8.
GANIYAN ang babala ni apostol Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano hinggil sa mga panganib ng pikit-matang pagsunod sa pilosopiya ng tao. Maaari silang manghawakan sa maaasahang patnubay na ibinigay ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, mga turo na nakapagbigay na sa kanila ng pagkarami-raming pakinabang, o madaya ng pabagu-bagong mga teoriya ng mga tao, isang landasin na nagdulot na ng kirot at hapis sa milyun-milyon.—1 Corinto 1:19-21; 3:18-20.
Pamumuhay “Ayon kay Kristo”
Hindi rin naunawaan ng mga krusado, na nabuhay mga isang libong taon na ang nakalilipas, na ang pamumuhay “ayon kay Kristo” ay nangangahulugan nang higit pa kaysa sa basta paghahayag lamang ng katapatan kay Jesu-Kristo. (Mateo 7:21-23) Nangangahulugan ito ng lubusang pamumuhay na kasuwato ng mga turo ni Jesus na masusumpungan sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Mateo 7:15-20; Juan 17:17) “Kung kayo ay nananatili sa aking salita,” ang sabi ni Jesu-Kristo, “kayo ay tunay ngang mga alagad ko.” (Juan 8:31) “Malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad,” ang sabi niya, “kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.
Ang totoo, ang mga krusadong iyon ay nadaya ng “walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao.” At hindi nga kataka-taka na ang ordinaryong mga tao ay nalinlang, nang ang kanilang relihiyosong mga lider, ang kanila mismong mga obispo, ay “naging bantog bilang mga sundalo.” “Naging karaniwan sa mga klero ang espiritu na handang makipagdigma,” ang sabi ng Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, nina McClintock at Strong, “anupat kapag kailangang makamit ang
anumang bagay [sa pamamagitan nito], sila ay laging handang makipagdigma.”Ano ang umakay sa malungkot na kalagayang ito? Pagkamatay ng unang-siglong mga Kristiyanong apostol, ang apostatang mga lider ng simbahan ay lumayo nang lumayo sa mga turo ni Kristo, gaya ng inihula ng Salita ng Diyos. (Gawa 20:29, 30) Ang simbahan na naging masamâ ay lalong nasalabid nang maglaon sa sekular na estado. Noong ikaapat na siglo, nagpakumberte di-umano si Emperador Constantino ng Roma sa Kristiyanismo nang siya ay nasa bingit na ng kamatayan. Pagkatapos, ang sabi ng Cyclopedia, “ang paghahalili sa mga estandarteng idolo ng estandarteng Krus ay nag-obliga sa bawat Kristiyano na maglingkod bilang sundalo.”
Sabihin pa, wala naman talagang gayong obligasyon ang mga Kristiyano. Ngunit ang “mapanghikayat na mga argumento” ng pilosopiya ng tao ay umakay sa kanila sa malulubhang paglabag sa lahat ng bagay na kinakatawanan ni Kristo. (Colosas 2:4) Ang ilang lubhang nakalilinlang na argumento ay malaon nang ginamit upang ipagmatuwid ang mga digmaan at mga labanan ng tao. Gayunman, ang totoo, ang pakikisali ng isang makatao at makadiyos na indibiduwal sa “makademonyong mga gawa ng digmaan, na sistematikong isinagawa noong sinauna o sa makabagong panahon,” ang sabi ng Cyclopedia, “ay hindi sa anumang paraan magiging tugma sa . . . mga simulain ng Kristiyanismo.”
Ang mga relihiyong hindi kabilang sa Sangkakristiyanuhan ay nakipagdigma rin sa nakalipas na mga siglo. Tulad na lamang ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, kanilang pinatay ang mismong mga karelihiyon nila gayundin ang iba pa dahil sa pambansa, pampulitika, at panrelihiyong mga pagkakasalungatan. Ginamit nila ang karahasan o ang pagbabanta na gamitin ito upang kumbertehin ang iba tungo sa kanilang sariling mga paniniwala. Upang makamit ang kanilang adhikain, ang ilan sa kanila ay nakisali sa mga masaker na naganap sa kasaysayan. Wala silang ipinagkaiba sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.
Hiwalay sa Sanlibutan
Bakit nagawa ng mga Kristiyano na manatiling hiwalay sa madugong mga digmaan at pulitika nang panahon nila? Dalawang saligang simulain ang tumulong sa kanila. Una, nariyan ang utos ni Jesus kay apostol Pedro nang gamitin ni Pedro ang kaniyang tabak upang ipagtanggol siya: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Ikalawa, ang mga salita ni Jesus kay Pilato nang magtanong ito tungkol sa pinagmulan ng pagkahari ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.”—Juan 18:36.
Paano ikinapit ng unang-siglong mga Kristiyano ang mga simulaing iyon? Lubusan nilang inihiwalay ang kanilang sarili sa sanlibutan, anupat pinaninindigan ang kanilang neutralidad pagdating sa mga gawain sa pulitika at sa militar. (Juan 15:17-19; 17:14-16; Santiago 4:4) Tumutol silang magsakbat ng sandata laban sa kanilang kapuwa-tao. Maliwanag mula sa kasaysayan na ang unang-siglong mga Kristiyano ay hindi nakisali sa nasyonalistikong mga kilusan ng mga Judio ni sa mga hukbo ng Imperyo ng Roma. Kasabay nito, hindi nila diniktahan ang pulitikal na mga lider kung ano ang dapat gawin, yamang iyon ay pananagutan ng mga lider sa gobyerno.—Galacia 6:5.
Si Justin Martyr, noong ikalawang siglo C.E., ay sumulat hinggil sa mga Kristiyano na ‘pumukpok sa kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.’ (Mikas 4:3) Bilang tugon sa mga tumutol sa paninindigan ng mga Kristiyano, nagtanong si Tertullian: “Magiging matuwid ba na gamitin ng isa ang tabak upang maging hanapbuhay, samantalang sinabi ng Panginoon na siyang gumagamit ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak?”
“Sundin ang Diyos Bilang Tagapamahala sa Halip na mga Tao”
Ang pagtangging makipagdigma ay hindi naging madali para sa unang mga Kristiyano. Iyon ay laban sa sinasang-ayunang mga paniniwala noong panahong iyon. Nilibak ni Celsus, isang kaaway ng Kristiyanismo, ang kanilang paninindigan. Ang kaniyang paniniwala ay dapat makipagdigma ang lahat kapag hiniling ito ng mga nasa kapangyarihan. Sa kabila ng matinding pagkapoot, tumutol ang unang mga Kristiyano na sundin ang anumang pilosopiya ng tao na salungat sa mga turo ni Kristo. “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao,” ang sabi nila.—Gawa 4:19; 5:29.
Tinularan ng mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon ang kanilang huwaran. Halimbawa, sa Nazi Alemanya ay buong-tapang silang tumanggi na masangkot sa mapamaslang na mga digmaan ni Hitler. Handa nilang batahin ang malupit na pagpapahirap, kahit mamatay pa kung kinakailangan, sa halip na labagin ang kanilang Kristiyanong neutralidad. Napaulat na “kalahati ng kanilang bilang ang nabilanggo at sangkapat ang napatay” ng
mga Nazi dahil sa kanilang katapatan sa mga simulain ng Bibliya. (Of Gods and Men) Kaya, sa sampu-sampung milyong napatay noong Digmaang Pandaigdig II, wala kahit isa ang pinatay ng mga Saksi ni Jehova. Sa halip na patayin ang iba, handang isakripisyo ng mga Saksi ang kanilang sariling buhay, gaya ng ginawa ng marami sa kanila.Isang Aral na Maaari Nating Matutuhan
Anong mga aral ang maituturo ng kasaysayan sa atin? Tiyak na ang isa ay ito: Ang pilosopiya ng tao ay laging umaakay sa pagkakapootan at pagdanak ng dugo sa mga bansa at mga bayan. May kawastuang sinasabi ng Eclesiastes 8:9: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” At ang pangunahing dahilan dito ay masusumpungan sa Jeremias 10:23, kung saan sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” Hindi nilalang ng Diyos ang mga tao upang mapangasiwaan nang matagumpay ang kanilang mga gawain, na hiwalay sa kaniya. Hindi sila binigyan ng kakayahang ito. Pinatunayan ng buong kasaysayan ang bagay na iyan.
Ngayon, bilang mga indibiduwal, hindi natin kayang baguhin kung ano ang ginagawa ng mga lider ng mga bansa habang inuulit nila ang mga trahedya ng nakaraan, ni binigyan tayo ng karapatan na sikaping hikayatin sila na tahakin ang isang partikular na landasin. Ngunit hindi tayo dapat mahikayat na sumali sa kanilang mga labanan at maging bahagi ng mga ito. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Upang huwag maging bahagi ng mga labanan ng sanlibutang ito, dapat na hayaan nating akayin ng Salita ng Diyos, ang Bibliya—hindi ng pabagu-bagong pilosopiya ng tao—ang ating buhay.—Mateo 7:24-27; 2 Timoteo 3:16, 17.
Isang Kamangha-manghang Kinabukasan
Ang maaasahang Salita ng Diyos ay nagbibigay hindi lamang ng kaliwanagan hinggil sa nakaraan at sa kasalukuyan. Naglalaan ito ng tiyak na patnubay para sa hinaharap. (Awit 119:105; Isaias 46:9-11) Ito rin ay nagbibigay ng maliwanag na ideya kung ano ang layunin ng Diyos para sa planetang ito. Hindi niya pahihintulutan ang mga tao na sirain ang lupa sa pamamagitan ng may-kamangmangang pag-abuso sa napakalaking kapangyarihan na ipinagkaloob sa kanila ng siyensiya at teknolohiya. Titiyakin niya na ang lupang ito ay sasapit sa Paraisong kalagayan na dating nilayon niya para rito.—Lucas 23:43.
Hinggil sa bagay na ito, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.” (Kawikaan 2:21, 22) Malapit na itong maganap, sapagkat pinatutunayan ng mabagabag na mga panahong ito na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1-5, 13) At tiyak na ang mga huling araw na ito ay biláng na; papaubos na ang mga ito. Itinuturo sa atin ng hula ng Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17; Daniel 2:44.
Hindi na magtatagal at ‘ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa’ at hahalinhan ang kasalukuyang marahas na sanlibutang ito ng isang bagong sanlibutan kung saan “tatahan ang katuwiran.” (Apocalipsis 11:18; 2 Pedro 3:10-13) Pagkatapos, para roon sa mga matitira, “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:1-4) Ang mga digmaan at karahasan ay mawawala na magpakailanman, sapagkat ang hula sa Isaias 2:4 ay lubusang matutupad: “Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” Maaari mo ring tamasahin ang gayong kamangha-mangha at walang-hanggang kinabukasan kung matututo ka mula sa mga aral ng kasaysayan.—Juan 17:3.
[Blurb sa pahina 11]
Ang mga Saksi ni Jehova ay natuto mula sa unang-siglong mga Kristiyano
[Larawan sa pahina 8, 9]
Sinabi ni Jesus na ang kaniyang Kaharian ay hindi bahagi ng sanlibutang ito
[Larawan sa pahina 10]
Nangangako ang Salita ng Diyos ng buhay na walang hanggan sa kasakdalan sa isang paraisong lupa