Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi Pa Rin Natututo ang mga Bansa

Hindi Pa Rin Natututo ang mga Bansa

Hindi Pa Rin Natututo ang mga Bansa

“Kung matututo sana ang mga tao mula sa kasaysayan​—kaylalaking aral sana ang maituturo sa atin nito! Ngunit binubulag ng Pita at Partido ang ating mga mata, at ang kaliwanagan na ibinibigay ng Karanasan ay isang ilawan na nasa dulo ng bangka na ang tinatanglawan lamang ay ang mga alon sa likuran natin!”​—Samuel Taylor Coleridge.

SUMASANG-AYON ba kayo sa makatang Ingles na si Samuel Coleridge? Posible ba na tayo ay labis na mabulag ng pita ukol sa isang hangarin anupat inuulit natin ang masaklap na mga pagkakamali ng nakaraang mga henerasyon?

Ang mga Krusada

Halimbawa, isaalang-alang ang ilan sa mga bagay na ginawa ng mga tao noong panahon ng mga Krusada. Noong 1095 C.E., hinimok ni Papa Urban II ang “mga Kristiyano” na kunin ang Banal na Lupain mula sa mga Muslim. Ang mga hari, baron, kabalyero, at karaniwang tao sa buong bansa na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Urban II ay tumugon sa kaniyang panawagan. Ayon sa isang istoryador noong Edad Medya, “halos walang tao na namumuhay ayon sa batas ni Kristo” ang hindi sumuporta agad sa layuning iyon.

Sinabi ng istoryador na si Zoé Oldenbourg na ang karamihan sa mga krusado ay “lubusang nananalig na sa pagiging krusado, tuwiran [silang] naglilingkod sa Diyos Mismo.” Itinuring nila ang kanilang sarili, ang sabi niya, bilang “tagapuksang mga anghel na sumasalakay sa mga anak ng diyablo.” Naniniwala rin sila na “matatamo ng lahat ng namatay ang korona ng mga martir sa langit,” ang sabi ng manunulat na si Brian Moynahan.

Marahil ay walang kabatiran ang mga krusado na gayundin ang pinaniniwalaan ng kanilang mga kaaway. Ang mga kawal ng Islam, ang sabi ng istoryador na si J. M. Roberts sa kaniyang aklat na Shorter History of the World, ay nakipagdigma rin taglay ang pananalig na nakikipaglaban sila para sa Diyos at “na ang kamatayan sa larangan ng digmaan laban sa mga erehe ay susundan ng pagpasok sa paraiso” sa langit.

Itinuro sa magkabilang panig na ang kanilang ipinaglalaban ay isang matuwid na digmaan​—sinang-ayunan at binasbasan ng Diyos. Itinaguyod ng relihiyoso at pulitikal na mga lider ang mga paniniwalang ito at ginatungan ang nag-aalab na damdamin ng kanilang mga nasasakupan. At ang magkabilang panig ay nakagawa ng kahindik-hindik na mga kalupitan.

Anong Uri ng mga Tao?

Anong uri ng mga tao ang gumawa ng kahila-hilakbot na mga bagay na ito? Ang karamihan ay ordinaryong mga tao​—wala gaanong ipinagkaiba sa mga tao sa ngayon. Walang alinlangan na marami sa kanila ang pinag-alab ng idealismo at pagnanais na iwasto ang mga pagkakamali na kanilang nakita sa daigdig noong panahon nila. Yamang nagpupuyos ang kanilang damdamin, waring wala silang kamalay-malay sa katotohanan na sa pakikipaglaban nila para sa “katarungan,” wala silang naidulot kundi kawalang-katarungan, kirot, at pagdurusa sa daan-daang libong inosenteng mga lalaki, babae, at mga bata na naipit sa mga lugar ng digmaan.

Hindi ba’t iyan na ang naging kalakaran sa buong kasaysayan? Hindi ba’t paulit-ulit nang inudyukan ng karismatikong mga lider ang milyun-milyong tao​—na karaniwan nang hindi man lamang sumagi sa isipan nila na makisali sa gayong paggawi​—na makibahagi sa mabangis at barbarikong mga digmaan laban sa kanilang mga kalaban sa relihiyon at pulitika? Ang panawagan upang isakbat ng magkalabang panig ang mga sandata at ang mga pag-aangkin na pumapanig ang Diyos sa magkabilang grupo ay nagbibigay-katuwiran sa marahas na pagsupil sa pulitikal at relihiyosong pagsalansang. Ito ay bahagi ng malaon nang kalakaran na pinakinabangan ng mga mapaniil sa loob ng maraming siglo. Ito, ang sabi ni Moynahan, ang pamantayan na “sinunod nang maglaon ng mga nagpakana ng Holocaust at ng makabagong mga tagalipol ng di-kalahi kung paanong pinasimulan nga nito ang unang krusada.”

‘Ngunit hindi na pahihintulutan ng makatuwirang mga tao sa ngayon ang kanilang sarili na manipulahin sa gayong paraan,’ baka sabihin mo. ‘Hindi ba’t mas sibilisado na tayo ngayon?’ Iyan sana ang kalagayan. Ngunit talaga nga bang may natutuhang mga aral sa kasaysayan? Sino ang talagang makapagsasabi na totoo ito kapag binulay-bulay ang kasaysayan ng lumipas na daan-daang taon?

Ang Unang Digmaang Pandaigdig

Halimbawa, ang parisan na itinakda ng mga Krusada ay naulit noong unang digmaang pandaigdig. Iyon ay “isa sa mga kabalighuan ng 1914,” ang sabi ni Roberts, “na sa bawat bansa ay napakaraming tao, mula sa lahat ng partido, paniniwala at angkan, ang waring, nakapagtataka naman, kusa at maligayang nagtungo sa digmaan.”

Bakit “kusa at maligayang nagtungo sa digmaan” ang maraming ordinaryong tao? Dahil, tulad ng mga nauna sa kanila na buong-pagkukusang nagtungo sa digmaan, nahubog ang kanilang mga simulain at paniniwala ng mga pilosopiya na popular noong panahong iyon. Bagaman naganyak ang ilan ng mga simulain ukol sa kalayaan at katarungan, halos walang alinlangan na marami ang napakilos ng hambog na paniniwala na mas nakahihigit ang kanilang bansa kaysa sa iba at sa gayo’y karapat-dapat na mangibabaw.

Ang mga ito ay nahikayat na maniwala na ang digmaan ay isang di-maiiwasang bahagi ng likas na disenyo ng mga bagay-bagay​—isang uri ng “biyolohikal na pangangailangan.” Halimbawa, pinasigla ng “social Darwinism,” ang sabi ng manunulat na si Phil Williams, ang ideya na ang digmaan ay isang lehitimong pamamaraan ng “paglipol sa mga uri na hindi karapat-dapat mabuhay.”

Sabihin pa, inaakala ng bawat isa na ang kaniyang ipinakikipaglaban ay makatarungan. Ano ang resulta? Noong Digmaang Pandaigdig I, “pinagningas at itinaguyod ng mga gobyerno,” ang sabi ng manunulat at istoryador na si Martin Gilbert, “ang pagtatangi ng lahi, patriyotismo at kakayahang pangmilitar”​—at pikit-matang sumunod ang mga tao. Ang ekonomistang si John Kenneth Galbraith ay lumaki sa kabukiran ng Canada noong digmaang iyon. Sinabi niya na sa palibot niya, ang mga tao ay nag-uusap tungkol sa “maliwanag na kahangalan ng labanan sa Europa.” “Hindi nakikisali ang matatalinong tao . . . sa gayong kabaliwan,” ang sabi nila. Ngunit minsan pa, nakisali sila. Ano ang naging mga resulta? Mga 60,000 sundalong taga-Canada ang kabilang sa mahigit na siyam na milyong sundalo na namatay sa magkabilang panig sa kasuklam-suklam na pangyayaring tinawag na unang digmaang pandaigdig.

Walang Natutuhang Aral

Sa loob ng sumunod na dalawang dekada, muling nakita ang gayunding saloobin sa pagbangon ng Pasismo at Nazismo. Sinimulang gamitin ng mga Pasista “ang tradisyonal na mga kasangkapan ng propaganda hinggil sa mga simbolo at mga alamat upang pukawin ang damdamin ng mga tao,” ang isinulat ni Hugh Purcell. Ang isang lalo nang makapangyarihang kasangkapan na kanilang ginamit ay ang malakas na tambalan ng relihiyon at pulitika, anupat nagdarasal ukol sa basbas ng Diyos sa kanilang mga tropa.

Ang isang “dalubhasa sa panghihikayat sa masa at napakagaling na mananalumpati rin” ay si Adolf Hitler. Tulad ng maraming mapanlinlang na lider noong nakalipas, sabi ni Dick Geary sa Hitler and Nazism, naniwala si Hitler na ‘nahikayat ang taong-bayan hindi sa pamamagitan ng kanilang isip kundi sa pamamagitan ng kanilang damdamin.’ Sinamantala niya ang kahinaang ito ng tao sa pamamagitan ng tusong paggamit sa malaon nang pamamaraan ng pagbabaling ng poot ng mga tao laban sa iisang kalaban​—gaya nang “ibaling [niya] ang takot at hinanakit ng mga Aleman sa mga Judio,” ang sabi ni Purcell. Siniraang-puri ni Hitler ang mga Judio, sa pagsasabing, ‘Ang mga Judio ang nagpapasamâ sa bansang Aleman.’

Ang kahindik-hindik hinggil sa buong panahong iyon ay na madaling naudyukan ang waring disenteng mga tao na gumawa ng lansakang pagpatay. “Paanong ang mamamayan ng isang ipinalalagay na sibilisadong bansa ay hindi lamang kumukunsinti kundi kasangkot pa sa kahindik-hindik na barbarismo ng estadong Nazi?” ang tanong ni Geary. At iyon ay hindi lamang isang “sibilisadong” bansa kundi isa ring ipinalalagay na Kristiyanong bansa! Sila ay nahikayat dito sapagkat mas gusto nila ang mga pilosopiya at mga pakana ng mga tao kaysa sa mga turo ni Jesu-Kristo. At kayraming taimtim at idealistikong mga lalaki at babae ang nahikayat sa kahindik-hindik na kalupitan magmula noon!

“Ang itinuturo ng karanasan at kasaysayan ay ito,” ang sabi ng pilosopong Aleman na si Georg Hegel, “na ang mga bansa at gobyerno ay hindi kailanman natuto mula sa kasaysayan o hindi kumilos ayon sa anumang mga aral na maaari sanang natutuhan nila mula sa kasaysayan.” Marami ang maaaring tumutol sa pilosopiya ni Hegel sa buhay, ngunit iilan lamang ang tututol sa pananalitang iyan. Nakalulungkot, ang mga tao ay waring labis na nahihirapang matutuhan ang anuman mula sa kasaysayan. Ngunit dapat bang magkatotoo iyan sa iyo?

Tiyak na ang isang maliwanag na aral na matututuhan ay ito: Kailangan natin ang isang bagay na higit na maasahan kaysa sa nagkakamaling mga pilosopiya ng mga tao kung nais nating maiwasan ang mga trahedya ng nakaraang mga henerasyon. Ngunit kung hindi pilosopiya ng tao, ano ang dapat na umakay sa ating isipan? Mahigit na isang libong taon bago ang panahon ng mga Krusada, ipinakita ng mga alagad ni Jesu-Kristo kung ano ang dapat na maging tunay na landasing Kristiyano​—at ang tanging makatuwirang landasin. Suriin natin kung ano ang kanilang ginawa upang di-maimpluwensiyahan na makisangkot sa madugong mga labanan noong panahon nila. Ngunit posible kayang matuto ang mga bansa sa ngayon kung paano gagawin iyan at sa gayon ay maiwasan ang mga labanan? At anuman ang gawin ng mga bansa, ano ang magiging solusyon ng Diyos upang wakasan ang lahat ng kahapisang ito ng mga tao?

[Mga larawan sa pahina 6]

Ang barbarismo at pagdurusa ay tanda ng mga labanan ng tao

[Mga larawan sa pahina 7]

Itaas: Mga lumikas sa lugar na winasak ng digmaan

Paano nasangkot ang ipinalalagay na sibilisadong mga tao sa gayong mga gawa ng ubod-samang karahasan?

[Credit Lines]

Mga lumikas mula sa Rwanda: UN PHOTO 186788/J. Isaac; pagguho ng World Trade Center: AP Photo/Amy Sancetta