Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsusugal—Isang Pandaigdig na Pagkahumaling

Pagsusugal—Isang Pandaigdig na Pagkahumaling

Pagsusugal​—Isang Pandaigdig na Pagkahumaling

PANGARAP ni John, na lumaki sa Scotland, ang manalo sa loterya. “Bumibili ako ng isang tiket sa loterya linggu-linggo,” ang sabi niya. “Maliit lamang ang nagagastos ko rito, ngunit ang tiket na iyon ang nagbibigay sa akin ng pag-asa na makamit ang lahat ng bagay na gusto ko.”

Gustung-gusto naman ni Kazushige na naninirahan sa Hapon ang karera ng kabayo. “Masaya talaga ang pagsusugal naming magkakaibigan sa karerahan, at kung minsan ay nananalo ako ng limpak-limpak na salapi,” ang gunita niya.

“Binggo ang paborito kong laro,” ang sabi naman ni Linda, na nakatira sa Australia. “Gumagastos ako ng mga $30 linggu-linggo sa bisyong ito, ngunit gustung-gusto ko ang pananabik na manalo.”

Itinuturing nina John, Kazushige, at Linda ang pagsusugal bilang isang uri ng libangan na masasabing di-nakapipinsala. Daan-daang milyong tao sa buong daigdig ang may gayunding pangmalas. Ipinakita ng isang Gallup poll noong 1999 na dalawang-katlo ng mga Amerikano ang sang-ayon sa pagsusugal. Noong 1998, gumastos ang mga Amerikanong manunugal ng mga $50 bilyon sa legal na pagsusugal​—higit pa sa lahat ng nagastos nila sa mga tiket sa sine, nakarekord na musika, mga isport na nakaaakit sa marami, mga theme park, at mga video game.

Ayon sa isang pag-aaral kamakailan, sa loob ng isang taon, mahigit sa 80 porsiyento ng populasyon ng Australia ang nagsusugal nang di-kukulangin sa isang beses, at 40 porsiyento ang nagsusugal linggu-linggo. Sa katamtaman, ang mga adulto sa bansang iyon ay gumagastos ng mahigit na $400 (U.S.) sa pagsusugal taun-taon, halos doble ng halagang ginagastos ng mga Europeo o ng mga Amerikano, anupat dahil dito, ang mga Australiano ay kabilang sa mga pinakamahilig magsugal sa daigdig.

Maraming Hapones ang nagugumon sa pachinko, isang larong katulad ng pinball, at gumagastos sila ng bilyun-bilyon sa isang taon sa pagtayâ sa laro. Sa Brazil, di-kukulangin sa $4 na bilyon ang ginagastos taun-taon sa pagsusugal, na ang kalakhan nito ay sa mga tiket sa loterya. Ngunit hindi lamang mga taga-Brazil ang mahilig sa loterya. Tinaya kamakailan ng magasing Public Gaming International na may “306 na loterya sa 102 bansa.” Tunay na ang pagsusugal ay isang pandaigdig na pagkahumaling​—isang pagkahumaling na nagdudulot ng malalaking kapakinabangan, sabi ng ilan.

Si Sharon Sharp, isang kinatawan ng Public Gaming Research Institute, ay nagsabi na sa Estados Unidos mula noong 1964 hanggang 1999, ang mga kita sa loterya “ang nagpasok ng mga $125 bilyon sa pondo ng estado, anupat ang pinakamalaking bahagi ng kita sa buwis na ito ay nagsimulang pumasok noong 1993.” Ang kalakhang bahagi ng salaping ito ay itinalaga sa mga pampublikong programa sa edukasyon, mga parke ng estado, at sa paggawa ng mga pampublikong pasilidad para sa palakasan. Ang industriya ng pagsusugal ay isa ring malaking ahensiya na nagpapatrabaho, at sa Australia pa lamang, umuupa ito ng mga 100,000 katao sa mahigit na 7,000 negosyo.

Kaya ang mga tagapagtaguyod ng pagsusugal ay nangangatuwiran na bukod pa sa paglalaan ng libangan, ang legal na pagsusugal ay lumilikha rin ng mga trabaho, naglalaan ng kita sa buwis, at nagpapaunlad sa naghihirap na mga lokal na ekonomiya.

Kung gayon, maraming tao ang nagtatanong, ‘Ano ba ang masama sa pagsusugal?’ Ang sagot sa tanong na ito, na tatalakayin sa susunod na mga artikulo, ay malamang na magpabago sa iyong pangmalas sa pagsusugal.

[Larawan sa pahina 3]

John

[Larawan sa pahina 3]

Kazushige

[Larawan sa pahina 3]

Linda