Napaglabanan Ko ang “Postpartum Depression”
Napaglabanan Ko ang “Postpartum Depression”
Naaalaala ko pa nang pinanonood ko ang aking asawa habang masayang nakikipaglaro sa aming bagong-silang na anak na babae at iniisip ko na lalo siguro silang sasaya kung wala ako. Nadarama kong nagiging pabigat ako sa kanila. Gusto ko na sanang sumakay ng kotse, magpakalayu-layo, at huwag nang bumalik kailanman. Wala akong kamalay-malay na biktima na pala ako ng postpartum depression. a
MASAYA ang aming unang sampung taon ng pagsasama bilang mag-asawa. Aliw na aliw kami ni Jason sa pagpapalaki kay Liana, ang aming panganay na babae. Kaya nang ako’y muling magdalang-tao, tuwang-tuwa kaming lahat sa balita.
Pero hirap na hirap ako sa pagdadalang-taong ito. Sa katunayan, muntik na akong mamatay dahil sa mga komplikasyon pagkatapos kong magsilang. Pero bago iyan, nang malapit na akong magsilang, waring may isang bagay na gumugulo sa aking
isip. Lumalâ pa ito nang iuwi namin mula sa ospital ang aming bunsong anak na babae, si Carly. Palagi akong pagod at hindi makapagdesisyon kahit sa maliliit na bagay. Tawag ako nang tawag kay Jason sa telepono sa kaniyang pinagtatrabahuhan para lamang itanong kung ano ang susunod kong gagawin sa bahay o tiyakin mula sa kaniya na ang kasasabi o kagagawa ko lamang ay tama.Natakot akong makisalamuha sa mga tao, kahit sa dati nang mga kaibigan. Kapag biglang may kumatok sa pinto, nagtatago ako sa kuwarto. Pinabayaan kong dumumi ang bahay, at agad akong natataranta at nalilito. Mahilig akong magbasa, pero hindi ko na halos magawa ito dahil hindi na ako makapag-isip. Hindi na ako makapanalangin, kaya naapektuhan na rin ang aking espirituwal na kalusugan. Namanhid na ang aking damdamin, anupat wala nang madamang pag-ibig kaninuman. Nangamba ako na baka mapahamak ang aking mga anak dahil hindi na ako makapag-isip nang tama. Nawala ang aking pagpapahalaga sa sarili. Para akong mababaliw.
Sa panahong iyon, umuuwi si Jason mula sa trabaho at tumutulong sa akin sa paglilinis ng bahay o paghahanda ng pagkain para sa aming mag-anak—at ikinagagalit ko ang pagtulong niya! Parang ipinamamata niya sa akin na wala akong kuwentang ina. Pero, kapag hindi naman siya tumulong, inaakusahan ko siya na siya’y walang malasakit. Kung hindi naging maygulang at maibigin si Jason sa pagharap sa mga bagay na ito, maaaring nawasak na ng aking postpartum depression ang aming pagsasama. Marahil ay si Jason lamang ang makapagpapaliwanag ng naging epekto sa kaniya ng aking karamdaman.
Sinabi ng Aking Asawa ang Naging Epekto sa Kaniya
“Sa pasimula, hindi ako makapaniwala sa nangyayari kay Janelle. Lubusan siyang nagbago mula sa kaniyang dating pagiging masayahin at palakaibigan at hindi na siya ang dating si Janelle. Para sa kaniya, lahat ng aking sabihin ay pamimintas, at nagagalit pa nga siya kapag pinagagaan ko ang kaniyang trabaho. Sa simula, parang gusto kong sabihin sa kaniya na paglabanan naman niya ang kaniyang sarili, pero napag-isip-isip kong lalo lamang lulubha ang mga bagay-bagay.
“Laging may igting ang aming pagsasama. Waring ipinalalagay ni Janelle na wala nang nagmamahal sa kaniya. Nakabalita na ako tungkol sa
mga babaing dumaranas ng gayunding mga sintomas bilang resulta ng postpartum depression. Kaya nang magsuspetsa ako na siya’y dumaranas ng gayong bagay, nagsimula akong magbasa ng lahat ng impormasyong mababasa ko tungkol sa paksang ito. Napatunayan kong tama ang aking suspetsa mula sa aking nabasa. Napag-alaman ko rin na hindi dapat sisihin si Janelle sa kaniyang karamdaman—na ito’y hindi dahil sa kaniyang kapabayaan.“Inaamin kong labis akong nahirapan sa emosyonal at pisikal na paraan dahil sa ekstrang pangangalaga na kinailangan niya at ng mga bata. Dalawang taon na sabay-sabay kong ginampanan ang aking sekular na trabaho at ang aking mga responsibilidad bilang matanda sa kongregasyon at bilang asawa at ama. Mabuti na lamang, naisaayos ko ang aking sekular na trabaho upang maaga akong makauwi, lalo na kung mga gabing dadalo kami sa mga Kristiyanong pagpupulong. Kailangan ako ni Janelle sa bahay sa tamang oras upang makatulong sa paghahanda ng hapunan at mabihisan ang mga bata. Bunga nito, nakadadalo kaming lahat sa mga pulong.”
Ang Aking Paggaling
Kung wala ang maibiging suporta ng aking asawa, walang-alinlangang matatagalan pa ang aking paggaling. Matiyagang nakikinig si Jason habang inihihinga ko sa kaniya ang aking mga pangamba. Natuklasan kong napakahalaga pala na huwag kimkimin ang aking nadarama. Kung minsan, parang nagagalit pa nga ako. Pero patuloy na tinitiyak sa akin ni Jason na mahal niya ako at na hindi ako nag-iisa. Palagi niya akong tinutulungang makita ang positibong mga bagay. Pagkaraan naman ay humihingi ako ng paumanhin sa mga nasabi ko dahil sa galit. Inaliw niya ako sa pagsasabing hindi ako ang nagsasalita kundi ang aking karamdaman. Sa paglingon ko ngayon sa nakaraan, napag-iisip-isip ko kung gaano kahalaga sa akin ang kaniyang mapagmalasakit na mga pangungusap.
Sa wakas, nasumpungan naming dalawa ang isang napakabait na doktor na naglaan ng panahon upang pakinggan ang aking nadarama. Sinabi niyang ang aking sakit ay postpartum depression at nagmungkahi na ilakip sa paggamot sa akin ang medikasyon na tutulong upang makontrol ang madalas na mga pag-atake sa akin ng kabalisahan. Hinimok din niya akong magpatulong sa isang propesyonal sa mental na kalusugan. Karagdagan pa, inirekomenda niya ang regular na pag-eehersisyo, isang paggagamot na nakatulong sa marami na mapaglabanan ang depresyon.
Isa sa pinakamalaking hadlang sa aking paggaling ay ang pagharap sa kahihiyan na dulot ng postpartum depression. Madalas na nahihirapan ang mga tao na magpakita ng empatiya sa isa na ang karamdaman ay hindi nila maunawaan. Ang postpartum depression ay hindi gaya ng, halimbawa’y, isang nabaling binti, na nakikita ng iba at sa gayo’y kinaaawaan nila. Gayunman, ang aming pamilya at matatalik na kaibigan ay naging lubhang matulungin at maunawain.
Maibiging Tulong Mula sa Pamilya at mga Kaibigan
Gayon na lamang ang pasasalamat namin ni Jason sa tulong na ibinigay ng aking ina sa mahirap na panahong iyon. Paminsan-minsan, kailangan din naman ni Jason ng pahinga mula sa emosyonal na problema sa bahay. Si Inay ay palaging positibo at hindi niya kinukuhang lahat ang aking trabaho. Sa halip, sinuportahan niya ako at pinalakas ang loob ko na gawin ang aking kayang gawin.
Napakalaking tulong din ang mga kaibigan sa loob ng kongregasyon. Marami ang nagpadala ng maiikling sulat na nagsasabi sa aming naaalaala raw nila ako. Napakahalaga sa akin ang mababait na pananalitang iyon! Lalo pa nga’t nahihirapan akong makipag-usap sa mga tao, sa telepono o sa personal man. Nahirapan pa nga akong makisalamuha sa aking mga kapuwa Kristiyano bago at
pagkatapos ng pulong. Kaya naman, sa pagsulat sa amin, hindi lamang naipakita ng aming mga kaibigan na hindi kaila sa kanila ang mga limitasyong dulot sa akin ng depresyon kundi tiniyak din nila ang kanilang pag-ibig at pagmamalasakit sa akin at sa aming pamilya.Hindi Ito Isang Panghabang-buhay na Sentensiya!
Malaki na ang ibinuti ko ngayon—dahil sa payo ng doktor, sa lubusang suporta ng aming pamilya, at maunawaing mga kaibigan. Regular pa rin akong nag-eehersisyo, kahit pagod ako, sapagkat nakatutulong ito sa aking paggaling. Sinisikap ko ring maging positibo sa pampatibay-loob na ibinibigay ng iba. Kapag masama ang aking pakiramdam, nakikinig ako sa mga audiocassette ng Bibliya at sa Kingdom Melodies—nakapagpapasigla sa espiritu at emosyon na musikang inihanda ng mga Saksi ni Jehova. Ang maiinam na paglalaang ito ay tumutulong upang lumakas ako sa espirituwal at upang mapanatiling positibo ang aking pag-iisip. Kamakailan, nagsimula na nga uli akong magbigay ng salig-Bibliyang bahagi bilang estudyante sa mga pulong sa kongregasyon.
Kinailangan ang mahigit na dalawang taon at kalahati bago dumating ang sandali na nadarama ko nang lubos at naipahahayag ang aking pag-ibig sa aking asawa, mga anak, at sa iba. Bagaman naging mahirap ito para sa aming pamilya, nadarama namin na mas matibay ngayon ang aming buklod higit kailanman. Bukod-tangi kong pinasasalamatan si Jason, na labis-labis na nagpatunay ng kaniyang pag-ibig sa akin sa pamamagitan ng pagbabata sa pinakamahihirap na sandali ng aking depresyon at sa pagiging laging naroroon upang suportahan ako sa panahong kailangan ko ito. Higit sa lahat, kapuwa kami nagkaroon ng mas malapít na kaugnayan kay Jehova, na talagang nagpalakas sa amin sa panahon ng mga pagsubok sa amin.
May mga araw na nakadarama pa rin ako ng depresyon, pero sa tulong ng aking pamilya, ng aking doktor, ng kongregasyon, at ng banal na espiritu ni Jehova, patuloy na lumiliwanag ang pag-asa ng paggaling sa mahirap na kalagayang ito. Oo, ang postpartum depression ay hindi isang panghabang-buhay na sentensiya. Ito’y isang kaaway na maaari nating magapi.—Ayon sa salaysay ni Janelle Marshall.
[Talababa]
a Ang postpartum depression (panlulumo matapos magsilang) ay tinatawag ding postnatal depression.
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
Mga Posibleng Dahilan ng Postpartum Depression
Maraming bagay bukod sa pagbabago sa hormon ang posibleng dahilan kung minsan ng postpartum depression. Kabilang sa mga ito ang:
1. Personal na mga palagay ng isang babae tungkol sa pagiging ina, na maaaring bunga ng isang malungkot na panahon ng pagkabata at di-magandang relasyon sa magulang.
2. Di-makatotohanang mga inaasahan ng lipunan sa mga ina.
3. Pagkakaroon ng depresyon sa pamilya.
4. Kawalang-kasiyahan sa buhay may-asawa at kawalan ng suporta mula sa malapit o malayong kamag-anak.
5. Mababang pagtingin sa sarili.
6. Nabibigatan o di-makayanan ang buong-panahong pag-aalaga sa maliliit na anak.
Ang talaang ito ay tiyak na hindi ganoon kalawak ang saklaw. Mayroon pang ibang posibleng dahilan ng pagkakaroon ng postpartum depression. Ang totoo, hindi pa lubusang nauunawaan ang mga sanhi nito.
[Kahon sa pahina 21]
Hindi Basta “Baby Blues” Lamang
Ang postpartum depression ay hindi dapat ipagkamali sa karaniwang pagkadama ng kalungkutan matapos magsilang. Ang sabi ni Dr. Laura J. Miller: “Ang pinakakaraniwang uri ng pagkadama ng kalungkutan matapos magsilang ay ang tinatawag na ‘baby blues.’ . . . Mga 50% ng nagsisilang na kababaihan ang nakararanas ng ganitong kalungkutan na nagiging sanhi ng pag-iyak at pabagu-bagong kalagayan sa emosyon. Karaniwan nang ito’y lumalalâ sa pagitan ng ikatlo at ikalimang araw matapos magsilang at pagkaraan ay kusa naman itong unti-unting nawawala sa loob ng ilang linggo.” Ipinahihiwatig ng mga mananaliksik na ang mga emosyong ito ay maaaring bunga ng mga pagbabago sa antas ng hormon ng babae matapos magsilang.
Hindi katulad ng “baby blues,” ang postpartum depression ay nagsasangkot ng matagalang pagkadama ng depresyon na maaaring magsimula matapos isilang ang bata o pagkalipas pa ng ilang linggo o ilang buwan. Ang isang bagong ina na nasa ganitong kalagayan ay maaaring biglang makadama ng sigla at pagkatapos ay bigla rin namang makadama ng depresyon o ng pagnanais na magpatiwakal pa nga. Karagdagan pa, maaari siyang maging mainisin, maramdamin, at magagalitin. Maaaring patuloy niyang madama na wala siyang kuwentang ina at wala siyang pagmamahal sa kaniyang anak. Ang sabi ni Dr. Miller: “Batid ng ilang ina na nasuring may depresyon na mahal nila ang kanilang mga anak, subalit hindi nila maintindihan kung bakit wala silang nadarama kundi kawalang-malasakit, pagkainis, o pagkagalit. Iniisip ng iba na saktan o patayin pa nga ang kanilang mga anak.”
Ang postpartum depression ay isang hiwagang may mahabang kasaysayan. Noon pa mang ikaapat na siglo B.C.E., napansin na ng Griegong doktor na si Hippocrates ang malalaking sikolohikal na pagbabagong nararanasan ng ilang babae matapos magsilang. Isang pag-aaral na inilathala sa Brazilian Journal of Medical and Biological Research ang nagpaliwanag: “Ang depresyon matapos magsilang ay isang malaking problema na nararanasan ng 10-15% ng mga ina sa maraming bansa.” Gayunman, nakalulungkot, “hindi nabibigyan ng tamang pagsusuri ang karamihan sa mga kasong ito ng depresyon at hindi nabibigyang-lunas sa tamang paraan,” ang sabi ng Journal.
Ang mas bihira pero mas malubhang karamdamang lumilitaw matapos magsilang ay ang postpartum psychosis. Ang pasyente ay maaaring dumanas ng halusinasyon, makarinig ng mga tinig, at mapahiwalay sa realidad, bagaman may mga panahon din namang nasa tama siyang pag-iisip sa loob ng ilang oras o ilang araw. Nananatiling malabo ang mga sanhi ng psychosis na ito, subalit sinabi ni Dr. Miller na “ang paghina ng mga gene, na marahil ay resulta ng pagbabago ng hormon, ang waring siyang pinakapangunahing dahilan.” Isang espesyalistang doktor ang makapagbibigay ng mabisang gamot para sa postpartum psychosis.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 22]
Kung Paano Matutulungan ang Sarili b
1. Kung patuloy ang depresyon, sumangguni sa doktor. Kung agad mong magagawa ito, mas madali kang gagaling. Humanap ng isang maunawaing doktor na pamilyar sa sakit na ito. Huwag kang mahihiya kung mayroon kang postpartum depression o kung kailangang maggamot ka.
2. Regular na mag-ehersisyo. Ipinakita ng mga pag-aaral na ang regular na pag-eehersisyo ay isang mabisang lunas para sa depresyon.
3. Sabihin mo sa mga malalapít sa iyo ang iyong nararamdaman. Huwag mong ibukod ang iyong sarili o kimkimin ang iyong nadarama.
4. Tandaan na hindi ka naman kailangang magkaroon ng isang sakdal na tahanan. Sikapin mong mapanatiling simple ang iyong buhay sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa mga bagay na mahalaga.
5. Manalangin na bigyan ka ng lakas ng loob at pagtitiis. Kung nahihirapan kang manalangin, hilingan ang isa na manalanging kasama mo. Maaari lamang maantala ang paggaling kung palagi mong sisisihin ang iyong sarili o iisiping wala kang kabuluhan.
[Talababa]
b Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na uri ng paggagamot. Ang mga mungkahi kapuwa sa mga babae at mga lalaki na nakabalangkas sa artikulong ito ay hindi kumakapit sa bawat situwasyon, at maaaring hindi pa nga kapit ang ilang punto sa ilang mga kaso.
[Kahon sa pahina 23]
Mga Mungkahi Para sa mga Lalaki
1. Unawain na ang postpartum depression ay hindi kasalanan ng iyong asawa. Kung patuloy niya itong nararamdaman, samahan mo siya sa paghanap ng isang doktor na nakauunawa sa problema at may simpatiya.
2. May-pagtitiyagang pakinggan ang iyong asawa. Pahalagahan ang kaniyang damdamin. Huwag ikagalit ang kaniyang pagiging negatibo. Tulungan mo siyang makita ang positibong mga bagay sa mabait na paraan, at tiyakin sa kaniya na siya’y gagaling. Huwag mong isipin na dapat mong lutasin ang lahat ng problemang sinasabi niya. Baka ang gusto lamang niya’y kaaliwan at hindi ang kinakailangang mga sagot. (1 Tesalonica 5:14) Tandaan, ang mga may postpartum depression ay hindi nakapag-iisip nang makatuwiran at maliwanag.
3. Bawasan ang di-mahahalagang gawain upang magkaroon ka ng higit na panahon sa pagsuporta sa iyong asawa. Ang paggawa mo nito ay maaaring magpadali sa kaniyang paggaling.
4. Tiyaking may panahon ka rin sa iyong sarili. Ang iyong mabuting kalusugan sa pisikal, mental, at espirituwal ay magpapangyaring ikaw ay maging isang mas magaling na suporta sa iyong asawa.
5. Humanap ng isang makakausap na makapagpapalakas ng iyong loob, marahil ay sa isang lalaking maygulang sa espirituwal na may asawang nagkaroon din ng postpartum depression.
[Larawan sa pahina 23]
Ang pamilya Marshall