Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Kawing ng Buhay Ako po’y 11 taóng gulang, at gustung-gusto ko ang mga hayop. Nang matanggap ko ang serye ng “Sino ang Magsasanggalang sa Kawing ng Buhay?” (Nobyembre 22, 2001), hindi na ako makapaghintay na basahin ito. Nalungkot ako para sa wandering albatross, na nakalarawan sa pahina 7. Nakalulungkot po na ang mga ito’y nalulunod dahil sa di-sinasadyang pagkahuli ng mga ito sa mga pamingwit ng isda. Nagustuhan ko rin ang huling larawan sa pahina, ang freshwater sawfish. Pakisuyo na patuloy kayong maglathala ng ganitong mga artikulo!
S. V., Estados Unidos
Mga Bilangguan Hindi maipahayag ng mga salita kung ano ang aking nadama nang binabasa ko ang artikulong “Mga Salaysay ng Pananampalataya Mula sa Isang Makasaysayang Bilangguan.” (Nobyembre 22, 2001) Mayroon akong anak na lalaki na nakabilanggo dahil sa pagnanakaw sa bangko. Pangalawang pagkakataon na niya ito. Ipadadala ko sa kaniya ang artikulong ito. Ipinapanalangin ko na ito sana’y umantig sa kaniyang puso at humimok sa kaniya na tanggapin ang pag-ibig ni Jehova para sa ating lahat. Salamat sa inyong pagbibigay ng kaaliwan sa amin.
C. M., Estados Unidos
Pagpapatiwakal Maraming salamat sa seryeng “Sulit ang Mabuhay.” (Oktubre 22, 2001) Nang ako’y nasa middle school (ikalima hanggang ikawalong grado), napakaraming kaigtingan ang naranasan ko. Talagang tinulungan ako ni Jehova sa pamamagitan ng Bibliya at ng Kristiyanong pagsasamahan. Pero nadarama ko pa ring wala akong kabuluhan. Nang basahin ko ang kahon na pinamagatang “‘Patatawarin Kaya Ako ng Diyos sa Nadarama Kong Ito?’” ay para bang tuwirang nakikipag-usap sa akin si Jehova. Kayligayang malaman na hindi nalilimutan ni Jehova ang mga taong gaya ko!
S. H., Hapon
Ibig kong ipabatid sa inyo ang aking kagalakan pagkatapos kong mabasa ang seryeng ito. Anong tuwa ko na ang mga artikulong ito ay hindi parang sermon, gaya ng inaasahan ko pagkatapos kong mabasa ang pamagat sa pabalat! Gusto kong maluha sa kahon na “‘Patatawarin Kaya Ako ng Diyos sa Nadarama Kong Ito?’” Dahil sa artikulong ito, nagawa kong ipakipag-usap sa isang Kristiyanong kapatid na babae ang tungkol sa aking dinaranas. Salamat sa inyong pagtalakay sa maselan na paksang ito.
A. F., Pransiya
Walong beses ko nang nabasa ang seryeng ito. Nang ako’y nasa middle school, pinag-isipan ko nang magpakamatay. Waring napakaganda ng kamatayan para sa akin. Natulungan ako ng seryeng ito na matanto na bagaman maaaring hindi masaya ang buhay ko sa araw-araw, mas sulit pa rin ang mabuhay. Hindi ako isang Saksi ni Jehova, subalit nagbabasa na ako ng mga magasing Bantayan at Gumising! Talagang napakagaling ninyo!
S. M., Hapon
Mga Babaing Binubugbog Salamat sa seryeng “Tulong Para sa mga Babaing Binubugbog.” (Nobyembre 8, 2001) Ipinahayag ng pamagat sa pahina 3—“Baka Magbago Na Siya Ngayon”—ang pag-asa na hinangad ko sa loob ng maraming taon. Mapatutunayan ko ang pagiging totoo ng inyong sinabi sa pahina 4, na talagang malimit na ipinakikita ang simpatiya sa gumagawa nito kaysa sa biktima.
S. M., Alemanya
Labis na nakaaaliw ang seryeng ito. Tiyak na katulad ng marami, umiyak ako nang umiyak mula sa unang pahina pa lamang dahil sa naalaala ko ang paghihirap at kirot na minsan ay pinagtiisan ko. Lubha kong pinahahalagahan ang bagay na minamalas ni Jehova ang bawat isa sa atin na mahalaga. Bilang isang buong-panahong ebanghelisador, nasumpungan ko na ang mga taong nakatira kung saan ako nangangaral ay sabik na mabasa ang artikulong ito, gayon na lamang sila kasabik anupat kailangan kong humiling ng karagdagang mga kopya. Maraming-maraming salamat sa pagbibigay ng gayong kapaki-pakinabang na impormasyon.
K. J., Australia
[Picture Credit Line sa pahina 30]
Paruparo: Butterfly House, Mittagong, Australia