Mga Pulis—Bakit Kailangan Sila?
Mga Pulis—Bakit Kailangan Sila?
ANO ang mangyayari sa buhay natin kung walang mga pulis? Buweno, ano ba ang nangyari noong 1997 nang magwelga ang 18,000 pulis sa lunsod ng Recife sa Brazil, anupat naiwang walang pulis ang mahigit na isang milyong naninirahan doon?
“Sa loob ng limang magugulong araw sa malaking lunsod na ito na nasa tabing-dagat, dumami nang tatlong beses ang bilang ng mga pinapatay sa bawat araw,” ang ulat ng The Washington Post. “Walong bangko ang nilooban. May mga pangkat na naghuramentado sa loob ng isang shopping mall at nagpaputok ng mga baril sa pamayanan ng mga nakaririwasa. At walang sumusunod sa mga batas-trapiko. . . . Ang mga namatay sa daluyong ng krimen ay halos hindi na maasikaso ng morge at maraming tao ang dumagsa sa pinakamalaking ospital ng estado, kung saan nakahiga sa mga sahig ng pasilyo ang mga biktima ng pamamaril at pananaksak.” Ang kalihim ng katarungan ay iniulat na nagsabi: “Ang ganitong uri ng katampalasanan ay ngayon pa lamang nangyari rito.”
Saanman tayo nakatira, ang kabalakyutan ay natatakpan lamang ng nakaaakit na anyo ng sibilisasyon. Kailangan natin ang proteksiyong ibinibigay ng mga pulis. Sabihin pa, karamihan sa atin ay may nabalitaan na tungkol sa kalupitan, katiwalian, kawalang-malasakit, at pang-aabuso sa kapangyarihan ng ilang pulis. Iba’t iba ang antas ng ganitong mga pangyayari sa bawat bansa. Subalit ano ang magagawa natin kung walang mga pulis? Hindi ba’t totoo na ang mga pulis ay kadalasang naglalaan ng mahahalagang serbisyo? Tinanong ng Gumising! ang ilang pulis sa iba’t ibang bahagi ng daigdig kung bakit pinili nila ang ganitong propesyon.
Isang Paglilingkod sa Pamayanan at sa Lipunan
“Nasisiyahan akong tumulong sa mga tao,” ang sabi ni Ivan, isang Britanong pulis. “Naakit ako sa pagkasari-sari ng trabaho.
Hindi karaniwang natatanto na 20 hanggang 30 porsiyento lamang ng trabaho ng pulis ang may kaugnayan sa krimen. Ang mas malaking bahagi nito ay ukol sa paglilingkod sa pamayanan at sa lipunan. Sa isang karaniwang araw ng pagpapatrulya, maaari kong asikasuhin ang isang biglaang kamatayan, aksidente sa daan, krimen, at ang isang tulirong matanda na nangangailangan ng tulong. Maaaring maging lalo nang kasiya-siya ang paghahatid sa isang nawalang bata o ang pagtulong sa isang biktima ng krimen na mapanagumpayan ang kaniyang emosyonal na trauma.”Si Stephen ay isang dating pulis sa Estados Unidos. Sinabi niya: “Bilang isang pulis, may mga kakayahan at panahon ka upang maibigay ang pinakamainam na tulong kapag taimtim na lumapit sa iyo ang mga tao upang humingi ng tulong. Iyan ang umakit sa akin sa gayong trabaho. Nais kong tumulong sa mga tao at dalhin ang kanilang pasanin. Nadarama ko na nakatulong ako upang ipagsanggalang ang mga tao sa krimen, kahit man lamang sa isang antas. Nakapag-aresto ako ng mahigit 1,000 katao sa loob ng limang taon. Subalit ang pagkasumpong sa mga nawawalang bata, pagtulong sa mga naligaw na pasyenteng may Alzheimer, at pagbawi sa ninakaw na mga sasakyan ay pawang nagdudulot ng kasiyahan. Pagkatapos ay nariyan din ang kapana-panabik na pagtugis at pagdakip sa mga pinaghihinalaang tao.”
“Gusto kong tulungan ang mga tao sa mga panahon ng kagipitan,” ang sabi ni Roberto, isang pulis sa Bolivia. “Bilang isang kabataan, hinangaan ko ang mga pulis dahil ipinagsasanggalang nila ang mga tao sa panganib. Sa pasimula ng aking propesyon, ako ay inatasang magpatrulya nang naglalakad sa sentro ng lunsod, kung saan naroroon ang mga tanggapan ng pamahalaan. Halos araw-araw kaming napaharap sa mga demonstrasyon na may kinalaman sa pulitika. Ang trabaho ko ay ang pigiling mauwi sa karahasan ang mga situwasyon. Nasumpungan ko na kapag ako ay palakaibigan at makatuwiran sa pakikitungo sa mga lider, maiiwasan ko ang mga kaguluhan na maaaring makapinsala sa maraming tao. Iyon ay kasiya-siya.”
Napakalawak ng saklaw ng paglilingkod ng mga pulis. Napapaharap sa kanila ang mga situwasyong gaya ng pagliligtas sa isang pusa na nasa punungkahoy hanggang sa pagliligtas sa mga binihag ng mga terorista at paglaban sa mga manloloob ng bangko. Gayunman, mula nang lumitaw ang mga makabagong hukbo ng mga pulis, naging tampulan na sila ng pag-asa at takot. Isasaalang-alang ng susunod na artikulo kung bakit.
[Mga larawan sa pahina 3]
Pahina 2 at 3: Paggiya sa trapiko sa Chengdu, Tsina; mga Griegong pulis na humaharap sa kaguluhan; mga pulis sa Timog Aprika
[Credit Line]
Linda Enger/Index Stock Photography
[Mga larawan sa pahina 2, 3]
Ninakawan ang tindahan nang magwelga ang mga pulis sa Salvador, Brazil, Hulyo 2001
[Credit Line]
Manu Dias/Agência A Tarde
[Larawan sa pahina 4]
Stephen, E.U.A.
[Larawan sa pahina 4]
Roberto, Bolivia