Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Indian Railways—Isang Malaking Sistema ng Daang-Bakal na Sumasaklaw sa Isang Bansa

Ang Indian Railways—Isang Malaking Sistema ng Daang-Bakal na Sumasaklaw sa Isang Bansa

Ang Indian Railways​—Isang Malaking Sistema ng Daang-Bakal na Sumasaklaw sa Isang Bansa

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA INDIA

Mahigit na 4,000 taon na ang nakalilipas, may mga manggagawa ng laryo sa hilagang India. Gayunman, hindi nila akalain na ang mga laryong iyon ay gagamitin sa isang napakalaking sistema ng daang-bakal sa malaking lupain ng India.

ANG Indian Railways ay isang malaking sistema ng daang-bakal! Ang mga tren nito ang pangunahing transportasyon sa India, isang bansa na may mahigit sa isang bilyon katao. Bukod pa sa karaniwang araw-araw na paglalakbay ng populasyon sa pangkalahatan, ang tradisyonal na kultura ng India ang nag-uudyok sa milyun-milyong naninirahan sa malayo na maglakbay nang madalas upang dalawin ang kanilang mga kamag-anak dahil sa mga pangyayari sa pamilya, gaya ng pagsilang, kamatayan, mga kapistahan, kasalan, o karamdaman.

Sa bawat araw, sa katamtaman, mahigit na 8,350 tren ang bumabagtas sa halos 80,000 kilometro ng riles at nagsasakay ng mahigit sa 12.5 milyong pasahero. Ang mga pangkargamentong tren ay naghahakot ng mga panindang mahigit sa 1.3 milyong tonelada. Kung pagsasamahin ang layo ng tinatakbo ng mga tren na ito, bawat araw ay umaabot ang mga ito sa distansiyang katumbas ng tatlo at kalahating beses ng distansiya patungo sa buwan!

Isip-isipin ang 6,867 istasyon, 7,500 lokomotora, mahigit na 280,000 kotse at bagon, at riles na may kabuuang distansiya na 107,969 kilometro kasali na ang riles na pinagmamaniobrahan, at mauunawaan mo kung bakit kinakailangang umupa ng mga 1.6 milyon katao ang Indian Railways, ang kompanyang may pinakamaraming manggagawa sa buong daigdig. Oo, tunay na isang napakalaking sistema!

Paano Umiral ang Malaking Sistemang Ito?

Ano ang gumanyak sa paggawa ng mga riles ng tren sa India? Kailan nagsimula ang malaking proyektong ito? At kumusta naman yaong 4,000-taóng mga laryo?​—Tingnan ang kahon sa itaas.

Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, umani ang India ng napakaraming di-naprosesong bulak, na dinadala sa pamamagitan ng mga lansangang patungo sa mga daungan upang iluwas. Gayunman, hindi ang India ang pangunahing tagasuplay ng bulak sa mga pabrika ng tela sa Britanya; nagmumula ang kalakhan ng kanilang bulak sa timog-silangang bahagi ng Hilagang Amerika. Gayunman, ang pagkabigo ng mga taniman sa Amerika na magsuplay ng bulak noong 1846 kasunod ng Digmaang Sibil mula 1861 hanggang 1865 ay lumikha ng isang kagyat na pangangailangan na humanap ng ibang tagasuplay ng bulak. Ang India ang solusyon. Ngunit kailangan ang mas mabilis na transportasyon upang patuloy na tumakbo ang mga pabrika ng Lancashire sa Inglatera. Itinayo ang East India Railway Company (1845) at ang Great Indian Peninsula Railway (1849). Ginawa rin ang mga kontrata kasama ang English East India Company, ang pangunahing mga mangangalakal sa malaking lupain ng India. Mabilis ang trabaho, at noong Abril 16, 1853, nagsimulang maglakbay ang unang tren sa India sa riles na may layong 34 na kilometro mula sa daungan na kilala bilang Bori Bunder sa Bombay (ngayon ay Mumbai) hanggang sa bayan ng Thāne.

Upang marating ang liblib na rehiyong gumagawa ng bulak mula sa Bombay, kailangang tawirin ang Kanluraning Ghats, isang hanay ng baku-bako at matatarik na bundok. Nagpagal ang mga Britanong inhinyero at manggagawa, kasama ang libu-libong manggagawang Indian​—kung minsan ay 30,000 sa isang pagkakataon​—nang walang anumang makabagong kagamitan. Sa pamamagitan ng paggamit sa mga switchback (pa-zigzag na ayos sa riles) sa kauna-unahang pagkakataon sa buong daigdig, inilatag nila ang isang riles na 555 metro pataas sa layong 24 na kilometro lamang. Humukay sila ng mga 25 tunel na may kabuuang haba na 3,658 metro. Nang maabot ang talampas ng Deccan, handa nang tumakbo ang mga tren. Bumilis ang trabaho sa buong bansa, na pinasigla hindi lamang ng kalakalan kundi pati rin ng pangangailangang ihatid ang mga sundalo at manggagawa nang mabilisan habang sumisidhi ang interes ng Britanya sa malaking lupain ng India.

Nakakayanan ang init at alikabok sa primera klaseng paglalakbay sa tren noong ika-19 na siglo, para sa iilan na makapagbabayad nito. Ang isang pribadong kotse ng tren ay may komportableng kama, palikuran at paliguan, mga tagapagsilbi upang maglaan ng pagkain mula agahan hanggang hapunan, isang bentilador na may lalagyan ng yelo sa ilalim nito upang lumamig ang hangin, isang barbero, at literatura mula sa serye ng Wheeler’s Railway Library, kasama ang mga pinakabagong nobela noon ng awtor na ipinanganak sa India na si Rudyard Kipling. Sinabi ni Louis Rousselet, na naglakbay noong dekada ng 1860, na maaari siyang “maglakbay sa malayong distansiyang ito nang hindi gaanong napapagod.”

Lumawak ang Malaking Sistema

Pagsapit ng 1900, ang sistema ng riles ng tren sa India ay naging ikalimang pinakamalaking sistema sa daigdig. Ang mga lokomotora​—mga makinang pinatatakbo ng singaw, krudo, at kuryente​—​at mga bagon na hinihila kasama ang mga kotse ng tren, na pawang inaangkat dati, ay ginagawa na sa mismong bansa. Ang ilan sa mga makina ay talagang malalaki​—mga lokomotorang tumitimbang nang hanggang 230 tonelada, na may mga makinang de-kuryente na may 6,000 horsepower, at isang 123-toneladang makina na pinatatakbo ng krudo na may 3,100 horsepower. Noong 1862, ginamit sa kauna-unahang pagkakataon ang tren na double-decker. Ipinagmamalaki ng India ang pinakamahabang plataporma sa istasyon ng tren sa buong daigdig na 833 metro, sa Kharagpur sa Kanlurang Bengal, at ang pinakamahahabang plataporma na may bubong, na 1,000 piye ang haba ng bawat isa, sa Sealdah sa Calcutta.

Ang unang mga tren ay tumatakbo sa mga riles na malapad ang gauge (distansiya sa gitna ng riles). Nang maglaon, upang makatipid ng pera, pinasimulang gamitin ang meter gauge (gauge na isang metro ang sukat) kasama ang makitid na gauge sa pag-akyat sa mga burol. Noong 1992, pinasimulan ang Project Unigauge, at sa kasalukuyan, halos 7,800 kilometro ng riles ang nabago mula sa makitid at meter gauge tungo sa malapad na gauge.

Ang mga tren sa karatig-pook ng Mumbai ay nagsasakay ng milyun-milyong pasahero at waring palaging nagsisiksikan dito na parang sardinas. Ang mga tren sa ilalim ng lupa sa Calcutta ay makapagsasakay ng 1.7 milyong pasahero araw-araw. Sa Chennai (dating Madras) masusumpungan ang unang nakataas na sistema ng tren. Ang mga pagpapareserba sa pamamagitan ng computer at mga lugar na mapagkukunan ng impormasyon sa pamamagitan ng computer ay mga bagong idinagdag. Ito ay isang abalang-abala, progresibo, at malaking sistema.

Ang Nakasisiyang mga “Laruang Tren”

Upang matakasan ang init, gustung-gusto ng mga kolonistang Britano na magpunta sa kabundukan. Ang pag-asam na pumunta roon nang mas mabilis ang nag-udyok sa paggawa ng mga riles sa kabundukan kasama ang kanilang mga “laruang tren.” Mula noon, ang mga paglalakbay ay naging mas mabilis​—iyon ay kung ihahambing sa pagsakay sa kabayo o sa palanquin (sasakyang binubuhat ng mga tao). Halimbawa, dinadala ng “laruang tren” sa timog India ang mga pasahero nito sa Nilgiri Hills, o Blue Mountains. Ito ay may katamtamang bilis na 10.4 kilometro bawat oras at marahil ito ang pinakamabagal na tren sa India. Ngunit talagang kamangha-mangha ang paglalakbay na ito, na dumaraan sa mga lupain ng tsa at kape sa kabundukan paakyat sa Coonoor sa taas na 1,712 metro! Ang riles ay ginawa noong huling mga taon ng ika-19 na siglo, at ang paghilig nito ay 1 metro ang taas sa bawat 12 metro na pahalang na distansiya at may 208 kurbada at 13 tunel. Ginagamit nito ang sistemang Abt pinion rack. Ang tulad-ngipin na mga baras (mga rack bar) ay nagmimistulang isang hagdan kung saan umaakyat ang lokomotorang tumutulak sa likod ng tren. Ang riles na ito ay kabilang sa pinakamatatanda at pinakamatatarik sa daigdig na gumagamit ng teknolohiyang rack and adhesion.

Ang Darjeeling Himalayan Railway ay umaakyat sa mga riles na 610 milimetro lamang ang pagitan, at ang paghilig nito ay 1 metro ang taas sa bawat 22.5 metro na pahalang na distansiya, patungo sa Ghoom, ang pinakamataas na istasyon ng India, na 2,258 metro ang taas sa kapantayan ng dagat. Ang riles ay may tatlong paikid na mga kurbada at anim na reversing zigzag. Sa pinakatanyag na bahagi, sa kurbada ng Batasia, naaakit ang mga pasahero na tumalon palabas ng tren, umakyat sa madamong mga dalisdis, at sumakay uli sa tren pagkatapos itong dumaan sa kurbada. Ang pinakakapana-panabik na bahagi ng paglalakbay ay ang pagtanaw sa Kanchenjunga, ang ikatlong pinakamataas na bundok sa daigdig. Noong 1999, ang riles na ito ay ginawang isang World Heritage na dako ng UNESCO, upang higit na maingatan ito.

Upang marating ang Simla, na siyang kilalang bakasyunan sa India tuwing tag-araw na 2,200 metro ang taas sa pamamahala ng Britanya, ang tren ay bumabagtas sa 102 tunel, tumatawid sa 869 na tulay, at lumiliko sa 919 na kurbada sa layong 95 kilometro lamang! Makikita ng isa ang kamangha-manghang tanawin sa malalaking bintana at sa isang naaaninag na bubong na fiberglass. Oo, ang mga “laruang tren” na ito ay tunay na nakalulugod. Gayunman, yamang pinananatiling mababa ang pamasahe, nakalulungkot na nalulugi ang mga tren sa kabundukan. Umaasa ang mahihilig sa tren na masumpungan ang isang solusyon upang mailigtas ang nakasisiyang tren na ito.

Ang Mahabang Paglalakbay

Ipinapalagay na ang pagdating ng tren sa India ay siyang palatandaan ng “katapusan ng isang kapanahunan at pasimula naman ng ibang panahon” at na “pinagkaisa ng riles ang India yamang walang ibang paraan ang nakagawa nito mula noon.” Kaytotoo nga nito! Kung nais mo, maaari kang sumakay sa isang tren sa Jammu, sa paanan ng mga burol sa kabundukan ng Himalaya, at bumaba sa Kanyakumari, sa pinakatimog ng India, kung saan nagtatagpo ang Dagat Arabe, Karagatan ng India, at Look ng Bengal. Kapag nagawa mo ito, nakapaglakbay ka na ng 3,751 kilometro sa 12 estado at nakagugol ka na ng mga 66 na oras sa tren. Kahit na may kasama pang tulugan, maaari kang gumastos nang wala pang $15 para sa iyong tiket. Magkakaroon ka ng pagkakataon na makipagkilala sa palakaibigan at makuwentong mga tao mula sa maraming kultura at makita ang maraming lugar ng kawili-wiling bansang ito. Magpareserba na​—at maligayang paglalakbay!

[Kahon sa pahina 14]

Yaong mga Sinaunang Laryo

Noong namamahala ang Britanya (1757-1947), ang mga tren sa malaking lupain ng India ay napatunayang isang kaayaayang transportasyon para sa paghahatid ng mga sundalo sa malalayong lugar. Sa loob ng tatlong taon ng pagpapasinaya ng kauna-unahang tren sa India, naglalatag ang mga inhinyero ng mga riles sa pagitan ng Karachi at Lahore na ngayon ay Pakistan. Walang makuhang bato para magsilbing ballast upang patatagin ang mga riles, ngunit malapit sa nayon ng Harappa, nakasumpong ang mga manggagawa ng mga laryong ginawa sa hurnuhan. Nadama ng mga inhinyerong taga-Scotland na sina John at William Brunton na ang mga ito ay isang angkop at murang panghalili. Habang hinuhukay ng mga trabahador ang malalaking laryong nakabaon, lumitaw ang maliliit na estatuwang luwad at mga pantatak na gumagamit ng isang di-kilalang wika, ngunit hindi nito nagambala ang napakahalagang trabaho ng paggawa ng riles. Sandaan at animnapung kilometro ng riles ang ginawa sa pamamagitan ng mga laryong mula sa Harappa. Pagkalipas ng 65 taon, sistematikong hinukay ng mga arkeologo ang lugar ng Harappa, anupat nahukay ang mga labí ng kamangha-manghang sibilisasyon ng Indus Valley, na umiral noong nakalipas na mahigit na 4,000 taon, kapanahon ng sinaunang Mesopotamia!

[Kahon/Larawan sa pahina 16]

ANG KONKAN RAILWAY​—Makabago at Kamangha-mangha

Ang Konkan ay isang lupain, na mga 75 kilometro ang lawak sa pinakamalapad na lugar nito, sa kanlurang baybayin ng India, sa pagitan ng Dagat Arabe at ng kabundukan ng Sahyadri. Yamang umaabot sa timog mula sa Mumbai, sa sentro ng negosyo sa India, hanggang sa malaking daungan ng Mangalore, ang Konkan ay talagang kapaki-pakinabang sa pangangalakal. Sa loob ng maraming siglo, hawak ng mga daungan sa baybayin ang kalakalan sa loob at labas ng India. Ngunit mapanganib ang paglalakbay sa dagat​—lalo na kapag panahon ng bagyo kapag hindi rin maaaring maglayag sa mga ilog​—at bumabagtas pa ang mga sasakyan at tren sa pinakaloob ng lupain upang maiwasan ang maraming likas na balakid. Hinangad ng mga tao sa rehiyon ang isang direktang daan patungo sa baybayin upang agad na madala ang mga paninda, lalo na yaong madaling mabulok, tungo sa malalaking pamilihan. Ano ang solusyon?

Ang Konkan Railway ang pinakamalaking proyekto sa paggawa ng riles sa malaking lupain ng India sa ika-20 siglo. Ano ang nasasangkot? Ang paggawa ng 760 kilometro ng riles kalakip ang mga dike na may taas na hanggang 25 metro at mga pagtibag na 28 metro ang lalim. Ang pagtatayo ng mahigit na 2,000 tulay ng tren, kasama ang tulay na Panval Nadi na may taas na 64 na metro, ang pinakamataas sa Asia, na bumabagtas sa isang libis na may lapad na 500 metro, at ang tulay na 2,065 metro ang haba sa Ilog Sharavati. Ang pagtagos sa mga kabundukan upang maging tuwid ang mga riles hangga’t maaari sa pamamagitan ng paghuhukay ng 92 tunel, na 6 sa mga ito ay mahigit sa 3.2 kilometro ang haba. Sa katunayan, isa sa mga ito ang pinakamahabang tunel ng India sa kasalukuyan, ang 6.5 kilometrong tunel na Karbude.

Malalaki ang problema​—humuhugos na ulan, pagguho ng lupa at putik, gayundin ang pagbutas sa solidong bato at, mas mahirap pa rito, pagbutas sa lupang lithomargic na sinasabing kasinlambot ng toothpaste. Lahat ng likas na balakid na ito ay kinailangang madaig ng kasanayan sa inhinyeriya at teknolohiya. Ang paggawa pa lamang ng mga bentilasyong gumagamit ng mga puwersang centrifugal at jet, kasama ang iba pang mga katangiang pangkaligtasan, ay malaking trabaho na. Dapat na makuha ang mga lupa mula sa mahigit na 42,000 iba’t ibang may-ari ng lupa, isang malaking trabaho sa legal na aspekto.

Gayunman, noong Enero 26, 1998, matapos ang pagtatayo sa loob lamang ng pitong taon​—isang rekord para sa isang napakalaking proyekto​—ang kauna-unahang tren sa Konkan Railway ay pinatakbo na. Ang paglalakbay mula Mumbai hanggang Mangalore ay mas maikli nang 1,127 kilometro kaysa sa dating paikut-ikot na ruta, at ang panahon ng paglalakbay ay nabawasan ng 26 na oras. Para sa mga naglalakbay sa pamamagitan ng tren, pinangyari ng Konkan Railway na makita nila ang bagong kahanga-hangang tanawin, para sa mga turista, ang bagong kapana-panabik na mga lugar na gagalugarin, at para sa milyun-milyong tao, isang pinagandang kabuhayan.

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MUMBAI

Mangalore

[Larawan]

Ang tulay ng Panval Nadi, ang pinakamataas na tulay ng tren sa Asia

[Credit Line]

Dipankar Banerjee/STSimages.com

[Kahon/Larawan sa pahina 16]

ANG FAIRY QUEEN

Ang pinakamatagal na gumaganang lokomotora sa daigdig na tumatakbo sa pamamagitan ng singaw ay ang Fairy Queen. Ginawa ito sa Leeds, Inglatera, noong 1855, ng kompanya sa inhinyeriya nina Kitson, Thompson at Hewitson, at hinihila nito ang mga tren na pangkoreo mula sa istasyon ng Howrah, malapit sa Calcutta, hanggang sa Raniganj sa Bengal. Nang hindi na ito pinatakbo noong 1909, inilagay ito sa National Rail Museum, New Delhi, para sa kasiyahan ng mga mahilig sa tren. Sa pagdiriwang ng 50 taon ng kasarinlan ng India, ang matagal na at maaasahang lokomotorang ito ay muling pinatakbo. Mula noong 1997, tumatakbo ang Fairy Queen Express, na dinadala ang mga turista sa 143 kilometro mula sa Delhi tungo sa Alwar, sa Rajasthan.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]

KARANGYAAN AT BILIS​—Taglay Ito ng India!

KARANGYAAN Ang India ay may isang sinauna at karaniwan nang marangyang kahapon. Bagaman may kamahalan, nagbibigay ang bukod-tanging mga railway tour ng isang komportableng pagsulyap sa kasaysayang iyon. Ang Palace on Wheels, na hinihila ng isang lokomotorang pinatatakbo ng singaw, ay inilunsad noong 1982. Napanatili sa mga kotse ng tren na ibinalik sa dating karilagan, na ginamit noon ng mga maharajah at mga gobernador, ang espiritu ng kanilang maharlikang pamana. Yamang kasimputi ng perlas ang tren, gawa sa kahoy na teak mula sa Burma ang entrepanyo nito, may mga kristal na aranya, at sagana sa brokado, maaaninag dito ang karingalan. Dahil sa malapalasyong mga tulugan, kainan, silid-pahingahan at aklatan, masasarap na pagkain mula sa iba’t ibang bansa, at paglilingkod ng mga naka-unipormeng mga tagapagsilbi, talagang madarama ng mga pasahero na alagang-alaga sila.

Dahil binago ang malapad na gauge ng riles, isang bagong Palace ang ginawa noong 1995, at pinalitan ang lumang mga kotse. Isang bagong marangyang tren na pinanganlang The Royal Orient ang patuloy na tumatakbo sa lumang meter gauge sa kanluraning mga estado ng Gujarat at Rajasthan. Pangunahin nang nagbibiyahe ang mga tren sa gabi, at ginugugol ng mga pasahero ang kanilang mga araw sa paglilibot sa mga tanawin. Dumaraan ang mga naglalakbay sa malaking disyerto ng Thar, pati na sa mga sinaunang moog, kuta, at mga templo nito. Maaaring sumakay ang isa sa kamelyo sa mga bunton ng buhangin sa disyerto at sa elepante naman patungo sa tanyag na Amber Fort. Malapit lamang ang Jaipur, ang Pink City, kung saan maraming makasaysayang pangyayari ang naganap at kilala ito sa mga hiyas at gawang-kamay. Kasama sa tour ang pagpunta sa mga kanlungan para sa mga ibon, isang reserbasyon ng mga tigre, at tahanan ng tanging natitirang mga leon ng Asia na nabubuhay sa iláng. Huwag mong kaliligtaan ang palasyo sa lawa ng Udaipur at, siyempre pa, ang Taj Mahal! Ang lahat ng ito at higit pa ay nakadaragdag sa kapana-panabik at pambihirang mga karanasan sa pagsakay sa tren.

BILIS Hindi maaaring makipagpaligsahan ang mga tren ng India sa napakabilis na mga tren sa Pransiya at Hapon. Ngunit ang mabilis at komportableng paglalakbay sa malalayong lugar ay posible sa 106 na pares ng ubod-bilis na tren ng Indian Railways sa lunsod. Ang mga tren na Rajdhani at Shatabdi, na tumatakbo ng halos 160 kilometro sa isang oras, ay nakapagbibigay ng kaalwanan at pasilidad na natatamasa kapag naglalakbay sa eroplano. Ang mga naka-air-condition na mga kotse ay may mga upuang naihihiga o komportableng mga tulugan. Kasama na sa pamasahe sa mga prestihiyosong mga tren na ito ang pagkain at meryenda, kubrekama, ligtas na tubig na maiinom, at medikal na tulong.

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Jaipur

Udaipur

[Mga larawan]

Hawa Mahal, Jaipur

Taj Mahal, Agra

Ang Royal Orient

Sa loob ng “Palace on Wheels”

[Credit Line]

Hira Punjabi/STSimages.com

[Mapa/Mga larawan sa pahina 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NEW DELHI

[Mga larawan]

Ilan sa mga pangunahing linya ng tren

Singaw, Zawar

Singaw, Darjeeling Himalayan Railway (DHR)

Kuryente, Agra

Kuryente, Mumbai

Krudo, Hyderabad

Krudo, Simla

[Credit Line]

Mapa: © www.MapsofIndia.com

[Mapa/Larawan sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MUMBAI

[Larawan]

Churchgate Station, Mumbai

[Credit Line]

Sandeep Ruparel/STSimages.com

[Mapa/Larawan sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Nilgiri Hills

[Larawan]

Itinutulak ng lokomotorang pinatatakbo ng singaw ang “laruang tren” sa Nilgiri paakyat sa isang matarik na riles na nakahilig

[Mapa/Mga larawan sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Darjeeling

[Mga larawan]

Ang kurbada ng Batasia, kung saan waring dinaraanan ng linya ng tren ang sarili nito

Isang tanawin sa Bundok Kanchenjunga mula sa kurbada ng Batasia

[Picture Credit Line sa pahina 14]

Mga Tren sa pahina 2, 13, 15 gitna, 16-18: Reproduced by permission of Richard Wallace