Isang Pambihirang Kawan ng mga Bakang Wild White
Isang Pambihirang Kawan ng mga Bakang Wild White
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
ANG Chillingham Park, sa distrito ng Northumberland, sa may hangganan ng Inglatera at Scotland, ang tahanan ng isang maliit na kawan ng mga bakang Wild White. Taun-taon ang mga bisita mula sa malalayong lugar ay nagtutungo rito upang makita ang mga ito. Bakit? Sapagkat ang mga hayop na ito ay pambihira. Kaming mag-asawa ay kabilang sa mga bisita sa araw na ito.
Inaakala na ang mga bakang Wild White na ito ay nasa Chillingham na mula pa noong ika-13 siglo, nang itayo ang
pader ng parke sa palibot ng mga 600 ektarya, upang kulungin ang mababangis na baka para magsilbing pagkain. Ang di-karaniwang mga hayop na ito, na ngayo’y nasa parkeng may 140 ektarya, ay pawang may mapupulang tainga, maiitim na paa, at batik-batik na mga mukha. Ang mga batik ay lumilitaw kapag umabot na nang mga dalawang taóng gulang ang mga ito at unti-unting kumakalat ito sa leeg at mga balikat.Ang kawan ay hindi kailanman nagsilang ng may kulay, o bahagyang may kulay na mga supling. Sinasabing ang mga ito diumano’y hindi nalalahian ng ibang mga alagang hayop at ang mga ito ay naiiba sa isang libo o mahigit pang ibang baka sa Chillingham Park, na ngayo’y masusumpungan sa maliliit na kawan sa Britanya at Hilagang Amerika. Ang mga pagsusuri ay nagpapakita na ang tipo ng dugo ng mga bakang ito ay kakaiba kaysa sa mga baka sa Kanlurang Europa.
Ang dalawang sungay ng mga toro ay tumutubo nang paharap at palabas, samantalang ang mga sungay ng mga babae ay nakahilig nang patalikod. Ang hugis ng bungo at ang paraan ng pagtubo ng mga sungay ay katulad niyaong sa mga auroch, ang nalipol na mabangis na toro na makikita sa iginuhit na mga larawan sa kuweba ng sinaunang Europa. Ang ilang awtoridad ay naniniwala na ang mga baka sa Chillingham ay mismong mga supling ng mga toro na noong una’y gumala-gala sa British Isles, subalit nananatiling malabo ang pinagmulan ng mga ito.
Ang Herarkiya ng Kawan
Upang makita nang málapitan ang mga hayop na ito, kami ay sumama sa warden ng kawan sakay ng kaniyang four-wheel-drive na sasakyan. Mabilis ang aming takbo pababa ng burol sa baku-bakong pastulan, at walang anu-ano’y lumitaw ang kawan, na nakasilong mula sa araw sa ilalim ng maliit na kumpol ng mga punungkahoy. Ang ilan ay tumitingin sa amin nang may pagkausyoso, na likas sa mga baka. Dalawa o tatlo sa mga ito ang lumapit sa aming sasakyan at ikinuskos dito ang kanilang malalaking sungay.
Itinuro ng warden ang lider ng kawan, ang haring toro, gaya ng pagkakilala sa kaniya. Siya ang pinakamalusog at pinakamalakas na toro. Sa panahon ng kaniyang “paghahari,” na tumatagal nang humigit-kumulang sa tatlong taon, siya ang magiging ama ng lahat ng guya na ipanganganak ng mga baka. Waring sa ganitong paraan, tanging ang pinakamabuting uri ang nagpapatuloy taun-taon. Walang ibang toro ang pinahihintulutang makipagtalik sa kaniyang sariling supling, at walang anak na lalaki ang makahahalili sa kaniya bilang ama.
Katutubong Ugali ng Mababangis na Hayop
May panahon na ang lobo ang pangunahing kaaway ng mga hayop na ito, na sumisila sa mahihinang miyembro ng kawan, bagaman wala nang mga lobo sa Britanya mula pa noong ika-16 na siglo. Kung minsan ang mga baka ay nagtatakbuhan kapag natakot, at kapag tumigil na sila sa wakas, ang mga toro ay likas na bumubuo ng isang pananggalang na pabilog, habang nasa loob nito ang mga baka at ang kanilang mga guya, na ligtas sa anumang posibleng maninila.
Ang mga bakang ito ay tunay na mababangis, kaya ang makabagong pamamaraan sa agrikultura ay walang gaanong magawa para mapangalagaan ang mga ito. Maging sa taglamig na kaunti lamang ang damo, ang kinakain lamang ng mga ito ay tuyong damo at dayami, anupat tumatangging kumain ng binutil at inihandang pagkain para sa mga baka. Napakagaan lamang ng timbang ng mga guya kapag isinisilang, kaya kakaunti lamang ang nagiging problema kapag ipinapanganak ang mga ito; subalit kapag ang isang baka ay nahihirapan sa panganganak, walang maaaring gawin upang tulungan ito, palibhasa’y walang magagawa ang mga beterinaryo. Kapag ang isa sa mga hayop ay hinipo ng tao, sinasabing ito ay maaaring patayin ng iba pa sa kawan.
Isinisilang ng mga baka ang kanilang mga guya na malayo sa kawan at itinatago ang mga ito sa loob ng unang linggo o higit pa. Pagkatapos nito, lalapit ang ina at ang guya sa kawan, at sasalubungin sila ng haring toro at aakayin sila papasok. Sumunod, aamuy-amuyin at susuriin ng ibang mga baka ang guya bago ito tanggapin. Minsang ito ay tinanggap na, hindi na ito gaanong binibigyan pa ng pantanging atensiyon.
Biglang lumitaw ang foot-and-mouth disease na lumaganap mga apat na kilometro mula sa Chillingham Park noong 1967. Ipinasara agad ang parke, at nailigtas ang kawan. Pagkatapos nito, pinagpasiyahan na maglagay sa Scotland ng maliit na grupo ng kawan upang hindi malipol ang mga ito. Hindi naging problema ang pagtanggi sa kasong ito, yamang ang lahat ng piniling mga hayop na magpapasimula sa bagong kawang ito ay magkakasamang inilipat.
Kami ay nasiyahan sa aming maikling pamamasyal upang makita ang mga bakang Wild White at natuto ng ilang bagay hinggil sa kasaysayan ng mga ito. Marahil isang araw, ikaw ang personal na makadadalaw rito at makikita mo mismo ang pambihirang mga hayop na ito sa kanilang tahimik na kapaligiran.
[Picture Credit Lines sa pahina 27]
Courtesy Chillingham Wild Cattle Association
Loaned by courtesy of Lawrence Alderson