Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Matagal Nang Pakikipaglaban sa Pang-aalipin

Ang Matagal Nang Pakikipaglaban sa Pang-aalipin

Ang Matagal Nang Pakikipaglaban sa Pang-aalipin

“Ito ang ibig sabihin ng pagiging alipin: ang abusuhin at pagtiisan ito, itinulak ng karahasan upang pagdusahan ang hindi marapat.”​—Euripides, isang Griegong manunulat ng dula noong ikalimang siglo B.C.E.

ANG pang-aalipin ay may mahaba at di-kanais-nais na kasaysayan. Mula pa sa kauna-unahang mga sibilisasyon sa Ehipto at Mesopotamia, inalipin na ng mga makapangyarihang bansa ang mas mahihinang karatig bansa nila. Sa gayon nagsimula ang isa sa pinakamalulungkot na kuwento ng kawalang-katarungan ng tao.

Noong ikalawang milenyo B.C.E., inalipin ng Ehipto ang isang buong bansa ng marahil ay ilang milyon katao. (Exodo 1:13, 14; 12:37) Nang mamahala ang Gresya sa Mediteraneo, maraming pamilyang Griego ang may di-kukulangin sa isang alipin​—kung paanong ang isang karaniwang pamilya sa ilang bansa sa ngayon ay maaaring nagmamay-ari ng isang kotse. Binigyang-katuwiran ng pilosopong Griego na si Aristotle ang kaugaliang ito sa pagsasabing ang sangkatauhan ay nahahati sa dalawang uri, ang mga panginoon at mga alipin, na ang nauna ay may likas na karapatang mag-utos, samantalang ang huli ay isinilang upang sumunod.

Mas itinaguyod pa ng mga Romano ang pang-aalipin kaysa sa mga Griego. Noong panahon ni apostol Pablo, marahil kalahati ng populasyon sa lunsod ng Roma​—maliwanag na daan-daang libong tao​—ay mga alipin. At waring kailangang magkaroon ng Imperyong Romano ng kalahating milyong alipin taun-taon upang magtayo ng mga monumento, magtrabaho sa mga minahan, magsaka ng mga bukid, at maging mga tauhan sa pagkalalaking bilya ng mayayaman. a Yaong mga nabihag sa digmaan ay karaniwang ginagawang mga alipin, kaya ang di-masapatang pangangailangan ng Roma para sa higit pang mga alipin ay tiyak na isang malakas na pangganyak sa imperyo na patuloy na makipagdigma.

Bagaman medyo humupa ang pang-aalipin pagkatapos bumagsak ang Imperyong Romano, nagpatuloy ang gawaing ito. Ayon sa Domesday Book (1086 C.E.), ang mga alipin ang bumubuo sa 10 porsiyento ng mga manggagawa sa Inglatera noong Edad Medya. At ang mga alipin ay nakukuha pa rin sa pamamagitan ng pananakop. Ang salitang Ingles na “slave” (alipin) ay nagmula sa salitang “Slav,” yamang ang mga mamamayang Slavo ang bumuo sa malaking bahagi ng populasyon ng mga alipin sa Europa noong unang mga taon ng Edad Medya.

Gayunman, mula noong panahon ni Kristo, ang Aprika ang pangunahing dumanas ng pinsala sa lahat ng kontinente dahil sa bentahan ng alipin. Kahit bago pa nang panahon ni Jesus, ang sinaunang mga Ehipsiyo ay nakipagkalakalan na ng mga alipin sa Etiopia. Sa loob ng mga 1,250 taon, tinatayang 18 milyong taga-Aprika ang dinala sa Europa at sa Gitnang Silangan upang matugunan ang pangangailangan para sa mga alipin sa mga lugar na iyon. Sa pamamagitan ng kolonisasyon sa mga bansa sa Amerika mula noong ika-16 na siglo, nabuksan ang isang bagong lugar ng pamilihan ng mga alipin, at ang ilegal na bentahan ng mga alipin sa Atlantiko ay kaagad na naging isa sa pinakamalalaking negosyo sa lupa. Tinataya ng mga istoryador na sa pagitan ng taóng 1650 at 1850, mahigit sa 12 milyong alipin ang kinuha mula sa Aprika. b Marami ang ipinagbili sa mga pamilihan ng mga alipin.

Mga Pakikipagpunyagi Laban sa Pang-aalipin

Sa nakalipas na mga siglo, kapuwa ang mga indibiduwal at mga bansa ay nakipagbaka upang mapalaya ang kanilang sarili mula sa pagkaalipin. Noong unang siglo bago si Kristo, pinangunahan ni Spartacus ang isang hukbo ng 70,000 aliping Romano sa walang-saysay na pakikipagbaka para sa kalayaan. Ang paghihimagsik ng mga aliping taga-Haiti, mga dalawang siglo na ang nakalipas, ay mas matagumpay, na naging dahilan ng pagkakatatag ng isang independiyenteng pamahalaan noong 1804.

Sabihin pa, mas matagal na nagpatuloy ang pang-aalipin sa Estados Unidos. May mga alipin na nakipagpunyagi nang husto upang mapalaya ang kanilang sarili at ang kanilang mga mahal sa buhay. At nariyan din ang mga taong laya na taimtim na nakipagbaka laban sa pang-aalipin sa pamamagitan ng pagtataguyod sa pag-aalis nito o sa pagtulong sa mga tumakas na alipin. Gayunpaman, noon lamang huling mga taon ng ika-19 na siglo na ipinagbawal sa wakas ang gawaing ito sa buong bansa. Subalit, kumusta naman sa ngayon?

Bigo ba ang mga Pakikipagpunyagi?

“Walang sinuman ang dapat alipinin o alilain; ang pang-aalipin at ang bentahan ng mga alipin ay ipinagbabawal sa lahat ng anyo nito,” ang sabi ng Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao. Ang layuning iyan, na masiglang ipinahayag noong 1948, ay isa ngang marangal na tunguhin. Inialay ng maraming taimtim na mga tao ang kanilang panahon, lakas, at yaman upang matamo ang tunguhing iyan. Subalit, hindi madaling makamit ang tagumpay.

Gaya ng ipinakikita ng naunang artikulo, milyun-milyong tao ang nagpapagal pa rin nang hindi binabayaran sa ilalim ng nakapanlulumong mga kalagayan, at marami sa kanila ang binili o ipinagbili nang labag sa kanilang kalooban. Sa kabila ng mga pagsisikap na may mabuting intensiyon na alisin ang pang-aalipin​—at paglagda sa internasyonal na mga kombensiyon upang ipagbawal ito​—ang tunay na kalayaan para sa lahat ay nananatiling isang mailap na tunguhin. Dahil sa pangglobong ekonomiya ay lalong lumakas ang lihim na bentahan ng alipin. Sa kabaligtaran, waring lalong humihigpit ang hawak ng pang-aalipin sa mga bahagi ng sangkatauhan. Wala na bang pag-asa ang kalagayang ito? Suriin natin.

[Mga talababa]

a Ipinahihiwatig ng isang sinaunang akda na ang ilang napakayamang Romano ay maaaring nagmay-ari ng kasindami ng 20,000 alipin.

b Sinasabi ng ilang walang-konsiyensiyang mga klerigo na sinasang-ayunan ng Diyos ang malupit na kalakalang ito ng mga tao. Bunga nito, maraming tao ang may maling impresyon pa rin na binibigyang-matuwid ng Bibliya ang gayong kalupitan, na hindi naman totoo. Pakisuyong tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Kinunsinti ba ng Diyos ang Pangangalakal ng mga Alipin?” sa Setyembre 8, 2001, na labas ng Gumising!

[Mga larawan sa pahina 4, 5]

Yaong mga dinala mula sa Aprika sakay ng mga barko para sa mga alipin (itaas) ay karaniwang ibinebenta noon sa mga pamilihan ng alipin sa Amerika

[Credit Lines]

Godo-Foto

Archivo General de las Indias