Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Pagliligtas sa Buhay ng mga Bagong Silang
Taun-taon, apat na milyong sanggol ang namamatay sa loob ng isang buwan pagkasilang. Ang mga pagkamatay na ito ng mga bagong silang ang “siyang bumubuo sa mahigit na 40 porsiyento ng mga kamatayan ng mga batang wala pang limang taóng gulang,” ang ulat ng magasing Aleman na Bild der Wissenschaft. Paano kaya maililigtas ang buhay ng mga bagong silang? Kabilang sa matipid na mga pamamaraan na inirekomenda sa pag-aaral na “State of the World’s Newborns” ang simpleng mga bagay na gaya ng pagpapanatiling mainit ang pakiramdam ng mga sanggol at pagpapasuso sa kanila karaka-raka pagkasilang, na nagpapalakas sa imyunidad sa mga karamdaman. Maiiwasan din ang kamatayan sa pamamagitan ng pagpapabuti sa kalusugan ng mga kagampang ina, na ang karamihan ay labis na nagtatrabaho at kulang sa masustansiyang pagkain at hindi pa nakababawi sa naunang panganganak. “Sa papaunlad na mga bansa, kung saan 98 porsiyento ng mga bagong silang ay namamatay,” ang mga tagaroon ay maaaring sanayin sa mga pamamaraan sa pagpapaanak. “Ang kanilang pangunahing trabaho ay ang magbigay sa mga kagampang ina ng tagubilin, pangalagaan ang wastong kalinisan, at magbakuna,” ang sabi ng pag-aaral.
Naglalahong mga Parola
“Kung paanong pinalitan ng bombilya ang kandila, pinalitan naman ng de-makinang parola ang matipunong tagapag-ingat ng parola,” ang sabi ng pahayagang Financial Post. “Lumilitaw ngayon na biláng na rin maging ang mga araw ng de-makinang parola.” Bagaman ang isang makabagong parola ay naglalabas ng matinding liwanag na makikita 32 kilometro mula sa dagat at may nakakabit na de-makinang tambuli upang magbabala sa mga marino na malapit na ang lupa, pinangyayari ng teknolohiya ng satelayt na matukoy mismo ng mga marino ang kanilang eksaktong kinaroroonan. Ang mga barko ngayon ay may mga global positioning system na nagsisilbing mata ng sasakyan kapag hindi makita ng tripulante ang nasa unahan. Si Mike Clements, program manager ng Canadian Coast Guard sa St. John’s, Newfoundland, ay nagsasabi na dahil sa mga global positioning system, “maaaring mawalan na ng silbi ang mga parola. Walang makakatulad sa [mga system na ito]. Hindi mo masusumpungan ang iyong patutunguhan sa pamamagitan ng isang parola.”
Pagsasalita ng Sanggol
“Kung paanong ang mga sanggol ng mga magulang na may pandinig ay nagsisimulang magsalita sa gulang na pitong buwan . . . , ang mga batang lumalaki sa isang sambahayan ng mga bingi ay tahimik na nagsasalita sa pamamagitan ng kanilang mga kamay bilang pagtulad sa paraan ng pakikipagtalastasan ng kanilang mga magulang,” kahit na ang mga batang ito ay nakaririnig, ang sabi ng The Times ng London. Ipinahihiwatig ng pananaliksik na pinangungunahan ni Propesor Laura Petitto sa McGill University, Montreal, Canada, na ang mga sanggol ay isinisilang na nakakakilala ng karaniwang paraan ng pagsasalita na makikita sa lahat ng wika, pati na sa wikang pasenyas (sign language). Sinabi niya na ang mga sanggol na nakaririnig subalit may “mga magulang na bingi na gumagamit ng wikang pasenyas ay gumagawa ng pantanging uri ng pagkilos sa pamamagitan ng kanilang mga kamay, na may espesipikong paraan, na kakaiba sa iba pang mga kilos ng kamay. . . . Nagsasalita ito subalit sa pamamagitan ng kanilang mga kamay.” Ang mga sanggol na nagmamasid sa kanilang mga magulang na gumagamit ng wikang pasenyas ay nakagagawa ng dalawang uri ng mga pagkilos ng kamay, samantalang isa lamang uri ang nagagawa ng mga sanggol na ang mga magulang ay nagsasalita. Ginamit ng pangkat ng mga mananaliksik ang position-tracking system upang itala ang mga kilos ng kamay ng mga sanggol nang sila ay 6, 10, at 12 buwang gulang.
Inilathala ang Dead Sea Scrolls
“Mahigit na kalahating siglo pagkatapos matuklasan ang Dead Sea Scrolls sa mga kuweba sa disyerto ng Judea, nagdiriwang ang mga iskolar sa paglalathala sa pinakahuli sa 2,000-taóng-gulang na mga relihiyosong teksto,” ang sabi ng U.S.News & World Report. Ang paglalathala ng 37-tomo na serye ay ipinahayag ni Propesor Emanuel Tov, na siyang nanguna sa pangkat ng mga iskolar na sumuri sa mga balumbon. Ang kapurihan sa pagtatapos sa gawain ay iniukol sa makabagong teknolohiya, kalakip na ang paggamit ng digital camera sa pagkuha ng larawan at multispectral imaging na nagpapahintulot sa mga iskolar na mabasa ang lumabo nang sulat. Ang mga akda, na isinalin mula sa Hebreo, Aramaiko, Griego, at Latin, ay may petsang mula pa noong 250 B.C.E. hanggang noong 70 C.E.
Matagumpay na Pagharap sa mga Pangyayaring Walang-Katiyakan
Dumami nang mga 30 porsiyento ang benta ng Bibliya ng mga miyembro ng Christian Booksellers Association sa Canada mula noong salakayin ng mga terorista ang Estados Unidos, ang ulat ng pahayagan ng Canada na Globe and Mail. “Ang mga tao’y naghahanap ng mga kasagutan,” sabi ni Marlene Loghlin, ehekutibong patnugot ng asosasyon. “Isang salik dito ang pagkatakot. Maraming tanong sa puso’t isipan ng mga tao ang hindi nasasagot.” Idinagdag pa ng ulat na kahit na ang mas maliliit na tindahan ng mga aklat ay nakaranas ng “paglakas ng benta ng anumang bagay na salig sa relihiyon na makatutulong sa mga tao na maunawaan ang kalunus-lunos na mga pangyayari.” Ayon sa isang propesor sa teolohiya sa University of Toronto, ito ang karaniwang reaksiyon. “Sa panahon ng matinding kawalan ng katiyakan, ang mga tao’y nagsisimulang magtanong ng saligang mga katanungan hinggil sa relihiyon,” at “makatutulong ang paghahanap ng mga kasagutan mula sa Bibliya,” ang sabi niya.
AIDS—Ang Nangungunang Sanhi ng Kamatayan sa Timog Aprika
“Ang AIDS ang naging nangungunang sanhi ng kamatayan sa Timog Aprika, at lalo nang apektado nito ang mga kabataang adulto,” sabi ng The New York Times, na nagkokomento sa isang pag-aaral na isinagawa ng Medical Research Council ng Timog Aprika. Tinataya ng mga mananaliksik na sa susunod na dekada, sa pagitan ng lima at pitong milyon katao sa Timog Aprika ang mamamatay dahil sa AIDS. Mas maraming kabataang babae na nasa mga edad 20 pataas ang namamatay kaysa sa mga babaing nasa mga edad 60 pataas. “Mas maraming tao [sa Timog Aprika] ang nahawahan ng H.I.V., ang virus na sanhi ng AIDS, kaysa sa alinmang bansa,” ang dagdag pa ng artikulo. “Isa sa siyam na taga-Timog Aprika, at isa sa apat na adulto [edad 30-34], ang ngayo’y pinaniniwalaang nahawahan ng H.I.V., ang sabi ng mga opisyal ng gobyerno.”
Pagtira sa mga Lunsod
“Noong 1900 ang pinakamalalaking lunsod ay ang London, New York, Paris, Berlin at Chicago,” ang sabi ng The Sunday Times ng London. Subalit ayon sa bagong mga pagtantiya, “sa 2015 mahihigitan na ang mga kanluraning lunsod. Ang Tokyo, Bombay, Lagos, Dhaka sa Bangladesh at Sao Paulo sa Brazil ang magiging pinakamalalaking lunsod.” Ang mga ito at ang 25 iba pang lunsod ay magkakaroon ng mahigit na 20 milyong residente. Gayunman, “ipinakikita ng mga pagtantiya na ang London ay maaalis sa puwesto nito bilang isa sa mga nangunguna sa 30 pinakamataong lunsod sa 2015, at ito lamang ang nangungunang lunsod na liliit ang populasyon,” ang sabi ng Times. Ang mabilis at biglang pagdami ng populasyon ay lumilikha ng maraming problema. “Lalong darami ang mahihirap sa kanila mismong mga lugar na kakikitaan ng pagdami ng krimen, karahasan at kaguluhan sa lipunan,” ang sabi ni Douglas Massey, propesor ng sosyolohiya sa University of Pennsylvania, E.U.A. Nakakayanan ito ng Tokyo, na ang populasyong 26 na milyon ay inaasahang malapit nang umabot sa 30 milyon, dahil sa mas mabagal na pagdami nito at sa pagkakaroon nito ng kinakailangang imprastraktura at mga serbisyo. Ayon kay Massey, mula noong panahon ng mga Romano hanggang noong panahon ni Reyna Victoria, hindi hihigit sa 5 porsiyento lamang ng populasyon ng daigdig ang nakatira sa mga lunsod, subalit tinatantiya niya na 53 porsiyento ang titira sa mga lunsod sa taóng 2015.
Huminto sa Paninigarilyo—Nang Permanente!
“Ang lahat ng naninigarilyo ay dapat na huminto na sa paninigarilyo. Kapag nagtagumpay ka, tiyakin mong hindi ka na muling maninigarilyo,” ang babala ni Propesor Bo Lundback ng National Institute for Working Life sa Stockholm, Sweden. Bakit? Sapagkat ang mga dating naninigarilyo na bumabalik sa paninigarilyo ay maaaring dumanas ng mas mabilis na paghina ng baga kaysa roon sa mga hindi huminto. Ipinakikita ng sampung-taóng pag-aaral sa 1,116 na lalaki at babae na nasa mga edad 35 hanggang 68 na yaong nanigarilyo sa buong panahon ng pag-aaral ay dumanas ng 3-porsiyentong paghina ng baga, samantalang yaong mga huminto sa loob ng mahigit na isang taon at pagkatapos ay muling nanigarilyo ay nakaranas ng 5-porsiyentong paghina ng baga. “Mas malaki ang inihihina ng baga sa unang dalawang taon pagkatapos na muling manigarilyo ang isang dating naninigarilyo,” ang babala ni Lundback. “At ang inihina ng baga ng mga naninigarilyo ay hindi na maibabalik pa.” Yaong matagumpay na huminto sa paninigarilyo sa panahon ng sampung-taong pag-aaral ay nakaranas lamang ng 1-porsiyentong paghina ng baga, ang ulat ng The Times ng London.