Agrimensura—Ano ba Ito?
Agrimensura—Ano ba Ito?
TINAWAG sila ng mga Ehipsiyo na “mga tagabanat ng lubid.” Sino sila? Sila ang bumubuo sa isang sinaunang samahan na responsable sa muling pagmamarka sa hinati-hating mga lupa para sa pagpapataw ng buwis sa bawat taon matapos bumaha ang mga pampang ng Ilog Nilo. Ang mga lalaking ito ang mga tagapagpauna ng makabagong-panahong mga propesyonal na tinatawag na mga agrimensor (surveyor).
Sa ngayon, ang mga agrimensor ay madalas makita sa tabi ng mga lansangang-bayan at sa mga proyekto sa pagtatayo. Gayunman, baka naiisip mo, ‘Ano ba talaga ang agrimensura?’
“May dalawang pangunahing larangan na ginagamitan ng agrimensura,” ang sabi ng Science and Technology Illustrated. Ang mga ito ay “(1) upang sukatin ang umiiral, itala kung saan ito matatagpuan, at gamitin ang mga impormasyon upang gumawa ng mapa o paglalarawan; o kaya naman ay, (2) upang maglagay ng mga muhon para markahan ang mga hangganan o gabayan ang pagtatayo ayon sa isang plano o paglalarawan. Tinitiyak, o minamarkahan, ng agrimensura ang posisyon ng mga tanda sa pinakasahig, sa ilalim, o maging sa ibabaw ng balat ng Lupa.”
Kasaysayan ng Agrimensura
Lumilitaw na ang unang lote na minarkahan ang mga hangganan ay ang hardin ng Eden. Ipinahihiwatig pa ng Bibliya na ang mga agrimensor ay aktibo noon sa Israel, anupat nililiwanag ang mga hangganan ng pag-aari at kung kani-kanino ang mga ito. Sinasabi ng Kawikaan 22:28: “Huwag mong iuurong ang isang sinaunang hangganan, na inilagay ng iyong mga ninuno.” Ang mga Romano ay may diyos pa nga na nagngangalang Terminus, na nangangasiwa sa mga hangganan at ang sagisag niya ay isang bato.
Ang mga paagusan at mga daan ng mga Romano, na marami sa mga ito ay umiiral pa rin, ay nagpapatunay sa kagila-gilalas na mga naisagawa ng sinaunang mga Romano sa larangan ng agrimensura. Bagaman limitado ang kanilang mga kagamitan, ang unang mga agrimensor ay nakapagtamo ng ilang kahanga-hangang resulta. Noong mga 200 B.C.E., nakalkula ng Griegong astronomo, matematiko, at heograpong si Eratosthenes ang sukat ng kabilugan ng lupa.
Noong mga 62 C.E., ipinakita ni Hero, o Heron, ng Alejandria, sa kaniyang aklat na Dioptra, kung paano gagamitin sa agrimensura ang siyensiya ng heometriya (geometry), na literal na nangangahulugang “mga sukat ng lupa.” At sa pagitan ng 140 at 160 C.E., itinala ni Claudius Ptolemy, sa pamamagitan ng pagsunod sa pamamaraang itinatag ni Hipparchus, ang humigit-kumulang 8,000 lugar sa kilaláng daigdig lakip na ang latitud at longhitud ng mga ito.
Pagsapit ng ika-18 siglo, matagumpay na naisagawa ng pamilyang Cassini, sa loob ng apat na salinlahi, ang kauna-unahang makasiyensiyang pagsukat sa buong kalupaan ng bansang Pransiya at nalikha ang La Carte de Cassini. Ipinaliliwanag ng aklat na The Shape of the World na “nanguna ang Pransiya sa makasiyensiyang kartograpiya; sumunod ay ang Britanya; at pumapangatlo naman ang Austria at Alemanya. Sa iba pang bahagi ng Europa, naging popular ang pagsukat sa buong kalupaan ng bansa noong unang mga dekada ng ikalabinsiyam na siglo.” Sa lugar na lampas pa sa Europa, ang Great Trigonometrical
Survey of India ay isinagawa noong 1817 upang makumpleto ang pagsasamapa sa India. Pinangunahan ito ni George Everest, na sa pangalan niya ay isinunod ang muling pagbibigay-ngalan sa pinakamataas na bundok sa daigdig.Hindi kaayaaya ang ilan sa mga kalagayan na doo’y nagtrabaho ang unang mga agrimensor na ito. Isinisiwalat ng Historical Records of the Survey of India hanggang noong 1861 na madalas lagnatin ang mga pangkat ng mga agrimensor, at sinasabi na 1 lamang sa bawat 70 ang nakababalik sa Inglatera. Ang iba namang mga agrimensor ay sinalakay ng mababangis na hayop o labis na nagutom. Magkagayunman, ang mga lalaki ay naakit sa trabaho sa parang at sa antas ng pagsasarili na ibinibigay ng agrimensura.
Isang grupo ng mga Indian na kilala bilang mga Pundit ang napabantog sa kasaysayan dahil sa kanilang kahanga-hangang gawa sa Nepal at Tibet. Ipinagbawal ng mga dekreto at mga kasunduan na makapasok ang mga banyaga sa mga bansang ito, kaya ang mga agrimensor na ito ay nagkunwaring mga Budistang lama, o mga pari, upang makapasok sa bansa. Bilang paghahanda sa kanilang palihim na gawain, bawat isa ay sinanay na humakbang nang eksaktong 2,000 beses bilang katumbas ng 1.6 kilometro. Ginamit ang isang rosaryo na may sandaang butil upang bilangin ang kanilang mga hakbang at kalkulahin ang distansiya.
Maraming indibiduwal, gaya ng mga dating presidente ng Estados Unidos na sina Washington, Jefferson, at Lincoln, ang nagsagawa ng agrimensura sa isang antas. Sinasabi pa nga ng ilan na sa isang bahagi, nagtagumpay sa pulitika si Lincoln dahil sa kaniyang gawaing agrimensura, na nagpangyari sa kaniya na mapalapit sa kaniyang mga kababayan.
Ang Agrimensura sa Ngayon
Ang mga uri ng agrimensura na karaniwang ginagawa sa ating mga pamayanan sa ngayon ay inuuri sa tatlong kategorya. Una, nandiyan ang panlegal, o pangkadastro, na agrimensura, na may kinalaman sa pagtatatag ng legal na hangganan ng pag-aari. Kapag ang lupa ay kailangang paghati-hatiin para sa pagtatayo ng mga tahanan o kapag nais ng pamahalaan na itatag ang lokasyon ng bagong mga kalye, daan, o mga lansangang-bayan, ang mga agrimensor ay gagamitin sa paghahati-hati ng lupa at sa pagguhit ng mga legal na plano.
Ang isa pang uri ng agrimensura ay tinatawag na topograpikong agrimensura (topographic surveying). Nasasangkot dito ang pagsukat at pagtiyak sa laki, hugis, at dahilig ng lote gayundin ang lokasyon ng mga daan, bakod, punungkahoy, umiiral na gusali, pasilidad para sa pampublikong serbisyo, at iba pa. Ginagamit ng mga inhinyero sibil, arkitekto, structural engineer, at ng iba pang propesyonal ang tumpak na lokasyon ng mga katangiang ito sa pinakasahig at sa palibot ng lote na aayusin. Pinangyayari ng impormasyong ito na maiguhit nila ang kanilang mga plano alinsunod dito at kung minsan naman ay upang mailakip ang mga katangiang ito sa kanilang mga disenyo.
Kapag handa na ang mga disenyo, pahintulot, plano, at ang iba pang kailangan para mapasimulan ang isang proyekto sa pagtatayo, nandiyan pa rin ang pangangailangang isaayos kung saan eksaktong ipupuwesto ang lahat ng bagay. Sa yugtong ito, karaniwan nang makikita ng isang nagdaraan na isinasagawa ang ikatlong kategorya, ang agrimensura sa pagtatayo. Inilalaan ng mga agrimensor ang lahat ng importanteng mga tanda, linya, at mga palatandaan ng taas para sa mga manggagawa sa pagtatayo, upang tiyakin na ang lahat ng mga pasilidad para sa pampublikong serbisyo, daan, at iba pang bagay ay maipupuwesto kung saan ito itinatakda mismo ng plano.
Ang maliliit na pagsukat sa lupa na hindi hihigit sa 19 na kilometro ay tinatawag na mga pagsukat a Ang uring ito ng trabaho ay isinasagawa sa isang antas na napakaeksakto.
sa patag na lupa (plane survey). Gayunman, yaong malakihang pagsukat sa lupa ay nangangailangan ng geodetikong pagsukat (geodetic survey), anupat isinasaalang-alang ang kurbada ng balat ng lupa. Ito ay karaniwan nang iniaangkop sa national coordinate grid system ng bansa, na nauugnay sa mga guhit ng longhitud at latitud.Ang modernong agrimensura ay nagsimula ring gumamit ng pantanging mga satelayt sa pamamagitan ng mga kaayusan na tinawag na global positioning system. Sa pamamagitan ng nabibitbit na mga kagamitan, madali na ngayong matatagpuan ng mga agrimensor ang mga posisyon sa balat ng lupa nang napakaeksakto. Kalakip sa iba pang uri ng agrimensura na maaaring hindi natin karaniwang alam ay ang photogrammetric, mga retrato ng anyo ng lupa na kinuha sa pamamagitan ng pantanging mga kamera na ikinabit sa mga satelayt, at ang hydrographic, mga pagsukat upang iguhit ang mga hangganan ng baybaying-dagat at tiyakin ang lalim at ang anyo ng mga ilog, lawa, karagatan, at iba pang katubigan.
Kahalagahan Nito sa Atin
Halimbawa, ang Golden Gate Bridge sa California, E.U.A., ay unang binuksan noong 1937. Ito ay muling sinukat noong 1991 upang itala ang eksaktong kinaroroonan nito. Kapag lumindol at gumalaw ang tulay, ang mga nalikhang tensiyon sa tulay ay makakalkula na ngayon at makagagawa ng pagkukumpuni upang matiyak ang katatagan ng balangkas at ang kaligtasan ng publiko. Sa mas maliit na antas, ang isang ski resort sa Vermont ay umupa ng mga agrimensor upang pahusayin ang pagiging ligtas ng mga daanan ng ski at makalikha ng mga kalagayan na angkop sa pag-ii-ski na isa sa pinakamahusay sa buong daigdig.
Bukod dito, sa pamamagitan ng paggamit sa mga impormasyon na natitipon ng agrimensura na gumagamit ng satelayt, ang mga pagbabago sa pang-ibabaw na suson ng lupa ay masusubaybayan sa Tsina sa pag-asang mabawasan ang epekto ng mga lindol sa mga naninirahan doon. b Karagdagan pa, ito man ay ang bahay na pag-aari mo, ang mga daan na dinaraanan mo sa pagmamaneho, ang opisina na pinagtatrabahuhan mo, o ang paaralan na pinapasukan mo, ang mga ito marahil ay pawang nangailangan ng agrimensor para maitayo.
Sa paraang talagang nakikita, naaapektuhan ng mga agrimensor ang ating buhay. Mula sa paggamit ng mga lubid hanggang sa paggamit ng mga satelayt, nagsikap sila na bigyang-kahulugan at organisahin ang ating masalimuot na daigdig. At hangga’t patuloy tayong nagtatayo at nag-aaral tungkol sa mga bagay na nasa ibabaw at nasa ilalim ng lupa, tiyak na kakailanganin ang mga agrimensor. Kaya sa susunod na makita mo ang mga agrimensor na nagtatrabaho sa tabi ng daan, medyo nauunawaan mo na ang kanilang maselan na propesyon.
[Mga talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa longhitud at latitud, tingnan ang artikulong “Ang Nakatutulong na Likhang-Isip na mga Guhit na Iyon,” na lumabas sa Marso 8, 1995, isyu ng Gumising!
b Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang artikulong “Mga Bulkan—Nanganganib Ka Ba?” sa Mayo 8, 1996, isyu ng Gumising!
[Kahon/Larawan sa pahina 22]
Mga Instrumentong Eksaktong Sumukat
Electronic Distance Meter—Kinakalkula nito ang distansiya sa pamamagitan ng pagpapasinag ng electronic beam o pulse signal na tumatalbog pabalik sa instrumento sa pamamagitan ng pantanging mga salamin na ipinuwesto sa lugar na susukatin.
Mga Theodolite at mga Total Station—Ang isang theodolite (nasa kaliwa) ay sumusukat ng mga anggulo at may mikroskopyong nakakabit dito na nagpapahintulot sa isang sistema ng mga lente, mga salamin sa loob, at mga prisma na maipakita sa loob ng instrumento ang lubhang pinalaking mga sukat ng anggulo. Maaaring ipakita ng ilan sa mga theodolite na mas eksaktong sumukat ang mga anggulo na kasinliit ng isang segundo ng balantok (second of arc), na katumbas ng isang bilog na hinati sa 1,296,000 magkakaparehong bahagi. Ang mga total station (nasa kanan) ay may kakayahan ding sumukat sa elektronikong paraan at magtala ng mga impormasyon na nakukuha sa sinusukat na lugar, lakip na ang mga anggulo, distansiya, at mga paglalarawan sa mga bagay-bagay. Pagkatapos, ang impormasyon ay maaaring dalhin sa opisina at ilipat sa isang computer para makalkula at maiguhit ito.
[Larawan sa pahina 21]
Isang sinaunang nibel
[Larawan sa pahina 21]
Ang mga Ehipsiyo na “mga tagabanat ng lubid” ang siyang mga tagapagpauna ng makabagong-panahong mga agrimensor
[Credit Line]
Borromeo/Art Resource, NY