Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Digmaan?

Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Digmaan?

ANG mga tagapamahala, heneral, at maging ang klero ay kaydalas magdeklara o magtaguyod ng digmaan sa pangalan ng Diyos! Noong 1095, taglay ang basbas ni Papa Urban II, humayo ang Unang Krusada upang bawiin ang Jerusalem na “Banal na Lunsod” para sa Sangkakristiyanuhan. Subalit bago nila natamo ang kanilang mithiin, isang pangkat ng mga Krusado ang nilipol ng mga Turko, na ang sigasig para kay Allah ay kasing-alab ng pananampalataya ng mga Krusado sa Trinidad.

Noong Agosto 1914, isang kabataang Aleman ang sumulat mula sa kaniyang kampamento noong Digmaang Pandaigdig I: “Kung may katarungan at may Diyos na pumapatnubay sa kasaysayan​—na tungkol diyan ay lubos akong nakatitiyak​—kung gayon ay magtatagumpay tayo.” Nang buwan ding iyon, isinugo ni Czar Nicholas II ang mga hukbo ng Russia laban sa Alemanya, habang ipinahahayag: “Ipinaaabot ko ang aking pinakamarubdob na pagbati sa aking magigiting na pulutong at sa aking bantog na mga kaalyado. Ang Diyos ay sumasaatin!”

Yamang pinalakas ang loob, milyun-milyong sundalo ang humayo sa pakikidigma, taglay ang lubos na paniniwalang nasa panig nila ang Diyos. Nadarama ng maraming tao na pinapayagan ng Diyos ang gayong mga labanan upang makamit ang kalayaan, at tinutukoy nila ang mga digmaan na nakaulat sa Hebreong Kasulatan (karaniwang tinatawag na Matandang Tipan) upang suhayan ito. Tama ba ang kanilang pagpapakahulugan sa Salita ng Diyos?

Ang mga Digmaan ng Sinaunang Israel

Iniutos ng Diyos na Jehova sa Israel na dapat silang makipagdigma upang alisin sa Lupang Pangako ang mga buktot na mga Canaanita. (Levitico 18:1, 24-28; Deuteronomio 20:16-18) Kung paanong pinarusahan ng Diyos ang mga manggagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng delubyo noong panahon ni Noe at sa pamamagitan naman ng apoy kung tungkol sa Sodoma at Gomorra, ginamit naman niya ang bansang Israel bilang kaniyang tabak na pamuksa.​—Genesis 6:12, 17; 19:13, 24, 25.

Ayon sa Bibliya, ang Israel ay nagsagawa ng iba pang pakikipagbaka sa ilalim ng pangunguna ng Diyos, na karaniwan ay sa layuning labanan ang mga banta ng di-hinamon na mga kaaway. Kapag sumusunod ang bayan kay Jehova, ang kanilang mga pakikidigma ay nagtatagumpay. (Exodo 34:24; 2 Samuel 5:17-25) Subalit kasakunaan ang karaniwang resulta kapag nangahas ang Israel na makipagdigma nang salungat sa payo ng Diyos. Isaalang-alang ang kaso ni Haring Jeroboam. Dahil sa ipinagwalang-bahala ang tuwirang makahulang babala, isinugo niya ang kaniyang malaking hukbo sa isang digmaang sibil laban sa Juda. Nang matapos sa wakas ang karahasan, 500,000 sundalo ni Jeroboam ang namatay. (2 Cronica 13:12-18) Maging ang tapat na si Haring Josias ay nakisangkot minsan sa isang digmaang hindi kaniya. Buhay niya ang naging kapalit ng kaniyang padalus-dalos na pasiya.​—2 Cronica 35:20-24.

Ano ang ipinakikita ng mga pangyayaring ito? Na sa sinaunang Israel, ang pasiyang makipagdigma ay nakasalalay sa Diyos. (Deuteronomio 32:35, 43) Nakipaglaban ang kaniyang bayan para sa espesipikong mga layunin. Gayunman, ang mga layuning ito ay matagal nang naisakatuparan. Karagdagan pa, inihula ni Jehova na yaong mga maglilingkod sa kaniya “sa huling bahagi ng mga araw” ay ‘pupukpok sa kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’ at hindi na ‘mag-aaral pa ng pakikipagdigma.’ (Isaias 2:2-4) Maliwanag, ang mga digmaang nakaulat sa Bibliya ay hindi nagbibigay-katuwiran sa makabagong-panahong mga labanan, walang isa man sa mga ito ang ipinakikipaglaban sa ilalim ng pangunguna ng Diyos o ayon sa iniutos niya.

Ang Epekto ng Pagtuturo ni Kristo

Nang nasa lupa, ipinakita ni Jesus kung paano hahalinhan ng walang pag-iimbot na pag-ibig ang pagkapoot, anupat iniutos: “Ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.” (Juan 15:12) Sinabi rin niya: “Maligaya ang mga mapagpayapa.” (Mateo 5:9) Dito, ang salitang Griego para sa “mapagpayapa” ay hindi lamang nangangahulugang pagtatamasa ng kapanatagan. Ang totoo ay nasasangkot dito ang paglilinang ng kapayapaan, aktibong paggawa upang itaguyod ang kabutihang-loob.

Nang aarestuhin si Jesus, tinangka ni apostol Pedro na ipagtanggol siya sa pamamagitan ng nakamamatay na sandata. Subalit sinaway siya ng Anak ng Diyos, na nagsasabi: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Paano ikinapit ng unang-siglong mga Kristiyano ang mga salitang iyon? Pansinin ang sumusunod na mga pagsipi.

“Ang isang maingat na pag-aaral sa lahat ng nakuhang impormasyon ay [nagpapakita] na, hanggang sa panahon ni Marcus Aurelius [121-180 C.E.], walang Kristiyano ang naging sundalo; at walang sundalo, na pagkatapos maging Kristiyano, ay nanatili sa paglilingkod sa militar.”​—The Rise of Christianity.

“Ang paggawi ng mga [sinaunang] Kristiyano ay ibang-iba sa mga Romano. . . . Yamang nangaral si Kristo ng kapayapaan, tumanggi silang maging mga sundalo.”​—Our World Through the Ages.

Dahil tumanggi ang mga alagad ni Kristo na maglingkod sa mga hukbo ng emperador, marami sa kanila ang pinatay ng mga Romano. Bakit nanghawakan ang mga Kristiyano sa gayong di-popular na paninindigan? Sapagkat tinuruan sila ni Jesus na maging mga tagapamayapa.

Makabagong Pakikidigma

Gunigunihin ang nakapanghihilakbot na situwasyon kung ang mga tagasunod ni Kristo ay nasa magkabilang hukbo at maglalaban-laban, anupat nagpapatayan sa isa’t isa. Ang gayong kaganapan ay magiging salungat sa mga simulaing Kristiyano. Sa katunayan, yaong mga sumusunod sa Diyos ng Bibliya ay hindi mananakit ng sinuman​—maging ng kanilang mga kaaway. a​—Mateo 5:43-45.

Maliwanag, hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang modernong literal na digmaan sa pagitan ng mga tao. Sa pagiging mapagpayapa, itinataguyod ng tunay na mga Kristiyano ang kapayapaan na permanenteng iiral sa buong daigdig sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.

[Talababa]

a Binabanggit ng Bibliya ang “Har–​​Magedon,” na tinatawag ding “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Ito’y tumutukoy, hindi sa digmaan ng mga tao, kundi sa mapamiling pagpuksa ng Diyos sa mga manggagawa ng kasamaan. Samakatuwid, ang Har–​​Magedon ay hindi maaaring gamitin upang ipagmatuwid ang makabagong-panahong mga alitan ng tao o ipagpalagay na sinasang-ayunan ang mga ito ng Diyos.​—Apocalipsis 16:14, 16; 21:8.

[Larawan sa pahina 20]

Si Heneral Francisco Franco ng Espanya, kasama ng ilang mga klerigong Katoliko

[Credit Line]

U.S. National Archives photo

[Larawan sa pahina 21]

Mga sundalong binabasbasan ng mga paring Griego Ortodokso bago lumisan patungong Kosovo, noong Hunyo 11, 1999

[Credit Line]

AP Photo/Giorgos Nissiotis