Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamanman sa Buhay-Iláng

Pagmamanman sa Buhay-Iláng

Pagmamanman sa Buhay-Iláng

GUNIGUNIHIN na may isang napakaliit na radio transmitter na nakakabit sa iyong likod upang masubaybayan at masuri ang bawat kilos mo. Ganiyan ang buhay ng isang wandering albatross na pinanganlang Gng. Gibson. Pinangyayari ng munting transmiter nito na mapag-aralan siya ng mga mananaliksik sa pamamagitan ng paggamit ng mga satelayt na nakakakuha ng kaniyang mga signal​—pati na ang mga signal ng ibang mga ibon na kinabitan din ng gayong transmiter​—at ibinabalik ang mga ito sa lupa. Ang mga nakuhang impormasyon ay nagbigay ng kamangha-manghang mga tuklas tungkol sa mariringal na ibong ito, na inaasahang makatutulong upang mapanatiling ligtas ang mga ibon.

Ayon sa isang ulat mula sa La Trobe University sa Victoria, Australia, natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga wandering albatross ay lumilipad sa katamtaman na 300 kilometro sa isang araw, na paminsan-minsan ay umaabot nang mahigit sa 1,000 kilometro sa isang araw. Taglay ang mga pakpak na may sukat na 340 sentimetro kapag nakabuka, na siyang pinakamalaking nakabukang pakpak sa lahat ng nabubuhay na ibon, ang kagila-gilalas na mga ibong ito ay taas-babang sumasalipadpad sa ibabaw ng karagatan, anupat nakapaglalakbay nang mahigit sa 30,000 kilometro sa loob ng ilang buwan. Isinisiwalat ng nakakatulad na mga pag-aaral sa Estados Unidos na ang isang Laysan albatross ay apat na beses na naglakbay mula Tern Island, na nasa hilagang-kanluran ng Honolulu, patungong Aleutian Islands​—isang 6,000-kilometrong balikang biyahe​—upang mag-uwi ng pagkain para sa kaisa-isang sisiw nito.

Maaaring isiniwalat din ng mga pag-aaral na ito, na ginamitan ng makabagong teknolohiya, kung bakit mas mabilis umunti ang bilang ng mga babaing wandering albatross kaysa sa mga lalaki. Ipinakita ng mga pinagliparan ng mga ito na nahihilig mangisda ang mga lalaking ibon nang malapit sa Antartiko, samantalang ang mga babaing ibon naman ay karaniwan nang naghahanap ng pagkain sa malayong hilaga, sa lugar ng mga bangkang pangisda na gumagamit ng mga kitang. Sinusugod ng mga ibon ang pain na nakalagay sa likuran ng mga bangkang ito, anupat nabibitag sila, at pagkatapos ay nalulunod. Sa ilang nagpaparaming populasyon, doble ang dami ng mga lalaki sa mga babaing ibon. Naapektuhan din ang ibang uri ng mga albatros. Sa katunayan, may pagkakataon na mga 50,000 ibon taun-taon ang nalulunod sa likuran ng mga bangkang gumagamit ng mga kitang sa mga katubigan ng Australia at New Zealand, anupat nanganganib na maubos ang iba’t ibang uri dahil dito. Sa katunayan, ang wandering albatross ay idineklara bilang isang papaubos na uri sa Australia. Ang mga tuklas na ito ay umakay sa mga pagbabago ng mga pamamaraan sa pangingisda at nagpababa sa bilang ng mga namamatay na wandering albatross. Gayunman, patuloy pa ring umuunti ang mga uring ito sa ilang pangunahing lugar ng pagpaparami.

Paglalagay ng Singsing sa Ibon

Bagaman ang napakaliliit na elektronikong aparato ay tumutulong sa mga mananaliksik na masubaybayan ang ilang uri ng ibon, ginamit na sa loob ng maraming taon ang mas mura at mas simpleng mga pamamaraan. Isa na rito ang paglalagay ng singsing sa ibon (bird banding), na nagsasangkot ng maingat na paglalagay ng isang maliit na metal o plastik na singsing, gaya ng pulseras sa bukung-bukong, sa paa ng ibon.

Bilang karaniwang kagamitan sa pananaliksik, ang sabi ng magasing Smithsonian, nagsimula ang paglalagay ng singsing sa ibon noong 1899 nang ang gurong taga-Denmark na si Hans Christian Mortensen ay “gumawa ng kaniyang sariling metal na mga singsing, na doo’y nakaukit ang kaniyang pangalan at direksiyon, at inilagay ang mga ito sa 165 batang starling.” Sa ngayon, ang paglalagay ng singsing sa ibon, gaya rin ng tawag dito sa Europa, ay isinasagawa sa maraming bansa at naglalaan ng mahahalagang impormasyon hinggil sa pagpapakalat ng mga ibon at sa kanilang mga kaugalian sa pandarayuhan, paggawi, kayarian ng kanilang kawan, laki ng populasyon, at mga antas ng kanilang kakayahang mabuhay at magparami. Sa mga lugar na pinahihintulutan ang pangangaso, pinangyayari ng paglalagay ng singsing na makagawa ng mga tuntunin ang mga pamahalaan para sa pangmatagalang pangangasiwa sa mga ibong hinuhuli. Isinisiwalat din ng paglalagay ng singsing kung paano naaapektuhan ng mga sakit at ng mga lasong kemikal ang mga ibon. Sa katunayan, ang ilang ibon ay maaaring magdala ng mga sakit ng tao, gaya ng encephalitis at Lyme disease, kaya ang mga impormasyon tungkol sa biyolohiya at mga kaugalian ng mga ibon ay maaari ring makatulong sa pagsasanggalang sa ating kalusugan.

Kalupitan ba ang Paglalagay ng Singsing?

Ang paglalagay ng singsing sa ibon ay masusing pinangangasiwaan sa mga bansa na doo’y isinasagawa ito, anupat karaniwan nang kinakailangang lisensiyado ang mga naglalagay ng singsing. Sa Australia, ang sabi ng Australian Nature Conservation Agency, “maingat na sinasanay ang mga naglalagay ng singsing kung paano huhulihin, hahawakan at lalagyan ng singsing ang mga ibon nang hindi pinipinsala ang mga ito. Karaniwan nang kinakailangan ang dalawang taóng pagsasanay at ang napakaraming pag-eensayo.” Nakakatulad na mga tuntunin ang umiiral sa Europa gayundin sa Canada, Estados Unidos, at sa iba pang bansa.

Iba-iba ang hugis, sukat, kulay, at materyales ng mga singsing ng ibon. Karamihan sa mga singsing ay yari sa magagaang materyales, gaya ng aluminyo o plastik, ngunit para sa mga ibong matatagal ang buhay o sa mga naninirahan sa may maalat na tubig, ginagamit ang mga stainless na asero o ang iba pang di-kinakalawang na materyales. Ipinahihintulot ng de-kulay na mga singsing na makilala ang mga ibon sa malayo. Bagaman nangangahulugan ito ng pagsusukat ng marami-raming singsing, pinangyayari naman nito na makaiwas ang mga ibon sa kaigtingang dulot ng muling paghuli sa kanila upang kilalanin.

Anumang uri ng paglalagay ng singsing o pagtatanda ang ginagamit, iniingatan ng mga mananaliksik na ang mga ibon ay hindi makaranas ng pangangati o ng anumang bagay na maaaring makaapekto sa kanilang paggawi, pisyolohiya, haba ng buhay, pakikipagsamahan, ekolohiya, o pag-asang manatiling buháy. Halimbawa, ang matingkad na kulay na pananda gaya ng isang tag sa pakpak ay magpapangyari sa ibon na madaling makita ng mga maninila o makaiimpluwensiya sa pagtatagumpay nito sa paghahanap ng asawa. Ang ilang uri ay dumudumi sa kanilang mga paa, kaya ang paglalagay ng singsing sa mga ibong ito ay maaaring magdulot ng impeksiyon. Sa malalamig na lugar, maaaring maipon ang yelo sa mga singsing at maging isang potensiyal na panganib, lalo na para sa waterfowl. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga bagay na nasasangkot sa pagtatanda sa mga ibon. Magkagayunman, isinisiwalat ng mga ito kung gaano kalawak ang kinakailangang makasiyensiyang kaalaman tungkol sa biyolohiya at paggawi ng ibon para maging epektibo ang programa, at kasabay nito’y maging makonsiderasyon din.

Paano Kung Makasumpong Ka ng Hayop na may Singsing o Tag?

Kung minsan, ang mga singsing o mga tag ay may nakaukit na numero ng telepono o direksiyon, na nagpapangyari sa iyo na makaugnayan ang may-ari o ang mga nangangasiwa sa paglalagay ng singsing. a Pagkatapos ay maaari mong ipaalam sa may-ari kung saan at kailan nasumpungan ang tag at marahil ay pati na ang iba pang mga detalye. Halimbawa, sa kaso ng isang isda, matitiyak kung gayon ng isang biyologo kung gaano kalayo at kabilis ang ginawa nitong paglalakbay mula nang ito ay lagyan ng tag at pakawalan.

Dahil sa gawain ng mga mananaliksik sa buong daigdig at sa mga pagsisikap ng palaisip na mga tao na nag-uulat tungkol sa mga nasusumpungan nilang mga tag at mga singsing, natitipon ang kamangha-manghang mga detalye tungkol sa buhay-iláng. Isaalang-alang ang halimbawa ng red knot, isang ibon na mula sa pamilyang sandpiper na may bigat na mga 100 hanggang 200 gramo. Alam na ngayon ng mga siyentipiko na ang ilang red knot ay nandarayuhan mula sa dulong hilaga ng Canada patungo sa dulo ng Timog Amerika at bumabalik ito taun-taon​—isang distansiya na ang layo ay halos 30,000 kilometro!

Isiniwalat ng singsing sa isang matanda na ngunit malusog na red knot na maaaring ginawa niya ito sa loob ng 15 taon. Oo, ang munting ibon na ito ay maaaring nakalipad na nang 400,000 kilometro​—mas malayo pa sa katamtamang distansiya ng lupa sa buwan! Habang ang totoong kagila-gilalas na munting ibon na ito ay nakadapo sa kaniyang palad, sinabi ng manunulat hinggil sa kalikasan na si Scott Weidensaul: “Ang tanging magagawa ko ay iilíng-ilíng ang aking ulo dahil sa pagkamangha at paggalang sa manlalakbay na ito na nagdurugtong sa napakalawak na daigdig na ito.” Walang alinlangan, habang natututo tayo nang higit tungkol sa maraming nilalang sa lupa, lalo naman tayong nalilipos ng pagkamangha at paggalang sa “Maylikha ng langit at ng lupa . . . at ng lahat ng naroroon,” ang Diyos na Jehova.​—Awit 146:5, 6.

[Talababa]

a Ang mga singsing o mga tag ay maaaring maluma nang husto anupat hindi na mabasa ang mga detalye. Gayunman, sa pamamagitan ng etching, kadalasan ay maaaring mabasa ang waring di-nakikitang mga detalyeng ito. Sa Estados Unidos, taun-taon ay binabasa ng Bird Banding Laboratory ang daan-daan sa gayong mga singsing.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 15]

IBA’T IBANG URI NG PAGTATANDA AT PAGSUBAYBAY

Maraming nilalang bukod sa mga ibon ang nilalagyan ng tanda para pag-aralan. Ang ginagamit na mga pamamaraan sa pagtatanda ay depende sa makasiyensiyang mga tunguhin at sa pisikal na mga katangian at kaugalian ng mga hayop na nasasangkot. Bukod sa paglalagay ng mga singsing sa binti, ang mga mananaliksik ay gumagamit ng mga bandila, banderita, tag, pintura, tato, tina, hero, kulyar, radio tracking device, microcomputer, at stainless na mga dart (na may nakakabit na mga tag na may kodigo) gayundin ng paggupit sa daliri sa paa, tainga, at buntot at iba’t iba pang pamamaraan at mga aparato. Ang ilan sa mga ito ay murang-mura. Ang iba naman ay mas mahal, gaya ng $15,000 na munting aparatong elektroniko, na may camcorder, na ginagamit upang pag-aralan ang kaugalian ng mga poka sa pagsisid.

Ang isang aparatong elektroniko na tinatawag na passive integrated transponder ay maaaring isuksok sa ilalim ng may anestisyang balat ng hayop o sa loob ng katawan nito at pagkatapos ay babasahin sa labas ng katawan sa pamamagitan ng isang pantanging instrumento. Upang mapag-aralan ang bluefin tuna, nagsuksok ang mga siyentista ng isang munting computer na tinatawag na archival tag, o smart tag, sa loob ng isang isda. Sa loob ng siyam na taon, ang mga microchip na ito ay nagtipon at nag-imbak ng mga impormasyon hinggil sa temperatura, lalim, tindi ng liwanag, at panahon. Nang ibalik ang tag, nagbigay ito ng napakaraming mahahalagang impormasyon, kasali na ang tungkol sa mga paglalakbay ng tuna, na maaaring kalkulahin sa pamamagitan ng paghahambing sa mga impormasyong nakukuha sa maghapon at sa mga impormasyong salig sa panahon.

Maaaring lagyan ng tanda ang mga ahas sa pamamagitan ng paggupit sa ilang kaliskis nito; ang mga pagong naman sa pamamagitan ng paggatgat sa bahay nito; ang mga bayawak sa pamamagitan ng paggupit sa daliri nito; at ang mga aligeytor naman at mga buwaya sa pamamagitan ng alinman sa paggupit sa daliri o sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga kaliskis (tulis-tulis na balat) mula sa buntot ng mga ito. Ang ilang hayop ay may sapat na likas na kaibahan sa kanilang hitsura anupat maaaring makilala ang bawat isa kahit sa pamamagitan lamang ng mga litrato.

[Mga larawan]

Pagkakabit ng tag sa tainga ng isang black bear; isang parang ispageting tag sa isang damselfish; mga tag sa buntot ng mga aligeytor

Peregrine falcon na may satellite transmitter

Isang rainbow trout na kinabitan ng isang panloob na aparatong telemetry

[Credit Lines]

Oso: © Glenn Oliver/Visuals Unlimited; damselfish: Dr. James P. McVey, NOAA Sea Grant Program; aligeytor: Copyright © 2001 by Kent A. Vliet; falcon sa pahina 2 at 15: Photo by National Park Service; mga lalaking may hawak na isda: © Bill Banaszewski/Visuals Unlimited

[Larawan sa pahina 13]

Paglalagay ng singsing sa isang sharp-shinned hawk

[Credit Lines]

© Jane McAlonan/Visuals Unlimited