Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagkapoot Dinalaw ako ng kuya ko kamakailan. Wala akong ideya na hayagan niyang sinasabi na siya ay isang panatiko. Binanggit niya ang hinggil sa iba’t ibang lahi at may-pagdiriing ipinahahayag ang kaniyang pagkamuhi sa mga ito. Nais kong tulungan siya, ngunit hindi ko alam kung paano ipakikipag-usap ang paksang ito sa kaniya. Nang makita ko ang Agosto 8, 2001 na isyu na may seryeng “Pagpapahinto sa Siklo ng Pagkapoot,” alam kong ito na ang sagot sa aking panalangin.
L. B., Estados Unidos
Ang isinulat ninyo ay hindi matatanggap ng isang makatuwirang tao. Sinabi ninyo: “Sinasabi mismo ng Bibliya na ang di-sakdal na mga tao ay isinilang taglay ang masasamang katangian at mga depekto. (Genesis 6:5; Deuteronomio 32:5) Sabihin pa, ang mga salitang ito ay kumakapit sa lahat ng tao.” Ngunit ang mga kasulatang ito ay tumutukoy sa dalawang pantanging grupo sa espesipikong mga panahon at sa espesipikong mga lugar. Tiyak na hindi ito maaaring ikapit sa lahat ng tao.
D. C., Czech Republic
Sagot ng “Gumising!”: Totoo, may espesipiko ngang pagkakapit ang mga salitang ito sa mga taong nabuhay bago ang Baha at sa bansang Israel. Gayunman, paulit-ulit na nililiwanag ng Bibliya na “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23; 5:12; Job 14:4; Awit 51:5) Kaya, binanggit ang mga Israelita at ang mga taong nabubuhay bago ang Baha bilang mga halimbawa ng di-kasakdalan ng tao.
Mga Talaarawan Talagang tuwang-tuwa ako na matanggap ang artikulong “Ang Talaarawan—Isang Mapagkakatiwalaang Kaibigan.” (Agosto 8, 2001) Dalawampung taóng gulang ako at nag-iingat na ako ng isang talaarawan sapol noong ako’y 11 anyos. Maguguniguni ninyo kung anong nadama ko nang mabasa ko ang aking mga kalokohan, ang aking unang mga crush noong ako’y tin-edyer, ang aking mga tula, ang aking mga nakahihiyang karanasan, at maging ang araw ng aking bautismo at ang nadama ko noong araw na iyon.
L. C., Italya
Bilang isang biktima ng pang-aabuso noong ako’y bata pa, natulungan ako ng aking talaarawan na makilala nang higit ang aking sarili at makayanan ang emosyonal na kirot. Nakita kong sumulong ako sa espirituwal.
E. L., Estados Unidos
Scleroderma Kahapon ay biglaan ang pag-opera sa akin na marahil ay makapipinsala sa paningin ng aking kaliwang mata. Nagitla ako at nanlumo. Nang makauwi ako, dumating ang Agosto 8, 2001 isyu na naglalaman ng salaysay ni Marc Holland, “Ang Aking Pakikipaglaban sa Scleroderma.” Napatibay ako ng kaniyang reaksiyon sa kalagim-lagim na sakit na ito, partikular na ng kaniyang pananampalataya at determinasyon na magpatuloy sa paglilingkod kay Jehova. Lubhang lumiit ang aking problema dahil dito.
L. B., Estados Unidos
Panalangin Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Matutulungan ng Panalangin?” (Hulyo 22, 2001) Ang pagbabasa hinggil sa kung paano natulungan ng panalangin ang maraming kabataan upang harapin ang kanilang mga problema ay nagpasigla sa akin na maging higit na malaya sa pakikipagtalastasan kay Jehova.
D. B., Italya
Tinulungan po ako ng artikulong ito na matanto na kailangan ko ang isang mas malapít na ugnayan sa Diyos. Sa aking edad na 16, talagang mahirap po ito. Naririyan ang maraming tukso at panggigipit mula sa mga kasamahan. Iniisip ko po kung paano ako maaaring magkaroon ng Bibliya.
M. A., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Ginawa na ang mga kaayusan upang madalaw ng mga Saksi ni Jehova ang aming mambabasa at mabigyan siya ng Bibliya.
Nagustuhan ko ang mga kapahayagan ng kabataang si Pablo, na nagsabi na humiling siya kay Jehova ng kapayapaan ng isip. Palagi kong hinihiling kay Jehova na tulungan akong manatiling timbang sa aking araw-araw na buhay at sa mga desisyon na kailangan kong gawin. Ngayon ay hihilingin ko na rin ang kapayapaan ng isip. Marami tayong matututuhan sa ating mga kabataan. Ako’y 62 taóng gulang.
M. P., Australia