Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Sapatos na Gawa sa Balat ng Isda

Sa isang bagong industriya sa Kabundukan ng Andes sa Peru, ginagawa ang mga sapatos mula sa balat ng trout, ulat ng pahayagang El Comercio ng Lima. Ang mga balat ng isda mula sa mga palaisdaan ay nililinis at kinukulti sa pamamagitan ng likas na mga pangulti. Pagkatapos ay nilalangisan at tinitina ang mga ito sa pamamagitan ng likas na mga produkto tulad niyaong galing sa halamang dilaw, insektong cochineal, o atsuwete. Hindi sinisira ng pagkukulting ito ang kaakit-akit na tulad-diamanteng disenyo sa mga balat, na maaari ring gawing “mga supot ng barya (coin purse), pitaka, strap ng relo, o mga lalagyan ng cellular phone.” Sinabi ng inhinyerong pang-industriya na si Barbara León, na siyang nanguna sa proyekto: “Ang pinakamahalaga ay na walang artipisyal na pangulti tulad ng chromium ang gagamitin kahit kailan. Iniiwasan nito ang mga problema sa kontaminasyon at ang balat ng trout ay ginagawa nitong isang ganap na produkto ng kalikasan.”

Pagtawa​—Ang Pinakamagaling Pa Rin na Gamot!

“Ang pagtawa araw-araw sa loob ng apat na linggo ay nasumpungan ngayon na lubhang nakababawas sa mga sintomas ng panlulumo,” ulat ng The Independent ng London. “Gumaling ang ilan sa mga pasyenteng sinabihan na gumugol ng 30 minuto sa isang araw sa pakikinig sa terapeutikong mga tape ng mga komedyante, samantalang nabawasan naman ng 50 porsiyento ang kalubhaan ng mga sintomas sa iba.” Mahigit na 100 pagsusuri sa Estados Unidos ang nagpapahiwatig na ang pagtawa na pinukaw ng pagpapatawa ay maaaring kapaki-pakinabang. Hindi lamang yaong mga nanlulumo ang positibong tumugon kundi pati yaong may mga alerdyi, alta presyon, mahihinang sistema ng imyunidad, at maging kanser at artritis. Matagal nang kinikilala na ang pagtawa ay nakapagpapalusog, ngunit hindi pa lubos na nauunawaan kung bakit gayon. Gayunman, ang psychotherapist na si Dr. Ed Dunkleblau ay nagbibigay ng nagbababalang payo: Iwasan ang mapang-abuso at mapanlait na pagpapatawa, at maging maingat sa sobrang pagpapatawa. Kung hindi, baka isipin ng pasyente na hindi sineseryoso ang kaniyang problema.

“Relihiyon na Pangalawahin ang Halaga”

Isiniwalat ng isang kamakailang surbey sa mahihirap na adulto sa siyudad sa Brazil na bagaman 67 porsiyento ang nag-aangking Katoliko, 35 porsiyento lamang ang aktuwal na nag-aangking nananampalataya kay Jesus, kay Maria, at sa doktrina ng simbahan. Mas kakaunti pa nga​—30 porsiyento lamang​—ang nagsisimba linggu-linggo. Ipinakita rin ng surbey, na inatasan ng National Conference of Brazilian Bishops, na marami ang hindi sumasang-ayon sa opisyal na turo hinggil sa pagtatalik bago ang kasal (44 na porsiyento), diborsiyo (59 na porsiyento), muling pag-aasawa (63 porsiyento), at paggamit ng mga kontraseptibo (73 porsiyento). Ayon sa teologong si Severino Vicente, nabibigong sumulong ang simbahan dahil sa kakulangan ng mga pari nito, naglalahong impluwensiya nito sa sistema ng edukasyon sa Brazil, at mababaw na pagtuturo nito ng mga doktrina. Sinabi niya: “Ang bagong henerasyon ng mga Katoliko ay naturuan salig sa relativism (na ang katotohanan ng isang bagay ay depende sa kani-kaniyang pangmalas) at minamalas nito ang relihiyon na pangalawahin ang halaga.”

Panganib​—Sa Tahanan!

Ipinakita ng mga estadistika sa ospital para sa 1999, na inilathala ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya ng Britanya, na “76 katao ang namamatay linggu-linggo sa mga aksidente sa bahay​—mas marami pa sa mga namatay sa aksidente sa daan,” ang ulat ng The Guardian ng London. “Ang DIY [do-it-yourself] na mga kagamitan, hagdan, alpombra at mga kaldero para sa pagpapakulo ng tubig” ang ilan sa mga pinakakaraniwang sanhi ng kamatayan. Mahigit na 3,000 katao taun-taon ang ipinapasok sa emergency room pagkatapos matalisod sa mga basket ng labada, mahigit na 10,000 naman ang naoospital dahil sa mga aksidenteng naganap habang sinisikap na higitin ang mga medyas o mga panty hose, at mahigit na 13,000 ang napipinsala habang naghahanda ng mga gulay. Mga 100,000 aksidente ang nauugnay sa inuming de-alkohol. Isang babaing tagapagsalita para sa Royal Society for the Prevention of Accidents ang nagsabi: “Sa trabaho at sa mga daan ay may mga tuntunin tayo, ngunit hindi tayo handa pagdating sa tahanan. Maaari kang lubhang mapinsala kapag hinila mo ang takip ng isang takurí at bumagsak sa iyong paa ang takurí na punung-puno ng mainit na tubig.”

Pampreserba ng Pagkain ng mga Viking

Noong nakalipas na sanlibong taon, kumukuha ang mga Viking ng tubig mula sa mga malumot na latian sa kanilang mga paglalakbay dahil sa nananatili itong sariwa sa loob ng maraming buwan. At sa lupa, pinipreserba ng mga taga-Scandinavia sa tradisyonal na paraan ang mga pagkaing isda at halaman tulad ng mga karot at singkamas sa pamamagitan ng pag-iimbak sa mga ito sa mga malumot na latian. Matagal nang inaakala ng mga mananaliksik na ang mga tannin o ang kakulangan ng oksiheno sa mga latian ang nagpapabagal sa pagkabulok ng organikong materyal. Ngayon, iniuulat ng CNN na naibukod na ni Dr. Terence Painter ng University of Science and Technology sa Norway at ng kaniyang mga kasamahan ang isang uri ng asukal na mula sa lumot na siyang pinaniniwalaan nilang isang tunay na pampreserba. Upang ipakita ang pagiging mabisa nito, ibinaon nila ang ilang balat ng salmon sa cellulose ng kahoy at ibinaon naman ang ibang balat sa lumot o pinahiran ang mga ito ng katas ng lumot. “Ang mga isdang nakaimbak sa lumot o sa katas ng lumot ay nanatiling sariwa sa loob ng isang buwan, samantalang ang isdang nasa cellulose ng kahoy ay bumaho pagkatapos ng dalawang araw,” ang sabi ng ulat.

Pinatataas ng Ulap-Usok ang Panganib na Maatake sa Puso

“Ang makapal na ulap-usok (smog) na lumalambong sa maraming lunsod sa Canada tuwing tag-araw ay maaaring magdulot ng mga atake sa puso sa loob ng dalawang oras,” ang ulat ng pahayagang National Post ng Canada. Ang ulap-usok ay may mga particulate​—maliliit at di-nakikitang dumi na pangunahin nang ibinubuga ng mga sasakyan, planta ng kuryente, at ng mga apuyan. “Ang mga pasyenteng madaling atakihin sa puso, tulad niyaong mga may diyabetis, mga taong may sakit sa puso o mga may-edad na, ay nakaranas ng 48% pagtaas na manganib na atakihin sa puso sa loob ng dalawang oras pagkatapos malantad sa malubhang polusyon sa hangin na may mga particulate,” ang sabi ng pahayagan. “Ang panganib ay tumaas ng 62% sa loob ng 24 na oras.” Kapag inilabas ang mga babala hinggil sa ulap-usok, “sikapin at gumugol ng mas maraming panahon sa loob ng mga gusali, lalo nang mabuti kung pinagagana ang air conditioning,” ang mungkahi ni Dr. Murray Mittleman mula sa paaralang pangmedisina sa Harvard University. “Ang mga tipik na ito ay napakaliliit anupat talagang nakapapasok ang mga ito sa hangin sa loob ng gusali at ang air conditioning ang siyang sasala nito palabas.”

Ang Bisa ng Pag-idlip

Ayon sa Britanong eksperto sa tulog na si Propesor Jim Horne ng Loughborough University, ang pinakamagaling na lunas para sa pagkaantok sa hapon “ay umidlip lamang nang sampung minuto,” ang ulat ng The Times ng London. Sinasabi ni Horne: “Kagaya ito ng anumang paggamot: kapag agad mong isinagawa ang paggamot sa panahong maramdaman mo ang kirot, mas mabisa ito.” Ang ilang korporasyon sa Estados Unidos ay naglagay ng mga kuwarto para sa pag-idlip​—na may mga kama, kumot, unan, at nakagiginhawang mga tunog para sa kanilang mga empleado, kasama na ang mga alarm clock na nakatakdang umalarma bawat 20 minuto. Ngunit nagbababala si Propesor Horne na kapag napahaba ang idlip mo​—sabihin nating 25 minuto​—maaaring maging masama ang gising mo. “Minsang lumampas sa sampung minuto ang tulog ng katawan, magsisimula itong mag-akala na gabi na at magsisimula na ang proseso ng mahimbing na pagtulog.”

Sobrang Katabaan at Kanser

“Ang sobrang katabaan ang pangunahing sanhi ng kanser na maiiwasan ng mga di-naninigarilyo sa Kanluraning daigdig,” ang ulat ng The Times ng London. Ipinakita ng 50 taóng pagsasaliksik na ang mga pagbabago ng istilo ng buhay​—kalakip na ang pagbabawas ng timbang kung sobra na sa katabaan​—ay maaaring makabawas ng 50 porsiyento sa tsansa na magkaroon ng kanser ang mga di-naninigarilyo. “Kung hindi ka naninigarilyo, ang dalawang bagay na talagang dapat ikabahala ay ang labis na timbang at ang mga virus na nagdudulot ng kanser sa sikmura at sa kuwelyo ng matris (cervix),” ang sabi ni Propesor Julian Peto ng Institute of Cancer Research sa Britanya. “Ipinakikita ng mga eksperimento sa mga hayop na diniyeta na lubhang bumaba ang panganib na magkaroon ng kanser.” Masasabing sobra sa katabaan ang isang tao ayon sa pamantayan ng medisina kung ang timbang ng katawan niya ay 20 porsiyento ang kahigitan sa kaayaayang timbang ng katawan na nararapat sa kaniyang edad, kasarian, taas, at kayarian ng katawan.

Pagsasama Bago ang Kasal

“Ang mga magulang na nagsama bago sila ikasal ay halos dalawang beses na malamang na maghiwalay,” ang sabi ng National Post ng Canada. Sinabi ni Heather Juby, isa sa mga awtor ng isang pag-aaral na idinaos ng Statistics Canada, na inaasahang matuklasan ng mga mananaliksik na ang pagkakaroon ng isang anak ay siyang simbolo ng sumpaan ng mga magulang sa isa’t isa. “Ngunit,” ang sabi niya, “yaong mga lalaki’t babae na mas madaling pumayag na magsama nang di-kasal ay mas madali rin namang maghiwalay.” Nasumpungan ng mga mananaliksik na 25.4 na porsiyento ng mga nagsama bago ikasal ay naghiwalay, kung ihahambing sa 13.6 na porsiyento ng mga magulang na hindi nagsama bago ikasal. “Ang mga taong nagsama muna bago ikasal ay may di-gaanong matatag na mga ugnayan,” ang sabi ni Juby, “dahil ang mga taong handa [na sumama sa iba nang di-kasal] ay mga tao na marahil ay hindi gaanong nagpapahalaga sa sumpaan ng pag-aasawa.”