Mga Jangada—Ang Di-pangkaraniwang Naglalayag na mga Bangka ng Brazil
Mga Jangada—Ang Di-pangkaraniwang Naglalayag na mga Bangka ng Brazil
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL
SA LOOB ng mga dantaon, ang malalakas ang loob na mga mangingisda, na tinatawag na mga jangadeiro, ay naglalayag sa maaraw, hilagang-silangang baybayin ng Brazil sakay ng kanilang katutubo ngunit magagandang jangada. Hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang nalaman ko tungkol sa di-pangkaraniwang naglalayag na mga bangkang ito.
Sa unang tingin, maaaring ipaalaala sa iyo ng jangada ang isang bangka na dali-daling ginawa ng mga napadpad na pasahero. Subalit huwag kang padadaya. Ang mga jangada ay nakaaabot sa bilis na halos 12 kilometro bawat oras at nakasasali sa mga karera ng bangka. Bagaman simple lamang ang disenyo, maaaring pumalaot ang mga ito nang ilang araw at makikitang kasabay ng naglalakihang mga barko na naglalayag sa ibayong dagat, hanggang 60 kilometro sa laot. a
Kauna-unahang ginamit ang jangada sa Brazil bilang isang pandagat na sasakyan para sa pangingisda noong pagtatapos ng ika-17 siglo, nang lagyan ng mga mananakop na Portuges ng tatsulok na layag ang mahihinang bangka na ginamit ng mga katutubo. Ang pangalang jangada, na nangangahulugang “pinagsama-sama,” ay nagmula sa mga Portuges. Bago dumating sa Brazil, nakapunta na sila sa India, kung saan nila nakuha ang salitang Tamil na ito.
Sapol noong mga unang panahong iyon, nagkaroon ng ilang pagbabago ang jangada. Noong una, ang pinakakatawan nito ay binubuo ng mga lima hanggang walong magagaang na troso, tulad-balsang kahoy, gaya ng piúva, na itinali ng mga abaka, nang walang isa mang tornilyo o pako. Sa ngayon, ang karamihan sa pinakakatawan ay gawa sa mga kahoy na katulad niyaong ginagamit sa paggawa ng barko, anupat lalo itong naging mas matibay. Ang isa pang bagong kagamitan ay ang kahoy na kahon na pinalibutan ng zinc at styrofoam, na ginagamit upang paglagyan ng mga huli. Ang laki ng jangada ay hindi nagbabago—sa pagitan
ng lima at walong metro ang haba at hanggang 1.8 metro ang lapad.Nitong nakaraang mga dekada, dahil sa kompetensiya sa makabagong mga bangkang pangisda, napilitan ang maraming jangadeiro na maghanap ng ibang trabaho, gaya ng pagpapasyal sa mga turista sakay ng mga jangada. Mayroon pa rin namang mangilan-ngilan at maliliit na grupo ng mga mangingisda sa baybayin ng hilagang-silangang Brazil. Simple lamang ang buhay roon. Para sa karamihan, samantalang nasa dagat ang kalalakihan, tumutulong naman ang mga babae sa pagkita ng salapi para sa pamilya sa pamamagitan ng paggawa ng pinong mga puntas.
Handa na akong magsimula sa aking kauna-unahang paglalayag sakay ng jangada na mula sa isang grupong ito ng mga mangingisda mula sa dalampasigan ng Mucuripe.
Ang Aking Araw Bilang Isang Jangadeiro
Sa dalampasigan, nang 4:00 n.u., ipinakilala ako sa aking apat na kasamang mga bangkero. Ang aming kapitan ay si Assis. Pagkatapos na itaas ang layag, ang una kong trabaho ay tumulong sa pag-aalis ng jangada mula sa mga kahoy na carnauba kung saan ito’y nakapatong at sa pagtutulak nito patungo sa dagat. Halos agad-agad ay bumigat dahil sa tubig ang jangada at waring lulubog. Mabuti naman at iyon lamang ang tingin ko. Hindi naman talaga lumulubog ang mga jangada. Kung minsa’y tumataob ang mga ito, ang sabi sa akin ng mga bangkero, at kailangan ang isang makaranasang magdaragat at malakas na manlalangoy para maiayos muli ang posisyon ng mga ito. Sa anumang kalagayan, habang kami’y naglalayag papalaot, patuloy na sumasalpok ang mga alon sa kubyerta.
Pumuwesto sa popa ang aming kapitan, kung saan niya kinokontrol ang layag at ang timon. Isa pang jangadeiro ang tumayo sa proa. Ang dalawa namang bangkero, na nakahawak sa mga tukod, ay humihilig upang mabalanse ang jangada. Bilang tagapanood, ipinasiya ko na ang pinakamabuting gawin ay humawak nang mahigpit sa mga tukod. Ang pagkaliyo ay karaniwang problema ng mga baguhang magdaragat na tulad ko, subalit sinikap ko ring tiisin ang pagduwal hangga’t magagawa ko.
Pagkatapos na maglayag sa loob ng halos dalawang oras, nakarating kami sa aming pupuntahan. Dahan-dahang inirolyo ng mga bangkero ang layag at ibinaba ang angkla—isang bato na nasa loob ng isang kahoy na kahon—at nagpasimula na ang pangingisda. Gumagamit ang mga bangkero ng mga bingwit, hindi mga baliwasan. Iyan ang dahilan kung bakit punung-puno ng pilat at kalyo ang kanilang mga kamay. Bukod pa sa pangingisda, nanghuhuli rin sila kung minsan ng uláng sa pamamagitan ng bitag na tinatawag na manzuá, na yari sa kawayan at pising nylon. Upang maingatan ang kanilang sarili mula sa araw, nagsusuot ang ilan ng mga sumbrerong balanggot na malapad ang pardiyas, samantalang ang iba naman ay basta nagsusuot ng gora.
Para sa jangadeiro, ang buhay ay isang mahirap na rutin ng asin, pawis, at araw. Paunti nang paunting kabinataan ang nagnanais na matuto ng propesyong ito, na sa loob ng mga dantaon ay ipinapasa ng ama sa anak.
Mga alas-tres ng hapon ay umuwi na kami kasabay ng iba pang mga jangada. Taglay ang pagkagaganda at puting mga layag na lutáng na lutáng sa matingkad na berdeng karagatan at bughaw na kalangitan, nadaig nito ang pagngangalit ng mga alon—isang makapigil-hiningang tanawin na naging inspirasyon sa maraming tula at awit.
Nang dumaong kami, tumulong ako sa pagtutulak sa jangada sa puwesto nito sa buhanginan. Karaniwang tumitimbang ang jangada nang 300 kilo, subalit sa aming pagód na mga bisig, tila mas mabigat pa ito. Ipinagbibili ng mga jangadeiro ang kanilang mga huli sa isang mag-iisda, na magbebenta naman ng isda sa publiko. Sandali lamang ang aming paglalakbay, at iilang kilo lamang ng isda ang nahuli namin. Subalit makapaglululan ang isang jangada ng hanggang 1,000 kilong nahuling isda. Nagpasalamat ako sa mga bangkero at umuwi na ako, pagod subalit nasisiyahan. Noong gabi, habang nakahiga na gising, naiisip ko na nararamdaman ko pa rin ang pag-alun-alon ng jangada, ang katutubo subalit di-pangkaraniwang naglalayag na bangka ng Brazil.
[Talababa]
a Noong 1941, apat na jangadeiro ang naglayag nang 3,000 kilometro mula sa lunsod nang Fortaleza hanggang Rio de Janeiro. Ang kanilang kuwento ay isinalaysay sa dokumentaryong It’s All True, sa direksiyon ni Orson Welles.
[Larawan sa pahina 25]
Ang tradisyonal na kahoy na jangada na hindi na ginagamit sa ngayon
[Larawan sa pahina 25]
Karaniwang tumitimbang nang halos 300 kilo ang jangada