Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Pinakamaligayang Araw ng Aming Buhay”

“Ang Pinakamaligayang Araw ng Aming Buhay”

“Ang Pinakamaligayang Araw ng Aming Buhay”

ANG kasal ay isang maligayang okasyon. Maraming mag-asawa ang nagsabi: “Ito ang pinakamaligayang araw ng aming buhay.” Subalit maaari rin itong maging isa sa pinakamaigting. Ang kaigtingan at pagod na nararanasan ng nobya at nobyo at ng kani-kanilang pamilya ay maaaring maging matindi dahil sa lahat ng mga pagpapasiya at paghahandang kinakailangan, gayundin dahil sa maraming tao na kanilang makakasalamuha sa araw na iyon.

Ang kasal ay pasimula ng isang bagong pamumuhay para sa mag-asawa. Subalit hindi lamang sila ang apektado. Yamang ang pag-aasawa ng isang anak na babae, o lalaki, isang kapatid na babae, o lalaki ay karaniwang nangangahulugan na ang isang minamahal ay magtatatag ng isang bukod na sambahayan, kadalasang mararanasan ng pamilya ang magkahalong damdamin ng ligaya at lungkot.

Ang mga kaugalian sa kasal ay iba-iba sa bawat bansa, at imposibleng talakayin dito ang lahat ng mga ito. Ang mga artikulong ito ay magtutuon ng pansin sa nakaugalian na sa Kanluran at katulad na mga lupain. Doon, ang pagpapakasal ay maaaring napakagastos. Ang ilan ay gumugugol ng napakalaking halaga sa araw ng kasal, kasali na ang pag-upa ng isang bulwagan o restawran para sa pagdiriwang at ang pag-aasikaso sa salu-salo. Tinataya na sa Italya ang katamtamang halaga ng kasalan ay mahigit na $10,000. Sa Hapón, tulad din sa iba pang lugar, ang halaga ay maaaring mas mataas pa. Karaniwang hindi ang nobya at nobyo ang nagbabayad ng gastos. Ang kanilang mga magulang ang nagbabayad.

Malaking negosyo ang mga kasalan. Inihaharap ng maraming kompanya ang ideya ng “napakagandang” kasalan, kung saan walang anumang kulang. Tutal, ipinahihiwatig nila na “ito ang pinakamaligayang araw ng iyong buhay!” Kaya naman nag-aalok sila ng maraming produkto at serbisyong “kinakailangan” upang gawing “napakaganda” ang araw ng iyong kasal. Maaaring naririyan ang personal na mga imbitasyon, ang iyong “pangarap” na trahe-de-boda, mga pormal na kasuutan ng mga abay na babae, at mga tuxedo o kahawig na mga pormal na kasuutan para sa mga abay na lalaki. Naririyan din ang mga bulaklak, mga limousine, marahil isang restawran kung saan idaraos ang piging, isang litratista, isang banda, at iba pang mga bagay. Ang listahan ng lahat ng maaaring magustuhan ng nobya at nobyo, gayundin ang kalakip na listahan ng mga gastusin, ay maaaring pangambahan ng maraming ama.

Lubhang pinahahalagahan sa iba’t ibang lipunan ang pagsunod sa kaugalian. Naririyan ang kinagisnan nang paraan kung paano dapat gawin ang magkakasunod na mga pagkilos, at inaasahang susundin ito ng nobya at nobyo. Oo, maraming bagay na dapat tandaan, subalit may limitadong panahon lamang sa pagsasaayos ng lahat ng ito.

Isang bagay na dapat panabikan o isa na nakapanghihina ng loob? Anuman ang iyong tugon, ang pag-iisip sa lahat ng bagay na nasasangkot sa pagpapakasal ay nagbabangon ng maraming katanungan. Ano ba ang nasasangkot sa pagpapakasal sa ngayon? Talaga bang kailangan ang lahat ng ito? Paano mapagtatagumpayan ang iba’t ibang praktikal at emosyonal na mga problema?

Sa kabila ng lahat ng kaigtingan, matagumpay na naiplano ng marami ang mga detalye ng kanilang kasal at nasiyahan sa okasyon. Ang kanilang mga karanasan ay makatutulong sa iba na naghahandang harapin ang gayunding okasyon. May mga simulain din sa Bibliya na makatutulong kapag gumagawa ng mga plano sa kasal, upang ang araw na iyon ay magiging kasiya-siya, maligaya, at nakapagpapatibay para sa lahat.