Pagdadalawang-Isip Hinggil sa mga Prinsa
Pagdadalawang-Isip Hinggil sa mga Prinsa
DATING PINAPURIHAN BILANG ANG SOLUSYON sa mga pangangailangan para sa tubig at kuryente, ang mga prinsa sa ngayon ay hindi na gaanong sinasang-ayunan sa maraming bansa. “Hindi na gaanong tiyak ang palagay na ang mga pakinabang ay nakahihigit sa mga pinsala,” ang sabi ng magasing World Watch. “Ngayong mahigit na 45,000 malalaking prinsa (mahigit na 15 metro ang taas) ang naitayo na sa buong daigdig, ipinakikita ng dumaraming pananaliksik na ang pinsala ng mga ito ay maaaring mas malaki pa kaysa kailanma’y inaakala ng marami.” Ano ang ilan sa mga pinsalang ito?
Ang pangunahing pinsala ay ang pagsira sa 60 porsiyento ng mga daanan ng tubig sa daigdig. Ganito ang sabi ng World Watch: “Sa ekolohikal na paraan, sinasalakay ang mga ilog. Ang mga ito ay tinutuyo, inililihis, dinudumhan, at binabarahan sa bilis na nakasisira sa ecosystem ng tubig-tabang sa buong daigdig. Palibhasa’y mahigit sa kalahati ng mga ilog sa daigdig ang nahaharangan ng di-kukulangin sa isang malaking prinsa . . . , ang mga prinsa ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa pagsira sa ekolohiya ng ilog. Halimbawa, di-kukulangin sa sangkalima ng mga isda sa tubig-tabang ng daigdig ang nanganganib malipol o lipol na sa ngayon.” Apektado rin ang mga isda sa karagatan gaya ng salmon, na maaaring mahadlangan sa kanilang pagsisikap na lumangoy patungo sa bandang itaas na bahagi ng ilog upang mangitlog.
Kahit na ang karaniwang tinatanggap na pangmalas na walang ibinubungang polusyon ang hydropower ay pinag-aalinlanganan na ngayon. Bakit? Dahil sa ang nabubulok na organikong bagay na nakararating sa mga imbakan ay naglalabas ng maraming greenhouse gas. Nariyan din ang pinsala sa lipunan. Dahil sa mga prinsa, 40 milyon hanggang 80 milyon katao ang napaalis sa kanilang lugar—mahigit pa sa populasyon ng maraming bansa—kadalasan mula sa ilan sa pinakamatatabang lupain sa daigdig.
Ang pagbabago sa saloobin may kinalaman sa kahalagahan ng mga prinsa ay lumalaganap. Halimbawa, ang Estados Unidos, na may nakagigitlang kabuuang bilang na 75,000 prinsa na may iba’t ibang laki at nakakalat sa mga daanan ng tubig sa bansa, ay nangunguna na ngayon sa daigdig sa pag-aalis at pagwawasak ng prinsa. Maging ang World Bank ay nagbawas ng pagpopondo para sa mga proyektong paggawa ng prinsa.
Totoo, ang mga prinsa ay may ilang kapaki-pakinabang na gamit. Subalit katulad sa maraming iba pang pagsisikap, ang walang-tigil na pagtatayo ng mga tao ng prinsa ay nagpapakita ng kawalan ng karunungan at malayong pananaw anupat pinatutunayan ang mga salita ni propeta Jeremias na “hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”—Jeremias 10:23.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
FOTO: MOURA