Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghahanap sa mga Lampasot sa New Zealand

Paghahanap sa mga Lampasot sa New Zealand

Paghahanap sa mga Lampasot sa New Zealand

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NEW ZEALAND

“ITO lamang ang nilalang na nagmamahal sa tao nang walang anumang dahilan,” ang sulat ng mananaysay na Griego na si Plutarch. Ano ang tinutukoy niya? Walang iba kundi ang lampasot (dolphin), isang mamalyang kauri ng balyena.

Ayon sa The World Book Encyclopedia, “maraming siyentipiko ang naniniwala na ang mga lampasot ay kabilang sa pinakamatatalinong hayop, kasama ng mga chimpanzee at aso.” Gayunman, gaya ng sinabi ni Plutarch, lumalapit ang mga lampasot sa mga tao hindi lamang upang mapakain. Sa kabaligtaran, tila marami sa kanila ay natutuwa lamang na makasama tayo. “Bagaman maaaring hindi kailangan ng lampasot ang tao,” ang sabi ng aklat na Mysteries of the Deep, “mausisa ito at lubhang posible na talagang nalulugod ito sa panonood sa ating katawa-tawang pagkilos kung paanong natutuwa rin tayo sa kaniya.” Sa 32 uri ng lampasot sa dagat, 4 ang naninirahan sa New Zealand: ang common dolphin, ang bottle-nosed dolphin, ang dusky dolphin, at ang pinakamaliit sa daigdig​—ang Hector’s dolphin. a

Nananagana ang mga lampasot sa Bay of Islands, isang dalampasigang may magandang tanawin sa New Zealand. Nananabik kaming pasyalan ito, kaya umalis kami sa pamamagitan ng bapor mula sa bayan ng Russell. Sinabi sa amin ng aming guide na bukod pa sa mga bottle-nosed at common dolphin, maaaring makita rin namin ang mga killer whale at pilot whale​—pawang kamag-anak ng lampasot. Iminumungkahi niya na upang matagpuan sila, kailangan naming tingnan ang labasan ng kanilang hangin (blowhole) o ang palikpik sa likuran nila. “Kung minsan,” ang sabi niya, “sila ang unang makakakita sa atin!”

Paglangoy Kasama ng mga Lampasot

Di-nagtagal, lumitaw sa harap namin ang malalaki at di-maaninag na hugis ng mga bottle-nosed dolphin​—hanggang apat na metro ang haba​—​habang bumabagtas sa mga alon ang palikpik sa likuran nila. Habang naglalaro sila, nagpapaanod sila sa alon na dulot ng proa ng bapor. Huminto ang bapor, at kami ng guide ay maingat na tumungo sa malalim at kulay-berdeng tubig, kung saan hinayaan kami ng mga lampasot sa dagat na lumangoy kasama nila.

Yamang napaliligiran ng mga palikpik sa likuran ng mga lampasot at hindi nakatitiyak kung saan unang titingin, huminga ako nang malalim at tumingin nang may pagkamangha sa kulay-abong mga hugis na gumagalaw sa ilalim ko. Ang isa sa mga lampasot ay lumitaw mula sa kalaliman upang suriin ako at tumagilid ito nang kaunti, anupat ipinakikita ang puting ilalim nito. Bagaman nanatili ang mga lampasot sa lugar na hindi namin maabot, maririnig nang maliwanag ang kanilang mga sipol na sonar. Tila hindi humanga sa aking mga pagsisikap na tularan ang kanilang mga sipol, umatras ang mga lampasot at pagkatapos ay muling lumitaw upang ipagpatuloy ang pag-ikot.

Paghuli ng Isda at Paglalaro

Nang bumalik na kami sa bapor, sinundan namin ang mga lampasot sa isang protektadong look. Doon nakita namin ang napakaraming lampasot na hindi mabilang​—nagtatatalon at nagsasaboy ng tubig sa lahat ng dako! Ang totoo, nanghuhuli sila ng isda. Ang kanilang pagkain ay pangunahin nang binubuo ng pusit, isda, at mga crustacean. Nakita pa nga naming nagaganap ang waring isang leksiyon sa paghuli ng isda. Waring hinilo ng ina ang isang maliit na isda sa pamamagitan ng kaniyang sonar, at malamang na sinisikap ng sanggol na hulihin ito sa pamamagitan ng paghahampas ng kaniyang buntot sa isda. Tila kakailanganin pa ng sanggol ang ilan pang leksiyon!

Ginugugol ng mga lampasot ang kalakhang bahagi ng araw nila sa paglalaro at pakikihalubilo. Ang isa ay mabilis na dumaan, na may-pagmamalaking ipinakikita ang ilang damong-dagat sa palikpik nito sa likuran. Ipinaliwanag ng aming guide na ang damong-dagat ang paboritong laruan ng mga lampasot. Inilalagay nila ito sa kanilang palikpik o nguso at matagal itong pinaglalaruan. Kapag natapos ang isa sa paglalaro, kukunin ito ng ibang lampasot at siya naman ang maglalaro.

‘Larawan sa Isipan sa Pamamagitan ng Tunog’

Upang mas tumpak na “makita” ng mga lampasot ang kanilang kapaligiran sa tubig, ginagamit ng mga lampasot ang sistemang echolocation, o sonar, na tumatakbo sa isang frequency na katulad niyaong sa ultrasound scan. Nagpapadala ang mga lampasot ng mga tunog, at ang mga “larawan” na kanilang natatanggap ang nagpapangyari sa kanila na matagpuan ang pagkain at iba pang mga bagay na nakapupukaw ng kanilang interes​—kasama na kami. Nakikipagtalastasan ang mga lampasot sa pamamagitan ng matitinis na sipol​—na inilalabas nila sa mga frequency na sampung beses na mas mataas at apat at kalahating beses na mas mabilis sa boses ng tao. Sa halip na gumamit ng isang wika na tulad ng alam natin, waring nakalilikha ang mga lampasot ng mga ‘larawan sa isipan sa pamamagitan ng tunog.’

Maliwanag, marami pang malalaman hinggil sa mga lampasot. Baka balang araw ay lubusan nating mauunawaan ang mga ito​—kung paano sila mag-isip at kung ano ang iniisip nila tungkol sa atin. Punô ng pagkamangha at pagmamahal, iniwan na namin sa mga lampasot ang maganda at walang-taong look na ito, na may mahamog na mga dalisdis at dalampasigang may puting buhangin. Nagkaroon kami ng panibagong paggalang sa mga nilalang na ito at sumidhi ang aming pagpipitagan sa kanilang Maylalang.​—Apocalipsis 4:11.

[Talababa]

a Ang iba pang mga uri na paminsan-minsang nakikita sa New Zealand ay ang hourglass dolphin at ang finless southern right whale dolphin.

[Kahon/Larawan sa pahina 18, 19]

Pagpapalaki sa Sanggol

Ang mga lampasot ay hindi mga isda kundi mga mamalya. Kaya, sumususo ang sanggol na lampasot sa gatas na inilalabas ng katawan ng ina nito. Sa loob ng tatlong-taóng yugto na inaalagaan ito ng ina, tuturuan niya ang kaniyang anak kung ano ang kailangang gawin upang mabuhay. Halimbawa, tuturuan niya ito kung paano gumamit ng sistemang echolocation, o sonar, kasama ang pagkakakilanlang “tono” na magtatapos sa bawat “pangungusap.” Tuturuan din niya ito kung paano manghuli ng isda, kung paano magparami, at kung paano makipag-ugnayan sa iba pang mga lampasot.

Ang isang sanggol na lampasot ay iniluluwal na una ang buntot, na nakatupi sa loob ng ina nito. Ang patayong mga linya ay mapapansin sa kapapanganak na mga sanggol, na nagpapakita kung saan nakatupi ang mga ito sa loob ng sinapupunan. Sususo ang isang sanggol habang lumalangoy ito, na sa lahat ng pagkakataon ay nananatiling malapit sa ina nito sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga epektong hydrodynamic na paglangoy ng ina.

[Credit Line]

© Jeffrey L. Rotman/CORBIS

[Mapa sa pahina 19]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NEW ZEALAND

Bay of Islands

[Larawan sa pahina 17]

Bottle-nosed dolphin

[Credit Line]

© Jeff Rotman

[Larawan sa pahina 17]

Hector’s dolphin

[Credit Line]

Photo by Zoe Battersby

[Larawan sa pahina 18]

Dusky dolphin

[Credit Line]

Mark Jones

[Larawan sa pahina 18]

Mga common dolphin

[Credit Line]

© R.E. Barber/Visuals Unlimited