Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Kawili-wiling Pagdalaw sa Olympic National Park

Isang Kawili-wiling Pagdalaw sa Olympic National Park

Isang Kawili-wiling Pagdalaw sa Olympic National Park

PALIBHASA’Y pinalaki ako malapit sa orihinal na Bundok Olympus sa timugang Europa, likas lamang na mag-usisa ako tungkol sa kahanga-hangang mga katangian ng isang peninsula sa Pasipiko na nasa baybayin ng Hilagang Amerika, na libu-libong kilometro ang layo mula sa Gresya. Ang pagkabanggit ng isang kaibigan tungkol sa maulang mga gubat sa liblib na lugar na iyon​—8,000 kilometro sa hilagang-kanluran ng Amazon​—ay sapat na upang mahikayat ako na magtungo sa Olympic National Park.

Isiniwalat ng kaunting pagsasaliksik bago ang pagbisita namin na ang 350,000-ektaryang parke, na matatagpuan sa hilagang-kanlurang bahagi ng Estados Unidos sa Washington State, ay isang kawili-wiling pagtatanghal ng likas na mga kababalaghan. Dito, sa ilalim ng manipis na ulap sa Pasipiko na bumabalot sa tabing-dagat at hanay ng mga punungkahoy, matutuklasan ng isa ang naglalakihang punungkahoy, paliku-likong baybayin, at ilan sa pinakamaulang klima sa lupa. Ang parke ay may matatayog na bundok, nababalutan ng niyebe at natatabunan ng mga glacier na mabagal-dumausdos, at isang maulang gubat na misteryoso rin at madilim gaya ng iba pang kagubatan sa rehiyon ng Amazon.

Noong 1788 ay pinanganlan ng isang Ingles na kapitan ang pinakamataas na taluktok​—na mababa nang kaunti sa 2,500 metro​—na Bundok Olympus, na isinunod sa pangalan ng maalamat na tahanan ng mga diyos sa mitolohiya ng Gresya. Upang maingatan ang di-pa-nagagalaw na ilang na ito, itinatag ang Olympic National Park noong 1938.

Maulang mga Gubat sa Hilagang Amerika?

Sa isang kaayaayang umaga ng taglagas, si Mike, na isang tagaroon at isang guide, ay naghintay sa aming mag-asawa sa punong-tanggapan ng parke, sa Port Angeles. Si Mike, isang lalaking matangkad at malaki ang dibdib, ay nasisiyahang ipakita ang mga kayamanan ng maulang gubat sa mga bisitang tulad namin. “Ang maulang mga gubat ay marahil ang pinakapambihirang kababalaghan sa Olympic National Park,” ang sabi niya taglay ang matinding kasiyahan na kapansin-pansin. “Ang terminong ito ay kadalasang ikinakapit sa mga kagubatan sa tropiko. Ang mga gubat dito sa amin ay kabilang sa mas maliliit na maulang gubat sa mga lugar sa daigdig na may katamtamang klima.” Nang humingi ako ng paliwanag, agad na sinipi ni Mike ang estadistika: Ang mga kagubatan ay tinutustusan ng di-normal na dami ng tubig-ulan sa mga dalisdis sa gawing kanluran ng Kabundukan ng Olympic, mula sa mga 200 sentimetro bawat taon malapit sa baybayin hanggang 400 sentimetro o higit pa sa kahabaan ng mga libis ng ilog sa may paanan ng bundok. Napalilibutan ng tatlong libis ang karamihan sa maulang mga gubat: yaong sa mga ilog ng Hoh, Queets, at Quinault.

Halos hindi marinig ang yabag ng aming mga paa dahil sa halos kalahating metro ng nabubulok na mga bagay sa sahig ng kagubatan. Hindi makapasok ang hangin dahil sa kapal ng mga punungkahoy; maging ang ulan na madalas lumagpak dito ay bahagyang pumapatak lamang na gaya ng manipis na luntiang singaw. Umaabot sa amin ang sikat ng araw sa sahig ng kagubatan sa maliliit at mahihinang sinag lamang. Ang pinakamahinang awit ng ibon ay waring malakas, at paminsan-minsan ay mabilis na nagpapalipat-lipat ang mga usa na gaya ng kulay-kapeng mga anino sa mga katawan ng punungkahoy na nababalutan ng lumot.

Kung Saan ang mga Punungkahoy ay Umuusbong sa Ibang Punungkahoy

Yamang ang nakatakip sa sahig ay napakakapal, bihirang magkaroon ng pagkakataon ang mga binhi na tumubo​—na siyang dahilan kung bakit karamihan sa pinakamalalaking punungkahoy sa kagubatang iyon ay umusbong mula sa mga trosong nakatutulong sa pagtubo. Ang mga ito ay nabuwal at nabubulok na mga punungkahoy na madaling tubuan ng mga binhi na nahuhulog sa mga ito. Karaniwang makikita ang ilang malalaking punungkahoy na tumutubong magkakatabi sa kahabaan ng isang nabuwal na malaking punungkahoy, at ang pagkakaroon ng maraming trosong nakatutulong sa pagtubo ang dahilan ng paminsan-minsang pagkakaroon ng mga hilera ng punungkahoy​—na parang maingat na itinanim ang mga ito sa isang hanay.

Nang malampasan namin ang patag na mga landas at umakyat na kami sa Kabundukan ng Olympic, nagbago ang kagubatan, anupat ang pambihira-ang-laki na Pacific silver fir at alpine fir ang naging pinakakaraniwang mga uri na makikita. Ang Bundok Olympus ay may 7 glacier sa dalisdis nito, na may yelong 300 metro ang kapal sa iba’t ibang dako nito, at may mahigit sa 50 glacier sa kabundukan.

Baku-bakong mga Taluktok at mga Tagaytay na Nababalutan ng Glacier

Ang kalori na nasunog sa puspusang paglalakad ay kailangang palitan. Kaya, nagsimula ang aming sumunod na araw sa pagkain ng saganang almusal sa isang kainan sa Port Angeles. Si Arlene, ang aming palakaibigang tagapagsilbi, ay higit na nalulugod sa niyebe kaysa sa tubig-ulan sa lugar na iyon. Iginiit niya na hindi namin talaga makikita ang mga kababalaghan ng Kabundukan ng Olympic kung hindi namin papasyalan ang mas mataas na lugar sa may silangang bahagi ng mga dalisdis ng parke na nababalutan ng niyebe.

Habang binabaybay namin ang daan sa silangan ng Port Angeles patungo sa Deer Park, di-nagtagal at nakarating kami sa lansangang-daan na kadalasan ay matarik at baku-bako na may sunud-sunod na mga todo-kurbada. Ginantimpalaan kami ng isang kahanga-hangang tanawin kapuwa sa gawing hilaga at sa timog, patawid sa Strait of Juan de Fuca hanggang sa Vancouver Island at tungo sa matayog at nababalutan-ng-yelo na gitna ng Kabundukan ng Olympic. Sa kaparangan ng alpino, nakakita kami ng maraming usa at ilang maseselang halaman na hindi tumutubo sa iba pang bahagi ng lupa, kabilang na ang piper bellflower at ang Flett violet.

Sumunod ay nakarating kami sa Hurricane Ridge. Madaling makita kung bakit ang daang patungo roon ay isang popular na haywey sa bundok sa loob ng parkeng iyon. Iyon ay isang kasiya-siyang daan, na nagsisimula malapit sa punong-tanggapan ng parke at nagtatapos sa altitud na 1,755 metro sa mabulaklak na kaparangan na nasa gilid mismo ng Kabundukan ng Olympic. Mula roon, ang kabundukan ay umaabot sa malayo tungo sa timog, isang hanay ng mga taluktok na nababalutan ng niyebe at ng mga libis sa pagitan nito na punô ng mga glacier. Habang minamasdan namin ang tanawin, mabilis na dumaan ang makapal na kumpol ng mga ulap mula sa kanluran.

Ang unang mga avalanche lily ay namumukadkad habang ang niyebe ay natutunaw sa mga kaparangan, at sa susunod na tatlong buwan, magkakaroon ng sunud-sunod na iba’t ibang makukulay na bulaklak. Makikita ang pagala-galang mga usa sa tanawin ng maringal na bundok, at kung minsan ay makikita ang mga kambing-bundok na naglalakad-lakad sa matatarik na gilid ng bangin sa itaas ng haywey.

Ang Humahampas na Daluyong ng Pasipiko

Upang marating ang pinakamaiinam na dalampasigan sa Kabundukan ng Olympic, kailangang maglakad sa halip na sumakay. Sa paglalakad sa kakahuyan mula sa bayan ng Forks sa silangan, narating namin ang mga dalampasigan na may maliliit na lawa matapos kumati ang tubig na punô ng buhay-dagat na walang-katapusan ang pagiging kahali-halina. Sa dako pa roon ng Teahwhit Head, sumapit kami sa Giants Graveyard, isang magulong tambak ng bato na pilipit ang mga anyo na nasa dalampasigan na hinahampas ng naglalakihang alon sa Pasipiko na nagiging bula. Ang mga punungkahoy sa kahabaan ng mga dalampasigang ito ay halos dumapa dahil sa walang-tigil na pagbayo ng hangin mula sa dagat. Habang naglalakad kami sa dalampasigan sa malakas na hangin, napalibutan kami ng mga inanod na kahoy na maganda ang pagkakahugis at ng batong makikinis.

Para sa amin ang karanasan sa Olympic National Park ay pangunahin nang katulad niyaong sa ilang at hindi kumukupas. Dahil dito, napuspos kami ng pagpipitagan sa Maylalang, “siya na sa kaniyang kamay ay naroon ang mga kaila-ilaliman ng lupa at siyang nagmamay-ari ng mga taluktok ng mga bundok; na nagmamay-ari ng dagat, na kaniya mismong ginawa, at ang kaniya mismong mga kamay ang nag-anyo ng tuyong lupa.” (Awit 95:4, 5)​—Isinulat.

[Kahon sa pahina 25]

Bakit Napakaraming Tubig-Ulan?

Ang mga ulap na may halumigmig na kumikilos patungo sa lupa mula sa mainit na hihip ng hangin sa baybayin ng Pasipiko ay napipilitang pumaitaas dahil sa humaharang na mataas na Kabundukan ng Olympic. Habang pumapaitaas ang mga ulap, lumalamig ang mga ito, at ang kanilang halumigmig ay namumuo at nagiging malakas na ulan o niyebe. Kaya, ang dalisdis sa kanluran ng kabundukang ito ay tumatanggap ng mahigit sa 350 sentimetro na buhos ng ulan bawat taon. Ang Bundok Olympus ay tumatanggap ng mga 500 sentimetro, na karamihan ay lumalagpak bilang niyebe. Gayunman, ang lupa sa silangang bahagi nito na matatagpuan sa lugar na tinatawag na lilim sa ulan ay nananatiling tuyo kung ihahambing sa kabilang panig nito.

[Mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

KARAGATANG PASIPIKO

CANADA

E.U.A.

OLYMPIC NATIONAL PARK

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang maulang gubat ng Hoh ay nasa paanan ng Bundok Olympus na nababalutan ng mga glacier

[Larawan sa pahina 23]

Ang Lawa ng Home, sa wawa ng libis ng Ilog Dungeness

[Mga larawan sa pahina 24]

Maraming usa at kakaibang mga halaman na gaya ng Flett violet ang nasa kaparangan ng alpino

[Larawan sa pahina 24, 25]

Ang baybayin ng Kalaloch Beach sa Pasipiko

[Larawan sa pahina 25]

Talon ng Sol Duc

[Larawan sa pahina 25]

Inanod na kahoy sa kahabaan ng Rialto Beach