Pag-unawa sa Artritis
Pag-unawa sa Artritis
“SA GABI, TINITINGNAN KO ANG AKING MGA PAA’T KAMAY NA DISPORMADO AT AKO’Y UMIIYAK.”—MIDORI, HAPÓN.
SINASALOT ng artritis ang mga tao sa loob ng mga dantaon. Ang mga momya sa Ehipto ay nagpapatunay na umiral na ang sakit na ito mga dantaon na ang nakalipas. Ayon sa makukuhang katibayan, ang manggagalugad na si Christopher Columbus ay pinahirapan nito. At milyun-milyon ngayon ang dumaranas nito. Ano nga ba itong nakasasalantang sakit na ito?
Ang salitang “artritis” ay galing sa mga salitang Griego na nangangahulugang “namamagang mga a Maaaring apektado ng mga sakit na ito hindi lamang ang mga kasukasuan kundi pati na rin ang mga kalamnan, mga buto, litid, at mga gatil na sumusuporta sa mga ito. Ang ilang anyo ng artritis ay maaaring puminsala sa iyong balat, sa mga panloob na sangkap ng katawan, at maging sa iyong mga mata. Pagtuunan natin ng pansin ang dalawang sakit na karaniwang iniuugnay sa artritis—ang rheumatoid arthritis (RA) at ang osteoarthritis (OA).
kasukasuan” at iniuugnay sa mahigit na 100 sakit at mga uri ng rayuma.Disenyo ng Kasukasuan
Ang kasukasuan ay hugpungan ng dalawang buto. Ang synovial joint ay napalilibutan ng isang makunat ngunit matibay na kapsulang nagsasanggalang at sumusuporta rito. (Tingnan ang larawan sa pahina 4.) Ang kapsula sa kasukasuan ay may sapin na synovial membrane. Ang membrane na ito ay gumagawa ng isang madulas na likido. Sa loob ng kapsula sa kasukasuan, ang mga dulo ng dalawang buto ay natatakpan ng makinis at nababanat na himaymay na tinatawag na cartilage. Hinahadlangan nito ang iyong mga buto na magkiskisan at maggilingan sa isa’t isa. Ang cartilage ay nagsisilbi ring shock absorber, na parang kutson sa mga dulo ng iyong mga buto at pantay na ibinabahagi ang puwersa sa iyong mga buto.
Halimbawa, kapag ikaw ay lumalakad, tumatakbo, o tumatalon, ang puwersa na nasa iyong mga balakang at tuhod ay maaaring maging apat hanggang walong ulit ng bigat ng iyong katawan! Bagaman ang karamihan ng puwersa ay tinatanggap ng nakapaligid na mga kalamnan at mga litid, ang cartilage ay tumutulong sa iyong mga buto na makayanan ang puwersang ito sa pamamagitan ng pagliit na parang espongha.
Rheumatoid Arthritis
Sa kaso ng rheumatoid arthritis (RA), ang sistema ng imyunidad ng katawan ay naglulunsad ng lubusang pagsalakay sa mga kasukasuan nito. Sa hindi malamang dahilan, ang maraming selula ng dugo—kasama na ang mga T cell, na gumaganap ng mahalagang papel sa sistema ng imyunidad ng katawan—ay nagtutungo sa mga puwang sa kasukasuan. Ito ang nagpapasimula sa sunud-sunod na kemikal na mga reaksiyong maaaring pagmulan ng pamamaga sa kasukasuan. Ang mga selulang synovial ay maaaring magsimulang dumami nang dumami, anupat nagkakaroon ng tulad-tumor na bukol ng himaymay na tinatawag na pannus. Ang pannus naman ay gumagawa ng mapaminsalang mga enzyme na sumisira sa cartilage. Ang mga ibabaw ng buto ay maaari ngayong magdikit, anupat nagdudulot ito ng limitadong pagkilos—at napakatinding kirot. Ang mapanirang proseso na ito ay nagpapahina rin sa mga gatil, sa mga litid, at sa mga kalamnan, anupat ang kasukasuan ay nagiging mabuway at bahagyang nawawala sa puwesto, na karaniwang nagdudulot ng pangit na hitsura. Karaniwan nang apektado ng RA ang mga kasukasuan sa pare-parehong antas, na pinahihirapan ang mga pulsuhan, tuhod, at mga paa. Mahigit sa 50 porsiyento ng mga indibiduwal na nasuring may RA ang nagkaroon din ng mga kulani o bukol sa ilalim ng balat. Ang ilan ay nagkakaroon ng anemya at panunuyo, pananakit ng mga mata at lalamunan. Nararanasan din sa RA ang pagkapagod at ang mga sintomas na katulad sa trangkaso, pati na ang lagnat at masasakit na kalamnan.
Lubhang iba’t iba ang epekto, pasimula, at tagal ng RA. Sa isang tao, ang kirot at paninigas ay maaaring dumating nang dahan-dahan sa loob ng ilang linggo at taon pa nga. Sa iba naman, ang pasimula nito ay maaaring biglang-bigla. Para sa ilang tao, ang RA ay tumatagal ng ilang buwan at pagkatapos ay nawawala nang hindi nag-iiwan ng anumang kapansin-pansing pinsala. Ang iba naman ay maaaring dumanas ng mga yugto ng lumulubhang mga sintomas na tinatawag na mga silakbo, pagkatapos ay unti-unting nababawasan ang mga sintomas at bumubuti ang kanilang pakiramdam. At sa ilang pasyente ang sakit ay aktibong nagpapatuloy sa loob ng maraming taon, anupat walang-lubay silang sinasalanta nito.
Sino ang nanganganib sa RA? “Karaniwan ito
sa mga babae na nasa katanghaliang gulang,” ang sabi ni Dr. Michael Schiff. Gayunman, sinabi pa ni Schiff na “maaari nitong maapektuhan ang sinuman sa anumang edad pati na ang mga bata, gayundin ang mga lalaki.” Para sa mga may kamag-anak na may rheumatoid arthritis, mas malaki ang panganib. Ipinakikita pa ng ilang pagsusuri na ang paninigarilyo, labis na katabaan, at ilang karanasan sa pagsasalin ng dugo ay pawang nakadaragdag sa panganib na magkaroon nito.Osteoarthritis
Ang “osteoarthritis,” sabi ng Western Journal of Medicine, “sa maraming paraan ay gaya ng panahon—nasa lahat ng dako, kadalasang hindi napapansin, kung minsa’y matindi ang mga epekto nito.” Di-tulad ng RA, ang osteoarthritis (OA) ay bihirang kumalat sa iba pang bahagi ng katawan subalit itinutuon ang pinsala nito sa isa o sa ilan lamang kasukasuan. Habang unti-unting kinakain ang cartilage, nagsisimula nang maggilingan ang buto. Ito’y may kasamang tumutubong mga buto na tinatawag na mga osteophyte. Maaaring magkaroon ng mga bukol (cyst), at ang buto sa ilalim ay kumakapal at dispormado. Kalakip sa iba pang sintomas ang maumbok na mga bukó ng daliri, mga tunog na parang gumigiling at kumakayod na nagmumula sa mga kasukasuang may artritis, at mga pulikat sa kalamnan, pati na ang kirot, paninigas, at di-pagkilos.
Noon, inaakalang ang OA ay isang epekto lamang ng pagtanda. Gayunman, itinakwil na ng mga dalubhasa ang matagal nang paniniwalang iyan. Ganito ang sabi ng The American Journal of Medicine: “Walang katibayan na ang normal na kasukasuan, na dumaranas ng mga karaniwang puwersa, ay makasisira sa buhay ng isang tao.” Kung gayon, ano ang sanhi ng osteoarthritis? Ang mga pagsisikap upang maunawaan ang eksaktong sanhi nito ay “punô ng kontrobersiya,” ayon sa magasing The Lancet ng Britanya. Nagpapanukala ang ilang imbestigador na maaari munang lumitaw ang pinsala sa buto, gaya ng maliliit na balì. Ito naman ang maaaring pagmulan ng pagtubo ng mga buto at pagkasira ng cartilage. Inaakala naman ng iba na ang OA ay nagsisimula sa cartilage mismo. Sinasabi nila na habang ito ay nasisira at napupunit, tumitindi ang puwersa sa buto sa ilalim. Lumilitaw ang mga pagbabago dahil sa sakit habang sinisikap ng katawan na kumpunihin ang nasirang cartilage.
Sino ang nanganganib na magkaroon ng OA? Yamang hindi lamang ang edad ang sanhi ng OA, ang pagkaubos ng cartilage sa kasukasuan ay madalas na nararanasan habang nagkakaedad. Maaaring kasama sa iba pang nanganganib yaong mga di-normal ang pagkakahugpong ng mga kasukasuan o yaong mga may mahihinang kalamnan sa paa at sa hita, di-pantay na mga binti, o baluktot na gulugod. Maaari ring pagmulan ng osteoarthritis ang trauma sa isang kasukasuan dahil sa isang aksidente o sa isang trabaho na pumupuwersa sa isang kasukasuan dahil sa paulit-ulit na pagkilos. Minsang magsimula ang pagkasira, maaari pang palubhain ng labis na timbang ang OA.
Sinabi ni Dr. Tim Spector: “Ang osteoarthritis ay isang masalimuot na sakit na may tiyak na mga salik ng panganib dahil sa kapaligiran subalit maaari rin itong namamana.” Lalo nang madaling magkaroon ng OA ang mga babaing nasa katanghaliang gulang at may-edad na at yaong ang ilan sa pamilya ay nagkaroon ng ganitong sakit. Di-gaya ng sakit na osteoporosis, ang makapal sa halip na manipis na buto ang nauuna sa pagkakaroon ng OA. Binabanggit din ng ilang mananaliksik ang mga free radical ng oksiheno at kakulangan ng mga bitamina C at D bilang mga sanhi ng pinsala.
Paggamot
Ang paggamot sa artritis ay karaniwang kinapapalooban ng kombinasyon ng paggagamot, b
ehersisyo, at pagbabago sa istilo ng buhay. Maaaring simulan ng isang physical therapist ang terapeutikong programa ng ehersisyo. Maaaring kasali rito ang mga ehersisyo sa pagkilos, isometric, aerobic, at isotonic o pagbubuhat ng mga pabigat. Ang mga ito’y nakatulong upang mapabuti ang maraming sintomas kasama na ang kirot at pamamaga sa kasukasuan, pagkapagod, pananamlay, at panlulumo. Ang mga pakinabang ng ehersisyo ay nakikita kahit sa matandang-matanda na. Maaari ring hadlangan ng ehersisyo ang pagnipis ng buto. Sinasabi ng ilan na nagkaroon din ng bahagyang ginhawa sa kirot dahil sa iba’t ibang anyo ng therapy na gumagamit ng init at lamig at acupuncture.Dahil sa maaaring lubhang mabawasan ang kirot sa kasukasuan sa pamamagitan ng pagpapapayat, ang pagkain ay maaaring maging isang mahalagang bahagi upang makontrol ang artritis. Sinasabi rin ng ilan na ang pagkaing mayaman sa kalsiyum gaya ng matingkad na berde at madahong mga gulay, sariwang prutas, at isdang nabubuhay sa malamig na tubig na mayaman sa omega-3 fatty acid—at ang pagbabawas sa mga pagkaing naproseso at mayaman sa taba—ay hindi lamang nakatutulong upang mabawasan ang timbang kundi pati na rin ang kirot. Paano? Sinasabi ng ilan na ang gayong pagkain ay nakahahadlang sa pamamaga. May mga nagsasabi rin na ang pag-iwas sa karne, mga produktong galing sa gatas, trigo, at mga gulay na kabilang sa tinatawag na nightshade family, gaya ng kamatis, patatas, sili, at talong, ay naging mabisa rin sa ilan.
Sa ilang kaso naman ay inirerekomenda ang pag-opera na tinatawag na arthroscopy. Ito’y ang pagpapasok ng isang instrumento sa kasukasuan mismo, anupat pinapangyaring maalis ng siruhano ang synovial na himaymay na gumagawa ng mapanirang mga enzyme. Subalit, ang pamamaraang ito ay may limitadong bisa yamang kadalasan nang lumilitaw muli ang pamamaga. Mas matindi pa rito ang pamamaraang joint arthroplasty, na ang buong kasukasuan (karaniwang isang balakang o isang tuhod) ay pinapalitan ng isang artipisyal na kasukasuan. Ang bisa ng operasyong ito
ay tumatagal nang 10 hanggang 15 taon at kadalasang napakabisa sa pag-alis ng kirot.Kamakailan lamang, sinubok ng mga doktor ang paggagamot na walang gaanong pagtitistis, gaya ng viscosupplementation, kung saan tuwirang itinuturok sa kasukasuan ang likidong hyaluronic. Ito ay karaniwang ginagawa sa mga tuhod. Ang pagtuturok ng mga sangkap na nagpapasigla sa pagkukumpuni ng cartilage (mga chondroprotective agent) ay nagkaroon din ng tagumpay, ayon sa ilang pagsusuri sa Europa.
Bagaman wala pang gamot na natutuklasan upang gamutin ang artritis, maraming gamot ang nakababawas ng kirot at pamamaga, at ang ilan ay nakitang posibleng magpabagal sa pagsulong ng sakit. Ang mga analgesic, o pamatay-kirot, gayundin ang corticosteroid therapy, mga nonsteroid anti-inflammatory drug (NSAIDs), mga disease-modifying antirheumatic drug (DMARDs), mga immunosuppressant, mga biologic response modifier, at mga gamot na henetikong dinisenyo upang makialam sa pagtugon ng imyunidad ay pawang bahagi ng iba’t ibang paggamot na ginagamit upang maglaan ng ginhawa sa nakapanghihinang mga sintomas ng artritis. Gayunman, ang ginhawa ay maaaring magastos, yamang ang lahat ng uring ito ng gamot ay maaaring pagmulan ng malubhang masasamang epekto. Ang pagtitimbang-timbang sa posibleng mga pakinabang at mga panganib ay naghaharap ng hamon kapuwa sa pasyente at sa doktor.
Paano naharap ng ilang pinahirapan ng nakapipinsalang mga epekto ng artritis ang makirot na sakit na ito?
[Mga talababa]
a Kabilang dito ang osteoarthritis, rheumatoid arthritis, systemic lupus erythematosus, juvenile rheumatoid arthritis, gout, bursitis, rheumatic fever, Lyme disease, carpal tunnel syndrome, fibromyalgia, Reiter’s syndrome, at ankylosing spondylitis.
b Ang Gumising! ay hindi nag-iindorso ng anumang therapy, gamot, o pag-oopera. Ang bawat isa na pinahihirapan ng artritis ay may pananagutan na humanap at maingat na timbangin ang anumang paggamot batay sa nalalamang mga katotohanan.
[Blurb sa pahina 6]
ANG LABIS NA KATABAAN, PANINIGARILYO, AT ILANG KARANASAN SA PAGSASALIN NG DUGO AY MAAARING MAKARAGDAG SA PANGANIB NG ISA NA MAGKAROON NG RHEUMATOID ARTHRITIS
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
ALTERNATIBONG MGA THERAPY
Ang ilang terapeutikong gamot ay inaakalang mas ligtas, na may kaunting masasamang epekto, kaysa nakaugaliang mga paggamot. Kabilang dito ang oral type II collagen, na sinasabi ng ilang mananaliksik ay matagumpay sa pagbawas ng pamamaga sa mga kasukasuan at kirot sa rheumatoid arthritis (RA). Paano? Sa pamamagitan ng paghadlang sa mga nagdudulot ng pamamaga at mapanirang mga cytokine, alalaong baga’y ang interleukin-1 at tumor necrosis factor α. Ang iilang likas na mga nutriyente ay iniulat na nagpakita rin ng mga kakayahan na pigilin ang mapanirang mga elemento ring ito. Kabilang dito ang bitamina E, bitamina C, niacinamide, mga taba ng isda na maraming eicosapentaenoic acid at gammalinolenic acid, langis ng butong borage, at langis ng evening primrose. Sa Tsina, ang Tripterygium wilfordii Hook F, isang halamang-gamot, ay ginagamit na sa loob ng maraming taon. Iniuulat na nagtagumpay ito sa pagbawas sa mga epekto ng RA.
[Dayagram sa pahina 4, 5]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MALUSOG NA KASUKASUAN
BURSA
KALAMNAN
CARTILAGE
LITID
KAPSULA SA KASUKASUAN
SYNOVIAL MEMBRANE
SYNOVIAL FLUID
BUTO
KASUKASUANG MAY RHEUMATOID ARTHRITIS
KAWALAN NG PUWANG
PAGKASIRA NG BUTO AT CARTILAGE
NAMAMAGANG SYNOVIAL MEMBRANE
KASUKASUANG MAY OSTEOARTHRITIS
NAKAKALAT NA MGA PIRASO NG CARTILAGE
PAGKASIRA NG CARTILAGE
TUMUBONG BUTO
[Credit Line]
Source: Arthritis Foundation
[Mga larawan sa pahina 7]
Maaaring pahirapan ng artritis ang mga tao ng anumang edad
[Mga larawan sa pahina 8]
Ang isang programa ng ehersisyo at tamang pagkain ay maaaring magdulot ng ginhawa sa paanuman