Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulong Para sa mga Babaing Binubugbog

Tulong Para sa mga Babaing Binubugbog

Tulong Para sa mga Babaing Binubugbog

ANO ang magagawa upang matulungan ang mga babaing biktima ng karahasan? Una, kailangang maunawaan ng isa kung ano ang nararanasan nila. Kadalasang higit pa sa pisikal ang pinsalang dulot ng mga nambubugbog. Karaniwang kasangkot dito ang berbal na mga pagbabanta at pananakot, anupat ipinadarama sa biktima na siya’y walang halaga at walang magagawa.

Isaalang-alang si Roxana, na ang kuwento ay isinalaysay sa panimulang artikulo. Kung minsan ay ginagamit ng kaniyang asawa ang mga salita bilang mga sandata. “Binabansagan niya ako ng mapandustang mga pangalan,” ang pagtatapat ni Roxana. “Sinasabi niya: ‘Hindi ka man lamang nagtapos ng pag-aaral. Paano mo mapangangalagaan ang mga bata nang wala ako? Ikaw ay tamad at inutil na ina. Akala mo ba’y ipagkakaloob sa iyo ng mga awtoridad ang pangangalaga sa mga bata kung iiwan mo ako?’”

Pinananatili ng asawa ni Roxana ang kaniyang pagsupil sa pamamagitan ng mahigpit na paghawak sa pera. Hindi nito pinagagamit sa kaniya ang kotse, at buong araw na tumatawag ito sa telepono upang alamin kung ano ang ginagawa niya. Kung nagpapahayag siya ng kaniyang opinyon sa kung ano ang gusto niya, bigla itong nagngangalit. Bunga nito, natutuhan ni Roxana na huwag magpahayag ng opinyon kailanman.

Gaya ng makikita mo, ang pag-abuso sa asawa ay isang masalimuot na paksa. Upang makatulong, makinig taglay ang pagkamahabagin. Tandaan, karaniwan nang napakahirap para sa isang biktima na magsalita tungkol sa nangyayari sa kaniya. Ang dapat na maging tunguhin mo ay patibayin ang biktima habang pinakikitunguhan niya ang kalagayan ayon sa kaniyang kakayahan.

Ang ilang babaing binubugbog ay baka kailangang humingi ng tulong mula sa mga awtoridad. Kung minsan, sa panahon ng krisis​—gaya halimbawa kapag namagitan ang pulisya​—maaaring makita ng mapang-abusong lalaki ang kalubhaan ng kaniyang mga pagkilos. Subalit, walang alinlangan na anumang pangganyak upang magbago ay karaniwang naglalaho pagkalampas ng krisis.

Dapat bang iwan ng binubugbog na asawang babae ang kaniyang asawa? Hindi itinuturing ng Bibliya ang paghihiwalay ng mag-asawa nang gayun-gayon lamang. Gayunman, hindi nito inuubliga ang isang binubugbog na asawang babae na manatiling kasama ng isang lalaki na isinasapanganib ang kaniyang kalusugan at marahil ang kaniya pa ngang buhay. Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay sumulat: “Kung talaga ngang hihiwalay siya, manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundong muli sa kaniyang asawa.” (1 Corinto 7:10-16) Yamang hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang paghihiwalay sa sukdulang mga kalagayan, ang gagawin ng isang babae sa bagay na ito ay isang personal na desisyon. (Galacia 6:5) Walang sinuman ang dapat na humikayat sa asawang babae na iwan ang kaniyang asawa, ni dapat mang gipitin ng sinuman ang isang babaing binubugbog na manatiling kasama ng isang mapang-abusong lalaki kung nanganganib ang kaniyang kalusugan, buhay, at espirituwalidad.

May Pag-asa ba Para sa mga Nambubugbog?

Ang pag-abuso sa asawa ay isang tahasang paglabag sa mga simulain ng Bibliya. Sa Efeso 4:29, 31, ating mababasa: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig . . . Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan.”

Walang asawang lalaki na nag-aangking isang tagasunod ni Kristo ang talagang makapagsasabing iniibig niya ang kaniyang asawa kung inaabuso niya ito. Kung pagmamalupitan niya ang kaniyang asawang babae, ano ang magiging halaga ng lahat ng iba pa niyang mabubuting gawa? Ang isang “nambubugbog” ay hindi kuwalipikado para sa pantanging mga pribilehiyo sa kongregasyong Kristiyano. (1 Timoteo 3:3; 1 Corinto 13:1-3) Tunay, ang sinumang nag-aangking Kristiyano na paulit-ulit at walang pagsisising nagbibigay-daan sa mga silakbo ng galit ay maaaring itiwalag mula sa kongregasyong Kristiyano.​—Galacia 5:19-21; 2 Juan 9, 10.

Mababago ba ng mararahas na lalaki ang kanilang paggawi? Nagawa iyon ng ilan. Gayunman, karaniwan nang hindi magbabago ang isang nambubugbog malibang (1) aminin niya na ang kaniyang paggawi ay hindi tama, (2) gusto niyang baguhin ang kaniyang landasin, at (3) humingi siya ng tulong. Nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova na ang Bibliya ay maaaring maging isang malakas na impluwensiya para magbago. Maraming interesado na nakikipag-aral ng Bibliya sa kanila ay nagkaroon ng isang matinding pagnanais na palugdan ang Diyos. Tungkol sa Diyos na Jehova, natutuhan ng bagong mga estudyanteng ito sa Bibliya na “sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) Mangyari pa, higit pa sa hindi pananakit ang nasasangkot upang mabago ng isang nambubugbog ang kaniyang paggawi. Nangangailangan din ito ng pagkatuto ng isang bagong saloobin sa kaniyang asawa.

Kapag ang isang lalaki ay nagtamo ng kaalaman ng Diyos, natututuhan niyang malasin ang kaniyang asawa hindi bilang isang utusan kundi bilang isang “katulong” at hindi isa na nakabababa kundi isa na dapat ‘parangalan.’ (Genesis 2:18; 1 Pedro 3:7) Natututuhan din niya ang pagkamahabagin at ang pangangailangang makinig sa pangmalas ng kaniyang asawang babae. (Genesis 21:12; Eclesiastes 4:1) Ang programa ng pag-aaral sa Bibliya na iniaalok ng mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa maraming mag-asawa. Walang dako para sa isang naghahari-harian, malupit na pinuno, o maton sa loob ng pamilyang Kristiyano.​—Efeso 5:25, 28, 29.

“Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Kaya ang karunungang nasa Bibliya ay makatutulong sa mga mag-asawa na suriin ang mga problemang nakakaharap nila at magbibigay sa kanila ng lakas ng loob na lutasin ang mga ito. Higit pa riyan, ang Bibliya ay naglalaman ng tiyak at nakaaaliw na pag-asa na makita ang isang daigdig na walang karahasan kapag namahala na ang makalangit na Hari ni Jehova sa lahat ng masunuring sangkatauhan. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.”​—Awit 72:12, 14.

[Blurb sa pahina 12]

Walang dako para sa isang naghahari-harian, malupit na pinuno, o maton sa loob ng pamilyang Kristiyano

[Kahon sa pahina 8]

Pagtutuwid sa mga Maling Palagay

Ang mga asawang babaing binubugbog ang may pananagutan sa mga iginagawi ng kani-kanilang asawa.

Ikinakaila ng maraming nambubugbog ang pananagutan sa kanilang mga paggawi, anupat sinasabing ginalit sila ng kani-kanilang asawang babae. Maaaring tanggapin maging ng ilang kaibigan ng pamilya ang ideya na ang asawang babae ay mahirap pakitunguhan, kaya hindi kataka-taka na paminsan-minsan ay hindi nakapagpipigil ang lalaki. Subalit ito’y katumbas ng pagsisi sa biktima at pagbibigay-katuwiran sa nananakit. Tunay, ang mga asawang babae na binubugbog ay kadalasang gumagawa ng higit sa karaniwang pagsisikap na pahinahunin ang kani-kanilang asawa. Isa pa, ang pambubugbog sa kabiyak ay hindi kailanman binibigyang-katuwiran sa ilalim ng anumang kalagayan. Ang aklat na The Batterer​—A Psychological Profile ay nagsasabi: “Ang mga lalaking pinag-uutusan ng hukuman na magpagamot dahil sa pananakit sa asawa ay nahirati na sa karahasan. Ginagamit nila ito upang mailabas ang galit at panlulumo, isang paraan upang manupil at malutas ang mga alitan, at mabawasan ang tensiyon. . . . Kalimitan, hindi pa nga nila kinikilala ang kanilang pananagutan sa karahasan o sineseryoso ang problema.”

Pinangyayari ng alkohol na bugbugin ng lalaki ang kaniyang asawa.

Ipagpalagay na ang ilang lalaki ay mas marahas kapag sila’y nakainom. Subalit makatuwiran bang sisihin ang alkohol? “Ang pagiging lasing ay nagbibigay sa nambubugbog ng isang bagay na masisisi, maliban sa kaniyang sarili, para sa kaniyang paggawi,” sulat ni K. J. Wilson sa kaniyang aklat na When Violence Begins at Home. Sabi pa niya: “Lumilitaw na sa ating lipunan, ang karahasan sa sambahayan ay mas nauunawaan kung ito ay isinagawa ng isang taong lasing. Maaaring iwasang ituring ng inabusong babae ang kaniyang kabiyak na mapang-abuso, sa halip ay ituring siya bilang isa na malakas uminom o isang alkoholiko.” Ang gayong pag-iisip, sabi ni Wilson, ay maaaring magbigay sa isang babae ng maling pag-asa na “kung ihihinto lamang ng lalaki ang kaniyang pag-inom, hihinto ang karahasan.”

Sa kasalukuyan, isinasaalang-alang ng maraming mananaliksik ang pag-inom at pambubugbog bilang dalawang magkaibang problema. Kung sa bagay, ang karamihan sa mga lalaki na may problema sa pag-abuso sa droga o alkohol ay hindi nambubugbog ng kanilang kabiyak. Ganito ang sinabi ng mga manunulat ng When Men Batter Women: “Ang pambubugbog ay karaniwang nagpapatuloy dahil sa tagumpay nito sa panunupil, pananakot, at panlulupig sa babaing binubugbog. . . . Ang pag-abuso sa alkohol at sa droga ay bahagi ng istilo sa buhay ng nambubugbog. Subalit magiging isang pagkakamali na ipalagay na ang drogang ginamit ang dahilan ng karahasan.”

Ang mga nambubugbog ay marahas sa lahat ng tao.

Kadalasan, ang nambubugbog ay maaaring maging isang kalugud-lugod na kaibigan sa iba. Nagpapamalas siya ng doble-karang personalidad. Ito ang dahilan kung bakit hindi makapaniwala ang mga kaibigan ng pamilya sa mga kuwento hinggil sa kaniyang karahasan. Subalit, ang totoo ay pinipili ng nambubugbog ng asawa ang kalupitan bilang isang paraan upang supilin ang kaniyang asawang babae.

Hindi tinututulan ng mga babae ang pagmamalupit.

Malamang, ang ideyang ito ay mula sa hindi pagkaunawa sa kaawa-awang kalagayan ng isang babae na walang mapupuntahan. Ang binubugbog na asawang babae ay maaaring may mga kaibigan na magpapatuloy sa kaniya sa loob ng isa o dalawang linggo, subalit ano ang gagawin niya pagkatapos niyan? Ang paghahanap ng trabaho at pagbabayad ng upa samantalang nag-aalaga sa mga anak ay mga hinaharap na nakasisira ng loob. At maaaring ipagbawal ng batas ang paglayas na kasama ng mga bata. Sinubok ng ilan na lumayas subalit sila’y hinanap at pinabalik, sa pamamagitan ng pamimilit o panghihikayat. Maaaring may kamaliang maniwala ang mga kaibigang hindi nakauunawa na hindi naman tinutulan ng mga babaing iyon ang pagmamalupit.