Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Nakapagligtas ng Buhay ang Artikulo Dinalaw namin ang isang lalaking nagngangalang Lenny na nagsabi na iniligtas ng artikulong “Dengue​—Lagnat Mula sa Isang Kagat” (Hulyo 22, 1998) ang buhay ng kaniyang pamangking babae. Maraming araw na itong may lagnat, at nagkaroon ito ng mga pulang batik sa balat; ngunit inakala ng mga magulang nito na ito’y tigdas lamang. Yamang naaalaala ang artikulo, hinanap ni Lenny ang magasin at muling binasa ang bahaging naglalarawan sa mga sintomas ng dengue. Pagkatapos ay kinumbinsi niya ang mga magulang ng kaniyang pamangkin na dalhin ang anak nila sa ospital. Kinumpirma ng mga doktor doon na ito nga’y may dengue hemorrhagic fever. Pinuri ni Lenny ang Gumising! dahil sa tinulungan siya nito na mailigtas ang kaniyang pamangkin, at nang maglaon ay pumayag siya sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya.

J.M.L., Pilipinas

Marfan’s Syndrome Sa artikulong “Pagharap sa Marfan’s Syndrome​—Kapag Nalinsad ang mga Kasukasuan” (Pebrero 22, 2001), sinabi ni Michelle na araw-araw siyang umiinom ng morpina. Paano maaaring gamitin ng isang Kristiyano ang gayong nakasusugapang gamot?

S. D., Estados Unidos

Magiging mali para sa isang Kristiyano na gamitin ang droga upang makadama lamang ng labis na katuwaan o “high” na idinudulot nito. Gayunman, ang isa na sumasang-ayong gumamit ng isang narkotiko na pumapawi ng kirot sa ilalim ng patnubay ng isang doktor dahil sa isang karamdaman ay mahirap na ituring bilang isa na naghahanap lamang ng katuwaan. Siyempre pa, maging sa gayong mga kalagayan, dapat na maingat na pagtimbang-timbangin ng isang Kristiyano ang posibilidad ng pagkasugapa at iba pang masasamang epekto sa pag-inom ng gayong gamot.​—ED.

Pinasigla ako ng karanasan ni Michelle. Bagaman palagi siyang dumaranas ng kirot, hinahangaan ko ang bagay na hindi niya pinahihintulutan ang kaniyang kalagayan na pahintuin siyang maglingkod kay Jehova nang buong puso.

J. G., Guam

Pagbagsak ng Radyaktibong Materya Hindi ako nasiyahan sa inyong artikulo na “Pagbagsak ng Radyaktibong Materya​—Isang Bagay na Dapat Ikabahala.” (Pebrero 22, 2001) Hindi ninyo dapat gamitin ang pananakot upang sindakin ang mga tao dahil sa pagtataguyod ng inyong pangmalas sa Bibliya. Dapat na iharap ang mga panganib sa angkop na kalagayan nito. Halimbawa, masasabing ligtas ang kuryente kung pangangasiwaan ito nang maayos. Gayunman, maraming tao ang nakukuryente taun-taon. Nangangahulugan ba ito na tayong lahat ay dapat na lubhang mangamba at mabuhay sa takot dahil sa kuryente? Ang totoo, mangangailangan ang lahat ng bansa ng higit at higit na kuryente sa hinaharap, at lumilitaw na ang mga reaktor na nuklear ang siyang pinakamalinis at pinakaligtas na pamamaraan upang matustusan ito. Hindi natin kailangang katakutan ang enerhiyang nuklear.

R. S., Canada

Masalimuot ang mga isyung ito, at pinahahalagahan namin ang pagiging prangka ng mambabasang ito. Gayunman, hindi namin nadarama na ang aming artikulo ay gumamit ng “pananakot.” Walang ginawang pagtatangka upang sindakin ang aming mga mambabasa. Ni hinatulan man namin ang enerhiyang nuklear. Sa halip, itinampok namin ang mga lehitimong pagkabahala na taglay ng marami hinggil sa lakas nuklear, anupat itinuturo ang Kaharian ng Diyos bilang ang pinakamahusay na solusyon sa kakapusan ng enerhiya.​—ED.

Seguro Bilang isang ahente ng seguro, talagang pinahahalagahan ko ang itinampok na seryeng “Seguro​—Talaga Bang Kailangan Mo Ito?” (Pebrero 22, 2001) Para sa karamihan ng mga mamimili, maaaring lubhang nakalilito ang seguro. Napakahirap maunawaan kung bakit mo babayaran ang isang bagay na baka hindi mo naman talaga magagamit. Kaya pinahahalagahan ko ang inyong ilustrasyon hinggil sa pagdadala ng isang reserbang gulong. Salamat sa impormasyong mahusay ang pagkakasulat.

C. P., Estados Unidos

Pagpuslit sa Gabi Salamat sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ba ang Masama sa Pagpuslit sa Gabi?” (Pebrero 22, 2001) Nalulungkot ako na makita kung gaano kawalang-muwang ang ilang kabataang Kristiyano. Isang kabataang babae ang pumuslit sa gabi upang pumunta sa isang parti at pagkatapos ay hinalay. Walang sinuman ang tumulong sa kaniya. Pakisuyong ipagpatuloy ang pagbababala sa ating mga kabataan!

J. N., Estados Unidos