Gamitin ang Gamot Nang May Karunungan
Gamitin ang Gamot Nang May Karunungan
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA
KAPAG nagrereseta ng gamot ang iyong doktor, walang alinlangan na ginagawa niya ito taglay ang mabubuting intensiyon, na ibinabatay ang kaniyang reseta sa kaniyang pagsusuri, kaalaman sa medisina, at karanasan. Gayunman, hindi dapat asahan ng pasyente na lubos na mananagot ang doktor niya sa kaniyang kapakanan. Nananatiling may pananagutan ang pasyente sa kung ano ang ipinapasok niya sa kaniyang katawan.
Kapag umiinom ng iniresetang mga gamot, isaalang-alang ang sumusunod na praktikal na mga tagubilin mula sa isang doktor:
● Lahat ng gamot ay may masamang epekto. May karapatan kang malaman kung anong gamot ang inirereseta at kung ano ang posibleng masasamang epekto nito. Kung hindi inilaan ng iyong doktor ang impormasyong ito, huwag kang mag-atubiling magtanong. Kadalasan na ang mga kapakinabangan ay nakahihigit sa masasamang epekto. Ngunit kailangang malaman mo ito upang makapagpasiya ka nang may katalinuhan.
● Iba-iba ang epekto ng mga gamot sa bawat indibiduwal. Hindi eksaktong masasabi ng iyong doktor kung ano ang magiging epekto ng isang gamot sa iyo. Kung ikaw ay nabahala sa di-inaasahang masasamang epekto, konsultahin ang iyong doktor.
● Itanong kung gaano katagal mong kailangang inumin ang gamot. Gayundin, tingnan kung ito ay posibleng nakasusugapa.
● Mag-ingat sa iyong pagpapasiya sa ganang sarili na ihinto ang pag-inom ng iyong gamot, marahil ay dahil lamang sa gumaganda na ang pakiramdam mo. Ang maagang paghinto sa pag-inom ng gamot ay maaaring magpalalâ sa iyong kalagayan. Sa halip, kumonsulta muna sa iyong doktor.
● Palaging uminom ng iniresetang gamot sa pangangasiwa ng iyong doktor.