Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Mga Siruhanong” Kumikislut-kislot at Maganang Kumain

“Mga Siruhanong” Kumikislut-kislot at Maganang Kumain

“Mga Siruhanong” Kumikislut-kislot at Maganang Kumain

Gaano man nakapandidiri ang ideyang ito sa ilan, muling bumabangon ang isang may-kakayahan at malinis na “siruhano”​—ang hamak na uod. Isang ulat sa The Journal of the American Medical Association (JAMA) ang nagsabi na isinagawa ng mga doktor sa United Kingdom ang isang pagsubok sa 12 pasyente na may mga ulser sa binti. Anim ang ginamitan ng karaniwang panggagamot na hydrogel, at anim ang ginamitan ng mga uod. a

“Ang lahat ng anim na pasyente na ginamitan ng uod ay nagkaroon ng malilinis na sugat pagkatapos lamang ng 3 araw,” sabi ng JAMA. Sa mga ginamitan ng karaniwang gamot, “dadalawa lamang ang may malilinis na sugat pagkalipas ng 1 buwan ng panggagamot; yaong apat na iba pa ay kinailangang bigyan ng karagdagang medikal na pangangalaga.” Sinasabi ng babasahin sa medisina ng Britanya na The Lancet na ang panggagamot na ginagamit ang uod ay “maaaring lubhang makabawas sa dami ng ulit ng panggagamot kung ihahambing sa karaniwang panggagamot” at ito ay “mas mura ng halos mahigit sa kalahati ng gastusin sa hydrogel.”

Kapag ginagamit ang uod sa panggagamot​—halimbawa, sa isang sugat na nagkaroon ng patay na kalamnan​—inilalagay ng mga doktor ang maliliit pa at isterilisadong uod sa sugat, sabi ng JAMA. (Siyempre pa, ginagamit lamang ng doktor yaong mga uri ng uod na hindi sumasalakay sa malulusog na kalamnan.) Pagkatapos ay tinatakpan ang sugat ng pinong gasang nylon at ng isang panapal na nakasisipsip ng likido upang hindi tumagas ang patay at likidong kalamnan. Kapag busog na ang mga uod, inaalis at itinatapon ang mga ito, at mga bagong uod ang idinaragdag hanggang sa lubusang malinis ang sugat. Pagkatapos nito, ang pagdaloy ng dugo sa natitirang malusog na kalamnan ay nagtataguyod sa pagtubo ng bagong laman.

“Wala pa kaming pasyente na tumanggi sa mga uod,” sabi ng siruhano sa ugat na si Michael Walker. “Ang medikal na mga tauhan, hindi ang mga pasyente, ang nasusuka.” Bukod pa sa United Kingdom, ang Estados Unidos at Canada ay nagsasagawa rin ng panggagamot na ginagamitan ng uod sa ilang ospital. Sa katunayan, isang siruhano na sinipi sa The Lancet ang nagsabi na “higit na mas maraming pasyente sa E.U.A. ang humihiling ng panggagamot na ginagamitan ng uod kaysa sa matatagpuang mga manggagamot na handang magsagawa nito.”

Natuklasan ang panggagamot sa pamamagitan ng uod nang di-sinasadya. “Nakita ng mga manggagamot sa digmaan,” sabi ng Science World, “na mas madaling gumaling ang mga sugat ng sundalo na puno ng uod kaysa sa mga sugat na walang uod. Di-nagtagal at umiral ang panggagamot na ginagamitan ng uod.” At ngayon ay ginagamit na ito ng daan-daang ospital sa Estados Unidos at sa Europa.

[Talababa]

a Ang panggagamot na ito ay hindi katulad ng paggamit sa mga linta upang kumuha ng dugo. Tingnan Ang Bantayan ng Disyembre 15, 1982, pahina 30, 31.

[Larawan sa pahina 22]

Ipinakita ang ilang uod na nasa isang daliri (aktuwal na sukat)

[Credit Line]

Picture copyright SMTL, http://www.smtl.co.uk/

[Mga larawan sa pahina 22]

Bago

Pagkatapos

[Credit Line]

Mga larawan mula kay R. Sherman, University of California, Irvine