Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-aasawang Walang Pag-ibig Nawalan ng direksiyon ang aking pag-aasawa. Waring kaming mag-asawa ay hindi na nagmamahalan sa isa’t isa kundi pinagtitiisan na lamang ang isa’t isa. Naiisip ko kung minsan na makipagdiborsiyo. Subalit dahil sa seryeng “Maaari Pa ba Naming Iligtas ang Aming Pag-aasawa?” (Enero 8, 2001), muling nabuhay ang aming pag-ibig.
E. R., Espanya
Ako’y isang Kristiyanong asawang babae, subalit naging miserable ang aking pag-aasawa nitong nakaraang taon. Dahil sa kaming mag-asawa ay labis na nagkasakitan ng damdamin, waring imposible nang maibalik pa ang aming relasyon. Subalit nang mabasa ko ang mga artikulong ito, parang sinasabi ni Jehova, ‘Huwag kang sumuko!’ Naudyukan ako mismong gumawa ng positibong mga hakbang upang muling pasiglahin ang mainit na pag-ibig na dating nadarama namin para sa isa’t isa. Napapansin ko na ang pagtugon. Paulit-ulit kong babasahin ang mga artikulong ito.
N. H., Hapón
Nabautismuhan ako kamakailan at nakaranas ng pagsalansang mula sa aking di-sumasampalatayang asawang babae. Natulungan ako ng inyong mga artikulo na makita kung paano ko magagawang matagumpay ang aking pag-aasawa. Dumating ito sa tamang panahon.
W. S., Australia
Yamang mayroon akong maligayang pag-aasawa, sinimulan kong basahin ang mga artikulong ito taglay sa isipan na ang mga ito ay magiging kapaki-pakinabang sa pagtulong sa iba. Subalit sa pasimula pa lamang nito, ang serye ay naglalaman ng praktikal na mga puntong makapagpapatibay sa akin mismong bigkis ng pag-aasawa.
M. D., Italya
Sinabi sa akin ng isang Kristiyanong kapatid na babae mula sa aking kongregasyon na nagkaroon sila ng alitan ng kaniyang di-sumasampalatayang asawa at na sila’y naghiwalay. Pagkalipas ng ilang panahon, sinabi niya sa akin na mas bumubuti ang mga bagay-bagay. Lubusan siyang nasiyahan sa mga artikulong ito, at napakalaki ng naitulong ng mga ito sa kaniya upang malutas ang problema. Sinabi niya na ang mga komento hinggil sa pakikipag-usap ay lalo nang kapaki-pakinabang. Nagkabalikan silang mag-asawa.
N. S., Canada
Ventriloquism Nalito ako sa artikulong “Sino ang Nagsasalita?” (Enero 8, 2001) Hindi ba’t ito ang paraang ginamit ni Satanas upang dayain si Eva? Hindi dapat maging bahagi ng buhay ng isang Kristiyano ang panlilinlang at pandaraya.
B. H., Estados Unidos
Sa paano mang paraan nilinlang ni Satanas si Eva, hindi ito maaaring isang tunay na anyo ng “ventriloquism,” yamang ang kasanayang iyan ay nangangailangan ng espesipikong mga pamamaraan sa paghinga at pagsasalita at si Satanas ay isang espiritung nilalang. Walang maka-Kasulatang pagtutol sa paggamit ng ventriloquism bilang isang anyo ng paglilibang. Natural lamang, maling gamitin ang gayong kasanayan upang may kasamaang linlangin ang iba o itaguyod ang espiritistikong mga gawain, gaya ng maaaring ginawa ng ilan noong panahon ng Bibliya. (Isaias 8:19)—ED.
Ako man ay nasisiyahan sa pagsasagawa ng sining ng ventriloquism at nagawa ko na ito sa maraming pagtitipong Kristiyano. Gaya ng binanggit ng artikulo, ang tainga ng tao ay hindi matalas sa pagkilala ng pinagmumulan ng mga tunog. Subalit, kamangha-mangha, hindi mo malilinlang ang isang hayop sa bagay na ito. Kung gagamitin ko ang aking manika upang makipag-usap sa aking aso, titingin siya, hindi sa manika, kundi sa akin. Binigyan ni Jehova ang mga hayop ng napakatalas na pandinig.
L. R., Estados Unidos
Asong Walang Balahibo Nakaugalian ko nang laging basahin nang una ang mga artikulong hindi ako gaanong interesado. Yamang hindi ako mahilig sa mga aso, ang unang artikulong binasa ko sa labas ng Enero 8 ay “Nakakita Ka Na ba ng Isang Xoloitzcuintli?” Nang matapos kong basahin ang artikulo, halos gusto kong magkaroon ng isa sa mga asong ito! Sabihin pa, natauhan ako. Gayunman, masasabi ko na sa loob ng 40 taong pagbabasa ng inyong mga magasin, hindi pa ako kailanman nabigo. Kadalasang nasisiyahan ako sa mismong mga artikulo na inaakala kong hindi ko magugustuhan.
D. W., Estados Unidos