Pagpapahinto sa Siklo ng Pagkapoot
Pagpapahinto sa Siklo ng Pagkapoot
“Ibigin ang inyong mga kaaway.”—MATEO 5:44.
SA LOOB ng ilang araw ang mga pinuno ng dalawang magkaaway na mga bansa ay nagsagawa ng matitinding negosasyong pangkapayapaan. Ang pangulo ng isang makapangyarihan at industriyalisadong lupain ay naroroon sa talakayan, anupat ginagamit ang kaniyang malaking impluwensiya at diplomatikong mga kadalubhasaan upang pagkasunduin ang dalawang pinuno. Subalit ang kinahinatnan ng napakahirap na mga pagsisikap na ito ay higit pang paghihirap. Sa loob ng ilang linggo ang dalawang bansa ay nasangkot sa tinatawag ng magasing Newsweek na “ang pinakamalubhang karahasan sa pagitan nila sa loob ng dalawang dekada.”
Sa buong daigdig, ang pagkapoot at matinding pagkamuhi sa pagitan ng iba’t ibang grupong panlipi at pambansa ay hindi humihinto, sa kabila ng pinakamahuhusay na pagsisikap ng mga pinuno ng bansa. Ang siklo ng pagkapoot ay lalo pa ngang tumitindi, na pinalalala ng kawalang-alam, pagkapanatiko, at propaganda. At bagaman ang mga pinuno sa ngayon ay walang-saysay na nangangapa para sa bagong mga solusyon, hindi nila nakikita na ang pinakamainam na solusyon ay isang matandang solusyon—isa na kasintanda ng Sermon sa Bundok. Sa sermong iyon, hinimok ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagapakinig na magpasakop sa mga paraan ng Diyos. Sa kontekstong iyan, binanggit niya ang siniping pananalita sa itaas, yaon ay, “Ibigin ang inyong mga kaaway.” Ang payong iyon ay hindi lamang ang pinakamainam na solusyon sa problema ng pagkapoot at pagtatangi kundi siya ring tanging nakalulutas na solusyon!
Itinuturing ng mga taong ayaw maniwala ang ideya ng pag-ibig sa mga kaaway bilang isang bagay na imposibleng maging makatotohanan at hindi praktikal. Subalit kung ang pagkapoot ay natututuhang paggawi, kung gayon, hindi ba makatuwirang ipalagay na maaari itong hindi matutuhan? Sa gayon ang pananalita ni Jesus ay nagbibigay ng tunay na pag-asa sa sangkatauhan. Ipinakikita nito na posibleng wakasan kahit na ang matagal nang matitinding poot.
Isaalang-alang ang kalagayan noong kapanahunan ni Jesus sa gitna ng kaniyang mga tagapakinig na Judio. Hindi na sila kailangang lumayo upang makasumpong ng mga kaaway. Patuloy na pinamumunuan ng mga tropang Romano ang rehiyon, anupat isinasailalim ang mga Judio sa mapaniil na mga pagpapabuwis, pulitikal na manipulasyon, pang-aabuso, at pagsasamantala. (Mateo 5:39-42) Gayunman, maaari pa ngang malasin ng ilan ang mga kapuwa Judio bilang mga kaaway dahil sa maliliit na di-pagkakaunawaan na hindi nalutas at hinayaang lumala. (Mateo 5:21-24) Talaga bang maaasahan ni Jesus na iibigin ng kaniyang mga tagapakinig ang mga indibiduwal na nagdulot sa kanila ng pasakit at kirot?
Ang Kahulugan ng “Pag-ibig”
Una, tantuin na sa pagbanggit sa “pag-ibig,” wala sa isip ni Jesus ang uri ng pagmamahal na maaaring mamagitan sa matalik na magkakaibigan. Ang terminong Griego para sa pag-ibig na ginamit sa Mateo 5:44 ay galing sa salitang a·gaʹpe. Ang salitang ito ay nangangahulugang pag-ibig na pinapatnubayan o inuugitan ng simulain. Maaaring hindi kalakip dito ang mainit na pagmamahal. Dahil sa ito’y inuugitan ng matuwid na simulain, pinakikilos ang isa ng gayong pag-ibig na hangarin ang pinakamabuting kapakanan ng iba, anuman ang kanilang paggawi. Sa gayon ay madaraig ng pag-ibig na a·gaʹpe ang personal na mga awayan. Ipinakita mismo ni Jesus ang gayong pag-ibig nang, sa halip na pagwikaan niya ng masama ang mga sundalong Romano na nagbayubay sa kaniya, siya’y nanalangin: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”—Lucas 23:34.
Makatotohanan bang umasa na malawakang susundin ng sanlibutan ang mga turo ni Jesus at na ang mga tao’y mag-iibigan sa isa’t isa? Hindi, sapagkat ipinakikita ng Bibliya na ang sanlibutang ito ay patuloy na bubulusok sa kasakunaan. “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama,” ang hula sa 2 Timoteo 3:13. Sa kabila nito, maaaring ihinto ng mga indibiduwal ang siklo ng pagkapoot sa pamamagitan ng pagiging lubusang naturuan sa matuwid na mga simulain sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. Maliwanag na ipinakikita ng ulat na natutuhan ng marami na labanan ang nananaig na pagkapoot na nakapalibot sa kanila. Isaalang-alang ang ilang totoong-buhay na mga halimbawa.
Pagkatutong Umibig
Sa gulang na 13, si José ay nasangkot sa pagdidigmaan ng mga gerilya bilang isang miyembro ng isang grupo ng mga terorista. a Siya’y tinuruang mapoot sa mga taong umano’y siyang may pananagutan sa mga kawalang-katarungan na nakikita niya sa palibot niya. Kung maaari, layon niyang iligpit ang mga ito. Sa pagkakita sa napakaraming kasamahan niya na namatay, si José ay nalipos ng galit at paghihiganti. Habang gumagawa ng mga granada, tinatanong niya ang kaniyang sarili, ‘Bakit labis-labis ang pagdurusa? Kung mayroong Diyos, hindi ba niya ito napapansin?’ Maraming ulit siyang tumangis, nalito at nanlumo.
Sa wakas ay natagpuan ni José ang isang lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa kaniyang unang pagdalo sa pulong ng kongregasyon, agad niyang napansin ang maibiging kapaligiran doon. Masigla at palakaibigan siyang binati ng lahat. Nang maglaon, nasagot ng isang pagtalakay sa paksang “Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Kabalakyutan?” ang mismong mga katanungan niya. b
Sa kalaunan, ang higit pang kaalaman mula sa Bibliya ay nagpabago sa buhay at pag-iisip ni José. Natutuhan niya na “siya na hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. Ang bawat isa na napopoot . . . ay mamamatay-tao, at . . . walang 1 Juan 3:14, 15.
mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan na nananatili sa kaniya.”—Gayunman, ang pagputol ng kaniyang kaugnayan sa mga kasamahan niyang terorista ay naging isang hamon. Sa tuwing siya’y pumupunta sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, siya ay sinusundan. Dumalo pa nga sa ilang pagpupulong ang ilang dating kasamahan niya upang maunawaan kung ano ang nagpangyari ng gayong pagbabago kay José. Nang masiyahan sila na siya’y hindi isang traidor o isang panganib sa kanila, pinabayaan na nila siya. Sa gulang na 17, si José ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Hindi nagtagal ay nagsimula na siyang mangaral nang buong-panahon. Sa halip na magpakanang pumatay ng tao, inihahatid niya ngayon sa kanila ang isang mensahe ng pag-ibig at pag-asa!
Pag-alis sa mga Etnikong Hadlang
Maaari bang alisin ng mga miyembro ng mga grupong etniko ang mga hadlang ng pagkapoot na naghihiwalay sa kanila? Isaalang-alang ang grupo ng mga Saksi ni Jehova na nagsasalita ng Amharic sa London, Inglatera. Mga 35 indibiduwal ang bumubuo ng grupong iyon—20 sa mga ito ay mga Etiope at ang 15 ay mga Eritreano. Sama-sama silang sumasamba nang mapayapa at nagkakaisa, sa kabila ng katotohanan na sa Aprika, ang mga Eritreano at mga Etiope ay may matinding alitan kamakailan.
Isang Saksing Etiope ang sinabihan ng kaniyang pamilya: ‘Huwag ka kailanman magtitiwala sa mga Eritreano!’ Subalit ngayon, hindi lamang siya nagtitiwala sa kaniyang kapuwa Kristiyano na Eritreano kundi tinatawag pa silang kapatid! Bagaman ang mga Eritreanong ito ay karaniwang nagsasalita ng wikang Tigrinya, pinili nilang matuto ng Amharic—ang wika ng kanilang mga kapatid na Etiope—upang sila’y makasama nila sa pag-aaral ng Bibliya. Isa ngang kamangha-manghang patotoo sa lakas ng makadiyos na pag-ibig bilang “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa”!—Colosas 3:14.
Paglimot sa Nakaraan
Subalit kumusta kung ang isa ay naging biktima ng di-makataong pakikitungo? Hindi ba normal lamang na magkimkim ng matinding poot sa mga nagpahirap? Isaalang-alang si Manfred, isang Saksi mula sa Alemanya. Ginugol niya ang anim na taon ng kaniyang buhay sa isang bilangguang Komunista dahil lamang sa siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Napoot ba siya sa mga nagpahirap sa kaniya o naghangad na maghiganti? “Hindi,” ang sagot niya. Ayon sa pahayagang Aleman na Saarbrücker Zeitung, ganito ang paliwanag ni Manfred: “Ang gumawa ng kawalang-katarungan o gumanti sa kawalang-katarungan . . . ay gumagawa ng isang siklo na paulit-ulit na humahantong Roma 12:17, 18.
sa panibagong kawalang-katarungan.” Maliwanag na ikinapit ni Manfred ang mga salita ng Bibliya: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. . . . Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Isang Daigdig na Walang Pagkapoot!
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nag-aangking sakdal sa bagay na ito. Kadalasang nasusumpungan nila na hindi madaling isaisang-tabi ang matitinding poot at mga pagkapoot. Nangangailangan ito ng patuloy at puspusang pagsisikap upang maikapit ang mga simulain sa Bibliya sa buhay ng isa. Ngunit sa pangkalahatan, ang mga Saksi ni Jehova ay isang buháy na halimbawa ng kapangyarihan ng Bibliya na ihinto ang siklo ng pagkapoot. Sa pamamagitan ng isang programa ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, tinutulungan ng mga Saksi ang libu-libong tao taun-taon na makalaya mula sa mga pataw ng pagtatangi ng lahi at pagkapanatiko. c (Tingnan ang kahon na “Ang Payo ng Bibliya ay Tumutulong Upang Maalis ang Pagkapoot.”) Ang tagumpay na iyon ay isang patikim ng mga resulta ng pambuong-daigdig na programa ng pagtuturo na malapit nang mag-alis nang lubusan sa pagkapoot at sa mga sanhi nito. Ang programang ito sa pagtuturo sa hinaharap ay mangyayari sa ilalim ng pangangasiwa ng Kaharian ng Diyos, o ng pangglobong pamahalaan. Tinuruan tayo ni Jesus na manalangin para sa Kahariang iyon sa Panalangin ng Panginoon, nang kaniyang sabihin: “Dumating nawa ang iyong kaharian.”—Mateo 6:9, 10.
Ang Bibliya ay nangangako na sa ilalim ng pangangasiwa ng makalangit na pamahalaang ito, “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova.” (Isaias 11:9; 54:13) Ang madalas-sipiing pananalita ni propeta Isaias ay matutupad sa buong daigdig: “Maggagawad [ang Diyos] ng kahatulan sa gitna ng mga bansa at magtutuwid ng mga bagay-bagay may kinalaman sa maraming bayan. At pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Isaias 2:4) Sa gayon ang Diyos mismo ang magpapahinto, minsan at magpakailanman, sa masamang siklo ng pagkapoot.
[Mga talababa]
a Hindi niya tunay na pangalan.
b Tingnan ang kabanata 8, “Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?” sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
c Maaaring isaayos ang isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng pakikipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sa pamamagitan ng pagsulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Kahon sa pahina 11]
Ang Payo Ng Bibliya Ay Tumutulong Upang Maalis Ang Pagkapoot
● “Ano ang pinagmumulan ng mga digmaan at ano ang pinagmumulan ng mga pag-aaway sa gitna ninyo? Hindi ba ang mga iyon ay nagmumula rito, samakatuwid nga, mula sa inyong mga pagnanasa sa kaluguran ng laman na nakikipagbaka sa inyong mga sangkap?” (Santiago 4:1) Ang mga pakikipag-away ay kadalasang maaalis kung matututuhan nating supilin ang sakim na mga hangarin.
● “[Ituon] ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” (Filipos 2:4) Ang pag-una sa mga kapakanan ng iba kaysa sa ating sarili ay isa pang paraan upang maalis ang di-kinakailangang alitan.
● “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit; huwag kang mag-init na hahantong lamang sa paggawa ng masama.” (Awit 37:8) Maaari at dapat nating supilin ang mapangwasak na mga hilig.
● “Ang Diyos . . . ginawa niya mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” (Gawa 17:24, 26) Hindi makatuwirang makadama na nakahihigit ang isa sa mga tao na may ibang lahi, yamang tayo ay pawang miyembro ng iisang sambahayan ng tao.
● ‘Hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo.’ (Filipos 2:3) Isang kamangmangan nga na hamakin ang iba—dahil ang ibang tao ay kadalasang may mga katangian at mga kakayahang hindi natin taglay. Walang isa mang lahi o kultura ang nagtataglay ng lahat ng mabubuting katangian.
● “Kung gayon nga, habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat.” (Galacia 6:10) Ang basta pagkukusa na maging palakaibigan at matulungin sa iba, anuman ang kanilang lahi o kultura, ay makatutulong nang malaki upang hindi magkaroon ng problema sa pakikipagtalastasan at maalis ang mga di-pagkakaunawaan.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Ang mga Saksing Etiope at Eritreano ay magkakasamang sumasamba sa kapayapaan
[Larawan sa pahina 10]
Si Manfred, na nakaligtas sa isang bilangguang Komunista, ay hindi nagbigay-daan sa pagkapoot
[Larawan sa pahina 10]
Ang Bibliya ay makatutulong upang alisin ang mga hadlang na naghihiwalay sa mga tao