Nagbibigay ng Tulong sa Lahat ng Dako
Nagbibigay ng Tulong sa Lahat ng Dako
SI Baxter, isang 15-taóng-gulang na estudyante sa haiskul, ay may kapansin-pansing paraan ng paggugol ng kaniyang panahon tuwing Sabado ng hapon. Dinadalaw niya ang isang grupo ng matatanda, at siya ay tumutugtog at nagpapaawit sa retirement center ng mga ito. “Nagdudulot siya ng katatawanan, kasiyahan at kagalakan sa buhay ng mga residente,” sabi ng guro ni Baxter. Si Lucille, na 78 taóng gulang, ay gumagawa rin ng gayong kabaitan. Namamahagi siya ng pagkain sa mga nangangailangan at dumadalaw sa nanlulumong mga pasyente sa ospital. Ganito ang sinasabi ng isang kaibigan hinggil kay Lucille: “Kung nariyan ang pangangailangan at makatutulong siya, tutulong siya.”
Binigyang-Katuturan ang Pagboboluntaryo
Taglay ng milyun-milyong tao sa buong daigdig ang saloobing ito sa buhay—‘Tumulong ka kung nariyan ang pangangailangan.’ Nagbibigay sila ng tulong sa mga dako ng pagtatayo at sa mga opisina, pabrika, nursing home, hospisyo, refugee camp, sentro para sa mga walang tahanan, kagawaran sa sunog, sentro hinggil sa krisis, animal shelter, at marami pang iba. Sila’y halos nasa lahat ng dako! Ginagamit nila ang kanilang mga kakayahan para sa mga gawaing sumasaklaw mula sa pagtulong sa iba na magtayo ng bangan hanggang sa paglikom ng mga pondo at mula sa pagyapos sa mga pinabayaang sanggol hanggang sa pag-aliw sa mga taong may malubhang sakit. Sila’y mga boluntaryo—mga taong may naidudulot na kapakinabangan sa buhay ng mga nangangailangan.
Inilarawan ang gawaing pagboboluntaryo bilang “isang marangal na kaisipan na isinagawa.” Kalakip dito ang mga elementong tulad ng pagkadama ng pananagutan sa isang simulain, espiritu ng pagsasakripisyo, kawalan ng sahod, at pagpapakita ng kabutihang-loob. Ang “boluntaryong paglilingkod,” sabi ng dalawang matatagal nang boluntaryo, ay “ang pagbibigay ng ating sarili: ng ating panahon, ating mga kamay at paa, ating mga ideya, ating kakayahan na matulungan ang ibang tao, ating mga kasanayan sa paglutas ng mga problema, ating propesyonal na kaalaman.” Kapansin-pansin, nakikinabang din sa gayong pagbibigay ang mismong mga boluntaryo.—Tingnan ang kahon “Nakikinabang Din ang mga Boluntaryo.”
Lumalaking Bilang—Lumalaking Pangangailangan
Sa Estados Unidos, tinatayang 100 milyong tao ang nagboboluntaryo—at tumataas ang kanilang bilang. “Patuloy na lumalaki ang aming organisasyon nang napakabilis,” sinabi kamakailan ni Kathleen Behrens, executive director ng organisasyon ng mga boluntaryo na New York Cares, sa Gumising! “Nitong nakaraang taon lamang, mayroon kaming mahigit na 5,000 bagong boluntaryo na sumama sa aming programa.” Nararanasan din ng mga grupo ng mga boluntaryo sa Europa ang gayunding paglago. Halimbawa, sa Pransiya, tumataas ang bilang ng mga boluntaryo nang 6 na porsiyento bawat taon sa loob ng nakalipas na dalawang dekada. Gayunman, hindi umuunti ang pangangailangan ng higit pang mga boluntaryo. Sa kabaligtaran pa nga, sinabi ng United Nations Volunteers (isang ahensiya ng UN) na kung mamalasin sa pandaigdig na lawak, “ang pangangailangan ngayon para sa karagdagang pagsisikap ng mga boluntaryo ay higit na malaki kailanman.” Sinabi ng superbisor ng isang museo: “Nasa mga boluntaryo ang buhay namin.”
Gayunman, may isang kakatwang bagay. Bagaman maraming direktor, manedyer, at coordinator na gumagawang kasama ng mga boluntaryo ang nakadaramang “napakahalaga” ng gayong
mga tao, ang kalakhan sa gawain ng mga boluntaryo ay hindi kinikilala. Upang mabago ang kalagayang iyan, ipinasiya ng United Nations na gamitin ang taóng 2001 bilang panahon ng pagtutuon ng pansin sa boluntaryong mga manggagawa. Inilalarawan ng kahong “Internasyonal na Taon ng mga Boluntaryo” ang ilan sa mga tunguhin na inaasahang maabot ng UN.Samantala, nagaganap ang mga pagbabago sa daigdig ng pagboboluntaryo na naghaharap ng hamon kapuwa sa mga boluntaryo at sa mga nangangasiwa sa kanilang gawain. Magkagayunman, marami pa ring indibiduwal sa buong daigdig ang handang magdulot ng kapakinabangan sa iba. Ano ang nag-uudyok sa kanila na gawin ang gayon? Ano ang kanilang naisasakatuparan? At paano nila maaaring maapektuhan ang iyong buhay?
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
Nakikinabang Din ang mga Boluntaryo
“Ang pagtulong sa iba ay nagdulot ng mas malalim, mas makabuluhan, at di-hamak na mas kasiya-siyang gantimpala kaysa sa maaaring makamit ko sa patuloy na lubusang pagtutuon sa aking karera sa negosyo,” sabi ni Michael, isang part-time na boluntaryo. Hindi nag-iisa si Michael. Si Sharon Capeling-Alakija, ang executive coordinator ng United Nations Volunteers, ay nagsabi: “Sa buong daigdig, ang mga taong . . . nagboboluntaryo ay lubhang nakaaalam kung gaano kalaki ang kanilang pakinabang sa karanasan [ng pagboboluntaryo].” Pinatotohanan ni Dr. Douglas M. Lawson, isang eksperto hinggil sa gawaing pagboboluntaryo, ang natuklasan ng mga mananaliksik na “madalas na sa loob lamang ng ilang oras ng pagboboluntaryo, ang pangkalahatang pisikal na paggawi at ang kalagayan ng isip ng isang tao ay lubhang nalilinang anupat binansagan itong ‘The Helper’s High.’ ” At ang “helper’s high” ay hindi isang damdaming mabilis na nawawala. Pinag-aralan ng mga mananaliksik sa Cornell University sa Estados Unidos ang isang grupo ng mga tao sa loob ng 30 taon at natuklasan na “yaong mga nagboluntaryo ay mas maliligaya at mas malulusog kaysa sa mga hindi nagboluntaryo.” Kapansin-pansin, sinasabi ng Bibliya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35; Kawikaan 11:25.
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
Internasyonal na Taon ng mga Boluntaryo
Noong Nobyembre 20, 1997, ipinahayag ng Pangkalahatang Kapulungan ng United Nations ang taóng 2001 bilang ang “International Year of Volunteers,” (IYV 2001). Ayon sa UN, may apat na tunguhin na dapat abutin sa taóng iyon.
Higit na pagkilala Pinasisigla ang mga pamahalaan na kilalanin ang kahalagahan ng mga boluntaryo sa pamamagitan ng pag-aaral at pag-uulat ng kanilang mga nagawa at pagbibigay ng mga parangal sa mga namumukod-tanging gawain ng mga boluntaryo.
Higit na batas na nagtataguyod ng pagboboluntaryo Hinihimok ang mga bansa na pasiglahin ang pagboboluntaryo sa pamamagitan ng, halimbawa, pagtanggap ng boluntaryong paglilingkod bilang kapalit ng paglilingkod sa militar o paglalaan ng ilang eksemsiyon sa buwis.
Pagne-network Inaanyayahan ang media na tumulong sa higit pang paghahayag ng mga kuwento ng tagumpay ng mga gawain ng mga boluntaryo. Bunga nito, ang gayong mga proyekto ay maaaring tularan, anupat “iniiwasan ang pangangailangan ng bawat lokal na komunidad na gumugol ng panahon na mag-isip ng sarili nilang programa.”
Pag-aanunsiyo Ang mga organisasyon ng mga boluntaryo ay pinasisigla na magsaayos ng mga eksibit upang ipabatid sa publiko ang mga kapakinabangang natatamo ng lipunan mula sa gawain ng mga boluntaryo.
Umaasa ang UN na ang IYV 2001 ay magbubunga ng mas maraming kahilingan para sa mga serbisyo ng mga boluntaryo, ng mas maraming tao na mag-aalok na maglingkod bilang mga boluntaryo, at ng mas maraming pondo at pasilidad para sa mga organisasyon ng mga boluntaryo upang maharap ang lumalaking mga pangangailangan ng lipunan. Isang kabuuang bilang na 123 pamahalaan ang sumama sa pagtustos sa mga tunguhin ng resolusyong ito ng UN.