Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Karagatan Nabasa ko sa araw na ito ang seryeng “Isinisiwalat ng Karagatan ang Pinakatatagong mga Lihim Nito.” (Nobyembre 22, 2000) Maibigin ako sa kalikasan, ngunit ang kalaliman ng karagatan ay hindi pamilyar sa akin. Totoo nga, habang ang isa ay higit na natututo tungkol sa lupa at sa mga kamangha-manghang bagay dito, lalo niyang dapat igalang ang dinamikong planetang ito at ang Maylalang nito na may walang-hanggang karunungan.
C. F., Italya
Salamat sa kawili-wiling seryeng ito. Matagal ko nang ipinagtataka kung bakit lumalang si Jehova ng mga organismong gaya ng tube worm, samantalang ang karamihan sa sangkatauhan ay walang kamalay-malay sa pag-iral ng gayong mga nilalang. Nagustuhan ko ang punto na ang pag-iral ng mga nilalang na ito ay nagpapakita ng pagkabahala ni Jehova sa kalinisan ng lupa—pagkabahala na dapat nating tularan.
H. S., Britanya
Ang pagbabasa ng seryeng ito ay tulad ng aktuwal na pagbisita sa sahig ng dagat at panonood sa mga kamangha-manghang bagay sa kalaliman habang tumatanggap ng detalyado at mahusay na paliwanag. Natulungan ako ng inyong salaysay na maunawaan nang mas maliwanag ang mga katangian ng Diyos gaya ng makikita sa mga bagay na kaniyang nilikha.
J.M.M., Zambia
Ito ang isa sa pinakakawili-wiling serye na nabasa ko sa Gumising! Naghaharap ito ng karagdagang patotoo na tanging isang matalinong Persona ang maaaring lumalang sa ating planeta lakip ang lahat ng detalye nito. Ang mga artikulong tulad nito ay nagpapatibay sa aming pagnanais na paglingkuran ang ating Dakilang Maylalang.
S. G., Brazil
Pag-alis ng mga Ama Umalis ang aking ama nang ako’y anim na taóng gulang. Ako ngayon ay 20 taon na, at hindi ko pa siya nakikita mula nang siya’y umalis. Matagal ko nang iniisip na kasalanan ko ang pag-alis niya at na hindi niya ako mahal. Ang lahat ay malinaw na sinagot sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kami Iniwan ni Itay?” (Nobyembre 22, 2000) Salamat sa inyong pag-unawa sa puso ng mga batang walang ama.
K. M., Hapon
Mahigit nang dalawang taon ang nakalilipas, kami ng aking asawa ay nagdiborsiyo. Ginawa ko ang lahat ng paraan upang ipakipag-usap sa akin ng aking anak na lalaki ang tungkol sa aming paghihiwalay, ngunit walang nagtagumpay. Ngayon sa unang pagkakataon, inamin ng aking anak na naapektuhan siya ng diborsiyo. Malaking pagsulong iyan. Unti-unti, sinimulan niyang makipagtalastasan. Hindi ko maipahayag kung gaano ang pasasalamat ko sa maraming tulong na inilalaan ninyo para sa mga kabataan sa lahat ng kanilang mga suliranin.
D. H., Estados Unidos
Maliban sa isang maikling pangungusap, sinabi sa artikulo na umaalis ang mga ama dahil sa kanilang sariling maling paggawi. Gayunman, waring lumalaki ang bilang ng mga asawang babae na nang-iiwan ng kani-kanilang asawa. Pagkatapos ng 18 taon ng pagsasama bilang mag-asawa, ang aking misis ay nagsimulang sumunod sa isang imoral na istilo ng pamumuhay. Pinalayas ako sa sarili kong bahay. Sa palagay ko’y kailangan kong banggitin ang aspektong ito ng problema.
L. G., Estados Unidos
Gaya ng nabanggit mo, kinikilala namin na ang ilang ama ay umaalis dahil sa maling paggawi ng asawang babae. Marami sa mga simulaing tinalakay sa artikulo ang kakapit din sa situwasyong ito.—ED.
Anestisya Sa artikulong “Mula sa Matinding Paghihirap Tungo sa Anestisya” (Nobyembre 22, 2000), sinabi ninyo na walang anestisya bago ang dekada ng 1840. Ang mga operasyon ay matagumpay na naisasagawa ni Seishu Hanaoka sa Hapon matagal na bago pa ang dekada ng 1840.
S. A., Hapon
Sa pangkalahatan, hindi tinanggap ng daigdig ng medisina ang paggamit ng anestisya bago ang dekada ng 1840. Gayunman, ang “Kodansha Encyclopedia of Japan” ay nagsasabi na si Seishu Hanaoka (1760-1835) ay nakapaghanda ng isang sangkap na pampamanhid na tinatawag na “mafutsusan” sa pamamagitan ng paghahalu-halo ng “anim na likas na droga.” Kaniyang “ginamit ito nang matagumpay sa isang operasyon para sa kanser sa suso noong 1805, mga 40 taon bago ang unang paggamit ng eter sa Massachusetts General Hospital, Boston.” Pagkatapos nito, ginamit ni Seishu ang kaniyang pampamanhid sa maraming operasyon.—ED.