Ang Kundiman ng Kuliglig
Ang Kundiman ng Kuliglig
SA HABANG 50 milimetro o wala pa, ang isang kuliglig ay waring hindi nga kahanga-hanga. Gayunman, ang awitin ng kuliglig na ito ay nakatatawag-pansin sa milyun-milyong tao sa buong daigdig. Paano ba umaawit ang maliit na kinapal na ito, at sa anong layunin?
Kapansin-pansin, sa humigit-kumulang 2,400 uri ng mga kuliglig, ang mga lalaki lamang ang umaawit, o humuhuni. Sa halip na ginagawa ito mula sa kanilang mga lalamunan, lumilikha ng musika ang mga lalaking kuliglig sa pamamagitan ng kanilang mga pakpak. Ipinaliliwanag ng isang ensayklopidiya na humuhuni ang mga lalaking kuliglig sa pamamagitan ng pagkiskis ng isang bahagi ng pakpak sa unahan sa isang hanay ng mga 50 hanggang 250 ngipin sa katapat nitong pakpak sa unahan. Ang tinis ng mga huni ay depende sa dami ng ngipin na nakikiskis bawat segundo. Maririnig sa kapaligiran ang taginting na ito ng kakaibang awitin ng kuliglig.
Ngunit tiyak na hindi umaawit ang lalaking kuliglig para lamang aliwin ang kaniyang mga taong tagapakinig! Hinding-hindi nga! Ang pinupuntiryang tagapakinig ng manunugtog na ito ay ang potensiyal nitong kapareha. Ang aklat na Exploring the Secrets of Nature ay nagpapaliwanag: “Sa kaniyang paghahanap ng kapareha, ang lalaking kuliglig, na bihasa sa pakikipagtalastasan, ay umaawit ng tatlong iba’t ibang awitin: ang isa ay upang ianunsiyo ang kaniyang pagkanaroroon, ang isa naman ay upang manuyo at ang isa pa ay upang itaboy ang kinaiinisang mga karibal.” Aawit nang aawit ang ilang kuliglig upang ianunsiyo ang kanilang pagkanaroroon hanggang sa magkainteres ang isang babaing kuliglig. Habang naririnig ang awitin sa pamamagitan ng mga “tainga” sa kaniyang mga binti sa unahan, ang babae ay hindi nasisiyahan sa malayuang suyuan. Habang lumalapit siya sa pinagmumulan ng huni, magsisimulang umawit ang lalaking kuliglig ng isang walang-tigil na huni, ang awitin ng pagsusuyuan. Ang haranang ito ang nakaaakit sa babae sa kaniyang manunuyo, at ang dalawang kuliglig ay magtatalik.
Sa Silangang Asia, nag-aalaga ang mga tao ng mga lalaking kuliglig dahil natutuwa sila sa awitin ng mga ito. Mas gusto naman ng iba na masiyahan sa gayong musika sa likas na tirahan ng kuliglig. Anuman ang tagpo, ang awitin ng maliit na kuliglig ay nakabibighani sa mga taong tagapakinig sa buong daigdig at ito ay nagdudulot ng kapurihan sa Disenyador nito.