Mabuting Kalusugan Para sa Lahat—Isa Bang Maaabot na Tunguhin?
Mabuting Kalusugan Para sa Lahat—Isa Bang Maaabot na Tunguhin?
HANGAD mo ba na ikaw at ang iyong pamilya ay makapagtamasa ng mas mabuting kalusugan? Siyempre naman. Subalit bagaman ang karamihan sa atin ay maaaring makaranas lamang ng di-malulubhang karamdaman sa pana-panahon, para sa milyun-milyong tao, ang kapansanan ay isang makirot at habambuhay na kasama.
Magkagayunman, malawakang mga pagsisikap ang isinasagawa upang mabawasan ang insidente ng karamdaman at sakit. Isaalang-alang ang World Health Organization (WHO), isang ahensiya ng United Nations. Sa isang komperensiya na itinaguyod ng WHO noong 1978, sumang-ayon ang mga delegado mula sa 134 na lupain at 67 organisasyon ng UN na ang kalusugan ay hindi lamang kalayaan mula sa karamdaman at sakit. Ang kalusugan, ipinahayag nila, ay “isang kalagayan ng ganap na pisikal, mental at sosyal na kabutihan.” Pagkatapos ay gumawa ang mga delegado ng matapang na hakbang sa paghahayag na ang kalusugan ay isang “pangunahing karapatang-pantao”! Sa gayo’y itinakda ng WHO ang tunguhing pag-abot sa “isang katanggap-tanggap na antas ng kalusugan para sa lahat ng tao sa daigdig.”
Ang gayong tunguhin ay kalugud-lugod at marangal pa nga. Ngunit gaano ba kalaki ang posibilidad na ito ay maaabot? Sa lahat ng larangan ng pagsisikap ng tao, ang medisina ay talagang naging isa sa pinakamapagkakatiwalaan at hinahangaan. Ayon sa pahayagang The European sa Britanya, ang mga tao sa mga Kanluraning lupain ay nasanay na sa “tradisyonal na konsepto sa medisina na ‘silver bullet’ na lunas: isang pildoras upang lunasan ang isang suliranin.” Sa ibang pananalita, para sa bawat karamdaman, umaasa tayo na makapagbibigay ang larangan ng medisina ng isang simple at tuwirang lunas. Talaga nga kayang matutugunan ng propesyon ng medisina ang gayong mataas na inaasahan?