Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang Lahat ba ng Relihiyon ay Iba’t Ibang Daan Patungo sa Diyos?

Ang Lahat ba ng Relihiyon ay Iba’t Ibang Daan Patungo sa Diyos?

“INAAKALA kong talagang hindi kapani-paniwala na ipinasiya ng Diyos ng buong uniberso na makilala siya sa pamamagitan ng iisang relihiyosong tradisyon,” sabi ng awtor na si Marcus Borg. Ang nagwagi ng Nobel Peace Prize na si Desmond Tutu ay nagsabi: “Walang relihiyon ang makapag-aangkin na taglay nito ang buong katotohanan hinggil sa misteryo” ng pananampalataya. Ang isang popular na pangmalas ng mga Hindu ay “Jotto moth, totto poth,” na kapag isinalin sa pinakadiwa ay nangangahulugang ang lahat ng relihiyon ay iba’t ibang daan lamang na may iisang tunguhin. Ganito rin ang pangmalas ng mga Budista. Tunay nga, milyun-milyong tao ang naniniwala na ang lahat ng relihiyon ay iba’t ibang daan patungo sa Diyos.

Binanggit ng istoryador na si Geoffrey Parrinder: “Sinasabi kung minsan na ang lahat ng relihiyon ay may iisang tunguhin, o magkakapantay na mga daan patungo sa katotohanan, o na ang lahat ay nagtuturo pa nga ng magkakaparehong doktrina.” Ang mga turo, mga ritwal, at mga diyos ng mga relihiyon ay talagang magkakahawig. Sinasabi ng karamihan sa mga relihiyon ang hinggil sa pag-ibig at itinuturo na ang pagpatay, pagnanakaw, at pagsisinungaling ay mali. Sa karamihan sa mga grupo ng relihiyon, ang ilang indibiduwal ay taimtim na nagsisikap na tumulong sa iba. Kaya kung ang isa ay taimtim sa kaniyang mga paniniwala at nagsisikap na magkaroon ng kapuri-puring pamumuhay, mahalaga pa ba kung anong relihiyon ang kinaaaniban niya? O hindi naman kaya ang lahat ng relihiyon ay iba’t ibang daan lamang patungo sa Diyos?

Kataimtiman Lamang​—Sapat na ba Ito?

Isaalang-alang ang kaso ng unang-siglong lalaking Judio na nagngangalang Saul, na naging ang Kristiyanong apostol na kilala bilang si Pablo. Isa siyang napakasigasig na tagapagtaguyod ng Judaismo, at ito ang umakay sa kaniya na sikaping lipulin ang pagsamba ng mga tagasunod ni Kristo, na sa tingin niya ay mali. (Gawa 8:1-3; 9:1, 2) Ngunit sa pamamagitan ng kaawaan ng Diyos, natanto ni Saul na ang napakarelihiyosong mga taong tulad niya ay maaaring may sigasig sa Diyos, ngunit sa kabila nito, dahil hindi nila taglay ang lahat ng katotohanan, sila’y maaaring magkamali. (Roma 10:2) Nang higit pang matutuhan ni Saul ang kalooban at mga pakikitungo ng Diyos, siya’y nagbago at nagsimulang sumama sa pagsamba ng mismong mga tao na kaniyang pinag-usig​—ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo.​—1 Timoteo 1:12-16.

Sinasabi ba ng Bibliya na may daan-daang pananampalataya na mapagpipilian at na alinman ang ating piliin ay tatanggapin ng Diyos? Nakatanggap si apostol Pablo ng mga tagubilin mula sa binuhay-muling si Jesu-Kristo na nagpahiwatig ng mismong kabaligtaran. Isinugo siya ni Jesus sa mga tao ng mga bansa “upang idilat ang kanilang mga mata, upang ibaling sila mula sa kadiliman tungo sa liwanag at mula sa awtoridad ni Satanas tungo sa Diyos.” (Gawa 26:17, 18) Maliwanag, mahalaga ang ating pagpili ng relihiyon. Marami sa mga taong pinagsuguan kay Pablo ang mayroon nang relihiyon. Ngunit sila’y nasa “kadiliman.” Tunay nga, kung lahat ng relihiyon ay iba’t ibang daan lamang patungo sa buhay na walang hanggan at sa pagsang-ayon ng Diyos, hindi na sana kinailangan pang sanayin ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod para sa gawaing paggawa ng alagad na kaniyang iniatas sa kanila na gawin.​—Mateo 28:19, 20.

Sa kaniyang kilaláng Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” (Mateo 7:13, 14) Tuwirang sinasabi ng Bibliya na mayroong “isang pananampalataya.” (Efeso 4:5) Maliwanag, maraming nasa “malapad” na daan ang mayroon nang relihiyon. Ngunit hindi nila taglay ang “isang pananampalataya.” Yamang iisa lamang ang tunay na anyo ng pagsamba, yaong mga naghahangad na makasumpong ng tunay na pananampalatayang iyan ay dapat na hanapin ito.

Paghahanap sa Tunay na Diyos

Mula pa sa pasimula ng kasaysayan ng tao, sinabi na ng Diyos sa mga tao kung ano ang nais niyang gawin nila. (Genesis 1:28; 2:15-17; 4:3-5) Sa ngayon, ang kaniyang mga kahilingan ay malinaw na ipinaliliwanag sa Bibliya. Dahil dito ay nagiging posible na makita natin ang kaibahan ng kaayaayang pagsamba sa di-kaayaayang pagsamba. (Mateo 15:3-9) Namana ng ilang tao ang kanilang relihiyon, samantalang ang iba naman ay sumusunod lamang sa nakararami sa komunidad. Para sa marami, ang relihiyon ay nakadepende lamang sa kung kailan at kung saan sila ipinanganak. Subalit dapat mo bang ipaubaya sa pagkakataon ang iyong pagpili ng relihiyon o hayaang ibang tao ang magpasiya para sa iyo?

Ang pagpili mo ng relihiyon ay dapat na maging isang may-kabatirang pasiya batay sa isang maingat na pagsusuri sa Kasulatan. Noong unang siglo, hindi lamang basta tinanggap ng ilang edukadong tao ang mga salita ni apostol Pablo ayon sa kaniyang paliwanag. ‘Maingat [din nilang] sinuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.’ (Gawa 17:11; 1 Juan 4:1) Bakit hindi mo rin gawin ang gayon?

Inilalarawan ng Bibliya ang Diyos ng uniberso bilang isa na naghahanap ng mga taong sasamba sa kaniya sa katotohanan. Gaya ng iniulat sa Juan 4:23, 24, ipinaliwanag ni Jesus: “Gayunpaman, ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” Tanging ang “pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama” ang kaayaaya sa kaniya. (Santiago 1:27) Pinagpala ng Diyos ang paghahanap ng milyun-milyong tao upang masumpungan ang makipot na daan na umaakay sa buhay. Hindi niya bibigyan ng walang-hanggang buhay ang mga nagwawalang-bahala, kundi sa halip, yaong mga tunay na nagsisikap na masumpungan ang makipot na daan na kaniyang itinakda at pagkatapos ay sinusundan ito.​—Malakias 3:18.