Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagkakumberte sa Relihiyon sa Britanya

Ang mga Britano ay mas mabilis na nagpapalit ng relihiyon kaysa dati, anupat mga 1,000 ang nakukumberte bawat linggo, ulat ng The Sunday Telegraph. “Ang mga Anglikano ay nagiging Romano Katoliko, o kaya’y ang kabaligtaran nito, ang mga Judio ay nagiging Budista, ang mga Muslim ay nagiging Anglikano at ang mga Romano Katoliko ay nagiging Judio.” Pinakamarami ang nakukumberte sa Islam, Budismo, mga kilusang New Age, at paganismo. Ganito ang sinabi ni Dr. Ahmed Andrews ng Derby University sa Inglatera, na nakumberte rin mismo: “Nasa pagitan ng 5,000 at 10,000 ang mga puti na nakumberte sa pagka-Muslim sa bansang ito, at karamihan sa mga kilala ko ay mga dating Katoliko.” Ang mga Judio ang bumubuo ng 10 hanggang 30 porsiyento ng mga nakumberte sa Budismo. Biglang dumami ang mga Anglikano na nakumberte sa Katolisismo nang ipasiya ng Church of England na mag-orden ng kababaihan. Ayon kay Rabbi Jonathan Romain, “ang mga tao ay nakadarama ng kakulangan sa espirituwal kaya naghahanap sila sa labas ng nakagisnan nilang relihiyon.”

Istilo ng Pamumuhay at Kanser

“Mas malaking salik sa pagkakaroon ng kanser ang kinaroroonan mo, ang ginagawa mo, at ang nangyayari sa buhay mo, sa halip na kung ano ka, ayon sa ipinakita ng isang pag-aaral sa halos 90,000 kambal,” ulat ng pahayagang The Guardian ng London. Pinangunahan ni Dr. Paul Lichtenstein ng Karolinska Institute sa Sweden ang pangkat ng mananaliksik para sa pag-aaral na ito. Sinabi niya: “Ang mga salik sa kapaligiran ay mas mahalaga kaysa sa mga salik na henetiko.” Naniniwala ang mga siyentipiko na ang paninigarilyo ang sanhi ng 35 porsiyento ng mga kanser, samantalang ang 30 porsiyento naman ay waring may kaugnayan sa kinakain. Ang mga salik na henetiko ay may bahaging ginagampanan sa kanser sa prostate, sa labasan ng dumi, at sa suso, ngunit si Dr. Tim Key ng Imperial Cancer Research Fund sa Oxford, Inglatera, ay nagpayo: “Kahit . . . nasa lahi mo [ang pagkakaroon ng kanser], ang ginagawa mo sa iyong buhay ay mas mahalaga. Hindi ka dapat manigarilyo, dapat kang mag-ingat sa kinakain mo. Malaki ang magagawa ng mga bagay na iyon.”

Gamitin Mo ang Iyong Utak

“Ang kasiglahan ng utak ay maaaring manatili sa buong buhay natin, hangga’t patuloy natin itong ginagamit,” sabi ng pahayagang Vancouver Sun. “Magbasa, magbasa, magbasa,” sabi ni Dr. Amir Soas ng Case Western Reserve University Medical School sa Ohio, E.U.A. Upang mapanatili ang kakayahan ng iyong utak habang nagkakaedad ka, pumili ng mga libangan na hahamon sa iyong isip, mag-aral ng ibang wika, mag-aral na tumugtog ng instrumento sa musika, o makisali sa nakapagpapasiglang pag-uusap. “Anumang bagay na pupukaw sa utak upang mag-isip,” sabi ni Dr. Soas. Ipinapayo rin niyang bawasan ang panonood ng TV. “Kapag nanonood ka ng telebisyon, hindi gumagana ang utak mo,” sabi niya. Isinusog ng Sun na ang malusog na utak ay nangangailangan din ng oksiheno na dumaraan sa malulusog na arteri. Kaya, ang ehersisyo at wastong pagkain, na siya ring tumutulong upang maiwasan ang sakit sa puso at diyabetis, ay tumutulong din sa utak.

Ang mga Elepante ay “Hindi Nakalilimot sa Kanilang mga Kaibigan”

“Hindi nakalilimot ang mga elepante​—o kung totoo man ito, hindi sila nakalilimot sa kanilang mga kaibigan,” ulat ng magasing New Scientist. Inirekord ni Dr. Karen McComb ng University of Sussex, Inglatera, ang mababa-ang-tonong “tawag para makipagtalastasan” ng mga babaing elepante sa Aprika na nasa Amboseli National Park, Kenya, habang itinatala kung aling mga elepante ang madalas na nagtatagpo at kung alin ang hindi magkakakilala. Pagkatapos ay pinatugtog niya ang kanilang tawag sa 27 pamilya ng elepante upang pag-aralan ang pagtugon ng mga ito. Kapag kilalang-kilala ng mga hayop na ito ang tumatawag, kaagad silang sumasagot. Kapag hindi nila gaanong kilala ang tumatawag, nakikinig sila ngunit hindi tumutugon, at kapag hindi pamilyar ang tawag, naliligalig sila at nagiging palaban. “Nakikilala nila ang mga kabilang sa hanggang 14 na iba pang pamilya batay sa kanilang tawag, na nagpapahiwatig na natatandaan ng bawat elepante ang mga 100 iba pang adulto,” sabi ng artikulo. Maaari ring matandaan ng mga elepante ang mga tao. Sinabi ni John Partridge, nangangasiwa sa mga mamal sa Bristol Zoo sa Inglatera, na nakilala siya ng isang elepante mula sa Asia na inobserbahan niya sa loob ng 18 taon nang bumalik siya pagkalipas ng tatlong taon.

Mga High-Tech na Ismagler ng Droga

Noon, itinatago ng mga ismagler ng droga na taga-Colombia ang kanilang kalakal sa mga pampasaherong eroplano at barko. Ngunit kamakailan, nagulat ang mga awtoridad nang malamang gumagawa ang mga ismagler ng high-tech na submarino na doblihan ang kaha, na may diyametrong mahigit sa tatlong metro, at makapaglululan ng 200 tonelada ng cocaine. Dinala ng naghihinalang mga kalapit na residente ang mga pulis sa “isang bodega sa labas ng Bogotá, paakyat ng Andes sa taas na 2,300 metro at 300 kilometro ang layo mula sa alinmang daungan,” sabi ng The New York Times. “Ang sasakyan na 30 metro ang haba ay makatatawid sana ng dagat, makaaahon sa may baybayin ng Miami o ng iba pang lunsod sa tabing-dagat at palihim na makapagdidiskarga ng lulan nitong droga.” Bagaman walang sinumang nadatnan sa lugar na iyon o naaresto, inaakalang mga kriminal na Ruso at Amerikano ang kasangkot, kasama ang isang dalubhasang inhinyero sa submarino. Maaari sanang paisa-isang ilulan sa treyler ang tatlong seksiyon ng submarino at dalhin sa baybayin, sabi ng mga opisyal. Namangha sila sa malaking pagsisikap ng mga nangangalakal ng droga upang mailuwas ang kanilang mga produkto.

Dumarami ang mga Hayop sa DMZ

“Mula nang maitatag ang DMZ [Demilitarized Zone] sa pagtatapos ng Korean War noong 1953, naiwang halos di-nagagalaw ang likas na kapaligiran doon at ang mga katabing lugar dahil sa mga paghihigpit na panseguridad,” sabi ng The Wall Street Journal. “Bagaman sinira ng pag-unlad sa ekonomiya ang kalakhang bahagi ng lupain sa ibang dako sa dalawang Korea, ang lugar sa hangganan ang naging pinakamahalagang kanlungan ng hayop sa peninsulang ito.” Naninirahan doon ang bibihira at papaubos na uri ng ibon at hayop. Inaakalang mayroon din doong mga tigre at mga leopardo. Nangangamba ngayon ang mga environmentalist na ang mga pagsisikap kamakailan para sa kapayapaan sa pagitan ng North at South Korea ay makasisira sa tahanan ng mga hayop sa DMZ. Sa gayon, humihiling sila ng “isang ‘parkeng pangkapayapaan’ sa may tawiran sa hangganan” upang maingatan ang buhay-ilang doon at hayaang makapagparami ang mga hayop mula sa magkabilang panig. Sabi ng Journal: “Napasisigla ang mga environmentalist sa paniniwala na ang kapayapaan ay maaaring makatulong upang magkasama-samang muli ang mga hayop na ito, kung paanong dahil sa paghupa ng alitan ay muli nang nagkasama-sama ang mga miyembro ng pamilya na matagal nang nagkahiwalay.”

Maiigting na Oras ng Pananghalian

“Mga lampa lamang ang nanananghalian ayon sa mga matsong taga-Britanya, samantalang sandwits na lamang ang kinakain ng mga empleadong gumon sa trabaho habang nasa kanilang mga mesa sa oras ng pananghalian,” ulat ng Financial Times ng London. Ipinakikita ng pananaliksik kamakailan na ang “oras ng pananghalian” ng karaniwang Britano ay 36 na minuto na lamang. Sinasabi ng mga eksperto sa medisina na ang pagpapahinga sa tanghali ay nakababawas ng kaigtingan. Subalit ang ilang nagpapatrabaho ay nagsasaayos ng mga miting sa oras ng pananghalian, anupat wala nang oras para magpahinga ang mga manggagawa. Ganito ang puna ng Datamonitor, ang organisasyon sa pananaliksik na bumuo ng report: “Palibhasa’y nasilo sa isang lipunan na humihiling ng higit pa mula sa mga manggagawa nito at itinuturing na ang panahon ay isang mamahaling bagay, ang oras ng pananghalian para sa marami ay isang sagabal na pagtigil para kumain.” Idinagdag pa ng tagasuri sa Datamonitor na si Sarah Nunny: “Nakikipagpaligsahan tayo sa mga pangglobong pamilihan. Hindi na posible na sabihing ‘Mamaya ko na iyan gagawin.’ Kailangang gawin na ito ngayon.”

Pagkasugapa sa Tabako sa Mexico

Bilang bahagi ng isang programa kamakailan para sa paghadlang at pagkontrol ng pagkasugapa sa tabako sa Mexico, sinabi ni José Antonio González Fernández, ang pambansang kalihim noon sa kalusugan, na 27.7 porsiyento ng mga Mexicano ang naninigarilyo. Ang pinakamalaking ikinababahala ay na humigit-kumulang sa isang milyong naninigarilyo ang nasa pagitan ng edad na 12 at 17. Sinabi ni G. González na ang tinatayang 122 namamatay na Mexicano bawat araw ay may kaugnayan sa bisyong paninigarilyo. Idinaing niya “ang malaking kalugihan na kinakatawan nito para sa pagpapasulong ng ekonomiya ng bansa, ang nasayang na mga taon ng mabungang yugto ng buhay ng tao, . . . at ang di-tuwirang pinsala na dinaranas natin dahil sa mga naninigarilyo sa paligid natin.”

Nagpupunô sa Espirituwal na Pangangailangan?

Ang lumalaking popularidad ng mga sariling-sikap na guru na nagtataguyod ng pagtitiwala sa sarili, positibong pag-iisip, at personal na tagumpay ay “kasabay ng kausuhan sa populasyon na paglayo sa organisadong relihiyon,” sabi ng pahayagang Globe and Mail sa Canada. “Ang interes sa espirituwalidad ay buháy na buháy, ngunit ang interes sa tradisyonal na mga pinagmumulan nito ay kumakaunti.” Ipinakikita ng pagsasaliksik na bagaman 80 porsiyento ng mga taga-Canada ang nagsasabi na naniniwala sila sa Diyos, 22 porsiyento naman ng mga nag-aangking Kristiyano ang higit na nagpapahalaga sa kanilang sariling mga paniniwala kaysa sa mga turo ng alinmang simbahan. Tinawag ng ulat ng Globe ang espirituwalidad na iniaalok ng mga sariling-sikap na negosyo bilang “isang bagay na tutulong sa iyo na muling sumigla upang makapagpatuloy sa pagtataguyod ng personal na tagumpay.”