Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Newgrange—Mas Maraming Katanungan Kaysa sa Kasagutan?

Newgrange—Mas Maraming Katanungan Kaysa sa Kasagutan?

Newgrange​—Mas Maraming Katanungan Kaysa sa Kasagutan?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA IRELAND

SA SINAUNANG literatura ng Ireland, ang lugar ay tinatawag na Brú na Bóinne, na nangangahulugang “ang Bahay o Mansiyon ng Boyne.” Sa ngayon, sa mahiwagang lugar na ito na matatagpuan sa isang kurba ng ilog ng Boyne, mga 50 kilometro sa hilaga ng Dublin, hinuhukay ang ilan sa pinakamatatandang libingan sa daigdig. Ang isa sa mga ito ay tinatawag na Newgrange. Walang eksaktong nakaaalam kung gaano na ito katanda​—bagaman inaakala ng ilan na mas matanda pa ito sa bantog na piramide ng Giza sa Ehipto. Bawat taon kapag winter solstice, dumaragsa ang mga turista sa Newgrange upang makita ang isang talagang kamangha-manghang katibayan ng mga kakayahan ng sinaunang mga tao.

Bakit Ito Itinayo?

Ang mahiwagang monumentong ito ay malamang na napakahalaga sa mga tagapagtayo nito. (Tingnan ang kahon sa pahina 24.) Bakit sila gumugol ng napakaraming panahon, pagsisikap, at materyales? Bakit nila itinayo ang kahanga-hangang libingang ito?

Lumilitaw na itinuturing ang Brú na Bóinne, o Brugh na Boinne, hindi lamang bilang isang sagradong libingan kundi isa ring lugar para sa ritwal na pagsamba. Si Propesor Michael O’Kelly, na siyang humukay ng lugar na iyon, ay nag-ulat: “Ang Brú ay iniugnay kay Dagda, ang Mabuting Diyos; sa kaniyang asawang babae, si Boann; at sa kaniyang anak na lalaking si Oengus; ang lahat ng ito’y kabilang sa Tuatha Dé, isang bayan na sinasabing nanirahan sa Ireland bago dumating ang Gael o mga Celt at pagkatapos ay nagsibalik sa mga gulod at mga kuta ng mga engkantada ng Ireland. Sila’y . . . itinuturing na mga personang sobrenatural na makagagawa at talagang gumawa ng mga bagay na hindi kayang gawin ng mga mortal.”​—Newgrange​—Archaeology, Art and Legend.

Si Boann ang maalamat na diyosa na siyang pinagkunan ng pangalan ng ilog ng Boyne. Yamang ang ilog ay pumapalibot sa tatlong pampang ng gulod ng libingan, ang mga tagapagtayo ay maaaring naniwala na ipagsasanggalang ni Boann ang lugar na iyon mula sa kapahamakan. Ayon sa mananaliksik na si Martin Brennan, maaaring inakala rin nila na ang ilan sa mga diyos ay aktuwal na naninirahan sa gulod. Sa katunayan, sinasabi niya na ang pinakamaagang mitolohiya tungkol sa gulod ay nagpapahiwatig na ang mga ito “ay itinuring na tirahan ng mga buháy na diyos na ipinaglihi at ipinanganak doon.”​—The Stars and the Stones.

Ngunit ang Newgrange ay hindi lamang isang libingan para sa mga patay at isang tirahan ng mga diyos. Ito ang isa sa pinakamatatandang monumento sa daigdig na inayos salig sa astronomiya. Taglay ang tunay na katumpakan, itinapat ng mga arkitekto ang mahabang pasilyo at silid ng puntod sa mismong sinisikatan ng araw kapag winter solstice. Pagkatapos ay gumawa sila ng isang pantanging siwang sa itaas ng pasukan ng libingan. Pinangyayari nitong makaabot ang mga silahis ng sumisikat na araw hanggang sa kaloob-loobang bahagi ng libingan.

Kahit ngayon ay nag-iipun-ipon ang mga turista sa Newgrange tuwing winter solstice, kapag tumatagos ang sinag ng araw sa loobang silid sa loob ng mga 15 minuto. Si Clare Tuffy, manedyer ng visitor center sa Brú na Bóinne, ay nagsabi: “Naniniwala ang ilan na ang sinag ng araw na tumatagos sa kailaliman ng gulod ay kumakatawan sa isang uri ng pag-aasawa sa pagitan ng diyosa ng lupa at ng diyos na araw at na inakala ng mga tao noong panahong iyon na ito’y magdudulot ng pagkamabunga sa lupa.”

Ang Hiwaga ng mga Nililok na Bato

Sa nalalaman natin, walang iniwang nakasulat na mga rekord ang mahiwagang mga tagapagtayo ng libingan. Ngunit nag-iwan naman sila ng kakaibang pagkakakilanlan sa anyo ng kapansin-pansing mga nililok na bato. Naglilok sila ng mga pormang paikid, mga hugis na patulis, mga parihaba, mga tatsulok, mga linyang nakakurba, mga bilog, at iba pang mga hugis, na malamang na ginamitan lamang ng isang piraso ng batong pingkian o quartz (batong kristal) at isang martilyong bato. Tinatawag ni Brennan ang pamana nilang ito sa Ireland bilang “ang pinakamalaking koleksiyon ng megalithic art (sining na ginamitan ng malalaking bato) sa daigdig.”

Inaakala ng ilan na ang misteryosong mga ukit ay maaaring bigyang-kahulugan at na mababanaag sa mga ito ang kadalubhasaan sa astronomiya. Iniisip ni Brennan na inilalarawan ng mga ito ang pagkilos ng araw at ng buwan. “Malamang na . . . kapuwa ang mga gulod at ang mga simbolo ay itinuring na nakaalay sa araw at buwan,” sabi niya. “Ang pagkilalang ito lamang ay malaki na ang maipaliliwanag hinggil sa kahulugan ng sining na ito.” Ngunit sumasang-ayon ang ibang mga eksperto kay O’Kelly, na sinipi kanina, sa kaniyang isinulat na ang mga nililok “ay malamang na may kahulugan sa mga nakakita sa mga ito, ngunit malamang na hindi natin malalaman kailanman kung ano ang kahulugang iyon. Mananatiling bahagi na lamang ito ng hiwagang may kaugnayan sa Brú o mansiyon ng mga sinaunang diyos.”

“Mga Taong Masulong sa Kaalaman”

Waring ang Newgrange ay nagbabangon ng maraming katanungan na walang kasagutan. Ang mga hiwaga hinggil sa mga tagapagtayo ng pasilyo at libingan sa Brú na Bóinne ay hindi pa rin nalulutas sa kalakhang bahagi. Ngunit sa paanuman ay isang bagay ang natiyak na. Ang mga tagapagtayo ay mga sibilisadong tao. Sa katunayan, sinabi ni O’Kelly na ang mga arkitekto, dalubsining, at mga artisano ng Newgrange ay “malamang na may mataas na antas ng kultura.” Sinasabi ng awtor na si Peter Harbison na ang mga tagapagtayo “ay malayong maging di-sibilisadong mga taong-bundok ayon sa sinasabi sa popular na alamat . . . Sila’y mga taong masulong sa kaalaman.”

Sabihin pa, hindi natin alam kung sino ang nagtayo ng Newgrange sa Brú na Bóinne. Subalit ito’y nagbibigay pa rin ng malinaw na patotoo sa pagkamalikhain at talino ng mga sinaunang arkitekto at mga tagapagtayo nito​—kung sino man sila.

[Kahon/Larawan sa pahina 24]

Ang mga Tagapagtayo at ang Itinayo

Ano ang nalalaman natin hinggil sa mga tagapagtayo ng Newgrange? “Napakakaunti,” sabi ni Clare Tuffy, manedyer ng visitor center sa Brú na Bóinne. “Ngunit may natutuhan tayong ilang bagay. Alam natin na sila’y mga magsasaka. Mayayaman din sila​—kailangang mayayaman sila upang magkaroon ng mga materyales na maipantatayo ng gayong karingal na libingan. At wala silang anumang kagamitang metal.”

Sa pamamagitan ng malalaking tipak ng bato na tumitimbang ng hanggang sampung tonelada, gumawa ang mga tagapagtayo ng isang pasilyo na humigit-kumulang sa 19 na metro ang haba, 2 metro ang taas, at may sapat na luwang upang maalwang makapaglakad doon ang isang tao. Humahantong ang pasilyo sa isang silid-libingan na anim na metro ang luwang at may tatlong sulok. Ang pasilyo at silid ay kahugis ng isang mahabang krus.

Sa ibabaw ng silid-libingang ito, ang malikhain at sinaunang mga tagapagtayong ito ay gumamit ng iba pang malalaking bato, nang walang argamasa, upang maitayo ang isang nakaarkong bubungan na anim na metro ang taas. Sa ibabaw ng libingan ay gumawa naman sila ng isang malaking gulod na mga 80 metro ang diyametro at 12 metro ang taas. Nagtayo rin sila ng isang pangharang na pader na yari sa malalaking bato at kinalupkupan ang harapan nito ng maliliit na batong quartz. Paikot sa gilid ng gulod, naglagay sila ng 97 malalaking batong panggilid, na ang bawat isa’y tumitimbang ng dalawa hanggang limang tonelada. May panahon noon na ang mga batong panggilid at ang pasukan ng libingan ay nabaon sa lupa. Noong 1699, di-sinasadyang natagpuan ng isang manggagawang naghahanap ng mga bato ang pasukan, at ang sinaunang pasilyo at libingang ito ay natuklasan.

[Larawan]

Pasukan patungo sa pasilyo ng Newgrange

[Mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Newgrange

DUBLIN

[Mga larawan sa pahina 23]

Itaas: Tumatagos ang sinag ng araw sa loobang silid sa loob ng mga 15 minuto bawat taon sa panahon ng winter solstice

Ibaba: Silid-libingan mula sa kaloob-loobang bahagi; pansinin ang lilok na tatlong-ikid

[Credit Line]

Lahat ng larawan sa pahina 22-3 maliban sa mapa: Dúchas, The Heritage Service, Ireland

[Larawan sa pahina 24]

Gulod at libingan na yari sa malalaking bato

[Credit Line]

Dúchas, The Heritage Service, Ireland