Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagiging Payat Interesadung-interesado ako sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kaya ang Payat-Payat Ko?” (Setyembre 22, 2000) Ako’y isang 32-taóng-gulang na babae, ngunit napakapayat ko mula pa noon at hiyang-hiya ako sa hitsura ko. Palagi na lamang akong tinutukso sa buong buhay ko, anupat binibigyan nila ako ng mga bansag na gaya ng Palito at Binting Ibon. Madalas akong nanlulumo dahil dito. Nagustuhan ko ang sinabi ninyo na dapat nating hanapin ang mga taong nagpapahalaga sa atin ayon sa panloob nating pagkatao. Hindi dapat hamakin ng mga Kristiyano ang iba dahil sa kanilang pisikal na mga katangian.
W. L., Estados Unidos
Henetikong Inhinyeriya Nabasa ko kagabi ang seryeng “Makalilikha Kaya ang Siyensiya ng Isang Sakdal na Lipunan?” (Setyembre 22, 2000) Dinala ko iyon sa trabaho, na nagbunga ng isang napakainam na pakikipag-usap sa aking amo, na isang doktor. Talagang nakapupukaw ng pag-iisip at pagpapahalaga ang mga ilustrasyon. Salamat sa panahon, pagsisikap, at pag-iisip na kitang-kitang ginugol sa bawat ilustrasyon.
N. M., Estados Unidos
Salamat sa inyong pagpapaliwanag sa isang napakasalimuot na paksa sa paraang mauunawaan ng lahat. Kapag pinagpapasiyahan ng mga siyentipiko kung sino ang makapagpaparami ng lahi at kung sino ang “di-kanais-nais,” iniisip ko kung isinasaalang-alang nila ang mga katangiang tulad ng pag-ibig, pagkamahabagin, at pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Ang higit na kakayahan ng utak o mas magandang kalusugan ay hindi laging nangangahulugan ng isang mas mabuting tao. Gayunman, may tanong ako. Bakit ang pagiging kaliwete ay tinatawag na sakit?
J. C., Estados Unidos
Ang pangungusap na tinutukoy ay isang pagsipi mula sa aklat na “The Biotech Century.” Ang salitang “sakit” ay lumitaw sa loob ng mga panipi, na nagpapahiwatig na may kabalintunaang ginamit ito ng awtor. Itinatampok ng pangungusap ang ilang hamon sa etika na inihaharap ng henetikong inhinyeriya. May panganib na dahil may kakayahan nang baguhin ang genetic code ng tao, maaaring ideklara ng ilan batay sa sarili nilang kagustuhan na ang mga katangiang tulad ng kulay ng balat o pagiging kaliwete ay isang bagay na di-kanais-nais.—ED.
Bagaman hindi ko paboritong asignatura ang siyensiya, naantig ng mga artikulo ang puso ko. Ang eugenics ay tungkol sa paghahangad ng kasakdalan ng mga taong di-sakdal. Sakali mang makamit nila ang nasa isip nila, ang mga maysakit at may kapansanan ay malamang na ituturing na “nakabababang uri.” Ang empatiya para sa gayong mga tao ay maglalaho. Sa kabaligtaran naman, ipinangangako ng Diyos na gagawing sakdal ang tao sa panahon ng Milenyo. (Apocalipsis 20:4, 5) Ngunit gagawin niya ito nang hindi nilalabag ang ating kalayaang magpasiya.
S. O., Hapon
Ang Uniberso Maraming salamat sa seryeng “Ang Uniberso—Lumitaw na Lamang ba Ito?” (Oktubre 8, 2000) Isa akong estudyante ng biyolohiya sa unang taon, at parang isang aklat-aralin ang mga artikulo—ngunit isinulat taglay ang tema hinggil sa isang matalinong Maylalang sa halip na ang teoriya ng ebolusyon. Tunay na nakagiginhawang makita ang impormasyong ito na iniharap sa isang makatotohanan at makatuwirang paraan!
K. L., Estados Unidos
Talambuhay Ang artikulong “Ang Pinakamahalaga sa Akin—Ang Pananatiling Matapat” (Oktubre 8, 2000), na talambuhay ni Alexei Davidjuk, ay lubhang nakapagpatibay sa akin. Ipinaliwanag ni Alexei na ang isang taong pinagkatiwalaan niya sa loob ng maraming taon ay nagkanulo sa kaniyang espirituwal na mga kapatid. Ganiyan din ang nangyari sa akin maraming taon na ang nakalipas nang ipagbawal ng pamahalaan ang aming Kristiyanong gawain. Dalawang “matatanda” ang nagbigay ng mga detalye ng aming gawain sa sekreta (secret police). Bunga nito, inaresto kami at pinagtatanong. Ang isa sa mga diumano’y kapatid na ito ay namatay na. Ang isa naman ay natiwalag sa kongregasyon. Gayunman, kamakailan lamang ay nakabalik na ito sa kongregasyon. Laking pasasalamat ko na nababati ko na ang kapatid na ito nang walang anumang hinanakit! Posible lamang ito dahil sa espiritu ni Jehova.
D. G., Alemanya