Sa Isang Ekspedisyon sa Ghana
Sa Isang Ekspedisyon sa Ghana
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA GHANA
HABANG nahahawi ang dilim at hamog sa liwanag ng umaga, may kabagalan kaming naglakbay sa mahigit na 80 kilometro ng di-aspaltadong daan patungo sa Mole National Park sa Hilagang Rehiyon ng Ghana. Ang tanawin sa palibot ay pangunahin nang nababalutan ng mga damo, mga palumpong, at maliliit na puno. Paminsan-minsan, may nadaraanan kaming isang maliit na nayon na may mga kubo na gawa sa luwad at may bubungang dayami.
Ano ngang pagkakaiba nang makarating kami sa Damongo, isang abalang bayan sa kabukiran na may mga tindahan, mga aspaltadong daan, at malubhang trapik! Ang mga batang nakaunipormeng kulay-beige at kape ay papasok na sa paaralan. Dala-dala ng mga babaing may makukulay na damit ang lahat ng uri ng pasanin sa kanilang mga ulo—panggatong, mga pagkain, at mga sisidlan na punô ng tubig. Bumubusina ang mga kotse at mga traktor, at dumaraan ang mga nagbibisikleta. Dalawampung kilometro pa ang aming lalakbayin.
Sa Mole National Park
Sa wakas ay nakarating kami sa parke. Ayon sa aming tour guide, si Zechariah, ang Mole Game Reserve ay itinatag noong 1971 at sinasaklaw nito ang lugar na may sukat na 4,840 kilometro kuwadrado. May 93 uri ng mamalya, 9 na uri ng ampibyan, at 33 uri ng reptilya na naitala sa parke. Kabilang dito ang mga leon, mga leopardo, batik-batik na mga hyena, mga musang, mga elepante, mga bongo, mga dwarf forest buffalo, mga baboy-ramo, mga waterbuck, mga duiker, mga genet, mga hartebeest, mga mongoose, mga baboon, iba’t ibang uri ng unggoy, mga roan antelope, mga porcupino, mga buwaya, at mga ahas, kabilang na ang mga sawa. Karagdagan pa, mahigit sa 300 uri ng mga ibon ang makikita rito.
Habang hinahampas namin ang mga gutóm na blackfly, binagtas namin ang damuhan na hanggang tuhod at di-nagtagal ay napalapit kami sa isang kawan ng mga antelope. Sa pasimula, mahirap silang makita, yamang kakulay nila ang kanilang kapaligiran. Habang pinanonood namin sila, tinititigan din nila kami, anupat mahirap malaman kung sino sa amin ang panoorin
at ang turista. Habang kumukuha kami ng mga larawan, nagulantang kami ng isang malakas na singasing sa aming kanan. Yamang nagpoprotesta sa aming panghihimasok sa pagsasarili nito, isang malaking barakong waterbuck ang tumakbo patungo sa palumpong sa unahan.Pagkatapos ay napansin namin ang apat na dambuhalang elepante sa ilalim ng isang malaking punungkahoy. Hinihigit ng mga ito pababa ang mga sanga sa pamamagitan ng kanilang mga nguso at nginunguya ang malalambot na dahon. Lumapit kami, at nang sampung metro na lamang kami, pinasigla kami ni Zechariah na kumuha ng mga larawan. Hinampas niya ang puluhan ng kaniyang riple, na nakagawa ng tunog ng metal na nagtaboy sa mga elepante mula sa ilalim ng puno at nagbigay sa amin ng pagkakataon na makakuha ng mas magaganda pang larawan. Sa di-kalayuan, nakakita ang mga elepante ng isang maputik na lugar at doo’y naligo ang mga ito. Ipinaliwanag ni Zechariah na ang kulay ng mga elepante ay nagbabago—mula sa kanilang likas na itim tungo sa pula o kulay-kape—depende sa kulay ng putik na kanilang pinagliliguan.
Naglakad-lakad pa kami at nakita namin ang buong tanawin ng parke. Kabilang sa mga pananim nito ang magagandang punungkahoy ng akasya at shea. Sa aming pagbabalik, tinahak namin ang daan na tinahak ng mga elepante. Mga ilang metro pa rin ang
layo nila, ngunit itinaas ng pinakamalaking elepante sa pangkat ang mga tainga nito, at umasta itong makikipaglaban, at nagsimulang magtungo sa amin. Aatake ba ito?Sinabihan kami ni Zechariah na huwag mag-alala, ngunit kasabay nito, kinuha niya ang riple mula sa kaniyang balikat at inakay niya kami palayo sa daanan na pinili ng mga elepante. Nagpatuloy kami sa paglalakad, ang guide lakip ang kaniyang riple—at kami lakip ang aming mga kamera—na nakahandang gamitin. Di-nagtagal at wala na kami sa tanaw ng mga elepante.
Ipinaliwanag sa amin ni Zechariah na ang mga elepante sa parke ay sanáy na sa mga tao at lumalapit pa nga ang ilan. Kapag madalas na nakikita ang mga elepante, sinisimulang bansagan ng mga guide ang mga ito. Tinawag nilang Knobby ang isa dahil sa may malaking knob (umbok) ito sa balat. Ang isa pang elepante ay tinawag nilang Action dahil tinatakot dati nito ang mga turista.
Sumunod, nakita namin ang ilang baboon. Pinanood namin silang naglalambitin sa mga puno o tumatakbo sa lupa. Itinawag-pansin ng aming guide ang isang inang baboon na dala-dala ang dalawang supling nito, ang isa sa likuran nito at ang isa naman sa dibdib nito. Kambal ang mga ito, sabi ng guide.
Tunay nga, marami kaming nakitang buhay-iláng sa araw na ito. Sinabi sa amin ni Zechariah na upang makita ang buhay-iláng sa panahon ng tag-araw—sa pagitan ng Abril at Hunyo—ang isa ay kailangan lamang maghintay sa mga hukay na may tubig sapagkat ang mga hayop sa malalaking pangkat ay pumupunta roon upang uminom. Sinasabi rin niya na sa pamamagitan ng pagmamaneho sa parke sakay ng isang sasakyang four-wheel-drive, mapagmamasdan ng isa ang maraming iba pang hayop, kalakip na ang mga buffalo at mga leon.
Oras na para mananghalian. Habang kumakain kami, isang malaking baboon ang pumuwesto sa likuran ng isang pickup na nakaparada sa tabi ng aming kotse at may katapangang tumitig sa aking tanghalian. Ang ibang baboon ay dumaraan, kasama ang ilang antelope at isang baboy-ramo, at sa wakas, apat na elepante ang lumitaw sa taluktok ng isang malapit na burol. Marahil ay nasumpungan namin ang madaling paraan upang makunan namin ng larawan ang mga hayop!
Sa Palengke
Napakaikli ng panahong ginugol namin sa Mole National Park, ngunit ngayon ay naglakbay kami nang dalawang oras sa sasakyan sa di-aspaltadong mga daan patungo sa Sawla, isang bayan sa kabukiran na tinitirhan ng Lobi, isang tribo ng mga magsasaka. Ang mga babae sa tribong ito ay may kakatwang kaugalian na palakihin ang
kanilang mga labi sa artipisyal na paraan. Bagaman ang tradisyong ito ay unti-unti nang nawawala sa ngayon dahil ang mga kabataang babae ay naiimpluwensiyahan ng makabagong sibilisasyon, ipinagmamalaki pa rin ng maraming babae ang sukat ng kanilang mga labi. Sa katunayan, itinuturing na isang insulto na sabihin sa isang babaing Lobi na siya ay may maliliit na labi na katulad sa lalaki.Dumating kami sa isang nayon at pumasok sa palengke. Ang mga kubol ay gawa sa mga sanga ng punungkahoy at may mga bubong na gawa sa dayami. May isang maputing lalaki na nakatayo sa gitna ng lahat ng mga itim na Aprikano sa palengke. Nilapitan namin siya at natuklasan na kamakailan lamang siya dumating dito upang isalin ang Bibliya sa wikang Lobi. Nakatira siya sa kabilang nayon kasama mismo ng tribo ng Lobi upang matutuhan niyang salitain nang matatas ang kanilang wika. Naalaala ko si Robert Moffat, na nagtatag ng isang misyon sa mga taong nagsasalita ng Tswana sa timugang Aprika noong ika-19 na siglo at nagsalin ng Bibliya sa kanilang wika.
Nakaupo sa isang bangko sa isa sa mga kubol sa palengke ang isang matandang babaing Lobi na may malalaking labi. Dalawang puting platong kahoy, na ang bawat isa’y kasinlaki ng kuko sa hinlalaki, ang ipinasok sa isang butas sa bawat labi niya. Gusto ko sana siyang kunan ng larawan, ngunit nang iaangat ko na ang aking kamera, tumalikod siya. Ipinaliwanag ng isa sa aking mga kasamahan na naniniwala ang matatandang Lobi na baka magkaroon ng masamang epekto sa kanilang kaluluwa ang pagkuha ng larawan nila.
Sa aming pagbabalik sa Sawla, kung saan kami magpapalipas ng gabi, naiisip ko ang karunungan at pagkakasari-sari na nakita namin sa nilalang ng Diyos. Dinisenyo niya nang may kadalubhasaan kapuwa ang mga hayop at mga tao. Katulad na katulad ito ng ibinulalas ng salmista: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.”—Awit 104:24.
[Mapa sa pahina 14, 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
GHANA
[Larawan sa pahina 14]
Baboy-ramo
[Larawan sa pahina 14]
Batik-batik na hyena
[Larawan sa pahina 15]
Elepante
[Larawan sa pahina 15]
Mga Hippo
[Larawan sa pahina 15]
Isang kawan ng mga antelope
[Larawan sa pahina 16]
Isang inang baboon na dala-dala ang dalawang supling nito
[Larawan sa pahina 17]
Hartebeest
[Larawan sa pahina 17]
Ang palengke