Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Magturo ng Kasaysayan ng Relihiyon?

Sa isang surbey na isinagawa kamakailan ng pahayagang Le Monde at ng magasing Notre Histoire, 57 porsiyento lamang ng mamamayang Pranses ang nagsabi na sang-ayon silang magkaroon ng isang kurso sa kasaysayan ng relihiyon sa mga paaralang pinatatakbo ng Estado. “Kapansin-pansin, ang bilang ng mga tumatanggi ay dumarami,” sabi ng Notre Histoire. “Ipinakikita nito ang alinman sa paghihinala hinggil sa pangungumberte o ang isang konsepto ng isang paaralan na doo’y lubusang hindi kasali ang kurso sa relihiyon.” Ang kabalintunaan ay na naniniwala ang lubhang nakararami na pasusulungin ng gayong mga kurso ang pagpaparaya ng mga mag-aaral. Ayon sa surbey, ang Islam, na may apat na milyong tagasunod, ang ikalawa na ngayong pangunahing relihiyon sa Pransiya kasunod ng Katolisismo, samantalang ang mga Protestante, mga Judio, mga Budista, mga Kristiyanong Ortodokso, at mga Saksi ni Jehova ay bahagi rin ng “nagkakaiba-ibang tanawin sa relihiyon” sa bansa.

Pagkakalat ng Impeksiyon

“Ang mga nakahahawang sakit ay maaaring mailipat mula sa isang tao tungo sa iba pa sa pamamagitan ng simpleng gawain na gaya ng pagbukas ng gripo o pagsagot ng telepono,” sabi ng The Guardian ng London. Iniulat ng mga siyentipiko sa University of Arizona, Tucson, E.U.A., na ang isang tao na may malubhang sipon na suminga at nagbukas ng gripo ay makapag-iiwan ng “mahigit sa 1,000 virus sa pihitan.” Marami sa mga ito ang maaaring makahawa sa susunod na taong hahawak sa gripo, lalo na kung pagkatapos ay hahawakan ng isang iyon ang kaniyang bibig, ilong, o mga mata. Ipinakita ng mga pagsubok na ginamitan ng isang baktirya at isang virus ng baktirya na “ang mga receiver ng telepono ay nakapaglipat ng 39% ng mga baktirya at 66% ng mga virus, samantalang ang mga gripo ay nakapaglipat ng 28% at 34%.” Ang paghipo sa ibabang labi sa pamamagitan ng daliri na nahawahan ay maglilipat ng mahigit sa sangkatlo ng mga baktirya o virus na ito. Ang mga sakit na dulot ng mga rotavirus at ang diarrhea na dulot ng salmonella ay madaling maipapasa sa ganitong paraan ng mga kamay na hindi nahugasan.

Lunas sa Salot ng Balang

“Isang napakalaking kawan ng 700,000 pato at manok na pantanging sinanay ang ginamit upang tumulong na labanan ang pinakamalaking salot ng balang sa Tsina sa nakalipas na 25 taon,” ulat ng The Daily Telegraph ng London. Noong tag-araw ng taóng 2000, sinira ng mga kuyog ng balang ang 1.6 na milyong ektarya ng pananim sa hilaga at silangan ng bansa at 3.9 na milyong ektarya ng damuhan sa malayong kanlurang Xinjiang. Ang mga pato at manok ay sinanay na habulin at kainin ang mga insekto sa hudyat ng isang pito. Si Zhao Xinchun, katulong na pinuno ng Locust and Rat Control Office sa Xinjiang, kung saan sinasanay at ginagamit ang mga pato at manok, ay nagpaliwanag: “Alam ng mga magsasaka na gustung-gusto ng mga manok ang mga balang, kaya gumawa kami ng ilang pagsubok [at] natuklasan namin na ang mga pato ay mas maraming nakakain kaysa sa mga manok [hanggang 400 balang bawat isa sa araw-araw], mas matibay kaysa sa mga manok sa masamang lagay ng panahon at hindi kinakain ng mga agila o komadreha (weasel). . . . Pinakakawalan namin ang mga ito sa damuhan, hinihipan ang mga pito, at kinakain nila ang mga balang.” Ang mga pato at manok ay bahagi ng isang programa na doo’y kalakip ang mga eroplano na nag-iisprey ng pamatay-insekto sa mga pananim at mga mikroorganismo na pumapatay ng mga balang.

Ang Pagtulog ay Hindi Isang Luho

“Di-kukulangin sa sangkapat ng mga taga-Timog Aprika ang kumikilos nang kalahati lamang ng kanilang kakayahan dahil sa kakulangan ng tulog o dahil sa mga sakit sa pagtulog,” sabi ng pahayagan sa Timog Aprika na The Natal Witness. Ayon kay Dr. James Maas, na isang mananaliksik hinggil sa pagtulog, pinangyayari ng pagtulog na mapalitan ng utak ang mahahalagang neurotransmitter, kaya ang sapat na tulog ay mahalaga para sa mahusay na memorya, pagkamalikhain, paglutas ng suliranin, at mga kakayahang matuto. Kasali sa mga epekto ng di-sapat na tulog ang panlulumo, pagiging madaling mayamot, pagiging balisa, paghina ng kakayahang magpatawa at makisalamuha sa iba, paghina ng kakayahang magtuon ng pansin at makaalaala, paghina ng kakayahang makipagtalastasan at magpasiya, higit na paghahantad ng sarili sa panganib, at pagbaba ng kakayahan sa paggawa at ng kalidad ng buhay. Pinahihina rin ng mga taong natutulog nang limang oras o kulang pa rito ang kanilang resistensiya laban sa mga virus. “Para magamit ang sukdulang kakayahan,” sabi ni Maas, “kailangan nating ipuhunan ang sangkatlo ng ating buhay sa pagtulog na may katamtamang haba na walong oras bawat gabi.”

Korales sa Pusod ng Dagat

“Sa malalim, madilim, at malamig na karagatan ng Hilagang Europa, natuklasan ang mga bahura ng korales​—mga bahura na may pagkarami-rami at pagkasari-saring buhay-dagat na katulad ng mga kahawig nito na nasa tropiko,” ulat ng National Post sa Canada. Tinutustusan ng mga korales ang daan-daang uri, kabilang na ang mga sponge, sea fan, at “saganang uri ng uod-dagat, na marami sa mga ito ay hindi pa nailarawan ng mga siyentipiko.” Maraming maliliit na hayop ang natagpuan sa mga sampol ng latak mula sa sahig ng dagat, “na halos kalahati sa mga ito ay bago sa siyensiya,” sabi ni Alex Rogers ng Southampton University Oceanography Centre sa United Kingdom. “Kailangan nating ipagsanggalang ang mga bahurang ito hindi lamang dahil sa korales mismo​—umiiral ito sa mga nagsosolong kolonya sa ibang lugar​—​kundi dahil sa tirahan ito ng ibang mga nilalang na nakatira roon.” Tinataya niya na mga 900 uri ang nakatira sa mga korales. Inaakala rin na ang mga korales ay tirahan ng “ilang uri ng isda na nasa murang gulang pa na mahalaga sa komersiyo,” sabi ng pahayagan.

Pagkakawatak-watak ng Pamilya sa Britanya

Ang Britanya ang may pinakamataas na bilang ng diborsiyo sa Europa at mas mataas pang bilang ng pagkakawatak-watak sa gitna ng mga magkasintahan na nagli-live-in. “Ang Gastos sa Pagkakawatak-watak ng Pamilya,” isang ulat sa isang pag-aaral na iniatas ng pamahalaan, ay nagbababala: “Ang pangunahing dahilan ng lumalalang kapakanan ng bata ay ang pagkakawatak-watak ng pamilya​—lalo na ang paghihiwalay ng tambalan ng ina at ama na nagpapalaki ng anak.” Ang mga tuwirang resulta nito ay ginagastusan ng Britanong nagbabayad ng buwis ng katamtamang £11 [$15] bawat linggo, ngunit kabilang sa di-tuwirang mga gastos ang karagdagang mga tahanan na kailangan para sa mga pamilyang naghiwalay at ang dulot nitong pinsala sa kapaligiran. Bagaman hindi nilayon upang magbigay ng moral na patnubay, ang ulat ay nagsasabi: “Naniniwala kami na ang pag-aasawa ay napatunayan sa loob ng mahabang panahon bilang ang tagapaglaan ng pinakatiyak na pundasyon para sa isang matatag na lipunan at sa pagpapalaki ng mga anak.”

Mga Delingkuwenteng Kabataang Elepante

Ang mga kabataang lalaking elepante ang may kagagawan sa 36 na naiulat na pagkamatay ng rhino mula noong 1991 sa Hluhluwe-Umfolozi Park sa Timog Aprika, sabi ng isang ulat sa African Wildlife na pinamagatang “Kung Pababayaan ang Nguso, Magiging Malayaw ang Anak.” Lumalabas na ang mga kabataang may di-normal na pagkaagresibo ay nakaligtas na mga ulila na inilipat ng lugar mula sa Kruger National Park kung saan may patakaran ng pagkatay sa elepante. Ang mga ito ay sumapit na sa panahon ng seksuwal na pananabik, na maraming taon ang kaagahan kaysa sa karaniwan. Naniniwala ang mga mananaliksik na ang kawalan ng isang normal na kayarian ng lipunan ng elepante ang dahilan ng di-angkop na paggawi ng mga ito. Kaya naman sampung matatandang barakong elepante ang dinala mula sa Kruger National Park upang dumisiplina sa palaaway na mga kabataan. Isa pang reserbasyon para sa mga hayop, kung saan isinagawa ang programang ito noong 1998, ay hindi na nag-uulat hanggang sa ngayon ng namamatay na rhino.

Nanganganib ang Hukbong Terra-cotta ng Tsina

“Ang isa sa pinakabantog na atraksiyong-panturista sa Tsina, ang 2,200-taóng-gulang na hukbong terra-cotta (yari sa luwad), ay napapaharap sa bagong kaaway,” ulat ng The Guardian sa London. Apatnapung uri ng fungus ang sumalakay sa mahigit na 1,400 sa lampas sa 8,000 estatuwa na sinlaki ng tunay na mga sundalo, mamamanà, at mga kabayo na nahukay malapit sa maharlikang libingan ni Emperador Qin Shihuang ng Tsina sa labas ng Xi’an, ang sinaunang kabisera ng bansa. Ang kahanga-hangang koleksiyong ito, na unang nadiskubre noong 1974 at nakalagay na ngayon sa isang silid-taguan sa ilalim ng lupa, ay nanganganib din dahil “ang hininga at init ng katawan ng halos 4,300 bisita araw-araw ay unti-unting sumisira sa nalalabi ng dating makikintab na kulay ng estatuwa,” sabi ng The Times ng London. Upang mahadlangan ang pagkalat ng amag sa lahat ng estatuwa, tinawag ng mga awtoridad ng lunsod ng Xi’an ang isang kompanya sa Belgium na dalubhasa sa pag-alis sa mga fungus.

Taglamig​—Kaibigan o Kaaway?

Ang malamig at maulang lagay ng panahon ay hindi naman laging nakasasamâ sa iyong kalusugan, ulat ng newsletter sa kalusugan na Apotheken Umschau sa Alemanya. Sa kabaligtaran, ang regular na paglalakad sa panahon ng taglamig ay makapagpapabuti sa iyong puso at sirkulasyon at makapagpapalakas sa buong katawan, ayon sa medical climatologist na si Dr. Angela Schuh. Malamang na dahil sa pananatili sa loob ng pinainit na mga silid ay maiwala ng katawan ang kakayahang tumugon nang angkop sa mga pagbabago ng temperatura. Ipinapalagay na ito ay makadaragdag sa pagiging madaling tablan ng mga impeksiyon, pagkapagod, at mga sakit ng ulo. Ngunit ang isang katawan na tumibay dahil sa regular na ehersisyo sa “masamang” lagay ng panahon ay malamang na magiging di-gaanong sensitibo sa lamig at lalong lalakas.