Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maililigtas ba Natin ang Punungkahoy na Candelabra?

Maililigtas ba Natin ang Punungkahoy na Candelabra?

Maililigtas ba Natin ang Punungkahoy na Candelabra?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL

MAY pagkakataon noon na ang timugang Brazil ay natatakpan ng mga punungkahoy na pino. Dahil sa kahawig ng isang uri ng mga ito ang isang sanga-sangang kandelero kung kaya tinawag itong “punungkahoy na candelabra.” Ito ay kilala rin bilang ang Paraná pine at ang Brazilian pine.

Ang mga kono na nakabitin sa punungkahoy na candelabra ay mas malalaki kaysa sa mga suha, na ang ilan ay tumitimbang ng limang kilo. Ang isang kono ay maaaring maglaman ng hanggang 150 buto, na tinatawag na mga pinhão sa Portuges. Kapag nahinog ang kono, pumuputok ito na may malakas na tunog, at ang mga buto ay nahuhulog.

Kinakain ng mga tao, ibon, at hayop ang mga buto, na may amoy at may lasang tulad ng kastanyas. May panahon noon na ang mga pinhão​—isang mainam na pinagmumulan ng protina at kalsiyum​—ang pangunahing pagkain ng ilang katutubong tribo sa timugang Brazil. Ang mga buto ay ginagamit pa rin ngayon. Halimbawa, sa estado ng Santa Catarina sa Brazil, matatagpuan ang mga ito sa mga lutuin ng rehiyon doon, gaya ng paçoca de pinhão (dinurog na mga pinhão).

Unti-unting nanganib ang punungkahoy na candelabra nang makita ng mga nakikipamayang taga-Europa noong ika-18 siglo ang potensiyal nito para gamiting kahoy. Di-nagtagal, ang mga punungkahoy na candelabra ay pinagpuputol upang magtayo ng mga bahay o basta na lamang hinawan upang magkaroon ng mga taniman ng mais at ubas. Sa paglipas ng panahon, mas marami pang puno ang pinutol kaysa sa mga itinanim. Ngayon, iilang kalát na kumpol na lamang ng kagubatan ang nalalabi. Bunga nito, ang presyo ng punungkahoy na candelabra ay labis na tumaas. “Ang pino ay hindi na lamang basta kahoy,” sabi ng isang lalaki na nagpoproseso ng kahoy ng candelabra sa loob ng 50 taon. “Ito ay ginto na.”

Sinasabi ng mga mananaliksik na kung hindi dahil sa azure jay, ang candelabra ay naglaho na. Kinakain ng walang kapagud-pagod na mga ibong ito ang mga buto ng punungkahoy na candelabra, anupat itinatago ang ilan sa lumot at mga pakô na nasa patay na punungkahoy. Marami sa mga butong ito ang tumutubo sa dakong huli. Kung gayon, sa diwa, ang azure jay ay isang abalang tagapagtanim ng mga punungkahoy na candelabra! Gayunman, nakalulungkot na ang bilang ng mga azure jay ay umuunti dahil sa pagkasira ng mga kagubatan ng pino.

Sinimulan na ngayon ng ilang kompanya sa pagtotroso na pangalagaan ang maliliit na bahagi ng kagubatan at muli ring magtanim ng candelabra sa mga bahagi ng timugang Brazil. Marahil ay nangangahulugan ito na ang punungkahoy na candelabra ay patuloy na darami.

[Mga larawan sa pahina 11]

Bawat kono ay naglalaman ng hanggang 150 mga “pinhão”

[Credit Line]

Punungkahoy at mga kono: Marcos Castelani