Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Kakaibang Gawang-Kamay sa Hapon

Isang Kakaibang Gawang-Kamay sa Hapon

Isang Kakaibang Gawang-Kamay sa Hapon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAPON

MAKAPAL na kagubatan ang tumatakip sa mga bundok ng Hakone malapit sa Bundok Fuji sa Hapon. Sa pagtahak sa isang paliku-likong daanan sa bundok na bihirang bagtasin, dumating kami sa isang kakatwa at maliit na nayon na pinanganlang Hatajuku. Sa mapayapang komunidad na ito nagmula ang yosegi.

Ang yosegi ay literal na nangangahulugang “kombinasyon ng mga piraso ng kahoy.” Makikilala ito sa heometrikong mga disenyo sa pinakaibabaw ng mga gawang-kamay na kahoy na mula sa mga simpleng pananda sa aklat hanggang sa mga kahon na may nahahatak na mga drower. May mga disenyo na may iba’t ibang hugis at kulay. Lalo naming napahalagahan ang mga bagay na yosegi nang aming malaman na ang mga dibuhong ito ay hindi pala ipininta kundi pinagkabit-kabit sa pamamagitan ng pagdirikit ng mga kahoy na may iba’t ibang kulay.

Paano nagsimula ang kakaibang gawang-kamay na ito? Noong dekada ng 1800, isang bihasang manggagawa na nagngangalang Nihei Ishikawa ang nakaisip ng konsepto ng pagdirikit ng kahoy na may iba’t ibang kulay. Pagkatapos, sa pamamagitan ng paghihiwa ng maninipis na mga pilyego ng kahoy mula sa orihinal na mga bloke, gumawa siya ng mga kahon at iba pang mga bagay na may mga disenyong mosayko.

Nang maglaon ay nagkaroon ng isang mas mahusay na pamamaraan sa paggawa ng yosegi. Kabilang dito ang pagkatam sa orihinal na mga bloke upang maging mga pilyego na kasingnipis ng papel at pagdirikit nito sa mas makakapal na piraso ng kahoy bilang pangkalupkop. Dahil dito ay naging posible na makagawa ng mga subenir na abot-kaya ang halaga para sa mga bumibisita sa kalapit na maiinit na bukal ng Hakone.

Maraming uri ng kahoy ang ginagamit sa paggawa ng yosegi. Halimbawa, ang puting kulay ay nagmula sa mga punungkahoy na spindle at dogwood, ang dilaw ay galing sa mga punungkahoy na lacquer at Japanese wax, ang kulay-kape’t gatas ay mula sa mga punungkahoy na cherry at zelkova, at ang itim naman ay mula sa punungkahoy na katsura.

Kung papasyal ka sa Hakone, maaaring masiyahan ka nang bumili ng maliliit na coaster o mga pananda sa aklat na yosegi, na hindi naman ganoon kamahal. Maging ang maliliit na alaalang ito ay muling magpapagunita sa pagbisita sa Hakone malapit sa tanyag na Bundok Fuji at sa pagsulyap sa isang kapansin-pansing kasanayan na sinimulan mahigit nang 150 taon ang nakalilipas.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 19]

ANG PAGGAWA NG YOSEGI

Pinapantay ng bihasang manggagawa ng yosegi ang mga kahoy na may iba’t ibang kulay sa hinahangad na kapal nito. Pagkatapos ay idinidikit niya ang mga pilyego nang magkakapatong. Isang makulay na dibuho ang lumilitaw sa gilid ng pinagdikit na mga pilyego. Pagkatapos, hinahati ng bihasang manggagawa ang pinagdikit na pilyego upang magkasya ang mga piraso ng pinagpatung-patong na kahoy sa isang pantanging molde. (1) Matapos pakinisin ang mga piraso sa pamamagitan ng isang katam, inaalis niya ang mga ito mula sa molde, pinagdirikit-dikit ang mga ito upang makabuo ng isang dibuho, at itinatali ang mga ito sa pamamagitan ng mga pising gawa sa bulak. Ito ang nagiging saligang yunit para sa yosegi.

Sumunod ay pinagdirikit-dikit muli ng bihasang manggagawa ang ilang mga yunit upang makagawa ng isang mas malaking yunit. (2) Nilalagari niya ito nang pira-piraso. (3) Pagkatapos ay inaayos niya ang mga ito sa isa pang mas malaking dibuho at pinagdirikit ang mga ito. Nagpapatuloy ang prosesong ito hanggang sa ang bihasang manggagawa ay makabuo na ng isang malaking plato na tinatawag na tanegi, o isang bagay na gawa sa kahoy.

Ngayon ay may saligan nang dibuho ang bihasang manggagawa para sa kalalabasang produkto. (4) Sa pamamagitan ng isang pantanging katam, hinihiwa niya ang tanegi upang maging mga pilyegong kasingnipis ng papel na tinatawag na zuku. (5) Pagkatapos plantsahin ang mga pilyegong ito, handa na ang bihasang manggagawa na palamutian ang kaniyang mga produktong gawa sa kahoy sa pamamagitan ng pangkalupkop na zuku.

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang mga dibuhong “yosegi” ay hindi ipininta kundi pinagkabit-kabit sa pamamagitan ng pagdirikit ng mga kahoy na may iba’t ibang kulay