Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Tudlaan ng Pagsalakay ng Sobyet

Isang Tudlaan ng Pagsalakay ng Sobyet

Isang Tudlaan ng Pagsalakay ng Sobyet

SA KABILA ng mga pagpaparaya sa Simbahang Ruso Ortodokso upang manalo sa Digmaang Pandaigdig II, pinanatili ng Unyong Sobyet ang panunupil sa mga gawain ng simbahan. Kaya naman, tulad ng sinabi ng The Sword and the Shield, isang aklat na isinulat noong 1999 hinggil sa kasaysayan ng KGB (ang Komiteng Panseguridad ng Estadong Sobyet), “ang KGB ay lalong higit na nabahala sa ‘subersibong’ mga gawain ng mga Kristiyanong iyon na hindi nito tuwirang kontrolado.” Aling mga relihiyosong grupo ito?

Ang pinakamalaki ay ang Simbahang Griego Katoliko ng Ukraine, na ngayon ay ang Simbahang Ukrainiano Katoliko. Mayroon itong mga 4,000,000 tagasunod. Ayon sa The Sword and the Shield, “lahat maliban lamang sa dalawa sa sampung obispo nito, kabilang na ang libu-libong pari at mananampalataya, ay namatay sa gulag [mga kampo ng pagtatrabaho] ng Siberia dahil sa kanilang pananampalataya.” Ang iba pang puntirya ng KGB ay ang hindi nakarehistrong mga simbahang Protestante, na hindi rin tuwirang kontrolado ng Estado. Noong huling mga taon ng dekada ng 1950, tinataya ng KGB na ang mga grupong Protestanteng ito ay may kabuuang bilang na mga 100,000 miyembro.

Itinuring ng KGB ang mga Saksi ni Jehova bilang isang grupong Protestante, na noong 1968 ay tinataya nila na may bilang na mga 20,000 sa Unyong Sobyet. Hanggang sa pasimula ng Digmaang Pandaigdig II noong 1939, maliit lamang ang bilang ng mga Saksi. Dahil dito, hindi sila gaanong binibigyang-pansin. Ngunit lubhang nagbago ang kalagayan nang biglang lumitaw ang libu-libong Saksi sa Unyong Sobyet. Paano ito nangyari?

Nagsimula ang Kapansin-pansing Pagdami

Sa kaniyang aklat na Religion in the Soviet Union, na inilathala noong 1961, binanggit ni Walter Kolarz ang dalawang salik na siyang dahilan ng kapansin-pansing pagdaming ito. Ang isa, sabi niya, ay na “ang mga teritoryong sinakop ng Unyong Sobyet noong 1939-40”​—ang Latvia, Lithuania, Estonia, at Moldavia​—ay kinaroroonan ng maraming “mga aktibong grupo ng mga Saksi ni Jehova.” Karagdagan pa, ang ilang bahagi ng silangang Poland at Czechoslovakia, na may mahigit sa isang libong Saksi, ay sinakop din ng Unyong Sobyet, anupat naging bahagi ng Ukraine. Dahil dito, ang lahat ng mga Saksing ito ay biglaang nailipat, wika nga, sa Unyong Sobyet.

Ang higit pang pagdami, “mahirap man itong paniwalaan,” isinulat ni Kolarz, ay “nagmula sa mga kampong piitan ng Alemanya.” Ibinilanggo ng mga Nazi ang libu-libong Saksi dahil sa pagtangging sumuporta kay Hitler at sa kaniyang agresibong pakikidigma. Ipinaliwanag ni Kolarz na ang mga bilanggong Ruso sa mga kampong ito “ay humanga sa lakas ng loob at katatagan ng ‘mga Saksi’ at malamang na sa dahilang iyon ay nasumpungan nilang kaakit-akit ang pinaniniwalaan ng mga ito.” Bilang resulta, maraming kabataang Ruso mula sa mga kampong ito ang nagbalik sa Unyong Sobyet taglay ang bagong-tuklas na pananampalataya sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga kamangha-manghang layunin para sa lupa.​—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.

Dahil sa gayong mga salik, mabilis na nagkaroon ng libu-libong Saksi sa Unyong Sobyet. Noong kaagahan ng 1946, may di-kukulangin sa 1,600 Saksi, at sa pagtatapos ng dekada, mahigit na sa 8,000 ang bilang nila. Ang paglagong ito ay napansin at ikinabalisa ng KGB, na siyang, gaya ng nabanggit kanina, lalo nang nababahala sa “mga gawain ng mga Kristiyanong iyon na hindi nito tuwirang kontrolado.”

Pinasimulan ang mga Pagsalakay

Sa kabila ng masasabing maliit na bilang ng mga Saksi sa Unyong Sobyet, di-nagtagal at ang kanilang masigasig na gawaing pangangaral ay naging puntirya ng pananalakay ng mga awtoridad ng Sobyet. Sa Estonia, nagsimula ang pagsalakay noong Agosto 1948 nang limang indibiduwal na nangunguna sa gawain ang inaresto at ibinilanggo. “Di-nagtagal at naging maliwanag na gusto ng KGB na arestuhin ang lahat,” sabi ni Lembit Toom na isang Saksi sa Estonia. Totoo ito saanman nasumpungan ang mga Saksi sa Unyong Sobyet.

Inilarawan ng mga Sobyet ang mga Saksi bilang ang pinakamasasamang kriminal at bilang isang malaking banta sa ateistikong Estadong Sobyet. Kaya kahit saan, sila ay pinaghahanap, inaaresto, at ibinibilanggo. Sinabi ng The Sword and the Shield: “Ang labis na pagkainis sa mga Jehovist ng mga nakatataas na opisyal ng KGB ay, malamang, ang pinakasukdulang halimbawa ng kanilang kawalang-kakayahang timbangin ang tunay na situwasyon kapag napaharap maging sa pinakamaliliit na anyo ng pagtutol.”

Ang labis na pagkainis na ito ay maliwanag na pinatunayan ng mahusay na paghahanda ng pagsalakay laban sa mga Saksi noong Abril 1951. Dalawang taon pa lamang ang nakalilipas, noong 1999, sinabi ni Propesor Sergei Ivanenko, isang iginagalang na Rusong iskolar, sa kaniyang aklat na The People Who Are Never Without Their Bibles, na noong maagang bahagi ng Abril 1951, “mahigit na 5,000 pamilya ng mga Saksi ni Jehova mula sa mga republika ng Sobyet na Ukraine, Byelorussia, Moldavia, at sa Baltic ang ipinadala sa ‘isang permanenteng pamayanan’ sa Siberia, sa Malayong Silangan, at sa Kazakhstan.”

Karapat-dapat Alalahanin

Maguguniguni mo ba ang pagsisikap na kinailangan sa pagsalakay na iyon​—sa loob ng isang araw ay tinipon ang libu-libong pamilya ng mga Saksi mula sa gayon kalaking lugar? Isip-isipin ang pag-oorganisa ng daan-daang tauhan, kung hindi man libu-libo​—una sa lahat ay upang tukuyin kung sino ang mga Saksi at pagkatapos, habang madilim pa, ay isagawa ang sabay-sabay at biglaang mga paglusob sa mga tahanan ng mga ito. Kasunod nito, nariyan ang trabaho ng paglululan ng mga tao sa mga kariton, mga karo, at iba pang sasakyan; pagdadala sa kanila sa mga istasyon ng tren; at paglilipat sa kanila sa mga bagon ng tren.

Isip-isipin din ang paghihirap ng mga biktima. Maguguniguni mo ba kung ano ang pakiramdam kung pipilitin kang maglakbay nang libu-libong kilometro​—sa loob ng tatlong linggo o higit pa​—sa mga siksikan at maruruming bagon na doo’y isa lamang timba ang nagsisilbing kasilyas? At sikaping gunigunihin na basta ka na lamang itinapon sa ilang ng Siberia, anupat nalalaman mong upang makaraos ay kailangang maghanap ka ng ikabubuhay sa isang malupit na kapaligiran.

Ang buwang ito ang ika-50 anibersaryo ng pagkatapon ng mga Saksi ni Jehova noong Abril 1951. Upang mailahad ang salaysay ng kanilang katapatan sa kabila ng mga dekada ng pag-uusig, ang mga karanasan ng mga nakaligtas ay inirekord sa videotape. Isinisiwalat ng mga ito na​—tulad din ng karanasan ng unang-siglong mga Kristiyano​—ang mga pagtatangka na hadlangan ang mga tao mula sa pagsamba sa Diyos ay tiyak na mabibigo sa dakong huli.

Ang Naisakatuparan ng Pagkatapon

Di-nagtagal at napagtanto ng mga Sobyet na ang pagpapahinto sa mga Saksi sa pagsamba kay Jehova ay higit na mas mahirap kaysa sa kanilang inakala. Sa kabila ng mga pagtutol ng mga humuli sa kanila, umawit ang mga Saksi ng mga papuri kay Jehova habang sapilitang ipinatatapon at nagsabit ng mga karatula sa kanilang mga bagon sa tren na nagsasabi: “Sakay ang mga Saksi ni Jehova.” Ipinaliwanag ng isang Saksi: “Sa mga istasyon ng tren na nadaraanan, nakasalubong namin ang iba pang tren na may sakay na mga ipinatapon, at nakita namin ang mga karatula na nakasabit sa mga bagon ng tren.” Anong laking pampatibay-loob ang inilaan nito!

Kaya sa halip na manghina ang loob, ipinaaninag niyaong mga ipinatapon ang espiritu ng mga apostol ni Jesus. Sinasabi ng Bibliya na pagkatapos na ang mga ito’y pagpapaluin at pag-utusan na tumigil sa pangangaral, “nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo.” (Gawa 5:40-42) Tunay nga, gaya ng sinabi ni Kolarz hinggil sa pagkatapon, “hindi ito ang katapusan ng ‘mga Saksi’ sa Russia, kundi ang simula lamang ng isang bagong kabanata sa kanilang mga gawain sa pangungumberte. Sinikap pa nga nilang palaganapin ang kanilang pananampalataya kapag humihinto sila sa mga istasyon habang patungo sa pagtatapunan sa kanila.”

Nang makarating ang mga Saksi sa kanilang iba’t ibang destinasyon at maibaba sila roon, sila’y nagtamo ng magandang reputasyon dahil sa pagiging mga masunurin at masisipag na manggagawa. Ngunit, kasabay nito, bilang pagtulad sa mga apostol ni Kristo, sa katunayan ay sinasabi rin nila sa kanilang mga maniniil: ‘Hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa aming Diyos.’ (Gawa 4:20) Marami ang nakinig sa itinuro ng mga Saksi at sumama sa kanila sa paglilingkod sa Diyos.

Ang ibinunga ay katulad ng ipinaliwanag ni Kolarz: “Sa pamamagitan ng pagpapatapon sa kanila, nagawa ng Pamahalaang Sobyet ang pinakamabuting bagay para sa pagpapalaganap ng kanilang pananampalataya. Mula sa kanilang pagiging nakabukod sa nayon [sa kanluraning mga republika ng Sobyet] ang ‘mga Saksi’ ay dinala sa isang mas malawak na daigdig, kahit na ito’y ang kahila-hilakbot na daigdig lamang ng mga kampong piitan at pang-aalipin.”

Mga Pagsisikap Upang Sawatain ang Paglago

Nang maglaon, gumamit ang mga Sobyet ng iba’t ibang pamamaraan upang pahintuin ang mga Saksi ni Jehova. Yamang ang malupit na pag-uusig ay hindi nagbunga ng hinahangad na mga resulta, isang mahusay ang pagkakaplanong programa ng propaganda ng kasinungalingan ang pinasimulan. Ang mga aklat, mga pelikula, at mga programa sa radyo​—gayundin ang palihim na pagpasok ng sinanay na mga agent ng KGB sa loob ng mga kongregasyon​—ay sinubukang lahat.

Dahil sa malawakang paninira, maraming tao ang nagkaroon ng maling pangmalas sa mga Saksi taglay ang takot at kawalan ng pagtitiwala, gaya ng pinatutunayan ng isang artikulo sa Reader’s Digest ng Agosto 1982, Edisyon sa Canada. Isinulat ito ni Vladimir Bukovsky, isang Ruso na pinahintulutang mandayuhan sa Inglatera noong 1976. Sumulat siya: “Isang gabi sa London, nakakita ako ng isang karatula sa isang gusali na kababasahan: MGA SAKSI NI JEHOVA . . . Hindi ko na maituloy ang pagbasa, nasindak ako, anupat halos mataranta ako.”

Ipinaliwanag ni Vladimir kung bakit labis-labis ang kaniyang takot: “Ito ang mga miyembro ng kulto na ginagamit ng mga awtoridad sa aming bansa bilang panakot sa mga bata . . . Sa U.S.S.R., matatagpuan mo lamang ang ‘mga Saksi’ nang harap-harapan sa mga bilangguan at mga kampong piitan. At narito ako sa harapan ng isang gusali, ng isang karatula. Talaga kayang may papasok doon upang makisalamuha sa kanila?” ang tanong niya. Bilang pagdiriin kung bakit siya nangangamba, ganito ang pagtatapos ni Vladimir: “Ang ‘mga Saksi’ ay tinutugis sa aming bansa sa paraang kasintindi ng pagtugis sa Mafia sa kanilang bansa, at magkatulad ang hiwaga na bumabalot sa kanila.”

Gayunman, sa kabila ng malupit na pag-uusig at propaganda ng kasinungalingan, nagbata ang mga Saksi at lumaki ang kanilang bilang. Ang mga aklat ng Sobyet kagaya ng The Truths About Jehovah’s Witnesses, na 100,000 kopya ang inilathala sa Russia noong 1978, ay nagpahiwatig na kailangan ang mas puspusang propaganda laban sa mga Saksi. Ang awtor, si V. V. Konik, na naglarawan kung paano isinasagawa ng mga Saksi ang kanilang pangangaral sa harap ng mahihigpit na pagbabawal, ay nagpayo: “Dapat matutuhan ng mga mananaliksik ng Sobyet hinggil sa relihiyon kung ano ang mas mabibisang pamamaraan upang madaig ang mga turo ng mga saksi ni Jehova.”

Bakit Tudlaan ng Pagsalakay?

Sa simpleng pananalita, ang mga Saksi ni Jehova ang pangunahing tudlaan ng pagsalakay ng Sobyet dahil tinularan nila ang unang mga tagasunod ni Jesus. Noong unang siglo, ang mga apostol ay inutusan na ‘huwag nang magturo salig sa pangalan [ni Jesus].’ Subalit nang maglaon ay nagreklamo ang mga nang-uusig sa kanila: “Narito! pinunô ninyo ng inyong turo ang Jerusalem.” Hindi ikinaila ng mga apostol na sila’y nangangaral sa kabila ng mga pag-uutos na huwag gawin ito, kundi sa halip ay sumagot sila nang may paggalang: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:27-29.

Dinidibdib din ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang utos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.” (Gawa 10:42) Sa kaniyang aklat na The Kremlin’s Human Dilemma, ipinaliwanag ni Maurice Hindus na ang “di-mapigilang sigasig sa pag-eebanghelyo” ng mga Saksi ang dahilan kung bakit sila “partikular na nakaliligalig sa Moscow at laging nakakabangga ng pulisya ng Sobyet.” Dagdag pa niya: “Hindi sila mapagbabawalan. Kapag pinigilan sila sa isang lugar, lilitaw naman sila sa ibang dako.”

“Sa pagkaalam ko,” isinulat ng Rusong istoryador na si Sergei Ivanenko, “ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ang tanging relihiyosong organisasyon sa USSR na lumaki ang bilang sa kabila ng pagbabawal at pag-uusig.” Siyempre pa, nagpatuloy pa rin ang ibang mga relihiyon, kasama na ang pinakaprominente sa lahat, ang Simbahang Ruso Ortodokso. Masusumpungan mo na kawili-wiling malaman kung paanong kapuwa ang simbahan at ang mga Saksi ay nakaligtas sa pagsalakay ng Sobyet.

[Kahon sa pahina 6]

“Dumanas ng Pinakamalupit na Pag-uusig”

Sinabi ng A Concise Encyclopaedia of Russia ng 1964 na ang mga Saksi ni Jehova ay “napakaaktibo sa pangungumberte” at “ang relihiyosong komunidad na dumanas ng pinakamalupit na pag-uusig sa Unyong Sobyet.”

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

ISA SA LIBU-LIBO​—Inilarawan ni Fyodor Kalin ang Pagkatapon sa Kaniyang Pamilya

Ang aming pamilya ay naninirahan sa nayon ng Vilshanitsa, sa kanlurang bahagi ng Ukraine. Noong madaling araw ng Abril 8, 1951, dumating ang mga opisyal na may kasamang mga aso, ginising kami, at sinabi sa amin na dahil sa isang batas mula sa pamahalaan sa Moscow, kami ay ipadadala sa Siberia. Ngunit kung pipirmahan namin ang isang dokumento na nagsasabing hindi na kami mga Saksi ni Jehova, maaari kaming manatili. Ang aming pamilya na pito katao, kasama ang aking mga magulang at mga kapatid, ay determinadong manatiling mga Saksi. Labinsiyam na taóng gulang ako noon.

Isang opisyal ang nagsabi: “Magdala kayo ng balatong, mais, arina, pickles, at repolyo​—kung hindi ay paano ninyo pakakanin ang mga bata?” Pinahintulutan din kami na katayin ang ilang manok at isang baboy at dalhin ang karne. Dalawang kariton na hinihila ng kabayo ang dinala, at ang lahat ay inilulan doon at dinala sa bayan ng Hriplin. Doon, mga 40 o 50 kami na ipinagsiksikan sa isang bagon, at isinara ang pinto.

Ang bagon ay may ilang tabla upang magsilbing tulugan namin​—hindi sapat para sa lahat​—at isang kalan na may kaunting uling at kahoy. Nagluto kami sa kalan, na ginagamit ang mga kalderong dinala namin. Ngunit walang kasilyas​—isang timba lamang ang aming ginamit. Nang maglaon, gumawa kami ng isang pabilog na butas sa sahig, inilagay ang timba roon, at nagsabit ng mga kumot sa palibot nito bilang pantakip.

Nanirahan kami sa masikip na bagon na iyon habang may-kabagalan kaming naglalakbay nang libu-libong kilometro patungo sa isang destinasyon na walang nakaaalam. Noong una, parang nalulungkot kami. Ngunit habang sama-sama kaming kumakanta ng mga awiting pang-Kaharian​—gayon na lamang kasigla ang pagkanta anupat nang maglaon ay halos hindi na kami makapagsalita​—nakadama kami ng kagalakan. Binubuksan ng kumandante ang mga pintuan at sinasabi sa amin na ihinto ang pagkanta, ngunit hindi kami humihinto hangga’t hindi pa kami natatapos. Nang huminto kami sa mga istasyon sa daan, marami ang nakaalam na ang mga Saksi ni Jehova ay ipinatatapon. Sa wakas, pagkalipas ng 17 o 18 araw sa bagon na iyon, ibinaba kami sa Siberia malapit sa Lake Baikal.

[Larawan]

Nakatayo ako sa hanay sa likod, sa kanan

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

ARMAGEDDON​—Isang Pelikulang Propaganda ng Sobyet

Ginawa ng mga Sobyet ang pelikulang Armageddon sa pagsisikap na siraan ang mga Saksi ni Jehova. Itinampok nito ang kathang-isip na kuwento ng pag-iibigan sa pagitan ng isang kabataang lalaki sa hukbong Sobyet at ng isang kabataang babae na naakit na umanib sa mga Saksi. Sa katapusan ng pelikula, ang batang kapatid na babae ng dalaga ay namatay sa isang aksidente na kasalanan ng isang tagapangasiwang Saksi, na pinalitaw na ginagamit ng mga Amerikano sa pag-eespiya.

Sa pagkokomento hinggil sa pelikula, na nakaantig sa damdamin ng mga manonood, ang pahayagan sa Ukraine na The Red Flag noong Mayo 14, 1963, ay nagsabi: “Sa gayong paraan, ang propagandang ateistiko ay mabisa, nakakakumbinsi, at maaari itong gamitin sa iba pang mga nayon ng bansa kung saan ipinalalabas ang nakakatulad na mga pelikula.”

[Larawan sa pahina 6]

Libu-libo ang dinala sa Siberia sakay ng mga bagon ng tren